Wednesday, January 11, 2006

Mga Selyo at Libro


"I dream that my face appears on a postage stamp." --John Cheever

Taliwas kay Cheever, hindi ako nangangarap na nalagay sa mga selyo. Wala pa yatang Filipinong manunulat--isasasama ba ang mga bayaning-manunulat na sina Rizal, Bonifacio, at Plaridel?--ang natatampok sa mga ito. Isa na ring nanganganib na praktika ang paggamit nito sa panahon ng cellphone, e-mail, at ng instant messaging. Bibihira na rin ang pangongolekta ng mga pirasong ito, na itinuturing kong isang likhang-sining. Inis na inis ako kapag nakatatanggap ng mga sulat na gumagamit ng metered machine. Pakiwari ko'y kinulang sa creativity ang taong iyon, o baka nagmamadali lang talaga sa paghulog ng sulat. Laging payo ko sa mga kaibigang sumusulat nang tradisyonal sa akin: gumamit ng stamp. "Bakit?" Nagtataka nilang tanong. Mas lalong nakakainis kapag nakatatanggap ako ng kahon ng padala, na punumpuno ng selyo, at minamarkahan ng pentel pen at ginuguhitan ng bolpen ng kartero. Pakiwari ko'y vandalism iyon ng mga painting. Marahil, takot sila na gamitin ulit ang mga piraso ng papel sa susunod na sulatan. Sana tinatakan na lang.

Libangan ko noong bata ako ang pangongolekta ng mga ito. Hindi ko nalilimutang isulat sa mga slumbook--Hobby: Philately. "Ano `yun?" Pagtataka lagi ng mga kaklase. Natatawa na lang ako sa sariling pretensiyon dahil ang "philately" ay hindi lang pangangalap ng selyo kundi sistematikong pag-aaral ng mga ito. Ang akin noo'y isang libangang-bata lamang. May mga taong naging uso ito sa aking mga kababata sa aming kalye. Paramihan kami sa koleksiyon at nagyayabangan sa mga naiibang selyo mula sa ibang bansa. Inggit ako sa kababata ko na may mga stamps mula sa Russia. Inggit ako sa kaklase ko na may mga stamps ng mga tauhan ng Disney. Mayroon din naman akong kakaibang selyo mula sa Belgium kaso ninakaw sa akin ng aking pinsan.

Sa una'y hindi pa ako marunong kunin ang nakadikit na selyo sa sobre. Nagtatangka akong pilasin ang pagkakadikit hanggang sa maging kasingnipis ng tissue paper ang selyo. Nanghihinayang ako kapag napupunit ang selyo sa aking mga pagtatangka. Mabuti na lang, natutunan ko ring gumamit ng tubig para mawala sa pagkakadikit ang mga selyo. Para akong naglalaba noon. Puno ang batya namin ng mga piraso ng makukulay na papel. Pagkaraan ng kusang pagkakahiwalay ng selyo sa sobre, patutuyuin ko ito sa latag ng manila paper. Pagkaraan, iiipit ko sa makapal na libro para maging unat na unat ang mga selyo na bumaluktot dahil sa tubig. Ingat na ingat akong hindi mapunit ang mga butil-butil na papel sa gilid. Sa ganitong libangan: bawal ang punit na selyo. Hindi ito karapat-dapat mailagay sa stamp album. nauso rin noon sa amin ang trading ng mga stamps. Nagkataong ang dami kong People Power at Ninoy Aquino stamps, kaso'y ayaw ito ng mga kababata ko dahil mayroon din sila nito. Nagpapahingi rin ako sa aking ina ng mga selyo sa kaniyang kaopisina. Halos linggo-linggo, nagkakaroon ako ng mga 50 bagong selyo mula sa iba't ibang bansa. Kapag dumarating ang mga sulat ng kamag-anak, hindi ako interesado sa nilalaman kundi sa selyo. Noon ko napansin na politikal ang selyo mula sa Libya (doon nagtatrabaho ang pinsan ng aking nanay bilang nars). Itinampok nila ang karahasan ng Estados Unidos sa pagbobomba't pagpapasabog ng kanilang bansa. Ipinakita sa mga selyo ang mga sugatang bata na isang guho. Gustong-gusto ko iyon, kaso'y ayaw ng aking mga kaibigan dahil sa mga larawan ng sugatan at mga patay na Libyan. Napansin ko ring boring ang mga stamps mula sa Saudi at Hong Kong--iisa ang disenyo at nag-iiba lang ng kulay. Pinakagusto ko sa aking koleksiyon ang first day cover ng 1986 Haley's Comet, ang ebolusyon ng bandilang Pilipino, ang mga selyo na trianggulo ang hugis. Naaalala ko rin ang mga selyo ng mga prutas mula sa Malaysia, ang mga sayaw sa Thailand, at ang mga iba't ibang bersiyon ng Olympics sa ibang bansa.

