Sunday, July 31, 2005

MASAYA AKO (Grade 1 composition)

Napakaganda ng araw ko kanina. Malalim ang tulog ko. Maganda ang gising ko. Masarap ang kape at tsokolate ko habang nagyoyosi. Naabutan ko sa Channel 7 ang "Pinoy Pop Superstar", at nakita ko si Regine Velasquez. Kahit talo ang U.P. laban sa Ateneo sa UAAP, masaya pa rin ako. Naghugas ako ng mga pinggan, nang hindi naiinis sa domestic work. Hindi gaanong mainit, masaya ako. Hindi makulit ang mga pusa ko, masaya ako. Naayos ko ang files ko ng songs sa iTunes ko, masaya ako. Nag-ayos ako ang mga basura, kasi nga masaya ako.

Ang saya ko, grabe. Paumanhin na at ganito ako magsaya. (Teka, bakit ako hihingi ng paumanhin, masaya nga ako?)

Hinanap ko ang album ng The Brand New Heavies. Click sa kantang "You Are the Universe." Nilagay ko sa repeat mode. Wow, "If you conceive it, you can achieve it, that's why I believe in you..." Ang saya-saya. Matagal ko nang gustong patugtugin ito. Ngayon lang muli, hinihingi ng pagkakataon.

Tapos, pumunta nga ako sa Metro Walk. Hanap ako ng mga pelikula. Gusto ko pang sumaya.

Then, kumain kami sa Brazil, Brazil. Sarap ng Brazilian food. Buffet ako. Walang diet-diet. Masaya nga ako. Super. Sarap ng grilled pineapple (Hah!), grilled saba, grilled corn, grilled steak. Wow. Sarap ng puttanesca nila. Sarap ng chocolate cake nila. Sige. Ang ganda pa ng music nila. Authentic na BossaNova. Para akong nasa seashore ng Rio de Janiero. Heto ang buhay.

Bakit ba ako masaya?

Secret muna. May hinihintay pa ako. Pero malalaman n'yo rin.

"Sir, Scandal. Sir, Triple X. Sir, Adult Movies"



Alam kong illegal pero isa sa mga kinahuhumalingan ko ngayon ang paghahanap ng magagandang piniratang DVD. Dati, sa Virra Mall pa ako dumadayo para maghanap ng magagandang titulo. Nang naupo si Chairman Edu bilang kontra-pirata, natigil ako ng mga dalawang buwan. Minsan lang ako nakapunta sa Quiapo para sa DVD. Dahil malayo, minsanan lang akong makapamili sa Makati Cinema Square. Natuklasan ko ring maganda ang koleksiyon sa may Tandang Sora, kahit madaling-araw, puwede akong makahanap ng mapapanuod. Nitong huli, natuklasan ko ang Metro Walk sa may Ortigas. Sila ang mga namimirata dati sa Greenhills na pinadpad dito dulot ng mga banta ni Chairman Edu.

Sa tuwing namimirata ako ng DVD, lagi akong inaalok ng mga ito:
Pirata: Sir, Scandal. Maganda...Boracay, La Salle, Dumaguete.
Ako: (magtataka) Ha?
Pirata: Sir, clear copy. Sama kayo sa akin. Marami pa...
Ako: Ayoko ng Scandal
Pirata: Sige na, Sir. May motel, may U.P. scandal.
Ako: (sa sarili) Ayokong mag-eskandalo rito!

Pirata: Sir, triple X, gusto n'yo?
Ako: (habang naghahanap ng ibang kopya at titulo) Hindi ako nanunuod ng X
Pirata: May M2M kami, sir.
Ako: (sa sarili) Anak ng pinirata! Mukha ba akong naghahanap ng M2M?!!!
Pirata: Sige na, sir. DVD copy.

Kanina, sa Metro Walk, habang naghahanap ng mga bagong pinirata, naulit na naman ang dialogo ng mga namimirata. Heto ang eksena, naghahanap ako ng kopya ng "Chungking Express" o ng "Crash", o anumang bago na wala pa sa aking koleksiyon.

Ako: (habang hawak ang kopya ng "Crash") DVD copy na ba ito?
Pirata: Clear copy lang.
(Sandaling katahimikan.)
Pirata: Sir, adult movies, ayaw ninyo?
Ako: (nagitla)
Pirata: Adult, sir. Halika, tingnan mo ang collection ko.
Ako: (hindi makapaniwala, nagbubungkal pa rin)

Paglabas ko ng Metro Walk, imbes na Adult movies ang tangan, dalawang children's film ang aking napili. Isa'y mula sa libro ni Dianna Wynne-Jones na isinapelikula ni Hayao Miyazaki. Ang isa'y mula sa paborito kong manunulat, Kate DiCamillo, sa direksiyon naman ni Wayne Wang. Excited na akong makauwi; gusto ko na itong panoorin.

Hanggang sa paglabas ko, nauulinigan ko ang Pirata, binubulungan ang isang mama. "Sir, adult...Sir, scandal."

Saturday, July 30, 2005

NATIONAL CHILDREN'S BOOK DAY

Huli man daw at magaling, maihahabol din. Late ako sa selebrasyon ng NCDB ngayong taon (July 19, 2005). Late na akong nagising, at grabe ang traffic. Sayang, hindi ko naabutan ang launch ng 3 new childrens books ko ng Gintong Salakot (Vibal Publishing House) series--"Baha!" illustrated by Panch Alcaraz, "Hilong Talilong" illustrated by Mark Salvatus III, at "Apat na Mata," illustrated by Redge Abos.

Bukod sa pagpapasinaya ng mga bagong aklat para sa bata, pinarangalan din ang mga nagwagi sa PBBY Writer's and Illustrator's Prize. Pitong taon na ang nakalilipas nang nanalo ng Grand Prize ang kuwento kong "Federico" sa PBBY. Sa CCP rin ginanap ang awarding/ lauching ng first book ko, kaya deja vu kapag umaattend ako sa NCBD. Bakit tuwing ikatatlong Martes ng Hulyo ginaganap ang NCBD? Dahil bilang parangal sa pagtatangka ni Dr. Jose Rizal na ipakilala ang kuwentong-bayang "Ang Pagong at Matsing" sa daigdig. Nalathala ito sa "Trubner's Oriental Record" sa London sa mga panahon din iyon.

