Thursday, July 28, 2005

BAKIT "NASA DULO NG DILA"?

Napakagandang idioma (talinghagang bukambibig, sabi nila) kaya ito rin ang napili kong pamagat ng koleksiyon ko ng mga sanaysay, na aking pinahihinog ngayon. Ibig sabihin, ititigil ko muna ang pagbabasa muli't muli ng mga manuskrito para magkaroon ako ng lakas para muli itong i-edit. Mahirap i-edit ang sariling panulat. Mahirap maghanap ng mga pagkakamaling typographical sa sariling manuskrito. Mabuti naman at hindi ako pinupuwersa ng NCCA para isubmit na ang manuskrito sa lalong madaling panahon. Ang mahalaga, naibigay ko na ang aking paunang manuskrito. Hinihintay ko na lang ang tseke. Paborable naman ang pagsusuri ng isang hurado sa aking mga naisulat. Bakas daw ang pananaliksik (ito ang kanilang pangunahing dahilan kung bakit nila ako binigyan ng grant). Nakakataba ng puso ang iba pang komentaryo ng hurado. Sa madaling sabi, hindi ko sila binigo sa aking grant proposal. Ilang buwan din akong nagbasa ng mga luma, limot, kalat-kalat, naninilaw, maalikabok, at marurupok na manuskrito mula sa UP Main Library. Kapalit ng grant ang oras ko sana sa pagbabasa para sa comprehensive exam sa PhD. Isinakripisyo ko rin ang mga plano sa paglalakbay, mga librong dapat sanay binasa ko, maging ang bakasyon ko sa Pasko at Bagong Taon.

Sa proseso ng paghahanda ng mga sanaysay, napansin kong karamihan sa mga sinusuri ko'y mga limot na manuskrito, mga librong bibihirang hiramin sa aklatan, mga kuwentong-bayang nasa antolohiyang hindi popular sa mga mambabasa, mga alamat na nasa microfilm, mga aklat na walang espasyo maging sa aklatang pang-unibertsidad, mga aklat na wala sa kanon.

Kaya ko naisip ang talinghagang "nasa dulo ng dila." Ang mga pinag-aralan ko'y minsang naging bahagi ng kamalayang bayan, hanggang hatulan sila ng panahon at dalhin sa pinakadulo ng gunita.

Madalas mangyari sa akin ito: may nais akong gunitain pero kapag pilit inaalala, hindi ko matukoy ang pangalan, o ang termino, o ang ideya. Ito ang kondisyong "nasa dulo ng dila." Mahirap malagay sa sitwasyong ito. Mahirap pigain ang utak sa mga bagay na minsan ko nang itinuring na "kakalimutan ko" o "hindi gaanong mahalaga" o "saka ko na lang aalalahanin." Sa pagdagdag ng aking edad, hindi ko na rin nalalangisan ang utak para magsa-turbo ito o tumaas ang memory. Saan kaya ako makakahanap ng piyesa para i-update ang aking utak?

Kaya siguro ako magsisimulang magsusulat at magtala sa online journal. Sabihin mang nakikiuso, nagsasayang ng oras, nag-eehersisyo sa pagsusulat, nagsasayang ng kuryente, nag-uubos ng load sa internet.

May mga bagay sa aking buhay na ayokong isalansan sa dulo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home