May anim akong stamp album. Pero marami pa akong selyong hindi mailagay sa album, kaya inilagay ko na lang ang mga iyon sa mga sobre. Inayos ko batay sa mga bansang pinagmulan. Mga selyo ang bumuhay sa akin sa mga patay na araw ng bakasyon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit napalapit ang interes ko sa social studies. Nakilala ko ang mga kultura sa daigdig sa pamamagitan ng mga imahen sa piraso ng papel. Kaso'y ipinagbawal sa akin ng aking magulang ang pagkahumaling dito. Sabi ng aking tatay, "papel lang, pinag-aaksayahan mo ng pera." May mga bagay raw na mas kapaki-pakinabang. Hindi na nila ako nabibigyan ng mga pasalubong na selyo mula sa opisina. Binawasan din ang aking baon dahil natuklasan nilang bumibili ako ng mga itinitindang selyo (mga first day covers, mga selyo hindi pa nagagamit, mga nakapaketeng selyo ng ibang bansa). Natigil na rin ang aking pakikipagsulatan sa mga penpal mula sa ibang bansa.

Sa ngayon, itinatago ko pa rin ang mga selyong karapat-dapat kong kolektahin. Hindi ko lang alam kung kailan manunumbalik ang pinaslang kong libanagn. Minsan, nang magawi sa Central Post Office, sa Lawton, Manila, namakyaw ako ng mga gustong selyo. Natuklasan kong may Philatelic Division pala doon. Hindi na ako mapipigil ng magulang ko sa aking libangan. May trabaho na ako, sariling pera, at hindi na hihingi sa kanila ng baon para lamang sa mga piraso ng papel. Pero pagkaraan ng maraming taong pagkakatigil sa pangongolekta, nakaramdam akong iba na ang sigasig ko sa mga selyo. Hindi na tulad ng dati ang pagkakasabik. Nakalulungkot. Hindi ko alam kung paano ibabalik ang dating pagkarahuyo. Bibihira na rin ang sumusulat sa akin. Di hamak daw na mas mainam ang e-mail. May cellphone naman para bumati sa mga kaarawan. Kawawa rin naman ang mga bata sa panahon ngayon at naipagkait sa kanila ang ganitong libangan. Nakakahanga rin ang ibang bansa na patuloy na ginagandahan ang disenyo ng kanilang mga selyo. Imahe ng kultura ang itinatampok ng mga piraso ng mga papel na ito. Hindi ako sigurado, pero may pakiramdam akong hindi pa umaangat ang kalidad ng mga disenyo nito sa bansa. Kung mayroon mang magaganda, limited edition ito o napakyaw na ng mga collectors. Ang dami-dami namang mahuhusay na artists at illustrator sa bansa. Sana kunin silang bagong taga-disenyo ng mga selyo. Puwede rin namang itampok ang mga tourists spot sa bansa. O ang mga klasikong sining-biswal at mga sining na katutubo.

O puwede rin ang ginawa ng US Postal Service. Nagulat ako nang masaliksik ko ito sa Google. May selyo na mula sa ilan sa mga paborito kong librong pambata--"Charlotte's Web" ni E.B. White, "Where the Wild Things Are" ni Maurice Sendak, at ang "Frederick" ni Lio Lionni. Sana, mangyari din ito balang-araw sa bansa. Pero mukhang matatagalan pa iyon. Kailangan pang mag-ukit ng mga aklat pambata sa kamalayan ng mga batang mambabasa. Kailangan pang gawing kultura sa mga bata ang pagbabasa ng aklat. Kailangan pang makalikha ng iconic na tauhan mula sa literaturang pambata. Kung maisasakatuparan iyon, sana mailahok ang isa sa mga tauhan ng aking aklat pambata.

Sana makarating sa akin kahit alinman sa mga selyo nina Wilbur. Kahit lahat na. Maghahanap muna ako ng mga penpal.