May espesyal na gunita sa akin ang NCBD. Sa araw na ito, taon-taon, may nalalathala akong bagong aklat pambata. Natutuwa rin ako at ang daming aklat na inilulunsad; marami na namang mababasa ang kabataang Filipino. Hindi na nila kami nasisisi na puro Harry Potter na lamang ang laman sa children's book section ng mga bookstore. Bukod pa rito, naaalala ko ang paglalathala ng aking kauna-unahang aklat. At ito'y isang aklat pambata.

Heto pala ang isang artikulo na nakuha ko mula sa Adarna House (ang publisher ng aking tatlong librong Federico, Misteryo!, at Anina ng mga Alon). Check out: www.adarnahouse.com

Adarna House and PBBY: In Retrospect Friday, July 1, 2005

The Philippine Board on Books for Young People (PBBY) who likewise endeavors to promote and develop children’s literature in the Philippines has been helping Adarna House produce quality books for the past two decades. The PBBY, established in 1983, is a private, non-stock, non-profit organization whose institutional members include The National Library, The Cultural Center of the Philippines, and Museo Pambata. The Children’s Communication Center, one of the PBBY’s founding members, actually gave birth to Adarna House due to its need for a publisher and distributor for its many publications for children. To date, Adarna House has
published over twelve stories whose authors and illustrators won the PBBY-Salanga Writer’s Prize and the PBBY-Alcala Illustrator’s Prize respectively. Each literary piece and graphic interpretation is a foray into unique narratives on topics not commonly delved into by publishers of popular fiction. Among the winning stories of the early 80’s, perhaps Ang Kamatis ni Peles (1984) would be the most memorable story published by Adarna House. Renato Gamos’ illustrations delightfully gave life to Alberta Angeles’ story about a grasshopper who, through hard work and a series of amusing ministrations, was able to grow such plump tomatoes. In 1993, Nikhus Katindoy, who illustrated Terengati, won the year’s PBBY Illustrator’s Prize. The use of mixed media in interpreting the story of a mortal who married a sky maiden started the
courageous foray of Adarna House illustrators into the use of alternative media in creating storybook illustrations. This was followed by Bruhahahaha…Bruhihihihi…,(1995) which was written by Corazon Remigio and illustrated by Roland Mechael Ilagan. Remigio tackled the story of an old lady whom everybody thought was a witch. It turns out that the old lady was merely a victim of several misconceptions. The same goes for Ang Itim na Kuting (1996) by Natasha Vizcarra and illustrated by Ferdinand Guevarra, where a stray cat finds it difficult to find a home because of its physical appearance.


One of the most daring attempts at using storybooks to teach sensitive issues is Federico, which won in 1997. Eugene Evasco weaved the story of a child experiencing Down Syndrome into a very stirring narrative while Paul Eric Roca managed to interpret the story in such a way that the physical appearance of the main character would not be a source of malevolent amusement.

Ang Tatlong Kahilingan ni Julian (1999) and Uuwi Na Ang Nanay Kong Si Darna (2002) tackled the issue of parents leaving their kids to work abroad. Mayroon Akong Alagang Puno (1998) used a magical tree to show the power of a child’s imagination. In 2000, Germaine Yia wrote the story of a boy who was so worried about having an impostor cousin. Nasaan Si Kuya Emil?, which was illustrated by Michael Adrao, humorously sheds light unto the changes brought about by puberty. Matagal Ang Sundo Ko? (2001) is a clear favorite as many kids have experienced anxiety because their parents or their yayas didn’t fetch them in school on time. Sandosenang Kuya (2003) by Russell Molina and illustrated by Hubert Fucio surprises you with the plot’s wonderful twist. This story which can only be fully appreciated in Filipino, tells about a group of boys who one would assume are members of the family but turns out to be residents of the same orphanage. To describe Papa’s House, Mama’s House (2004) by Jean Lee Patindol and
illustrated by Mark Salvatus III would not do justice to the exceptional skill demonstrated by both author and illustrator in handling the issue of marital separation. Of course, The Yellow Paperclip With Bright Purple Spots, by Nikki Dy-Liacco and May Ann Licudine, is yet to be published this year. It would be a delightful addition to PBBY’s roster of magnificent stories. Most of these stories use avant-garde narratives. Be that as it may, Adarna House and the
Philippine Board on Books for Young People continue to recognize those who are brave enough to set a trend that will help young Filipino minds obtain a broader perspective of things and in the process, be more interested in the alternative ending rather than the happily-ever-after.



HINDI BA TALAGA PINAG-IISIPAN ANG POPCORN MOVIE?


Matagal na rin akong hindi nakakapanood ng pelikulang bakbakan--isang porma ng pelikula na naglaho na sa pelikulang Filipino. Tandang-tanda ko noong aking kabataan, marami-raming pelikulang Filipino ang maituturing na aksiyon. Nariyan ang mga pinapasabog na kotse, mga kalahating oras na habulan sa highway, mga pagsasayang ng bala, mga pagsabog ng dinamita, at kung anu-anong uri ng armalite at kanyon. Sa gastos siguro sa produksiyon, sa panahon ng pamimirata ng pelikula, hindi na mapagkakakitaan sa bansa ang mga ganitong uri ng pelikula.

Lalo na sa pagdagsa ng mga pelikulang bakbakan sa Hollywood sa mga sinehan sa Maynila.

Pinaghalong love story-futuristic-action ang "The Island". Pinanuod ko ito sa Glorietta dahil sa kawalan ng mapapanuod. Nasa linggo ako ng walang mapanuod na maganda-gandang pelikula. Sayang, hindi ko man lang napanood ang mga pelikula sa CineMalaya; sana ipalabas muli ang mga ito o maging available sa VCD. Sa susunod na linggo pa ipalalabas ang "Charlie and the Chocolate Factory" ni Tim Burton. Hinihintay ko pang ipalabas ang "Cinderella Man" at "Red Eye".

