Saturday, August 27, 2005

Ukay-ukay, Halukay, Atbp.

Sa pagitan ng pagbabasa, naisisingit ko, kahit papaano ang pag-uukay-ukay ng aklat. May ilang linggo na rin akong hindi nakakabisita sa mga paborito kong second-hand bookstores. May mga nagsara na pala, kamakailan ko lang nalaman. Wala nang Booksale sa Katipunan. Wala nang Booksale sa tabi ng Crossings sa Quezon Avenue. Nagsara na rin ang Books for Less, sa pagitan ng Greenbelt at Glorietta. Mahina kaya ang negosyo? Kumukonti na ang nagbabasa? Mahal ang bayad sa upa? Nakakapanghinayang. Marami pa naman akong nahukay na kayamanan sa mga tindahang ito. Nasaid ko na rin ang mga surplus na aklat (karamiha'y British edition) sa Superbranch ng National Bookstore sa Cubao. Naalala ko pa nang una ko itong natuklasan noong Disyembre. Tila ako mauubusan ng hininga sa mga aklat na naka-display sa eskaparate.

Nang malaman kong Bagsak-Presyo ang National, kagyat ko itong pinuntahan. Heto ang aking nabili sa branch nila sa Megamall:
1. "I Was a Rat!" (hardbound) ni Philip Pullman-PhP 100 [paborito ko si Pullman sa mga fantasy writers para sa bata; kasama siyempre si Ursula Le Guin]
2. "Spring-heeled Jack" ni Philip Pullman-PhP 20
3. "The Body of Christopher Creed" ni Carol Plum-Ucci-PhP 50 [YA novel]

Booksale, Megamall:
1. "Yolanda's Genius" ni Carol Fenner-PhP 65 [Newbery Honor]
2. "The McGraw-Hill Reader" ni Robert H. Muller (ed.)-PhP 75 [koleksiyon ng mga klasikong sanaysay nina E.B. White, Langston Hughes, Isaac Bashevis Singer, Pablo Neruda, Julia Alvarez, Susan Sontag, Woody Allen, at marami pang iba. Hindi ko na kailangang ipaxerox pa ang "Art of the Personal Essay" sa Main Library.]

Booksale, Cubao (sa likod ng Shopwise, na dating Fiesta Carnival)
1. "The Little Bear Treasury" ni Else Holmelund Minarik, mga larawan ni Maurice Sendak
-PhP 130 [di ko rin sana bibilihin pero maririkit ang ilustrasyon ng dakilang si Sendak; nabasa ko na rin ang librong ito bilang pahinga sa mga nobela ng protesta; simple ang kuwento pero nadakma ng manunulat ang pagkabata ng isang bata; kalugod-lugod ang pagbabasa ng mga kuwento kahit ang intensiyon ay para sa mga nagsisimulang mambabasa. Sana, makasulat din ako ng mga kuwentong gumagamit ng simple at kakaunting salita.]

National Bookstore, SM North Edsa
1. "Farthest Shore" ni Ursula LeGuin-kalahati ng orihinal na presyo [ang "Tehanu" na lang ang hindi ko nahahanap na kopya]

Books for Less, Tandang Sora
1. "The Doll People" nina Ann M. Martin at Laura Godwin-PhP 189 [di ko sana bibilihin pero magaganda ang ilustrasyon ni Brian Selznick; saka maayos at malinis naman ang kopya; at malapit ang puso ko sa mga kuwento ukol sa mga manika. yun na]

Kasama rin sa minsanang paglalagalag ang pamimili ng piniratang DVD sa Metro Walk. Tulad ng inaasahan, may isa na namang di-kilalang lalaki ang lumapit sa akin at nag-aalok ng "bold." Akala ko'y may raid nang pumunta ako kanina, yun pala, may nangyaring barilan sa isang tindahan. Nakakatakot. Buti wala ako nung naganap iyon. Heto ang dagdag sa aking listahan ng papanoorin:
1. "The Devil's Arithmetic"-klasikong nobelang pambata ni Jane Yolen na ginawa palang pelikula. Si Kirsten Dunst ang bida.
2. "The Upside of Anger"-may Oscar buzz na para kay Joan Allen
3. "Amores Perros"-napanuod ko na ito dalawang taon na yata, pero magandang isama sa koleksiyon
4. "Steamboy"-mula raw sa direktor ng "Akira"; hindi na ako makapaghintay na mapanuod ito
5. "Guess Who"-Hahaha. Hindi ko nahabol sa sinehan, hahabulin ko sa mga pirata
6. "Sin City"-katulad ng # 5
7."Walt Disney's Timeless Tales"-hahabulin ko ang mga palabas na hindi ko napanuod noong kabataan ko [theme: musika ng "Lovingly Yours, Helen"]
8. "Raining Cats and Frogs"-naintriga ako sa DVD na ito; ang ganda ng ilustrasyon; ang ganda-ganda ng nasilip kong animation, para akong nagbabasa ng aklat pambata na gumagalaw

Humahaba na ang listahan ko ng mga pabuya pagkatapos ng masinsinang pagbabasa ng mga itinakdang basahin. Marami na akong motibasyon para tapusin na ang reading list. Hindi na ako makapaghintay.

Mga Huling Napanood:

1. "Pusang Gala" (Gateway Cinema)
2. "Pagdadalaga ni Maximo Oliveros" (UP Film Center)-Pinakamagandang pelikulang napanood ko sa mga sandaling ito. Hindi nasayang ang Sabado ko. Naisip ko, masarap palang manood sa UP Film Center. Game ang mga manonood na pumalakpak, kiligin, humiyaw, at tumawa. May hatid na bagong ideya ukol sa diskurso ng pagkabakla ang pelikula. Sariwa ang kuwento. Simple ang direksiyon. Walang nasasayang na eksena. Sana lang, maipalabas ito at mapanood nang higit na nakararami. Sana rin, sa mga darating na pagkakataon, makabasa ako ng nobelang pambata o pang-teenager ni Michiko Yamamoto. Kayang-kaya niyang sumulat ng nobela. Siyangapala ang sumulat ng "Magnifico."
3. "Sisterhood of the Traveling Pants" (Eastwood Cinema)-Mas maganda pa rin ang libro. Hindi pangkaraniwang teenage movie. Magaling umarte si America Ferrera. Walang mga gasgas na eksena o lumang banghay. Pero, uulitin ko, mas mainam pa ring basahin ang libro.

Friday, August 26, 2005

Ang Lupang Pangako ni Moises Dimasupil


Mga Tala sa "Ginto ang Kayumangging Lupa" (1998) ni Dominador Mirasol
Quezon City: University of the Philippines Press
197 pp.

Nasa hulma ng kuwento ng Exodo ang nobelang “Ginto sa Kayumangging Lupa” ni Dominador Mirasol, nagwagi ng Tanging Gantimpala sa 1979 Gawad CCP para sa Nobela. Kilala si Mirasol bilang bahagi ng kilusang Agos, tinaguriang mga "suwail" sa panitikan ng dekada `60. Sa naturang nobela, higit na ipinamalas ni Mirasol ang pagsusuri sa kalagayang panlipunan, partikular sa aping kalagayan ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon noong dekada `50.

Lumisan ang sina Moises Dimasupil sa nayon ng Mauwak dahil sa di makatwirang pagpaparte ng ani, gayong nasa kanilang puhunan ang pawis, punla, at pataba. Kanilang idinulog sa Senyor ang panukala sa pagbabago. Ngunit tumutol ang panginoong maylupa. Ipinapatay ng Senyor ang mga magsasakang humihiling ng pagbabago. Gumanti naman ang mga may pagmamalasakit sa mga pinaslang. Pinatay nila ang Senyor at ang dalawang katiwala nito. Dahil sa marahas na pangyayari sa Mauwak, lumisan ang mga magsasaka. Dinala sila sa isang lagarian sa pusod ng Sierra Madre. Dito’y maaari silang magtrabaho bilang katuwang sa pagpulak ng mga puno. Tila sila mga “berdugo ng mga punongkahoy.” Gayong naging maalwan ang kanilang buhay dito (may kuryente, may klinika, may paaralang elementarya), laging umuukilkil sa isip ni Moises ang lupa. Tila ba ang kaniyang buhay ay mahigpit na nakakapit sa lupaing sakahan. Hindi maalis-alis sa isipan niya ang isang bahagi ng gubat.