Saturday, January 07, 2006

Itong Tinatawag na Buryong: Pang-uusig sa Sarili

Trabaho ang pakay ng pagkikita namin ni C kahapon. “Tagal na nating di nagkita,” bati niya. Oo nga, sa isip-isip ko’t para kaming nag-abroad ang isa sa amin. Mabuti na rin, maraming mapag-uusapan. Trabaho, idagdag pa ang dinner, saka kuwentuhan sa trabaho, pamilya, pagtuturo, pagsusulat, proyekto. Minsanan lang kaming magkita. Kaya kapag nagkasama, aasahan na namin ang mga pasalubong na kuwento—mga nabasa’t napanuod, mga napuntahan, mga balak, mga gagawin sa susunod na buwan. “Ano ang project mo ngayong taon?” una niyang banat sa akin. Sa totoo lang, iyon din naman ang dapat kong itatanong sa kaniya. Kinatatakutan ko ang tanong na ito. Taon-taon na lang kasi’y iyon ang aming mga sagot. Sulat. Aral. Check ng papel. Gagawa ng lesson plan. Update ng syllabus. Papasok sa trabaho. Turo. Publish. Sulat. Basa. Mabuti nga’t nawala ang mga responsibilidad sa pagtuturo dahil sa study leave. Kaso’y tali ako sa unibersidad nang apat na taon. Nakakasawa na ang paulit-ulit na proyekto sa bawat pagpasok ng taon; hindi naman sana kami pagtampuhan ng mga trabaho namin at iyon ang bumubuhay sa amin. Naikuwento ko ang nangyaring (diumanong) gapangan sa promotion. Napag-usapan namin na kasimbagal ng pagong ang pag-asenso sa pagtuturo. Nakakadismaya na. Kaya nga siya’y nag-aral kung paano magpatugtog ng instrumentong musikal. Samantalang ako, di man lang makalikha ng tunog sa mga kuwerdas ng gitara.

“Tatapusin ko lang pag-aaral ko,” sabi ko sa kaniya, “maghahanap ako ng ibang eskuwelahan.” Ang tinutukoy ko’y ibang mapag-aaralan, ibang guro, ibang sistema sa pagkatuto. Naidagdag kong gusto kong sumubok ng kakaiba—gustong kong mag-aral ng Film, o Anthropology, o History, o Library Science. O kahit vocational course man lang tulad ni S na natutong mag-Microsoft Office at Powerpoint, o gumawa ng leche flan at crema de fruta. Susog ng mga kaibiga’y mag-Anthro. “Para sa bawat field work mo, may maisusulat ka,” dagdag nila. Mukhang interesante at pag-iisipan ko iyon. Mukhang hindi na ako makakatakas sa pagsusulat.

“Tama iyan,” sabi niya sa tonong mapagkandili guidance counselor. At nalahok sa usapin ang kaiklian ng buhay at ang paulit-ulit na proyekto’t ambisyon sa bawat pasok ng mga taon. Ano kaya ang magandang plano? Lagi’y nakasalalay ang ganitong pagpapasiya sa pagtatapos ng mga nasimulan. Hindi naman maaaring pumasok sa ibang larangan at bibitawan ang mga nasa kalagitnaan (o malapit na sa karurukan). Tila nagtapon ka lamang ng inigib ng tubig, matapos maglakbay nang malayo-layo.

Gusto kong matutong magmaneho. Sabi ng ilang kaibigang may kotse, mas maigi namam daw ang mag-commute na lang. Magastos ang pagkakaroon ng auto. At ang lapit-lapit lang daw ng tinitirahan ko sa aking trabaho, bakit pa? Gusto kong mag-aral magluto. Kahit iba’t ibang luto ng mga de-lata para naman magkaroon ng variety ang palagiang microwave ng corned beef o paglalahok ng itlog sa tuna flakes. Humanap kaya ako ng bagong relihiyon, at baka sakaling magkaroon ng dabong direksiyon ang buhay ko? Balikan ko kaya ang mga dating libangang nailibing ng kasalukuyang trabaho? Gusto ko sanang maghardin, pero saan naman ako hahanap ng lupang matatamnan? Gusto kong magpalahi ng iba’t ibang hybrid ng gumamela, at ipangalan ang mga ito sa mga matatalik na kaibigan. Gusto kong matutunang magparami ng mga orchids. Gusto ko ring mag-alaga at magpalahi ng mga kalapati. Isang ambisyon ko itong hindi nagawa noong kabataan ko. Gusto kong pumunta sa Europa, pero matatagalan ang pag-iipon. Asya pa lang ang makakayanan ng aking ipon, at nahalina ako sa tampok ng Living Asia sa Yogyakarta. Gusto ko ring makita at makaakyat sa Borobodur. Kailangang maghanap ng raket. O maghanap ng malaki-laking grant. Pero bababalik na naman ako sa patibong ng pagsusulat at ng akademiya. Nakakasawa na ring mamalimos sa anyo ng research at creative work scholarship. Naalala ko ang nangyayari sa mga ka-batch ko sa high school—imbes na graduate studies ang kinuha, nursing ang pangalawang kurso. Ngayo’y magtatapos na sila. Nagbo-board exam at maninirahan at magpapamilya na sa ibang bansa. Dala ng pagkaburyong sa buhay, sinubukan ko ang online test sa immigration sa Canada at New Zealand. Hindi ako pumasa. Ang pinag-aralan at karanasan ko sa trabaho’y hindi sapat para tanggapin sa kanilang bansa. Sapat na lang sigurong turista ako’t hindi magiging bagong bayaning magdadala ng dolyar sa bansa. Gusto ko ng bagong passion, bagong ambisyon. Ang dati kong kaibigan ay umaakyat na ng mga bundok, nagba-badminton, nagsasagwan sa Manila Bay. Siguro’y mga bundok ang bumura sa aming pagkakaibigan. Nagkaiba na kami ng gusto kaya wala nang kaming rason para magkita pang muli at magkape hanggang madaling-araw. Si HG, nakipagbalikan na sa kaniyang masalimuot na unang pag-ibig. Nasa edad na siya ng pag-aasawa, kaya na-reduce na ang pagkakaibigan namin sa texting. Kahit papaano, masaya ako para sa kaniya. Nakamit niya ang gusto niya. Pag-iisang-dibdib na lang ang kulang.