Kung gagamitin kong sukatan ang pagkamangha sa mga bakbakan at mga bagay na sumasabog, ang mga habulan sa highway, ang helicopter na lumilipad, at mga makapigil-hiningang paglambitin sa itaas ng gusali, masasabi kong hindi ako binigo ng "The Island". Pista sa pandama ang mainam nitong tunog at ang antipisipasyon ko sa mga bida na matakasan ang mga tumutugis sa kanila. Mainam itong popcorn movie [pelikulang hindi gaanong pag-iisipan; makakaya kong dumukot ng popcorn habang nanunuod].

Hindi ba talaga pinag-iisipan ang popcorn movie? Siguro, kung tamad akong manunuod, sasandal lang ako sa upuan, magpapalamig, manginginain ng tsitserya, at papalakpak sa eksena. Pero nais kong maging aktibong manunuod. Nais kong makipagdialogo sa pinilakang-tabing. Tutal, ang pelikula naman ay isang paraan ng komunikasyon; isang paraan ng pagkukuwento.

Kahit pa lantarang komersiyal ang pelikula.

Pakiwari ko, likas na katangian ng pelikulang Hollywood ang lumikha ng pelikulang bebenta. Natural lamang, may mga sangkap ang pelikula na panghikayat--ang pagpili ng mga artistang gaganap, tunog, hitsura, at maging ng film cliche. May halaga ito (kahit isinusumpa ng marami) para makapaglahad ng mensahe sa nakararami.

Hindi perpekto ang pelikula. May malaking butas ito sa kuwento. Bakit ang bilis ng adaptasyon ng clones (Ewan at Scarlett) sa bagong daigdig? Bakit ang bilis maglaho ng kanilang pagkamangha sa labas? Bakit ang bilis nilang matutong ikubli na buhat sila sa kubling lipunan? Bakit ang bilis matutong magmaneho ni Ewan, gayong pigil at limitado ang kanilang kilos sa dating espasyo? Pero hindi pormalismo ang layon ng aking argumento.

Pangunahing tanong ng pelikula: "May karapatang pantao ba ang mga clones?"

Sina Ewan at Scarlett ay mga clones para sa kanilang sponsor (human nila). Sa kanilang katawan kukunin ang mga lamang-loob, sakaling magkaroon ng problemang medikal ang insurance policy holder. Puwedeng kunin sa kanila ang atay, kidney, baga, puso, at balat; depende sa pangangailangan. Naisip ko, matalim at engrande ang pinagmulan ng naratibo ng pelikula. Kapantay nito ang sitwasyon sa hinaharap ng mga (paboritong) aklat na nabasa ko, partikular na ang "The Giver" ni Lois Lowry, "City of Ember" ni Jeanne DuPrau at ang "House of the Scorpion" ni Nancy Farmer. Nasa moda ito ng pagkuwestiyon sa isang lipunang mala-utopia. Natural, ang kukuwestiyon sa mala-Eden na kinabukasan ay ang bida (si Ewan).

Ang mga clones sa dambuhalang gusali/lipunan ay may kolektibong gunita na sila'y nakaligtas sa dakilang kontaminasyon sa daigdig (may alusyong Biblikal pa ng baha sa panahon ni Noah). Sa lipunang iyon, walang alam sa dako paroon ang mga clones. Tanging ideya nila ng labas ang "the island". Mabibilang lamang sa kanila ang maaaring makapunta sa nalalabing paraiso sa daigdig. Naibibigay ito sa anyo ng loteriya. Inaasam-asam ng clone ang balang-araw, makapupunta sila sa isla.

Tulad ng arketipal na pusa, naging palamasid-palatanong-nagtataka-mapantuklas si Ewan. Lalo pa't nakatuklas siya ng isang insekto na nakapasok sa kanilang lipunan. Inuusig niya ang sarili: may buhay kaya sa dako pa roon? Lagi rin siyang binabalikbalikan ng bangungot (isang depekto ito sa "produkto" ng bioteknolohiya dahil tumutubo at nagsasanga ang gunita sa mga henerasyon ng clones). Naipipinta niya sa isip ang larawan ng isang bangkang "Renovatio" (rebirth sa wikang Latin). Dulot ng pananabik na masagot ang sariling pagtataka, umigpaw si Ewan sa mga teritoryo ng kaniyang espasyo. Sa pagtakas niyang iyon, natuklasan niya ang katotohanan:

Hindi totoo ang pangako ng paglalakabay sa paraiso. Walang isla. Gumuho ang ideya ng paraiso. (Paradise lost?) Umusbong ang ligalig sa paraiso.

Sa halip, silang mga clones ang pagkukunan ng bago at mainam na lamang-loob. Sa kanilang katawan aanihin ang mga pangangailangan ng totoong tao.

Sa pagkakatuklas na iyon, manunumbalik tayo sa istiryotipo ng bayaning lalaki na tagapagligtas ng babae (Scarlett) na sa umagang iyon ay patungo na sa Isla. (Malalaman sa kuwento na may sakit pala ang sponsor ni Scarlett; kailangan nito ng bagong kidney.) Magkatuwang sila sa pagtakas sa paraiso (utopia) hanggang sa makilala na may buhay pala sa dako pa roon (mundo natin).

May mga kaisipang naibibigay ang pelikulang ito, sabihin man agad ng ilan na aliwan ito. Halimbawa, pinupuwing nito ang isyu ng siyensiya sa kasalukuyan. Tinitimbang nito ang halaga ng cloning sa hinaharap; kung ito ba'y tunay na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan. Makatao ba ang teknolohiya?

Naisip ko rin ang isyu ng pagbebenta ng mga lamang-loob ng tao. Sa pelikula, nasa anyo ito ng insurance, kaya nitong dagdagan ng 60 taon ang buhay ng tao. Sa Pilipinas, sa kasalukuyan, lantaran ang pagbebenta ng lamang-loob ng tao. Para may maipantawid sa buhay, may nagbebebenta ng kanilang kidney sa murang paraan. May nagbebenta ng sariling dugo. May nagkakalakal ng katawan. May nagbebenta ng sariling sanggol. Pribelehiyo ng ilan ang magpadagdag ng suso, biloy, puwet, buhok, baba; magpatanggal ng lawlaw na balat at suson-susong taba. Ganito ang bisa ng teknolohiya sa Pilipinas.