Hindi nagtagal, huminto si Moises sa gawain sa lagarian. Nagsarili ito. Hinanap niya ang kaniyang kapalaran sa piraso ng gubat. Hinawan niya ito, lumikha ng taniman ng gulay, nag-alaga ng mga manok at baboy, nagtanim ng punong saging. Hindi naman binigo ng lupain ang pamilya ni Moises—nagdulot ito ng masaganang ani. Natagpuan ni Moises ang kaniyang lupang pangako. Napag-aral niya ang tatlong anak na sina Tante, Francisco, at Mira sa bayan ng Siniloan, habang tuloy siya sa pagsasaka.

Mainam ang pagkakagamit ni Mirasol ng sawa sa kaniyang kaingin bilang pahiwatig o foreshadowing sa katha. Minsan niya itong nakitang lumalamon ng alagang manok pero pinalagpas niya ang pangyayari. Nang nawala ang kaniyang alagang lilitsuning baboy, buong giting niyang hinahanap ang ga-hitang sawa. Napatay niya ito gamit ang de-putok na baril. Sa huli’y malalaman niyang ang sawa ay hindi lamang ang hayop na lumalamon ng kaniyang mga alaga, kundi ang puwersang umaangkin ng kanilang lupain, ng kanilang kabuhayan.

Dumating ang banta sa lupang pangako. Darating ang bagong konsesyon ng lagarian sa homisted nina Moises. Aangkinin na ng mayor ng Quezon ang kanilang lupaing hinawan at pinagkukunang-yaman sa loob ng anim na taon. Sa pangyayaring ito, humiling ng tulong si Moises sa abogado ng opisina ng panlupain, pero puro pangako lamang ang ibinibigay sa kaniya, pati pangingikil ng salapi. Sa huli, humiling ng tulong si Moises kay Mando, na kasapi sa Hukbalahap. Kinausap ni Mando ang mayor na bigyan pa ng sapat na panahon sa kaniyang lupa ang pamilya Dimasupil. Gayunpaman, laganap ang pananakot ng mga paupahang maton ng mayor. Tuloy ang panggahasa sa kagubatan hanggang sa makalbo na ang kabundukan, maglaho ang bukal, at mawala ang mga usa’t baboy ramo. Dito lumitaw ang usaping ekolohiya—hindi iyong usapin lamang ng biodiversity kundi ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kapaligiran. Nagbabanta ang lagim ng isang sawa.

Naaksidente si Moises nang pinaslang niya ang sawa. Hindi siya nakabangon at naging dagdag-pasanin siya ng pamilya. Hindi na ipinagpatuloy nina Mira at Tante ang pag-aaral, sa halip, ibinigay nila ang pagkakataon kay Francisco para makatapos ng kolehiyo sa Maynila. Iginapang nila ang pag-aaral ng matalinong kapatid. Pero hindi madali ang pag-aaral sa Maynila. Hindi nagtuloy ang pag-aaral si Francisco. Namasukan itong tagalinis ng sapatos, kargador sa piyer, nanirahan sa Tondo, hanggang sa mawalan na sila ng komunikasyon dito.

Mahigpit nang iniuutos ng alkalde ng Quezon na umalis na ang pamilya Dimasupil sa kanilang lupain. Ayon sa sabi-sabi, na tila alamat, may nakabaon daw doong ginto noong pang panahon ng giyera mundiyal. Nais masarili ng mayor ang kayamanang ito, sa tulong ng dalawang Amerikano na kasamahan niya. Lumaganap ang dahas at pananakot sa lupang pangako. Dahil dito, dumaan sa proseso ng transpormasyon si Moises mulang magsasakang walang-kibo, walang-pakialam tungo sa magkakainging mandirigma para sa kaniyang karapatan. Sinunog ang kanilang sagingan at tahanan. Nagkaisa naman ang mga magkakaingin. Ipaglalaban nila ang lupain “dahil nakahihigit pa ito sa ginto.” Lahat ay kalahok sa pagtatanggol ng kanilang kagubatan: bata, kabataan, matatanda, kababaihan. Nagsanib-puwersa rin ang mga magkakaingin at ang mga taga-Mauwak na manggagawa sa lagarian. Lumikha sila ng mga patibong, nagpagulong ng mga bolang apoy, at nagpaulan ng bato. Ang dalawang kabataan naman ay nagkaisang palayain ang baliw na tagaturo sa kinaroroonan ng ginto. Nagkukunwari lamang pala ito at nagpaiwan sa isang kuweba para bantayan ang ginto roon. Dumating ang helikopter ng alkalde ay minasaker ang mga magsasaka. Natalunton nila ang kinaroroonan ng ginto pero lumitaw silang mga bangkay. Nahintakutan naman ang mga maton ng alkalde. Akala nila’y may nagmumulto. Pinasabog naman nina Tante at Mira ang helikopter.

Taos sa kuwento nitong dinukal sa Bibliya, bumuhos ang malakas na ulan. Naagnas ang lupa. Nagkaroon ng matinding baha at erosyon sa bundok para nilisin ang dakilang kasalanan. Ligtas sa sakuna sina Moises at Mang Pio. Sa isang dako, dumating si Mando. Kasama niya si Francisco Dimasupil. Nanumbalik ito sa kanilang lupain para sa ipagtanggol ang kalayaan at tulungan ang mga aping magiging kaisa nila.

Mainam ang nobela dahil sa matimping pagkukuwento ni Mirasol. Ang kaniyang nobela, bagamat nagsusuri sa lipunan, ay hindi gumagamit ng mga lantarang pagtutol at mga teknikal na termino na madalas masusumpungan sa panitikan ng protesta. Walang mga dialogong tila sanaysay. Walang mahahabang pagpapaliwanag ukol sa kalagayan ng mga magsasaka. Naibibilang ang akdang ito sa panitikang nakikisangkot, kung saan ang pangunahing tauhan ay namumulat sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa pakikibaka laban sa tiwaling pamahalaan. Gayunpaman, sa pagbabasa ng panitikan ng protesta at panitikang makabayan sa Tagalog/Filipino, narahuyo ang mga manunulat sa usapin ukol sa lupa. Naging paboritong paksain ang magsasakang inagawan ng lupang sakahan. O ang trahedya ng magsasakang naging mangagawa sa pabrika. Malaking bahagi ng bansa ay dagat. Bakit wala pa akong nasusumpungang kuwento at nobela ukol sa kalagayan ng mga mangingisda? Dahop ang panitikang Filipino sa usaping maritimo. Lubos akong matutuwa, kahit pa sabihing “master narrative” o “grand narrative” na naman, kung tatalakayin ang buhay sa dalampasigan at ang kanilang dagat. Totoo ang paratang na “tuyong-tuyo” ang panitikang Filipino.

Thursday, August 25, 2005

Dalawang Nobela ni Rosario de Guzman-Lingat


Mga Tala sa “Kung Wala na ang Tag-araw/ Ano Ngayon, Ricky?” (1996)
ni Rosario de Guzman-Lingat
Quezon City: Ateneo de Manila University Press
481 pp.

Hindi gaanong kilala si Lingat kapag napag-uusapan ang nobelang Filipino. May mga suspetsa ako sa pangyayaring ito. Una, hindi gaanong pinapansin ng akademiya ang mga nobela o manunulat sa ”Liwayway.” Idagdag pang babae ang manunulat. Sa panahon ng pagkakalathala o pagkakapanalo ni Lingat sa ”Liwayway,” hindi pa maunlad ang kilusang feminismo sa panitikang Filipino. Higit na nauna si Lingat kaysa sa kay Lualhati Bautista sa larangan ng pagsusulat. Gayundin, ang mga akda ni Lingat ay hindi tahasang lumalahok sa kilusan ng pagbabago. Hindi siya kalahok sa "Agos” at sa "Sigwa” na halos kalalakihan ang nasa antolohiya (maliban kina Norma Miraflor at Fanny Garcia sa huling aklat).

