Thursday, July 28, 2005

ITONG PAGTATAPON NG MGA KASANGKAPAN


Nitong mga nakaraang buwan, sunud-sunod ang pagkasira ng aming mga kasangkapan. (Igigiit ko: nasira, hindi sinira).

Hindi na umaandar ang aking bentilador. Kusa na itong tumigil sa pag-ikot, kahit lagyan pa ng langis ang motor. Kinalawang na ang kaloob-looban nito. (Naisip ko, sayang, regalo pa naman sa akin ito ng aking magulang noong ako'y tumapak na sa kolehiyo. Tandang-tanda ko ang kanilang paliwanag sa pagbili sa akin ng bentilador: para ganahan akong mag-aral.)

Gumagaralgal na rin ang bentilador ni Chris, na nagmula pa sa kanilang dating tirahan sa Marikina. Kapag binubuksan ko ito, dinig hanggang Philcoa ang tunog nito. Waring nabubulabog ang ibang nakatira sa gusaling aming tinutuluyan.

Bumigay na rin ang aming DVD player. Laking lungkot ni Chris dahil ang modelo ng DVD player, kumbaga sa libro ay first edition. Isa yata siya sa mga naunang bumili nito nang mauso ang aparatong ito. Nasira kaya ang DVD player dahil sa kakapanood namin ng piniratang DVD? Nasira kaya dahil sa alikabok?

Nalagutan na rin ng hininga ang rice cooker. Hilaw na kanin na ang iniluluwal nito.

Kumbaga sa paputok, supot na ang electric stove. Ayon kay Chris, na siyang orihinal na may-ari nito, kolehiyo pa lamang siya nang makuha niya ang kasangkapang ito.

Maging ang aming airconditioner, nag-iihi na. Magigising ka na lang isang umaga, bumabaha na sa loob ng kuwarto. Isang napakagandang umaga ang sasalubong sa iyo.

Talagang ganyan, sabi ko sa sarili. Lahat ng kasangkapan ay nasisira. Kaya nga magandang panuntunan sa buhay na habang gumagana ang kasangkapan, pakinabangan. Gamitin nang lubos. Huwag itatabi sa isang sulok. Iyan ang reklamo ko sa aking magulang. Marami silang kasangkapang nasisira na hindi man lamang ginagamit--oven, blender, betamax, family computer. Hinahayaan nilang alikabok lamang ang makinabang.

Tanggap ko namang lahat ng bagay ay nasisira. Maiaangkop ito sa mga batas ng buhay, relasyon, pagkakaibigan, atbp.

Pero palaisipan sa akin kung bakit mahirap magtapon ng sirang bagay. Pipilitin kong maayos dahil may taglay itong halagang sentimental. Kung hindi na maisasaayos, itatambak sa isang tabi. Mahirap magtapon ng mga kagamitang may kasaysayan. Inggit na inggit ako sa mga taong walang iniuugnay na emosyon sa mga kagamitan. Pero tiyak ako bibihirang tao ang may ganitong ugali. Paglaon, hihigpit ang kapit mo sa isang bagay. Halos magiging bahagi na ito ng iyong katawan.

Naisip ko, kaya siguro nauso ang mga basement at attic sa paggawa ng mga tahanan ay para may sisidlan ng sira at lumang kasangkapan. Ito ang kanilang bersiyon ng archives. Dito nila ilalagak ang mga piraso ng kanilang kasaysayan.

4 Comments:

Blogger mrdl said...

sir, lumalabas po ang pagiging prolific writer mo. hehe! multiple entries in a day, tapos mahahaba pa. kanina mga langgam ang nakita mo, tapos sirang kasangkapan. im sure marami ka pa makikita dyan. baka maisipan nyo lumipat ng bahay..

2:00 AM  
Blogger firithromenwen said...

naku! bwiset na mga anay na yan..sinira lahat ng sulat ko na pinadala ni anna llobrera since 1991...kakaiyak!

6:23 PM  
Blogger mykel andrada said...

hi (sir) eugene! ngayon lang ako nkpunta s blog mo.ntangap ko txt mo. :) nung bata ako, binilhan ako ng nanay ko ng malaking magnifying glass. tapos nang minsang lumbas ako sa kalsada, pumunta ako sa tabi ng kanal, marami kasing langgam na pula. tapos ginamit ko yung magnifying glass para tustahin sila. tapos nung pumasok ako s loob ng bahay, mas madilim siympre, pag pumipikit ako, nakikita ko yung mga nagkikisayang langgam. wala lang. musta? :)

2:11 AM  
Blogger nasadulongdila said...

at isa ka rin palang nokturnal! walang sinag ng araw sa loob ng apartment namin kaya di ko magagamit ang magnifying glass. :) bibili ng sako ng asukal na may arsenic para mamatay na ang mga langgam na ito.

2:16 AM  

Post a Comment

<< Home