May bisa ba ang futuristic fiction o science fiction sa lipunan natin? Sa Amerika, inilulunsad ang Discovery; sa Pilipinas, hinahanapan pa ng lohika ang kontrobersiyal na tren ng pamahalaang Arroyo mula Caloocan hanggang Malolos. Sa Amerika, tinutuklas ang gamot sa sakit sa ADHD atbp; sa Pilipinas, kulang sa gamot sa malaria, rabies, polio, leprosy, at tuberculosis.

Bakit ako namamangha sa pelikula ng malayong kinabukasan? Bakit ako naaaliw sa "The Island"? Marahil, umaasa ako na mararating ng bansa ang ganitong estado. Kahit kalahati man lamang ng progreso sa teknolohiya. Salat kami sa siyensiya, marami pa namang matatalino sa aming mga mag-aaral. Lamang, mas pinipili nilang kumuha ng kurso sa Nursing at Caregiving. Heto na ang panahon ng pagdakila sa mga katulong ng medisina.

Madalas, kapana-panabik sa Pilipino ang makipaghabulan at makipagbakbakan sa progreso sa dakong ito ng daigdig. Malayo pa ang inaasam na hinaharap.

Rating: Nilalaman (7/10) Pamamaraan (8/10)

Friday, July 29, 2005

SAAN AKO KUMUKUHA (AT KUKUHA) NG REKOMENDASYON?


Madalas kong tinatanong ang sarili kung bakit ang dami kong wish list ng mga libro. Bakit nga ba? Marahil, napapadalas akong magsaliksik sa Internet kaysa sa library. Ngayong naka-study leave ako, mas praktikal na manaliksik sa net. Maraming salamat sa google, kaya ginawa ko itong home page.

Habang tumatagal ang aking cyberpaglalagalag, mas humahaba ang listahan ng mga aklat na gusto kong basahin, gusto kong bilhin.

Pero saan ko nakukuha ang aking rekomendasyon ng mga aklat?

Pangunahing nagrerekomenda sa akin ang hatol ng mga piling librarian ng Amerika at ng United Kingdom. Taon-taon, hinihirang nila ang mga pinakamahuhusay na aklat pambata. Ito ang Newbery Medal, ang Michael Printz Award, at ang Carnegie Medal. Pagkaraan ng kanilang anunsiyo, agad akong nasasabik na mabasa ang kanilang ipinanalo. Minsan, sumasang-ayon ako. Minsan, hindi. Pero madalas, lalo na sa Newbery, pakiramdam ko'y masyadong de-kahon ang kanilang napipiling aklat (halimbawa'y may pagkiling sila sa mga problem novels--mga akdang tumatalakay ng mga patong-patong na problema na malayo sa karanasan ng ordinaryong bata). Ganunpaman, malaking pasasalamat ko at may mga napipili silang mga klasiko at magiging klasiko: "The Giver" ni Lois Lowry, "Tom's Midnight Garden" ni Philippa Pearce, "The Last Battle" ni CS Lewis, "Island of the Blue Dolphins" ni Scott O'Dell.

Aliw na aliw rin ako sa proyekto ng mga taga-Allen County Public Library. Gumawa sila ng ranking ng mga Newbery Winners. Dito ko ibinatay ang aking babasahin Newbery Books. Halos sumang-ayon ako sa kanilang rekomendasyon. Kapwa namin gusto ang "The Giver" at ang "Out of the Dust" ni Karen Hesse.

Kung di pa sapat sa akin ang rekomendasyon ng mga librarian, hinahanap ko ang listahan ng mga propesyonal na kritiko at tagapag-rebyu ng mga aklat pambata:


  1. ACHUKA--may blog sila ng mga maiinam na aklat, karamihan British kid's book
  2. Bulletin of Center for Children's Books--magbibigay sila ng Blue Ribbon
  3. Horn Book--may rekomendasyon sila ng mga babasahin at nagrerebyu rin; naggagawad ng Boston Globe-Horn Book
  4. Richie's Pick--kakaiba ang passion ng mamang ito
  5. Publisher's Weekly--nagbibigay sila ng taunang Cuffies (natatawa ako sa kanilang mga kategorya sa award tulad ng Best Book Title, Best Opening Line, etc.)
  6. National Book Award ng U.S. na may kategorya para sa Young People's Literature (katangi-tanging award na hindi ibinibigay ng mga librarian)
  7. Guardian--matatalino ang kanilang rebyu, lalo na kung isinulat ni Julia Eccleshare o ni Amanda Craig. Nagbibigay din sila ng taunang Guardian Children's Fiction Prize.
  8. Whitbread Award--pinakahihintay ko ring resulta ng mga aklat (para sa British Books lang)

Madalas din akong sumangguni sa booksellers at sa mga sumusubaybay sa mga bestsellers. Malakas ang kutob ko na baka may maganda sa talaan ng bestseller sa mga aklat pambata:

  1. Amazon.com--aliw ako sa kanilang Listmania!
  2. BN.com (Barnes and Nobel)--medyo konserbatibo sa paglalathala ng mga rebyu
  3. Booksense--mainam ang kanilang mga summer reading list, at iba pang listahan depende sa panahon o pagkakataon
  4. Junior Library Guild
  5. New York Times Bestseller--mapapansin mo ang panlasa ng mga mambabasa

Dagdag pa rito, nakakasagap ako ng rekomendasyon sa mga piling manunulat. May reading blog si Linda Sue Park (autor ng "A Single Shard", nagwagi ng Newbery). Noong binasa ko ang "Inkheart" ni Cornelia Funke (diwata ko ito sa pagsusulat), natuklasan ko ang mga kinikilala niyang aklat pambata (tip: nasa simula ng bawat kabanata ang mga pamagat). Paborito raw niya, sabi sa isang interbyu, ang "The Odyssey". Interesado tuloy akong basahin ito.