Nitong mga panahon lamang nabibigyan ng pansin ang mga nobelang muntik nang ibaon sa mga malulutong na pahina ng magasing komersiyal. Mainam na gawain ito upang hamunin ang kanon sa panitikang Filipino na kadalasang (1) kalalakihan ang sumulat, (2) tahasang tumututol sa komersiyal na paglalathala, (3) taal na Tagalog ang pagkakasulat, (4) lagi’t laging naisasaantolohiya sa mga textbuk at napag-aaralan sa akademiya, (5) may malinaw na halagang panlipunan batay sa tradisyong mapanghimagsik, radikalismo, at realismo. Dahil dito, hindi maiiwasang timbagin ang halaga ng isang nobela sa tinataglay nitong pagsusuri sa lipunan.

May hatid na bagong tinig ang dalawang nobelang "Kung Wala na ang Tag-araw” at ”Ano Ngayon, Ricky?” ni Lingat. Kapwa premyado ito sa patimpalak nobela ng “Liwayway,” ang una’y ikatlong puwesto noong 1967 at isa’y unang puwesto noong 1970. Noong 1996, ang pinagsamang nobela ay ginawaran ng National Book Award para sa fiction. Una kong naengkuwentro si Lingat nang pinabasa sa amin ni Ma’am LQS ang “Estero”—isang masining na kuwento ukol sa matandang dalagang kinilala ang kaniyang pagnanasa sa isang tubero. Isang ironiya ang kuwento dahil nang ganap nang tinanggap ng babaeng tauhan na buhay ang kaniyang pagkarahuyo, pukulan man niya ng pagnanasa ang isang “patapong” binata sa estero, sagkain man niya ang atas ng lipunan ukol sa seks at kasal, gigimbal sa kaniyang laro lamang ang lahat. Hindi siya iniibig ng tubero.

Sa ganitong hulma ang unang nobelang “Kung Wala na ang Taga-araw.” Sa karanasan ko sa pagbabasa ngayong Agosto, tila pahinga ito sa mga tekstong nagsusumigaw ng pagbabago sa agrikultural na sektor ng bansa. Sa naturang nobela, sinikap ni Lingat na ipakilala ang pagkalalaking Filipino sa tauhang si Victor. (Maitutumbas ko ito sa nobelang “Laro sa Baga” na pangahas ding tumatalakay sa pagkalalaking Filipino, bagamat nasa punot-de-bista ito ng isang lalaking manunulat.) Mababakas sa kaniyang naratibong disenyo ang mga babaeng nakaugnay ng lalaki: si Anastacia, unang pag-ibig at kaniyang pinakasalan, ina ng kaniyang apat na anak; si Carmela, unang tikim ni Victor ng pambabae at panloloko sa impluwensiya ni Eking na nagwikang “lubusin ang katag-arawan ng pagkalalaki”, hindi natuloy ang pag-iibigan nang mabuking si Victor na may asawa na pala; si Teresa, sekretarya ni Victor na mapangahas, tanggap ang pagiging kabit, at malaya sa pakikipagrelasyon; si Isabel, asawa ng pulis na “dinadalaw ni Victor sa gabi,” larawan ng isang babaeng nagtataksil sa asawa; at si Gina, isang putang ibinahay ni Victor sa kaniyang katandaan (“lolo” na nga ang biro kay Victor) ngunit iniwan siya para sa isang binatang driver. Dalawang kabanata sa nobela ay nakalaan sa pagiging ama ni Victor: ang kaniyang kaisa-isang lalaking anak, na matalino at magdodoktor ay pinaslang sa Capas noong giyerang mundiyal; si Emma na agad pinakasalan si Ruben sa panahon ng digma para malasap ng ligaya sa gitna ng karahasan; si Juliang panganay na namanatang aalagaan ang ama, hindi mag-aasawa, at nagtayo ng patahian; at si Claudia, na “pambayad-utang” sa pambabae ni Victor. Iniwan si Claudia ni Pepito na may asawa na pala. Mula noon, naging masasakitin si Claudia at lagi’y pinararausahan ang sarili dahil sa kahihiyan sa pamilya at sa kanilang komunidad.

Ang kahusayan ni Lingat sa nobelang ito ay ang hindi niya pagkakatapilok sa paglikha ng mga istiryotipo. Ang lalaki’y hindi lubusang masama sa nobela: si Victor ay mainam na tagapagtaguyod ng mga anak; ang lalaki’y biktima rin ng panloloko ng asawa; maaari rin silang maging mandirigma. Ang babae’y hindi rin lubusang biktima: may babaeng tanggap na kabit lamang sila at may babaeng nangangaliwa. Walang pahayag si Lingat ukol sa sexismo o uganayang pangkasarian. Sa halip, inilahad lamang niya ang ugnayang babae-lalaki sa iba’t ibang antas, sa iba’t ibang anyo. Ang resulta sa mga mambabasa’y isang tunghay sa mga relasyong pangkapangyarihan sa mag-asawa, magkasintahan, magkalaguyo, mag-ama. Kapuri-puri ring hindi melodramatiko ang nobela. Pangahas si Lingat na hindi sumunod sa pormula ng kuwento ng pag-ibig at mga tauhan sa nobela ng pag-ibig. Kapansin-pansin ang mainam niyang paggamit ng puwersa ng kalikasan para ipahiwatig ang kasaysayan ng mga tauhan: bagyo para sa problemang sikolohikal ni Claudia; lantang bulaklak; lindol para sa mapipintong giyera; tag-araw para sa kasibulan ng pagkalalaki ni Victor at sa pambabae nito; at pag-ulan bilang paghilom at pagbabagong-buhay (“muling pumipintig sa panibagong-buhay”) ng mga alitan sa mag-asawang Victor at Anastacia.

Kung ang unang nobela ay may sumungaw na pag-asa, sa ikalawa’y wala. Ukol sa iba’t ibang uri ng pagkamulat ni Ricky ang “Ano Ngayon, Ricky?” Sabi sa introduksiyon, ito’y isang bildungsroman, kuwento ng pagkatuto ng lalaking tauhan buhat sa mga serye ng karanasang pansarili at panlipunan at sa huli’y pagtanggap ng kaniyang tungkulin. Panahon ng “Sigwa” naisulat ang nobelang ito. Panahong itinatanong ng mga manunulat sa Filipino na “Para kanino ako nagsusulat?” batay sa “Talks on the Yenan Forum.” Panahon din ito ng pagsusuri at pagsusumpa sa mga kanser panlipunan, panahon ng pag-iimbita sa mga intelektwal at mag-aaral na lumahok sa kilusan ng pagbabago. Sa kasaysayan ni Ricky, namulat siya sa mga sakit sa kanilang lugar sa Tondo: bayarang pulisya, tiwaling politiko na bumibili ng boto, nabaliw na opisyal sa Adwana, kriminalidad sa looban, kabataang kriminal, pagkakahati ng lipunan batay sa uri, pambubugbog ng ama sa anak, at karahasan tuwing eleksiyon. Dahil sa mga ito at sa gabay ng ama ni Ricky sa pagiging kritikal sa lipunan, naging lider siya sa mga demonstrasyon laban sa panlipunang inhustisya, reporma sa lupa, at ang karahasan sa mga base militar ng mga Amerikano. Naging kritikal din ang mga kabataang kasama ni Ricky ukol sa panggagahasa ng U.S. sa mga likas yaman ng bansa. Muli, kapuri-puri si Lingat dahil hindi siya nagpakulong sa katangian ng panitikan ng protesta (bibihira ang mga dialogo na tila kredo o sanaysay; hindi lantaran ang panghihikayat sa kilusan; walang mga tauhang karikatura; hindi perpekto ang isang aktibistang tauhan). Ang bagong ambag ni Lingat sa panitikan ng kaniyang panahon ay nasa sorpresa at rebelasyon ng tunay na kaaway. Sa hulma ng kuwentong idolo-mag-aaral, natuklasan ni Ricky na ang malinis, matalino, at nasyonalistikong politiko (Prop. Alfredo Alba) ay siyang nag-utos kay Leong Buldog na “pasukin” ang kanilang progresibong samahan para ito’y masira. Sa pagkakatuklas na iyon, nabasag ang kaniyang huwaran at naunsiyami ang kaniyang unang pag-ibig kay Diana (na anak niProp. Alba). Napag-alaman niyang kinakasangkapan ni Prop. Alba ang mga estudyanteng aktibista para sa sariling ambisyon na maging Pangulo. Sa tradisyon ng bildungsroman, sa paglalatag ng kasamaan sa paligid, tatanggapin ni Ricky ang kaniyang nasimulan dahil “hindi pa lubos na walang pag-asa.”

