Saturday, July 30, 2005

HINDI BA TALAGA PINAG-IISIPAN ANG POPCORN MOVIE?


Matagal na rin akong hindi nakakapanood ng pelikulang bakbakan--isang porma ng pelikula na naglaho na sa pelikulang Filipino. Tandang-tanda ko noong aking kabataan, marami-raming pelikulang Filipino ang maituturing na aksiyon. Nariyan ang mga pinapasabog na kotse, mga kalahating oras na habulan sa highway, mga pagsasayang ng bala, mga pagsabog ng dinamita, at kung anu-anong uri ng armalite at kanyon. Sa gastos siguro sa produksiyon, sa panahon ng pamimirata ng pelikula, hindi na mapagkakakitaan sa bansa ang mga ganitong uri ng pelikula.

Lalo na sa pagdagsa ng mga pelikulang bakbakan sa Hollywood sa mga sinehan sa Maynila.

Pinaghalong love story-futuristic-action ang "The Island". Pinanuod ko ito sa Glorietta dahil sa kawalan ng mapapanuod. Nasa linggo ako ng walang mapanuod na maganda-gandang pelikula. Sayang, hindi ko man lang napanood ang mga pelikula sa CineMalaya; sana ipalabas muli ang mga ito o maging available sa VCD. Sa susunod na linggo pa ipalalabas ang "Charlie and the Chocolate Factory" ni Tim Burton. Hinihintay ko pang ipalabas ang "Cinderella Man" at "Red Eye".

Kung gagamitin kong sukatan ang pagkamangha sa mga bakbakan at mga bagay na sumasabog, ang mga habulan sa highway, ang helicopter na lumilipad, at mga makapigil-hiningang paglambitin sa itaas ng gusali, masasabi kong hindi ako binigo ng "The Island". Pista sa pandama ang mainam nitong tunog at ang antipisipasyon ko sa mga bida na matakasan ang mga tumutugis sa kanila. Mainam itong popcorn movie [pelikulang hindi gaanong pag-iisipan; makakaya kong dumukot ng popcorn habang nanunuod].

Hindi ba talaga pinag-iisipan ang popcorn movie? Siguro, kung tamad akong manunuod, sasandal lang ako sa upuan, magpapalamig, manginginain ng tsitserya, at papalakpak sa eksena. Pero nais kong maging aktibong manunuod. Nais kong makipagdialogo sa pinilakang-tabing. Tutal, ang pelikula naman ay isang paraan ng komunikasyon; isang paraan ng pagkukuwento.

Kahit pa lantarang komersiyal ang pelikula.

Pakiwari ko, likas na katangian ng pelikulang Hollywood ang lumikha ng pelikulang bebenta. Natural lamang, may mga sangkap ang pelikula na panghikayat--ang pagpili ng mga artistang gaganap, tunog, hitsura, at maging ng film cliche. May halaga ito (kahit isinusumpa ng marami) para makapaglahad ng mensahe sa nakararami.

Hindi perpekto ang pelikula. May malaking butas ito sa kuwento. Bakit ang bilis ng adaptasyon ng clones (Ewan at Scarlett) sa bagong daigdig? Bakit ang bilis maglaho ng kanilang pagkamangha sa labas? Bakit ang bilis nilang matutong ikubli na buhat sila sa kubling lipunan? Bakit ang bilis matutong magmaneho ni Ewan, gayong pigil at limitado ang kanilang kilos sa dating espasyo? Pero hindi pormalismo ang layon ng aking argumento.

Pangunahing tanong ng pelikula: "May karapatang pantao ba ang mga clones?"

Sina Ewan at Scarlett ay mga clones para sa kanilang sponsor (human nila). Sa kanilang katawan kukunin ang mga lamang-loob, sakaling magkaroon ng problemang medikal ang insurance policy holder. Puwedeng kunin sa kanila ang atay, kidney, baga, puso, at balat; depende sa pangangailangan. Naisip ko, matalim at engrande ang pinagmulan ng naratibo ng pelikula. Kapantay nito ang sitwasyon sa hinaharap ng mga (paboritong) aklat na nabasa ko, partikular na ang "The Giver" ni Lois Lowry, "City of Ember" ni Jeanne DuPrau at ang "House of the Scorpion" ni Nancy Farmer. Nasa moda ito ng pagkuwestiyon sa isang lipunang mala-utopia. Natural, ang kukuwestiyon sa mala-Eden na kinabukasan ay ang bida (si Ewan).

Ang mga clones sa dambuhalang gusali/lipunan ay may kolektibong gunita na sila'y nakaligtas sa dakilang kontaminasyon sa daigdig (may alusyong Biblikal pa ng baha sa panahon ni Noah). Sa lipunang iyon, walang alam sa dako paroon ang mga clones. Tanging ideya nila ng labas ang "the island". Mabibilang lamang sa kanila ang maaaring makapunta sa nalalabing paraiso sa daigdig. Naibibigay ito sa anyo ng loteriya. Inaasam-asam ng clone ang balang-araw, makapupunta sila sa isla.