Masusi ring lumikha ng rekomendadong babasahin si Esme Raji Codell (autor sa Chicago na sumulat ng "Sahara Special"). May bookstore din siya sa Chicago.

Kamakailan din, natuklasan ko ang mga paboriting aklat ni Brent Hartinger (awtor ng mapagpalaya at mahusay na aklat na "Geography Club"). Sa kaniyang blog at website, inilista niya ang "Julie of the Wolves" (Newbery winner din ito) at ang "Momo" ni Michael Ende (ang sumulat ng klasikong "Neverending Story").

Sa mga natukoy kong pinaghahanguan ng rekomendasyon, kapansin-pansin na sa mga matatanda (o may edad) ako naghahanap ng rekomendasyon ng mainam na aklat pambata.

Wala bang puwang ang bata para magrekomenda sa akin? Tutal, sila naman ang tunay na audience/ target reader ng panitikang pambata. Nakapanlulumo na walang tinig ang mga bata sa pagtatakda kung ano ang mahusay at mainam na aklat para sa kanila.

Magulang ang pumipili ng kanilang babasahin.

Publisher ang pumipili ng aklat na kanilang ilalathala.

Pari at madre ang gumagabay sa moralidad ng mga sulatin at babasahin.

Guro ang nagtatakda ng mga aklat na babasahin.

Librarian ang pumipili ng angkop ng aklat para sa mga batang mag-aaral.

Kritiko ang pumipili ng aklat na madidikitan ng gintong medalya.

May edad na manunulat ang sumusulat ng panitikang pambata.

Bakit hindi ibigay sa bata ang pagkakataon na timbangin ang kanilang mga aklat?

Naisip ko ito nang masumpungan ko ang website ni Emma Watson [siya ang gumaganap na Hermione sa mga pelikulang Harry Potter]. http://www.emmawatson-fans.com/Emma/Facts.htm Sabi rito, paborito raw niya ang "Naughts and Crosses" ni Malorie Blackman. Biglang nagliwanag ang isip ko: matingnan nga ang mga rebyu sa Amazon. Magaganda naman ang paghatol sa librong ito. Kinilabutan ako sa premise ng aklat--nagbaligtad ang sitwasyon ng lahing Puti at lahing Itim. Magandang "what-if" na kuwento.

Higit pa sa pangako ng aklat, nalirip kong mahalagang antabayanan ang tinig ng bata. Tutal, para sa kanila ang panitikang pambata. Pagkakataong hayaang sila ang sumukat sa pagkaginto (o pagkatanso) ng mga aklat.

Hayaan silang mga bata ang gumabay sa mga matatandang mambabasang nahuhumaling sa panitikang pambata.


Siyanga pala, sa paghanga-pagkilala-pagkamangha kay Emma Watson (aka Hermione), binili ko ang "Naughts and Crosses" sa Powerbooks Live! (Greenbelt, Makati) sa halagang PhP 675.

Thursday, July 28, 2005

ITONG PAGTATAPON NG MGA KASANGKAPAN


Nitong mga nakaraang buwan, sunud-sunod ang pagkasira ng aming mga kasangkapan. (Igigiit ko: nasira, hindi sinira).

Hindi na umaandar ang aking bentilador. Kusa na itong tumigil sa pag-ikot, kahit lagyan pa ng langis ang motor. Kinalawang na ang kaloob-looban nito. (Naisip ko, sayang, regalo pa naman sa akin ito ng aking magulang noong ako'y tumapak na sa kolehiyo. Tandang-tanda ko ang kanilang paliwanag sa pagbili sa akin ng bentilador: para ganahan akong mag-aral.)

Gumagaralgal na rin ang bentilador ni Chris, na nagmula pa sa kanilang dating tirahan sa Marikina. Kapag binubuksan ko ito, dinig hanggang Philcoa ang tunog nito. Waring nabubulabog ang ibang nakatira sa gusaling aming tinutuluyan.

Bumigay na rin ang aming DVD player. Laking lungkot ni Chris dahil ang modelo ng DVD player, kumbaga sa libro ay first edition. Isa yata siya sa mga naunang bumili nito nang mauso ang aparatong ito. Nasira kaya ang DVD player dahil sa kakapanood namin ng piniratang DVD? Nasira kaya dahil sa alikabok?

Nalagutan na rin ng hininga ang rice cooker. Hilaw na kanin na ang iniluluwal nito.

Kumbaga sa paputok, supot na ang electric stove. Ayon kay Chris, na siyang orihinal na may-ari nito, kolehiyo pa lamang siya nang makuha niya ang kasangkapang ito.

Maging ang aming airconditioner, nag-iihi na. Magigising ka na lang isang umaga, bumabaha na sa loob ng kuwarto. Isang napakagandang umaga ang sasalubong sa iyo.

Talagang ganyan, sabi ko sa sarili. Lahat ng kasangkapan ay nasisira. Kaya nga magandang panuntunan sa buhay na habang gumagana ang kasangkapan, pakinabangan. Gamitin nang lubos. Huwag itatabi sa isang sulok. Iyan ang reklamo ko sa aking magulang. Marami silang kasangkapang nasisira na hindi man lamang ginagamit--oven, blender, betamax, family computer. Hinahayaan nilang alikabok lamang ang makinabang.

Tanggap ko namang lahat ng bagay ay nasisira. Maiaangkop ito sa mga batas ng buhay, relasyon, pagkakaibigan, atbp.

Pero palaisipan sa akin kung bakit mahirap magtapon ng sirang bagay. Pipilitin kong maayos dahil may taglay itong halagang sentimental. Kung hindi na maisasaayos, itatambak sa isang tabi. Mahirap magtapon ng mga kagamitang may kasaysayan. Inggit na inggit ako sa mga taong walang iniuugnay na emosyon sa mga kagamitan. Pero tiyak ako bibihirang tao ang may ganitong ugali. Paglaon, hihigpit ang kapit mo sa isang bagay. Halos magiging bahagi na ito ng iyong katawan.

Naisip ko, kaya siguro nauso ang mga basement at attic sa paggawa ng mga tahanan ay para may sisidlan ng sira at lumang kasangkapan. Ito ang kanilang bersiyon ng archives. Dito nila ilalagak ang mga piraso ng kanilang kasaysayan.