Saturday, August 20, 2005

"Bulalakaw ng Pag-asa": Novela Social

Mga Tala ng “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ismael A. Amado
Unang inilathala noong 1918. Muling inilathala noong 1991
Quezon City: University of the Philippines Press

Panimula (tala mula sa introduksiyon ni Delfin Tolentino, Jr.)
Isinulat ang nobela noong 18 taon pa lamang ang may-akda; ito ang kaisa-isa niyang akda pero maituturing ng mga kritiko at historyador pampanitikan bilang isang obra maestra. Ayon kay Virgilio Almario, ito’y ”huwarang nobelang makabansa.” Sang-ayon naman kay Soledad Reyes, malaki ang kontribusyon nito sa tradisyon ng protesta sa panitikang Filipino. Nag-aapoy ito sa kaisipang sedisyonista; radikal at anti-imperyalista ang tono. Taong 1909 nang matapos isulat ang nobela ni Amado pero hindi agad nailathala dahil “masama ang panahon.” Marahil, nahintakutan ang may-akda, ayon na rin sa payo ng mga kaibigan, dahil sa laganap noong panahong iyon ang pagdakip sa mga manunulat na tahasang tumutuligsa sa kolonyal na pamahalaang Amerikano, tulad ng karanasan ng mga mandudulang sina Juan Abad, Juan Matapang Cruz, at Aurelio Tolentino. Ipinatupad ng bagong mananakop ang Sedition Law (bawal magmungkahi ng pagsasarili at paghiwalay ng Pilipinas sa U.S.) at ang Flag Law (bawal ilahad ang bandila ng Pilipinas). Nalathala lamang ang nobela noong 1918 nang hindi na uso ang sedisyosong akda at nauso ang “akomodasyon” sa politika at panitikan, na mababakas sa sarsuwelang tumatalakay sa pag-ibig at usaping domestiko at sa mga nobelang romantiko. Gayunpaman, mahalagang mabasa ang nobela dahil sa ipinapakita nito ang istruktura ng lipunang kolonyal at ang pakikibaka (ng mga kabataan) sa kasarinlan ng bansa. Kababakasan ang teksto ng impluwensiya ng mga sumusunod, ayon sa tinukoy ni Tolentino: “El Filibusterismo” ni Rizal, Kartilya ng Katipunan, “Liwanag at Dilim” ni Emilio Jacinto, at ang “Florante at Laura.” Dagdag pa ni Tolentino, maituturing na novela social ang akda dahil sa realistikong pagsasalaysay, idinidiin na ang lipunan ay larangan ng tunggalian, ginagamit ang dialogo upang ilahad ang usaping polemikal, may dramatikong pamamaraan sa paglalarawan ng tauhan, gumagamit ng satirikong himig o pang-uuyam.

Buod:
Isinuplong ni Gerardo si Stag sa hukuman dahil sa panggugulo nito sa tindahan ni Julio sa bayan ng Libis. Sa hukuman, nakilala ni Gerardo si Kapitan Memo, na katuwang noon ni Stag sa pagnanakaw at pagpatay sa Tarlac. Hindi hinatian ni Kapitan Memo si Stag kaya gumawa ito ng paraan para iligtas ang Amerikano. Pero nanaig pa rin ang hustisya. Lamang, nakatakas ang Amerikano sa bilangguan.

Nagkataong naglahad ang asawa ni Kapitan Memo na siya’y ginahasa nito at pinaslang pa ang ama. Umaksiyon sina Gerardo at hiniling sa hukuman na tanggalin sa puwesto ang Kapitan, na kilala sa pagpanig sa mga sugal at korupsiyon sa konseho. Natanggal naman ang tiwaling politiko pero isinumpa niyang maghihiganti siya kay Gerardo sa pagtanggal sa kaniya ng puwesto, kapangyarihan, at pangalan.

Ipapakilala sa nobela si Elena (Eling). Siya ang huwaran ng Pilipina: edukada, hindi Amerikanisado, may puri, at hindi katulad ng ibang dalaga na nagiging prostituta para sa mga banyaga. Nagtapat si Gerardo at Elena ng pag-ibig sa isa’t isa. Pagkuwa’y napansin ni Gerardo na naging ningas-kugon lamang ang samahan ng kabataan (Dakilang Mithi) sa pagtatatag ng panggabing paaralan, pagtatayo ng biblioteca, paglalabas ng pahayagan, at kampanya laban sa sugal. Naghanda sila ng sayawan para akiting muli ang kabataang nawalan ng sigla. Nagsermon si Gerardo: Bakit kapag sayawan ay kaygilas ng kabataan? Natigil ang pulong na iyon nang dumating ang demonyo (naka-costume ito mula sa karnabal). Inaya niya si Gerardo para makausap nang sarilinan. Iyon pala’y si Kapitan Memo ito. Nang nasa puntong maghihiganti na ang kapitan, dumating si Florante para iligtas ang kaibigan. Tumakas sa dilim si Memo. Makaraan noon, nakita nila ang kalesang humaharurot sa kalsada. Laman nito si Elena at si Juancho na kapatid ng kapitan. Mabuti na lamang ang nahinto sa may tulay ang kalesa. Nailigtas nina Gerardo si Elena. Nagsagupa naman sina Florante at Juancho. Nasaksak ni Juancho si Florante; gumanti si Gerardo para sa kaibigan at dinaluhong si Juancho; nahulog itong binatang di marunong lumangoy. Iniwan naman sa mambabasa kung ano ang magiging kapalaran ni Kapitan Memo na nilambungan ng dilim.

Sugatan si Florante at hindi kayang lunasan ng doktor sa Libis. Bago ito mamatay, hiniling niya sa inang si Aling Tinay na ilagak siya sa kabaong na kinumutan ng bandila ng Pilipinas. Nanghilakbot ang mga mamamayan dahil labag ito sa Flag Law. Pero, matibay ang loob ng ina. Sa libing, tulad ng inaasahan, sinugod ng konstabularya ang kabaong. Nilapastangan at niyurakan ng Amerikanong tinyente ang bandila at ang libing. Nangahas na ipagtanggol ni Faure ang bandila pero ito’y nakulong. Sinugod ni Gerardo ang bilangguan at pinalaya si Faure. Pinatay din niya ang tinyenteng inalipusta sa simbolo ng bansa.

Mga Puna:
Kung gagamitin ko lamang ang dulog formalismo, lalabas na mahinang uri ng nobela ang “Bulalakaw.” Pero higit pa sa kasiningan dapat binabasa at sinusuri ang akda. Mas angkop na basahin ito sa panahon ng pagkakaakda—ipinagpatuloy nito ang tradisyong sinimulan ni Jose Rizal sa paglalarawan at panunuligsa sa kolonyal na pamahalaan at lipunan. Litaw ang tono nito ng pagbalikwas sa di-matwid na pamamalakad sa pamahalaan: tiwaling politiko, pag-abuso sa yamang kalikasan ng bansa dulot ng Batas Payne, pagsagka sa bandila ng Pilipinas, ugaling busabos ng mga Pilipino. Ang mga tauhan sa nobela ay mahahanapan ng ugat sa tauhan ni Rizal: Gerardo bilang Ibarra; Florante bilang Elias; Eling o Elena bilang Maria Clara. Mangyari pa, tulad ng giit ni Rizal, malaki ang gampanin ng kabataan sa paglaya ng bansa. Kung may tinatawag na drama simbolico at sedisyosong dula sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano, ang aklat ay maituturing na sedisyosong nobela, bagamat huli na nang ito’y ilathala dahil sa takot ng nobelista na mabilibid. Sa halip, itinago niya muna ito at nagtungo sa Estados Unidos (diumano para maging pensionado o scholar). Nasabi ko ring nasa tradisyon ito ng simbolico dahil sa pagkakagamit ni Amado ng pangalang Masasakim, Mapagbalatkayo, at Kukong-Lawin para sa mga Amerikano. Ganito rin ang pagpapangalan ni Aurelio Tolentino sa kaniyang dula.