Binabansot ako ng ginagawa ko.

Mag-aral kaya ako ng bagong wika? Espanyol ang pinupuntirya ko sa Instituto Cervantes. Ayokong mag-aaral ng wikang kakaiba ng alpabeto. Tinatamad ako sa pagmememorya. Si A, nag-aaral ng Pranses at pupunta na ng Georgetown U para sa kaniyang masters. Hanggang paglalagalag na lang ba ako sa internet para mangarap ng ibang unibersidad? Aalamin ko muna kung gusto kong ipagpatuloy ang aking nasimulan hanggang kamatayan. Mahirap ang mangako at mamanata sa sarili nang hanggang kamatayan. Trenta na ako sa darating na Marso. Hindi pa naman huli ang lahat. Sinabi ko noon sa sarili, hindi ako magkakaroon ng complex sa pagtuntong ng edad na ito. Hindi naman ito eded medya ng aking buhay. May panahon pa. Pero hanggang Abril na lang ako magdedesisyon—kung lilihis ba ako, o bibitaw, o magpapatuloy. Wala namang masasayang. Lahat naman ng nagawa ko’y dagdag sa danas. Dadalhin ko iyon hanggang hukay.

Matapos ng mahaba-habang hunatahan, bumalik kami ni C sa aming iskedyul. Pansin ko ang bago niyang planner at journal—may mga talaan, may mga listahan ng meeting, may mga bagay na dapat lagyan ng tsek. Diyos ko, kaya nga ba’t ayoko nang makakita ng mga planner na iyan dahil binibilanggo nito, imbes na planuhin, ang buhay ng may buhay. Mabuti na lang, walang nagregalo sa akin ng planner. Ituturing ko iyong insulto. “Kita kayo next Friday,” sabi niya. “Mabilis na dinner lang, tapos work na tayo. Dapat nabasa na natin ang mga essay at na-workshop para maibigay na sa mga contributors.”

“Sige,” sabi ko, at nahimasmasan sa panahong walang ginagawa. Magtrabaho na, sigaw sa akin ng konsensiya. Kaya namang makahabol sa deadline. Kahit nga nakapikit. Sana lang, maganda ang aking babasahin. Kundi, iitsa ko ang mga papel sa bangin. Pero simula na naman ng siklo sa pagsasakatuparan ng mga proyekto sa sarili.

Tatapusin ko lang ang dapat tapusin. Hindi na ako makapaghintay sa buwan ng Abril.

Friday, January 06, 2006

Mga Balita mula sa Nausicaa.net


"Today (January 5) is Miyazaki's sixty-fifth birthday.Happy Birthday, Sensei! May you have many more years and many more films!"

Huli ako sa balita, pero hahabol ako: Maligayang kaarawan, Hayao! Makiki-Sensei na rin ako. Maghihintay pa kami sa mga susunod mong mga pelikula.

Heto, baka huli na naman ako sa balita:

"Studio Ghibli has officially announced that their next feature film will be Gedo Senki (Gedo War History), directed by Hayao Miyazaki's son, Goro Miyazaki. The film will be an adaptation of Ursula K Le Guin's "A Wizard of Earthsea," and will be released in the Japanese theatres in July 2006."

Panalo itong kombinasyong Ursula LeGuin at Studio Ghibli! Suwerte ng mga Hapones at may mapapanuod na nila ito sa Hulyo. Sana malagpasan (o lampasuhin) nila ang nakadidismayang bersiyong SciFi Channel ng Earthsea.