ANG PAGPUKSA SA MGA LANGGAM


Sinalakay ng mga langgam ang aming bahay (kaninong tahanan ba ang hindi?). Noong una, gusto kong palagpasin ang mga insektong ito kapag nakikita kong nag-uumpukan sila sa lababo, pinagpipistahan ang gilid ng kalan, o nasa mga naiwang tasa ng kape. Pero ngayo'y hindi ko na ito mapapalampas.

Sabi nila, suwerte daw ang mga langgam. Magdadala raw ito ng dagdag na biyaya. May kapos na tahanan bang sasalakayin ng langgam, kung simot na simot ang nasa hapagkainan? Mga tahanang may biyaya lamang daw ang binibisita nito; sa dahilang may mga nawawaldas ditong mga pagkain sila ang makikinabang (mumo ng kanin o kaya'y asukal).

Mortal na kaaway din daw ng langgam ang mga anay. Laking masalamat ko at mga nakapilang langgam ang lumabas sa eskaparate ng aking mga libro. Kung mga anay ito, tiyak, mangangayayat ang mga libro ko.

Mainam daw ang langgam dahil sila ang nag-iimis ng marusing na bahay. Sila ang mag-iimis ng natapong piraso ng tsokolate, sila ang susuyod ng natirang karne sa kawali, sila ang papasok sa kasuluk-sulukan at kasingit-kisingitan ng electric stove at rice cooker, sakali mang may nakabara doong pagkaing maaaring makasira sa aparato.

Mahusay na motibasyon din ang langgam sa sangkatauhan. Bigla kong naalala ang pabula ni Aesop ukol sa kapalaran ng tipaklong at ng langgam. Ito ang laging kuwentong naging bahagi na sa kamalayan ng bawat Pilipino. Dahil nga masipag itong langgam, nakaligtas siya sa hagupit ng tag-ulan. Laging ko itong naaalala kapag nakakikita ng mga langgam, karga-karga ang mga piraso ng bigas.

Pero sa mga sandaling ito, peste na ang mga langgam. Nginangatngat nito ang supot ng tsitserya, niloloob nito ang imbakan ng bigas, pinagpipistahan nito ang pagkain ng aking mga pusa, sinusugod nito pati ang mga pagkain sa loob ng aming refrigerator. Dumagdag pa sa aking inis nang matuklasan kong nilalapastangan nito ang mga cotton buds. Namumugad din ito sa aming bago at gamit na tuwalya. Ginawa pang permanenteng tirahan ang aming aparador.

Hindi ko rin mapigilan ang pagsusumpa sa mga langgam nang nanirahan ito sa i-book ni Chris. Nangitlog ang mga langgam sa loob nito. Maraming files na nawala dulot ng pagkasira ng naturang aparato. (Sabi ko kasi'y laging magtatago ng hardcopy. Sayang mga mga files, mahirap nang isulat muli.) Nainis kong maiyak nang matuklasan kong nginangatngat din ng mga langgam na ito ang aking sapatos.

Tuwing matapos maligo, kinakagat ako ng mga pesteng langgam--sa may singgit, sa kili-kili, sa likod. Lagi'y nakatago ito sa mga sulok ng isusuot kong damit. Kinatatakutan ko na tuloy na maligo at magsuot ng bagong damit. Kahit na bumili ako ng maraming naptalina (moth balls), hindi pa rin nadadala ang mga langgam.

Pakiramdam ko'y parami sila nang parami. Walang bisa ang insectiside (mapa-spray man o chalk.) Natatakot din akong gamitin ito dahil baka malason ang aming mga pusa.

Paano ba pumuksa ng mga langgam? Dapat bang ipagkait sa kanila ang kanilang mga pagkain? Tiyak naman akong ginagawa namin ito. Selyado ang mga lalagyan ng cat food at ng bigas. Ang mga noodles, instant coffee, at junk food ay nakaimbak na rin sa refrigerator. Wala na silang mapagkukunan ng pagkain.

Ang masama, nakahahanap ng makakain ang mga langgam. Pati ba naman ang pandikit sa aking sapatos ay kanilang pinagtiya-tiyagaan, maging ang mga dead skin cell sa tuwalya ay kanilang tinitipon, at ang pawisang kamiseta.

Hindi kaya may diabetes na ako? Matamis kaya ang aking pawis kaya hinahanap ng mga langgam. Huwag naman sana. (Experiment: Mag-iiwan ako ng aking ihi sa isang lalagyan. Kapag nilanggam ito, mataas ang aking blood sugar.)

Nananaginip na nga akong nilalamon ako at ang aking mga pusa ng langgam--kinukumutan nila ako.

Paano pumuksa ng langgam? Sa nobelang "House of the Spirits", isang matalinong matandang katutubo ang nakapagpalayas ng mga mababagsik na langgam. Kinausap lang niya ito at pinakiusapan na lumayo sa tahanan ng mga Buendia. Saan ko mahahanap ang maalamat na matandang nakikipag-usap at napapakiusapan ang mga langgam?

Kailangan ko'y higit pa sa elemento ng magic realism.

Paano pumuksa ng mga langgam? Mahirap na tanong ito, lalo pa't ang aking papatayin ay isang arketipal na masipag.

MGA EKSENANG "SANDALI MUNA"





Malapit na ang aking comprehensive examination. Sa wakas, nabasa ko na rin ang "soon-to-be-classic" na "Etsa-puwera" ni Jun Cruz Reyes, sa loob ng lamang ng dalawang araw (hindi pa tuloy-tuloy dahil sa halina ng cable; maraming salamat sa AXN, CNN, ETC).