Kapansin-pansin na tila nananalumpati ang mga dialogo. Para nga itong sanaysay. Kung kasalukuyang mag-aaral ang bumasa, tiyak akong kikilabutan sila sa uri ng pagkakasulat ng akda. Nahihinto ang kuwento dahil sa mahabang pangangatwiran ng mga tauhan sa isa’t isa ukol halimbawa sa panghihumasok ng kabataan (Dakilang Mithi) sa mga usaping pampolitika. Laganap ang deux ex machina (“A resolution to a plot problem that is too convenient for the writer and unbelievable to the audience.”) Kaugnay sa pagbubuo ng karakter, wari itong editoryal na katha na maihahanay sa “Miss Phathupats” ng kuwentistang Kapampangan na si Juan Crisostomo Soto. Mangyari pa, makikita ang nobelista o maririnig mo ang puna niya sa nobela. Ito’y pinaghalong komentaryo, pagmumuni (ukol sa kalayaan, bandila, halaga ng babae at pagtitimbang ng kaalaman, at lahing kayumanggi), pagsusuri, at pagkukuwento, bagay na laganap sa panitikan ng protesta.

Ang "Sigwa" at ang Pagdaluyong ng Panitikan ng Protesta

Mga Tala sa "Sigwa: Antolohiya ng mga Maiikling Kuwento"
Unang nalathala noong 1972, muling nalathala noong 1992
Quezon City: University of the Philippines Press

Matagal ko nang nabasa ang librong “Sigwa” pero minabuti kong ulitin ang pagbabasa nito dahil nakalimutan ko na ang mga kuwento rito. Minabuti ko ring isabay ito sa mga reading list ngayong buwan dahil angkop ito sa (hindi sinasadyang) tema ng mga aklat na binabasa. Halos kasunod ng antolohiyang “Agos” ang “Sigwa” pero malaki ang pagkakaiba ng dalawa kung pag-uusapan ang pananaw-mundo at ideolohiya ng mga manunulat sa koleksiyon. Gayong may pagkakaiba, kapansin-pansin din ang pagkakapareho ng dalawang aklat: narito pa rin ang pangahas na pagpapahayag ng kawalang-hustisya sa lipunan. Sa mga kuwento ng “Sigwa,” pinangalanan ng mga kuwentista ang problema. Hindi ito itinago sa pamamagitan lamang ng realistikong paglalarawan. Kung kaya, halos magsisigaw ang mga kuwento ng sakit sa bansa: imperyalismo, piyudalismo, at burukratang kapitalismo.

Sa “Bilanggo” ni Wilfredo Virtusio, agad masasabing bersiyon ito ng “Tata Selo” ni Sicat. Mang Selo ang ngalan ng tauhan na nahatulan ng pagkabilanggo dahil sa natagpuang patay sa kaniyang bukid. Bagamat pag-aari ni Mang Selo ang bukid, wala pa rin siyang ligtas sa mapanupil na sistema sa lipunan, maging sa bilangguan. Ipinakita ng kuwento ang salaulang kondisyon sa loob, ang maruming pagkain na agad nililikom para sa mga baboy ni Sarhento Damaso. Kapansin-pansin ang alusyon sa mga karakter ni Rizal. Ipinakita rin ang korupsiyon ng may kapangyarihan sa kuwento: ang sugalan sa piitan, pagkokompiska sa mga pasalubong, ospital na nagiging punerarya lamang, at ang pagtortyur kay Mang Selo nang tumanggi itong ipagbili sa gobyerno ang kaniyang lupa. Sa huli’y masasabi niya na “walang piraso ng langit” na masisipat mula sa kaniyang piitan.

Alegorikal na kuwento naman ang “Kamatayan ni Tiyo Samuel” ni Efren Abueg. (Kapuri-puri si Abueg dahil siya’y natatanging kuwentista na nalahok kapwa sa Agos at Sigwa.) Sa kuwentong ito, nasa pangangalaga muna ni Tiyo Samuel (Amerika?) ang mga lupain na pag-aari ni Felipe (Pilipinas?). Ibibigay niya ito sa binata kapag nasa hustong gulang na. Mainam na ipabasa ito sa mga interesadong pag-aaral ang kuwento ukol sa imperyalismong US, ilahok pa ang “Pina, Pina, Saan Ka Pupunta?” ni Fanny Garcia. Isang mestiso si Felipe, at hadlang si Tiyo Samuel na makipagniig ang pamangkin sa kayumangging si Ligaya. Pero mapusok ang dalawa, at nagbunga ito. Iniutos ni Sam na ipalaglag ni Ligaya ang sanggol. Sa galit, sinaksak ni Felipe ang Tiyo Samuel. Simbolikal ang pagkakapatay na ito.

Maaaring pagkukulang ko, pero hindi ko makita ang dahilan sa pagkakalahok ng “Anay” ni San Juan sa antolohiya. Ukol ito kay Fausto Piedad na inirekomenda ni Ariel kay Padre Torres para puksain ang mga anay sa simbahan. Sa huli, masosorpresa ang mambabasa dahil si Fausto pala, na hindi propesor at hindi kimiko, ay naghahalo-halo lamang ng iba’t ibang insectiside. Hindi siya nag-iimbento; isang huwad.

Ang “Sulat mula sa Pritil” ni Norma Miraflor ay maihahambing ko sa “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes. Nasa unang panauhan ang kuwento, sa pananaw ni Isagani. Sinusuri ng katha ang halaga ng edukasyon, pagkapantay-pantay, bugbugan sa kanilang lugar, pan-totong ng mga pulis, at sa mga luho ng Unang Ginang kumpara sa buhay nila sa estero. Kuwento ito ng pagkamulat ng mag-aaral na kumilos “para sa bayan.” Litaw sa kuwento ang mga imahen ng korupsiyon: ang estero, si Temyong Alat, at si Imelda Marcos.

Kumpara sa nauna niyang kuwento, mas litaw ang protesta sa “Masaya ang Alitaptap sa Labi ng Kabibe” ni E. San Juan. Nakatakda ang salu-salo sa paggunita ng ika-60 na kaarawan ni Francisco Palabra, isang makata. Iniisip niya kung may dahilan sa pagdiriwang. Malalaman nating “pinatahimik” siya ng pamahalaan sa paggawad sa kaniya ng Republic Cultural Award. Mula noon, ang dating politikal na bilanggo ay naging manunulat siya ng mga press release. Napanaginipan niyang isiwalat ang totoo, na wala siyang bagong obra, na walang “Birtud ng Bathala” sa harap ng mga bisita sa piging. Ang wakas ng kuwento ay nagpapahiwatig kung bakit ang mga makata ang pinakamatinding kaaway ng pamahalaan, at vice versa. Nagpapaalala rin ito kung paanong ang gantimpala ay maaaring magpatahimik at pumatay sa prinsipyo ng isang manunulat. Magandang simbolo sa kuwento ang tubig na dapat sana’y lumalabas sa puwente.

Pinakasopistikado sa istruktura ang “Dapithapon ng Isang Mesiyas” ni Ricardo Lee. Kasaysayan ito ni Dong na mula pagkabata ay pinagkakaitan ng tinig. Matalino siya ngunit laging nauumid. Ang kaniyang mga karanasan sa pagkabata--pagkakakulong sa silid ni Dona Agueda, ang pagpatay sa ama niyang si Daniel dahil napaghinalaang kalaguyo ni Dona Aurora, ang pagkasira ng bait ng kaniyang ina—ay magsisilbing tanikala sa sarili. Hindi siya makahulagpos sa gunita at kuwento niya ng kaapihan. Iniwan siya ng asawang si Marina, palipat-lipat siya ng trabaho, nais niyang pamunuan ang isang pambansang pag-aaklas pero hindi siya makaharap sa mga tao. Baog ang kaniyang pagsusuri sa paligid. Wala siyang naisatinig. May kritisismo ang kuwentong ito sa mga kuwento ng kaapihan na wala namang isinasatinig at hindi nililinaw ang protesta.