Tulad ng arketipal na pusa, naging palamasid-palatanong-nagtataka-mapantuklas si Ewan. Lalo pa't nakatuklas siya ng isang insekto na nakapasok sa kanilang lipunan. Inuusig niya ang sarili: may buhay kaya sa dako pa roon? Lagi rin siyang binabalikbalikan ng bangungot (isang depekto ito sa "produkto" ng bioteknolohiya dahil tumutubo at nagsasanga ang gunita sa mga henerasyon ng clones). Naipipinta niya sa isip ang larawan ng isang bangkang "Renovatio" (rebirth sa wikang Latin). Dulot ng pananabik na masagot ang sariling pagtataka, umigpaw si Ewan sa mga teritoryo ng kaniyang espasyo. Sa pagtakas niyang iyon, natuklasan niya ang katotohanan:

Hindi totoo ang pangako ng paglalakabay sa paraiso. Walang isla. Gumuho ang ideya ng paraiso. (Paradise lost?) Umusbong ang ligalig sa paraiso.

Sa halip, silang mga clones ang pagkukunan ng bago at mainam na lamang-loob. Sa kanilang katawan aanihin ang mga pangangailangan ng totoong tao.

Sa pagkakatuklas na iyon, manunumbalik tayo sa istiryotipo ng bayaning lalaki na tagapagligtas ng babae (Scarlett) na sa umagang iyon ay patungo na sa Isla. (Malalaman sa kuwento na may sakit pala ang sponsor ni Scarlett; kailangan nito ng bagong kidney.) Magkatuwang sila sa pagtakas sa paraiso (utopia) hanggang sa makilala na may buhay pala sa dako pa roon (mundo natin).

May mga kaisipang naibibigay ang pelikulang ito, sabihin man agad ng ilan na aliwan ito. Halimbawa, pinupuwing nito ang isyu ng siyensiya sa kasalukuyan. Tinitimbang nito ang halaga ng cloning sa hinaharap; kung ito ba'y tunay na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan. Makatao ba ang teknolohiya?

Naisip ko rin ang isyu ng pagbebenta ng mga lamang-loob ng tao. Sa pelikula, nasa anyo ito ng insurance, kaya nitong dagdagan ng 60 taon ang buhay ng tao. Sa Pilipinas, sa kasalukuyan, lantaran ang pagbebenta ng lamang-loob ng tao. Para may maipantawid sa buhay, may nagbebebenta ng kanilang kidney sa murang paraan. May nagbebenta ng sariling dugo. May nagkakalakal ng katawan. May nagbebenta ng sariling sanggol. Pribelehiyo ng ilan ang magpadagdag ng suso, biloy, puwet, buhok, baba; magpatanggal ng lawlaw na balat at suson-susong taba. Ganito ang bisa ng teknolohiya sa Pilipinas.

May bisa ba ang futuristic fiction o science fiction sa lipunan natin? Sa Amerika, inilulunsad ang Discovery; sa Pilipinas, hinahanapan pa ng lohika ang kontrobersiyal na tren ng pamahalaang Arroyo mula Caloocan hanggang Malolos. Sa Amerika, tinutuklas ang gamot sa sakit sa ADHD atbp; sa Pilipinas, kulang sa gamot sa malaria, rabies, polio, leprosy, at tuberculosis.

Bakit ako namamangha sa pelikula ng malayong kinabukasan? Bakit ako naaaliw sa "The Island"? Marahil, umaasa ako na mararating ng bansa ang ganitong estado. Kahit kalahati man lamang ng progreso sa teknolohiya. Salat kami sa siyensiya, marami pa namang matatalino sa aming mga mag-aaral. Lamang, mas pinipili nilang kumuha ng kurso sa Nursing at Caregiving. Heto na ang panahon ng pagdakila sa mga katulong ng medisina.

Madalas, kapana-panabik sa Pilipino ang makipaghabulan at makipagbakbakan sa progreso sa dakong ito ng daigdig. Malayo pa ang inaasam na hinaharap.

Rating: Nilalaman (7/10) Pamamaraan (8/10)

4 Comments:

Blogger firithromenwen said...

uy nood tayo ng Charlie and the Chocolate Factory

2:52 PM  
Blogger Ian said...

Sa palagay ko. hindi lang makuha ng ibang mga Filipino ang temang Science Fiction. Sa kanila pareho pareho lang itong aksyon kung maraming eksenang nagpapakita ng bakbakan, barilan, at suntukan.

Kelan ka huling nakapanood ng isang science-fiction na pelikulang filipino?

12:04 AM  
Blogger ulanmaya said...

may karapatang pantao ba ang clones?

sakaling matuloy nga yung technology para dito, dapat lang. yung composition ng katawan nila parehong-pareho natin. tao rin sila, kahit iba yung method of their coming into this world.

i think "the island" was an advocate against stem cell research and contraception. you don't bring someone to life unless you're willing to face the consequences, responsibilites. it supports the argument na life begins at conception, na yung maliit na maliit na embryo na yan tao na. the film glared "PRO-LIFE" to me, ahaha.

it also reminded me of politics - yung building administrators kept the truth from the clones, so they were able to control them any way they wanted.

it also reminded me of race issues, especially sa huli. so there's now this small population of clones of rich people, ahaha. they think they're fully human. what kinds of distinctions would they celebrate? what dark sides of humanity would they then bring out?

9:38 AM  
Blogger ulanmaya said...

oh ya, i really liked yung contrast sa island scene ng ultramodern buildings sa desert. ya, the action was pretty intense. gusto ko yung hitman-leader na naging world's best assassin kasi yan yung skill na natutuhan niya galing sa background niya, made me wonder whether all of us turn out the way we are because of what we learned when we were young.

9:51 AM  

Post a Comment

<< Home