Ayokong puwersahin ang sarili ko sa mga babasahing "pinupuwersa" sa akin ng mga examiner. In fairness, magaganda naman ang karamihang aklat sa listahan. Yaong iba'y talagang required, sa tingin ko, dahil sa historical context ng pagkakasulat--para makita ng mag-aaral kung ano ba talaga ang pinagmulan ng anyo, pag-unlad nito, at ang karaniwang mga paksain. Nasa pula ang mga nabasa ko na. Heto ang kinatatakutan kong talaan:

Mga pinababasa ni Ma'am Lilia (LQS):
One Hundred Years of Solitude ni Gabriel Garcia Marquez
Les Miserables ni Victor Hugo
Anna Karenina ni Leo Tolstoy
House of the Spirits ni Isabel Allende
The Old Man and the Sea ni Hemingway
The Outsider ni Albert Camus
The Sound of the Mountain ni Yasunari Kawabata
The Sound of the Fury ni William Faulkner
The Beginning and the End ni Naguib Mahfouz
The Family of Pascual Duarte ni Camilo Jose Cela
To The Lighthouse ni Virginia Woolf
The Witching Hour ni Anne Rice
Lady Oracle ni Margaret Atwood

Origins and Rise of the Filipino Novel ni Resil Mojares
Nobelang Tagalog 1905-1975 Tradisyon at Modernismo ni Soledad Reyes
Pinaglahuan ni Faustino Aguilar
Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado
Banaag at Sikat ni Lope K. Santos
The Filipino Rebel ni Maximo Kalaw
His Native Soil ni Juan Laya
Maganda Pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco
America is in the Heart ni Carlos Bulosan
The Winds of April ni NVM Gonzales
Silang Nagigising sa Madaling-Araw ni Constante Casabar
Without Seeing the Dawn ni Stevan Javellana
Poon & The Pretenders ni F. Sionil Jose
Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez
Mga Maikling Kuwentong Tagalog ni Teodoro Agoncillo
Ang Tundo Man May Langit Din ni Andres Cristobal Cruz
Kung Wala na ang Tag-araw & Ano Ngayon, Ricky ni R. de Guzman Lingat
State of War ni Ninotchka Rosca
The Woman Who had Two Navels ni Nick Joaquin
Hand of the Enemy ni Kerima Polotan Tuvera
Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes
Dugo sa Bukangliwayway ni Rogelio Sicat
Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay ni Rogelio Sicat
Ginto sa Kayumangging Lupa ni Dominador Mirasol
Mga Agos sa Disyerto ni Efren Abueg
Ang Sining ng Maikling Kuwento ni Deogracias Rosario
Maiikling Katha ni Genoveva Edroza Matute
Kuwentong Kutsero ni Epifanio Matute
May Buhay sa Looban at iba pang kuwento ni Pedro Dandan
Uhaw ang Tigang na Lupa at iba pang kuwento ni Liwayway Arceo
Ako'y Pilipina ni Anacleta Villacorta Agoncillo
Bata Bata Paano ka Ginawa ni Lualhati Bautista
Si Tatang at iba pang Himala ni Ricky Lee
Sandaang Damit atbp Kuwento ni Fanny Garcia
My Sad Republic ni Eric Gamalinda
An Embarassment of Riches ni Charlson Ong
Killing Time in a Warm Place ni Jose Dalisay
Etsa-Puwera ni Jun Cruz Reyes
Ang Aso, Ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum ni Jose Rey Munsayac
The Best of Lola Basyang ni Severino Reyes
The Best 50 Short Stories in English edited by Isagani Cruz
Sigwa ni Mila Laurel (editor)
Gera ni Ruth Firmeza
Tungki sa Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang (Cesar Casare)
Maikling Imbestigasyon ng isang Mahabang Pangungulila ni Edel Garcellano
Personal ni Rene Villanueva
Maikling Kuwentong Kapampangan at Pangasinan nina Vidal at Nelmida
Mantala: Bikol Writing
Selebrasyon at Lamentasyon ni Carmen delos Santos
Relasyon nina Roland Tolentino at Luna Sicat
Kamao nina Reuel Molina Aguila
Women's Bodies, Women's Lives ni Thelma Kintanar
Tibok: Heartbeat of the Filipino Lesbian ni Anna Leah Sarabia

Mga Pinababasa ni Ma'am Chari:
Buong Philippine Folklore series ni Damina Eugenio
Panitikan Series (Sebuwano, Pangasinan & Kapampangan, Bukidnon)
Lahat ng Palanca Winners (Children's story)
Maiden of Many Nations
Good Character and Bad Character
Humadapnon (epic)
Darangen (epic)
Ulahingan (epic)
Living To Tell The Tale ni Gabriel Garcia Marquez
Men Of Maize ni Miguel Asturias
Personal ni Rene Villanueva
Sarilaysay (Babaeng Manunulat) ni Rosario Torres-Yu
Sarilaysay (Lalaking Manunulat) nina Torres-Yu at Aguirre
Annotated Alice in Wonderland
Annotated Classic Fairy Tales ni Maria Tatar

Listahan ni Ma'am Rose:
Tapos ko nang Lahat! (Heto ang inuna ko dahil tungkol sa kritisismo at teoryang pampanitikan)

Kung tutuusin, dapat paspasan na ako sa pagbabasa. Tama na muna ang bookhunting sa mga Booksale. Tama na muna ang pagtunganga sa telebisyon.

Pero "tao lang ako." May lisensiya rin ako sa pagbubulakbol, wika nga nila. Buong buhay ko, dire-diretso ako sa pag-aaral. Kaya, sandali muna.

Bago manumbalik sa reading list, gagawin ko muna ang mga ito:


  1. Basahin ang Harry Potter and the Order of Phoenix
  2. Basahin ang Harry Potter and the Half-Blood Prince
  3. Panoorin ang DVD ng "Earthsea" (version ng SCI-FI Channel)
  4. Panoorin ang buong first season ng "Desperate Housewives"

Paano ko kaya pipigain ang oras ko? May dapat ba akong ilaglag sa mga gagawin ko?

Totoo nga ang kasabihin: Mahirap disiplinahin ang sarili.

Good Luck sa Akin!







BAKIT "NASA DULO NG DILA"?