Pagkamulat naman ng isang ina ang “Maria, Ang Iyong Anak” ni Virtusio. Napaliting makisosyo ni Maria sa tiwaling pulis para mapaaral lamang ang anak na si Jesus. Naging kolektor si Maria ng tong ng pulis. Nakatira sila sa Looban at nais niyang mahango si Jesus sa lugar na ito. Mag-isa itong binuno ni Maria dahil ang asawang si Jose ay biktima ng karahasan. Natagpuan itong lumulutang sa estero, basag ang bungo, pinapatay ng Intsik na galit sa welga. Hindi mapigil ni Maria ang paghinto sa pag-aaral ni Jose. Ang anak niya ay naging aktibo sa kilusan. Laman ito ng mga DG at naging manunuri ng lipunan. Ipinaliwanag ni Jesus ang kaniyang prinsipyo: labanan ang pang-aapi, ipalaganap ang demokrasya sa lahat, at tapusin ang karahasan ng mga pulis at poltiko. Nag-rally rin sila sa Plaza Miranda para labanan ang reaksiyonaryong simbahan. Nasaksihan ni Maria ang karahasan ng mga pulis sa kabataan. Sa kaniyang panaginip, pinaliligiran sila ng mga baboy-ramo, lobo, at buwaya. Ito ang simbolo ng mga kaaway. Sa huli’y matatagpuan niya ang anak na bangkay sa sa ilalim ng tulay ng Mendiola.

Nasa hulma ng kuwentong ekolohikal ang “Daluyong sa Ilaya” ni Abueg. Inilarawan dito na kinakalbo ng inaanak ng Kongressman ang kagubatan sa Tala. Umiinog ang kuwento kay Narding, na tulad ni Jesus sa kuwentong “Maria” ay namulat sa sitwasyong panlipunan. Namalayan nitong may limitasyon ang batas at hindi nito matutugon ang suliranin at pagkakauri sa lipunan; para lamang ito sa mga naghaharing-uri. Naging aktibo si Narding sa kilusan para mobilisahin ang masa bilang “tagalikha ng kasaysayan.” Natapos na ang gawain ni Narding sa lungsod, at saka siya bumalik sa Tala, kasama ang sampu sa kilusan para sa armadong pakikibaka doon.

Nasa hulma rin ang naunang kuwento ni Miraflor ang “Kumpisal.” Nasa punto-de-bista ito ng kabataang si Ernesto na may adhika na labanan ang piyudalismo at imperialismo, at hindi ang ambisyong makapagtapos lamang. Pinupuna rin niya ang maling dulog sa pag-aaral ng kasaysayan, ang diskriminasyon ng Kano sa kapatid niyang CPA, ang patriyarkal na sistema sa kanilang tahanan, at ang pang-aabuso ng burges sa mga mahihirap.

Pinakadiwa ng antolohiya ang kuwentong “Si Tatang, si Freddie, si Tandang Senyong at Iba Pang Tauhan ng Aking Kuwento” ni Ricardo Lee. Pahayag ito ng kuwentista laban sa pagsusulat na “pampamilya” lamang. Nagsimula sa pustahan, matapos masaksihan ang masaker ng mga miyembro ng Lapiang Malaya, ang pagkamulat ni Rico (tagapagsalaysay) bilang nakikibakang artista. Dahil sa pakikipanayam kina Tatang at Tandang Senyo, namulat siya sa katiwalian sa mga nayon. Lumahok din siya sa unyon ng mga mangggawa sa palimbagan, at tumiwalag sa mga kaibigan sa pagtambay sa coffee shop. Kasama si Freddie, sasapi sila sa progresibong samahan ng mga manunulat para itaguyod ang kapakanan ng mga inaaping uri.

Malagim ang kahahantungan ng isang iskolar at antropolohista na inihihiwalay ang sarili sa pagkilos laban sa katiwalian ng lipunan. Ito ang pahayag ng “Kuwentong Alay sa Isang Kuwago” ni Fanny Garcia. Ayaw makilahok at makialam ni Dr. Romulo Tolentino sa barikada at demonstrasyon ng mga estudyante sa UP. Isinawalang-bahala niya ang suliranin ng mga katutubo na inaagawan ng lupa, ang diskriminasyon, ang kamangmangan ng mga ito, at ang nakamamatay na sakit. Ang mahalaga lamang sa kaniya ay ang kaniyang pananaliksik, ang kaniyang espasyo sa akademiya. Sa huli, ang bagay na kaniyang isinasawalang-bahala ay bagay ding papatay sa kaniya.

Kuwento ng mapagpalayang pag-ibig ang “Sandaang Damit” ni Garcia. Hindi maintindihan ng dalagang tagapagsalaysay ang buhay ng kasintahang si Dario. Lumahok ang binata sa progresibong organisasyon at naging dahilan ito sa pagkakabuo ng moog sa kanilang pagitan. Hindi maintindihan ng dalaga ang ideya ni Dario ukol sa kolektibismo at sa ideya ng kinabukasan sa isang bulok na lipunan. Sa huli’y makikilala ng dalaga ang tunay na nangyayari sa nayon (ukol sa pagmamay-ari ng lupa) at mawawasak ang romantikong pananaw niya sa lalawigan. Nawasak din ang ideya niya ng romansa, at sa halip napalitan ito ng kamulatan sa pagkilos.

Ang “Dugo ang Langit sa Balon” ay ukol sa pag-aaklas ng mga manggagawa laban sa Amerikanong kapitalista. Binubuwag din nito ang kamalayang alipin. Mainam na ambag ni Landicho sa kuwento ang paglalahok kay Ipong Negro sa pagbuo at pagkilos ng grupo ng mga manggagawa. Mainam din itong ikompara sa diwa ng "Impeng Negro" ni Sicat. Laban naman sa tiwaling panginoong maylupa ang “Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro” ni Jose Rey Munsayac. Namulat si Juan, na dating Huk at sawa na sa hirap bilang magsasaka, na kinakasangkapan siya at ang iba pang magbubukid ni Kabesang Duwardo para angkinin ang lupa ng kapwa magsasaka. Sa huli, pinaslang ni Juan Lazaro ang Kabesa.

Mahalaga ang “Elias at Salome” ni Landicho dahil sa pagtatampok ng aktibo at progresibong tauhang babae. Aktibista si Salome at kritikal sa mga nangyayari sa lipunan. Mapupuna rin sa kuwento na binaligtad ng kuwentista ang kinamulatan: babae ay malaya, ang lalaki (Elias) ay kulong sa paglahok. Winasak din ni Landicho ang seksismo, na katangian din sa mga progresibong samahan.

Pinupuwing naman ni Edgardo Maranan sa kuwento niyang “Ipis sa Guhong Templo” ang pagkakaluklok ng mga artista, pantas, at pilosopo sa toreng garing. Sa kaniyang bersiyon, ginamit niya ang simbolo ng guhong templo na saksi sa mga perberso ng mga pantas at mga maharlika—ang mga pagtatalik at ang mga pagpapalitang-kuro na walang praktika at pag-intindi sa “mala-tao” na anakpawis at alipin. Radikalismo ang inihahatid ng katha sa pag-aalsa at armadong pakikibaka ng mga alipin sa templo upang wasakin ang di-makataong istruktura. Mainam rin sa kuwentong ito ni Maranan, na kaiba sa karamihan, ay ang paggamit ng simbolo, alusyon, at di lantarang pagkatha ng protesta.

