Thursday, July 28, 2005

WALANG PAPEL


Siguro'y nakikiuso, maaaring nagpatangay na rin sa panahon, kaya heto, sa unang pagkakatao'y magsisimula na akong magsulat nang walang papel.

Dikta na yata ng panahon ang buhay na wala o kakaunting papel. Nakakapanibago, lalo pa akong nabubuhay na napaliligiran ng mga papel--memo mula sa opisina, mga bill na kailangang bayaran (sana puwedeng takasan), mga katitikan ng pulong, mga draft ng mga isinulat, mga papel ng mga estudyante ko, mga thesis, reading list, libro sa bahay, photocopy ng mga libro (dahil mahirap makakuha ng orihinal na kopya).

Idagdag ko pa ang mga taong papel sa aking paligid: mga pumapapel, mga mapapel, mga di mabubuhay sa walang papel. Nawa'y habulin sila ng dila ng Apoy.

May mainam naman akong kuwaderno sa bahay. Bakit hindi na lang iyon ang gamitin ko? Sayang naman kung mabubulok lang kasama ng mga librong natapos ko na (o mga librong saka ko na lang tatapusin). Pasalubong pa sa akin ito, dalawang taon na ang nakalilipas, mula sa bayan ng Firenze sa Italia. Katad ang pabalat. Amoy ng totoong balat ng hayop (na nagpapaalala sa akin sa amoy ng mga unang linggo ng pasukan, noong elementarya). Nakakapanghinayang kasing gamitin. Pangako ko sa sarili, gagamitin ko lang iyon kapag isusulat ko na ang aking pinapangarap na nobela (bilang disertasyon sa PhD). Itatala ko sa kuwadernong ito ang mga ideya ko, mga plot points (nakuha ko ang ideya mula sa kaibigan sa kolehiyo), ang outline ng nobela, mga "vivid bits" (buhat ang ideyang ito kay Jackie French, isang Australyanong manunulat pambata) ng isusulat na borador.

Natatakot akong gamitin ang kuwadernong iyon. Hindi pa ako handang sumulat muli ng mahaba-haba. Kaya, nagpapakalunod ako sa papel, sa pagbabasa, sa mga reading list ng tatlo kong propesor-examiner.

Para magkaroon ng bago sa buhay: magsusulat ako nang walang papel. Tutal naman, may libre akong koneksiyon sa Internet mula 12 ng madaling-araw hanggang alas-otso ng umaga. Sana, makapagsulat ako rito kahit papaano. (Sabi'y ang manunulat, dapat nagsusulat araw-araw; sige, ituturing ko itong work-out habang nag-aambisyon sa aking nobela, habang nagpapakalunod sa imahinasyon ng ibang manunulat). Dito ko hahanapin ang aking antok, imbes na maglagalag sa masukal na lunan ng espasyong cyber (mga limang beses ko nang ni-reset ang aking laptop, di umubra ang AdAware). Dito ko isusumbong ang lahat, isisiwalat sana ang lahat, ibubulong ang naiisip, ilabas ang nararamdaman, itala ang dapat itala, ilatag ang mailalatag.

Tunay, wala na ako sa panahon ni Anne Frank. Nasa mundo na ako na marka ng panahon ng kakaunti o walang papel. Ito ang aking talaarawang walang papel.


2 Comments:

Blogger mrdl said...

Hi Sir, i feel honored to be d 1st to comment here. matagal ko na na-imagine na gawin mo ito (blogging). u know naman basta work mo, ganado ko basahin. tsaka grabe, palagi na ko magiging updated abt u. di na tuloy kita masyado mami-miss. hehe! o baka lalo lang kita ma-miss. haay..

naku sir, keep on blogging. baka this time manumbalik interes ko sa blog. kaso nakakapuyat ito. tsk tsk!

ano naman kaya yung "masukal na lunan ng espasyong cyber"? haha!

10:37 PM  
Blogger pagkakaibigan said...

it's nice post ha!!!!!
your admirer

10:44 AM  

Post a Comment

<< Home