Napakagandang idioma (talinghagang bukambibig, sabi nila) kaya ito rin ang napili kong pamagat ng koleksiyon ko ng mga sanaysay, na aking pinahihinog ngayon. Ibig sabihin, ititigil ko muna ang pagbabasa muli't muli ng mga manuskrito para magkaroon ako ng lakas para muli itong i-edit. Mahirap i-edit ang sariling panulat. Mahirap maghanap ng mga pagkakamaling typographical sa sariling manuskrito. Mabuti naman at hindi ako pinupuwersa ng NCCA para isubmit na ang manuskrito sa lalong madaling panahon. Ang mahalaga, naibigay ko na ang aking paunang manuskrito. Hinihintay ko na lang ang tseke. Paborable naman ang pagsusuri ng isang hurado sa aking mga naisulat. Bakas daw ang pananaliksik (ito ang kanilang pangunahing dahilan kung bakit nila ako binigyan ng grant). Nakakataba ng puso ang iba pang komentaryo ng hurado. Sa madaling sabi, hindi ko sila binigo sa aking grant proposal. Ilang buwan din akong nagbasa ng mga luma, limot, kalat-kalat, naninilaw, maalikabok, at marurupok na manuskrito mula sa UP Main Library. Kapalit ng grant ang oras ko sana sa pagbabasa para sa comprehensive exam sa PhD. Isinakripisyo ko rin ang mga plano sa paglalakbay, mga librong dapat sanay binasa ko, maging ang bakasyon ko sa Pasko at Bagong Taon.

Sa proseso ng paghahanda ng mga sanaysay, napansin kong karamihan sa mga sinusuri ko'y mga limot na manuskrito, mga librong bibihirang hiramin sa aklatan, mga kuwentong-bayang nasa antolohiyang hindi popular sa mga mambabasa, mga alamat na nasa microfilm, mga aklat na walang espasyo maging sa aklatang pang-unibertsidad, mga aklat na wala sa kanon.

Kaya ko naisip ang talinghagang "nasa dulo ng dila." Ang mga pinag-aralan ko'y minsang naging bahagi ng kamalayang bayan, hanggang hatulan sila ng panahon at dalhin sa pinakadulo ng gunita.

Madalas mangyari sa akin ito: may nais akong gunitain pero kapag pilit inaalala, hindi ko matukoy ang pangalan, o ang termino, o ang ideya. Ito ang kondisyong "nasa dulo ng dila." Mahirap malagay sa sitwasyong ito. Mahirap pigain ang utak sa mga bagay na minsan ko nang itinuring na "kakalimutan ko" o "hindi gaanong mahalaga" o "saka ko na lang aalalahanin." Sa pagdagdag ng aking edad, hindi ko na rin nalalangisan ang utak para magsa-turbo ito o tumaas ang memory. Saan kaya ako makakahanap ng piyesa para i-update ang aking utak?

Kaya siguro ako magsisimulang magsusulat at magtala sa online journal. Sabihin mang nakikiuso, nagsasayang ng oras, nag-eehersisyo sa pagsusulat, nagsasayang ng kuryente, nag-uubos ng load sa internet.

May mga bagay sa aking buhay na ayokong isalansan sa dulo.

WALANG PAPEL


Siguro'y nakikiuso, maaaring nagpatangay na rin sa panahon, kaya heto, sa unang pagkakatao'y magsisimula na akong magsulat nang walang papel.

Dikta na yata ng panahon ang buhay na wala o kakaunting papel. Nakakapanibago, lalo pa akong nabubuhay na napaliligiran ng mga papel--memo mula sa opisina, mga bill na kailangang bayaran (sana puwedeng takasan), mga katitikan ng pulong, mga draft ng mga isinulat, mga papel ng mga estudyante ko, mga thesis, reading list, libro sa bahay, photocopy ng mga libro (dahil mahirap makakuha ng orihinal na kopya).

Idagdag ko pa ang mga taong papel sa aking paligid: mga pumapapel, mga mapapel, mga di mabubuhay sa walang papel. Nawa'y habulin sila ng dila ng Apoy.

May mainam naman akong kuwaderno sa bahay. Bakit hindi na lang iyon ang gamitin ko? Sayang naman kung mabubulok lang kasama ng mga librong natapos ko na (o mga librong saka ko na lang tatapusin). Pasalubong pa sa akin ito, dalawang taon na ang nakalilipas, mula sa bayan ng Firenze sa Italia. Katad ang pabalat. Amoy ng totoong balat ng hayop (na nagpapaalala sa akin sa amoy ng mga unang linggo ng pasukan, noong elementarya). Nakakapanghinayang kasing gamitin. Pangako ko sa sarili, gagamitin ko lang iyon kapag isusulat ko na ang aking pinapangarap na nobela (bilang disertasyon sa PhD). Itatala ko sa kuwadernong ito ang mga ideya ko, mga plot points (nakuha ko ang ideya mula sa kaibigan sa kolehiyo), ang outline ng nobela, mga "vivid bits" (buhat ang ideyang ito kay Jackie French, isang Australyanong manunulat pambata) ng isusulat na borador.

Natatakot akong gamitin ang kuwadernong iyon. Hindi pa ako handang sumulat muli ng mahaba-haba. Kaya, nagpapakalunod ako sa papel, sa pagbabasa, sa mga reading list ng tatlo kong propesor-examiner.

Para magkaroon ng bago sa buhay: magsusulat ako nang walang papel. Tutal naman, may libre akong koneksiyon sa Internet mula 12 ng madaling-araw hanggang alas-otso ng umaga. Sana, makapagsulat ako rito kahit papaano. (Sabi'y ang manunulat, dapat nagsusulat araw-araw; sige, ituturing ko itong work-out habang nag-aambisyon sa aking nobela, habang nagpapakalunod sa imahinasyon ng ibang manunulat). Dito ko hahanapin ang aking antok, imbes na maglagalag sa masukal na lunan ng espasyong cyber (mga limang beses ko nang ni-reset ang aking laptop, di umubra ang AdAware). Dito ko isusumbong ang lahat, isisiwalat sana ang lahat, ibubulong ang naiisip, ilabas ang nararamdaman, itala ang dapat itala, ilatag ang mailalatag.

Tunay, wala na ako sa panahon ni Anne Frank. Nasa mundo na ako na marka ng panahon ng kakaunti o walang papel. Ito ang aking talaarawang walang papel.