Mga Puna:
Kapansin-pansin na halos statement at lantarang pagpapahayag ang mga sinasabi ng mga kuwento sa Sigwa. Tila plakard ito kung mangusap. Ang tema ng pagpatay sa antagonista ay simboliko sa pangarap na wakasan ang piyudalismo at imperyalismo. Mahalaga sa mga kuwento ang ambag ng mga kabataan at mga mag-aaral sa ikatatagumpay ng kilusan. Wari itong pagkukuwento ng isang editorial cartoon laban sa mga naghaharing-uri (pulisya, pamahalaan, tiwaling politiko, imperyalista). Mala-sanaysay ang pagkakasulat ng mga dialogo at may pagkakataong humihinto ang kuwento para magdiskurso at mamilosopiya sa kalagayan ng bansa. Higit na siyentipiko ang pagsusuri ng mga kuwentista kaugnay sa kanilang lipunan. Maaaring bunga ito ng kanilang pakikilahok sa mga DG, pag-aaral, at pagmamasid sa sitwasyon sa paligid. Litaw ang tema ng pagkamulat tungo sa pagkilos. Karamihan sa mga tauhan ay kumikilos at aktibo sa nakapaligid na problema. Ang pagsusulat ay tungo sa ikabubuti ng buhay ng mga anakpawis. Radikalismo ang isinusulong ng mga may-akda; may malinaw itong tono na nanghihikayat sa pagsanib sa kilusan at pagkilos tungo sa maayos na bukas.

Mga Paboritong Kuwento:
“Dapithapon ng Isang Mesiyas” (dahil sa kasiningan at sopistikasyon ng istruktura at gamit ng wika), “Elias at Salome” (dahil sa kamalayang pangkasarian), “Si Tatang, si Freddie...” (dahil sa tinataglay nito ang diwa ng antolohiya), “Sulat mula sa Pritil” (dahil sa magaan na wika sa seryosong paksa), “Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro” (dahil sa masining na paggamit ng mga imahen; halos tula ang kaniyang prosa)

Monday, August 15, 2005

"Organikong Intelektwal" at ang Talambuhay ni Tatang


Rebyu ng “Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang” (1988)
Metro Manila: Kilusan sa Paglilinang ng Rebolusyonaryong Panitikan at Sining sa Kanayunan (LINANG)

Sa pangunang pagbabasa, masasabing ang aklat na ito ay mainam na kapanabay na babasahin ng mga antolohiyang “Sigwa” at “Mga Agos sa Disyerto” nang masipat ang mga bersiyon ng prosa ukol sa kalagayang panlipunan ng bansa. Maikakategorya bilang panitikang underground ang aklat na ito na may katangiang “anti-imperyalismong U.S., pyudalismo at burukratang kapitalismo.” Kapuri-puri ang aklat sa paghahain sa mga mambabasa ng higit na awtentikong punto-de-bista sa kasaysayan, sa mga personahe nito, at sa konsepto ng bayani. Ayon sa panimula ni Elias dela Cruz, ang aklat na ito ay “alternatibong literatura na nagtatampok sa mundo na ibang-iba sa ipinapakita ng literatura ng istablisment.” Mangyari, tinatalakay nito ang buhay ni Tatang sa kaniyang paglahok sa Hukbalahap, pakikidigma laban sa Hapon, ang “klining” ng mga isniper sa Maynila pagkaraan ng digma, pagbubuo ng organisasyon ng mga maralitang tagalungsod, at ang mga pag-usbong ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa sa mga hasyenda at asukarera sa Gitnang Luzon. Mahalagang ideya ng paglalathala ng aklat na ito ang pananalig sa itinuring ni dela Cruz na ideya ni Antonio Gramsci na “organikong intelektwal.” Sang-ayon sa kaniya, “sa batayang masa ay mayroong mga nakakapagpaunlad ng kakayahang panliteratura kahit walang pormal na edukasyon sa larangang ito.” Sumasang-ayon ako rito. Bago pa man nauso ang mga klase sa malikhaing pagsulat at panitikan, ang mga ninuno at katutubo ay nakahahabi ng kanilang mga awitin, epiko, alamat, bugtong. Sa kasalukuyang konteksto, ang batayang masa’y nakalilikha ng panitikan na labas sa kahingian ng akademiya: ang mga tula, teatrong pangkomunidad, sanaysay. May bagong hatid na tinig ang mga tekstong ito na naggugumiit ng bagong pananaw sa kasaysayan. Ayon nga kay Prop. Monico Atienza, ito ang “panitikang bayan” o “tinig mula sa ibaba” ayon sa pag-aaral ni Dr. Teresita Maceda.

Sa isang palihan (workshop) na nilahukan ko, sa taguyod ng PANULAT (Pambansang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) noong 1997 sa Malolos, inihain ng mga panelist ang ideya na lahat ng mamamayan ay may karapatang sumulat ng kanilang talambuhay. Naisip ko ang mga talambuhay na laganap sa mga bookstore. Kadalasan, mga sikat na personalidad ang itinatampok. Madalas, hindi ito kathambuhay kundi talambuhay dahil ipinakomisyon ito sa isang manunulat. Nariyan ang mga talambuhay ng bayani ng Rebolusyong 1896, kardinal, pangulo, pamilya, tycoon, artista sa pelikula, at maging sikat na make-up artist. Ito marahil ang tinutukoy ni Elias dela Cruz na “literatura ng istablisment.” Ito ang mga talambuhay na sa pananaw ng mainstream na paglalathala ay katanggap-tanggap at nararapat ibahagi sa mambabasang Pilipino.

Gayunpaman, isang karangalan ang mabasa ang kathambuhay ni Tatang. Maihahanay ko ito sa kathambuhay ni Lola Rosa Henson, ang kauna-unahang Pilipina na lumnatad bilang comfort woman noong panahon ng Hapon. Bukod sa may hatid itong alternatibo sa aking binabasa, naging kongkreto sa akin ang mga ideya sa mga kathang Tagalog na tumatalakay sa reporma sa lupa, dahas ng digmaan, ugnayang panginoong-maylupa at magbubukid sa Gitnang Luzon, at kalawan ng hustisya at pagmamalabis-kapangyarihan sa mga institusyon sa lipunan. Sa talambuhay na ito, natunghayan ko ang pamumuo ni Tatang ng diwang mapanlaban sa panloloko ng mga kontratista sa suweldo ng mga manggagawa. Nakita ko rin ang kaniyang intelektwal na pag-unlad sa pagbabasa ng Communist Manifesto, Kalayaan, Socialism Today, atbp. Hanggang sa magkaroon siya ng ideya ukol sa unyonismo. Lumihis din sa konsepto ng talambuhay ang aklat na ito. Hindi ito kuwentong pansarili lamang. Sa aklat, tinalakay din ang buhay ng lipunan mula sa paglaganap ng kilusang manggagawa at ang sitwasyon sa Gitnang Luzon (ang mataas na patubo sa utang, pagdadala ng regalo sa panginoong maylupa, at ang ginagawang utusan ang anak na dalaga). Natunghayan ko rin dito ang “klining” na hindi ko nabasa sa textbook pangkasaysayan. Ito ang “paglilinis” sa mga natitirang mandirigmang Hapon at Taiwanese (Formosa) sa Chinatown, Maynila noong 1944 sa pangunguna ng mga Pulahang Intsik (Wachi) at Pinoy. Dagdag pa rito ang pagiging alamat ni Tatang si Baryo Magsaysay sa Tondo at pakikipag-ugnay sa masa para mabatid ang laganap na propaganda ng kaaway.

May hatid na karagdagang datos ang ikalawang bahagi ng aklat. Dito matutunghayan ang detalye sa paghawan niya ng sukal sa Hacienda Buencamino para tamnan ng tao, ang pag-eksperimento sa barayti ng tubong itatanim, pagtira sa kampamento (isang kuwarto, 10 tao), walang seguro para sa mga manggagawa sa sentral, ang mga aksidente sa asukarera dahil sa labis na antok ng mga manggagawa. Sa dami ng nakaliligalig na deskripsiyon tulad ng mga nagkalat na bangkay sa dalampasigan, may mga bahagi na nakakatuwa sa kaniyang pagkakaligtas sa kapamahakan: ang kaanyuan niyang hindi dorobo kaya nakaligtas siya sa paglilitis ng mga Hapon. Sinabi niyang namundok lamang siya para maghanap ng mga gulay at prutas dahil walang makain sa Maynila. Natalakay din niya na iba pang kalaban ng mga Hapon: ang Bolshevik, Sosyalista, at Komunista. Natukoy rin ang isang kalaban ng masa: ang “tulisapi” o tulisang USAFFE na nangungurakot sa masa. Higit ding nadetalye sa bahaging ito ang ipinaglalaban ng mga manggagawa—ang close shop contract na “karapatang pumili ng manggagawa ng bagong kasapi, ang bagong kasapi ay magiging kasapi agad ng unyon, at may karapatang magpaalis ng manggagawa ang unyon.”

Magaan ang wika ng aklat. May mga paglalarawan na maipapagkit agad sa isipan (ang mga lamok na sinlaki ng putakti, ang ligaw na patani na nagdulot ng pagtatae, at ang pagkuha ni Tatang ng sapatos ng pilotong Kano na namatay sa pagbagsak ng eroplano). Positibo ang nilalaman ng aklat at naghahatid ito ng mga tagumpay ng anti-pasistang hukbong bayan. Pansinin natin ang seksiyon ng Damayan: “Papaano nagdadamayan ang mga magsasaka? Kapag ang isang magbubukid ay binawian ng saka, nagwewelga lahat ang mga magsasaka bilang pagtutol sa pagtatanggal ng propitaryo sa kanyang kasama na kasapi ng KPMP. Kapag ang isang magsasakaay nagkasakit, kahit walang kalabaw ay matatapos ang lahat niyang trabaho sa bukid sa tulong ng mga kasama. Ganoon din sa paggapas, paggiik, hanggang sa masinop ang palay niya. Pati pari ay nagagawang maging libre ang serbisyo sa masa, tulad halimbawa kung may patay” (pp. 102-103). Tinukoy rin sa aklat na “dimonyo” ang RSA [Repressive State Apparatus](militar, pulisya, kapitalista at hasyendero at ang mga tuta nito). Makatotohanan dahil mula sa paggunita; mas nagpapatibay ng damdamin kaysa mga kuwentong may panlipunang nilalaman na nanggigipuspos o nagdadalamhati sa mga abang sitwasyon. Mangyari pa, ang mga babae sa aklat na ito ay malayo sa pagiging biktima ng panggagahasa (na lantaran sa kathang Tagalog). Sa halip, ang kababaihan ay nananandata laban sa mga Hapon.

Maraming mahahalagang detalye na hindi nailalahok sa kasaysayan. Ngunit laging may panahon para muling isulat ang kasaysayan, upang madagdagan, maisaayos, maituwid. Iyan ang pasasalamat ko sa aklat na binasa.

Friday, August 12, 2005

"Mga Agos sa Disyerto" at ang Pag-usbong ng Kamalayang Panlipunan sa Kathang Tagalog

Pasakalye mula sa sanaysay na:
"The Literary Work and Values Education: Two Texts and Contexts"ni Dr. Bienvenido Lumbera (http://www.crvp.org/book/Series03/III-7/chapter_xv.htm):

In 1965, Mga Agos sa Disyerto was published. It was to become a landmark in the history of Philippine fiction because of its links with the tradition of social consciousness of the Rizal novels and its departures in method and temper from the writing of earlier generations.

It was in the much-maligned commercial weekly popular magazine Liwayway that "Impeng Negro" saw print. It was also this publication which honored the story at year's end as the best that had appeared throughout 1962. Liwayway was originally Photonews, but in 1922 it was converted into a weekly magazine specializing in popular fiction. At the time of Manuel E. Arguilla, Liwayway was to reach a popularity level that destined it as a major factor in the development of 20th century Tagalog literature, particularly fiction. Time and time again, young writers would excoriate the conservatism of the editorial policies of Liwayway, but in the 1960s it was beginning to show signs of opening itself to new writing from the young. Nevertheless, Sikat, looking back in the 1970s, found reason to deplore what he says were unwritten rules about content at the time he was actively contributing to the publication. Sikat listed five forbidden topics: (1) radical politics, (2) striking unions and organized labor, (3) attacks on religious belief, (4) sex, and (5) grim or violent subject matter.

Given the language he was using and the outlet open to him, Sikat addressed his stories to an audience radically different from the audience of contemporaries writing in English. The audience consisted mainly of readers from the lower middle and the lower classes, from both Manila and Tagalog-speaking provinces. The educational level of the bulk of Liwayway readers was elementary at the lowest, and high school at the highest. This meant that writers schooled in fiction coming from the West had to discard technical and stylistic borrowings with which Liwayway readers could not be expected to be familiar. The simplicity, even starkness, of Sikat's writing in "Impeng Negro" derived from such recognition of the limitations of the Liwayway audience. But more important, it was Sikat's intimacy with and affection for the Liwayway audience which gave his writing its peculiar ability to articulate and project the hurts and hopes of the poor and the abandoned. "Impeng Negro," in a time of nationalist unrest and activist fury, was a text encoding a fragmented society's anger and desperation and the isolated individual's vision of anarchy and violence as a way out of oppression.

Mga Nabasang Akda sa Antolohiya:

I. Mga Kuwento ni Efren Abueg

"Sa Bagong Paraiso" -Mainam na paggamit ng alusyong Biblikal para sa paksaing pagkamulat sekswal; may himig na subersibo sa tauhang sina Ariel at Cleofe (Adan at Eba?) sa kanilang paglabag sa mga kumbensiyon na iniaatas ng konserbatibong lipunan. Poetiko ang paglalarawan ng mala-Eden na kapaligiran ng kawalang-malay (innocence) at ng mga punong-kahoy sa pagtukoy ng pagpapalit-panahon tungo sa mundo ng pagkamulat (pagtatalik).

"Mapanglaw ang Mukha ng Buwan"-Bago ang teknik sa pagsasalaysay ng tatlong sabjek o tauhan sa kuwento na nasa yugto ng desperasyon sa digmaan. Mainam ang gamit ng imahen ng ningas kaugnay sa buhay at kapalaran. Dahil sa malarya ni Aling Maring, napilitang magpuslit ng armas at punglo ang banang si Mang Itoy. Kapalit naman ng tabletas, ihahain ng anak na si Clemenia ang kaniyang katawan kay Karyo.

"Mabangis na Lungsod"-Karimakimarim na katha ng pulubing batang si Adong sa simbahan ng Quiapo. Trahedya ang kinasapitan ng kaniyang pagtakas sa pangingikil ni Bruno.

"Dugo si Ulo ni Korbo"-Isang kuwento sa loob ng kuwento ukol sa pagkakaibigan ng sundalong si Ador at ang kalabaw(!) na si Corbo. Kung gaano kalagim ang pagpatay sa hayop, gayundin ang lagim nang lumatag sa bansa ang digmaan. Isang kuwento ng pagkamulat na maitutumbas sa "Old Yeller" at sa "The Yearling."

"Ang Lungsod ay Isang Dagat"-Pinakamaaliwalas sa mga kuwento ni Abueg; ukol sa pagsibol ng pagsinta sa pagitan ng prostitutang si Carina at ang trabahador na si Cesario, sa gitna ng nabubulok na lungsod at masungit na panahon. Malagim ang kasaysayan ni Carina (naglayas dahil sa pagpuputa ng ina, ipinagbenta ng pulubing inakala niyang magulang, nagka-STD ang ina, nagputa para mapagamot ito ngunit namatay din ang ina). Makatatagpo ng "matatag na timbulang kahoy" si Carina sa lalaki.

II. Mga Kuwento ni Dominador Mirasol
"Eli, Eli, Lama Sabachthani"-Serye ng kawalang-pag-asa sa buhay ni Elias. Nakulong dahil sa pagpatay nang ipinagtanggol si Celia sa manggagahasa; mala-hayop ang pagtrato sa bilanggong menor-de-edad sa Welfareville; lupit na buhay sa bilangguan dahil sa pagkain, sanidad, at siksikang espasyo; at ang iniihiang pagkain para sa mga preso. Nakapatay muli si Elias at inilipat naman sa Deathrow. Sa pagbitay, nagkaroon ng bagong pag-asa si Elias: sa pagbabanyuhay.

"Mga Aso sa Lagarian"-Pinakamalagim at masining sa akda ni Mirasol. May pagkakahawig sa "Sa Mga Kuko ng Liwanag": sakiting si Tata Ando na may tisis, ganid na kontratistang si Mr. Limpak, "paglalangis" sa operator ng derik, panghuhuthot ng kontratista. Walang seguro ang mga manggagawa, at wala silang makakapitan kahit abutan man ng kamatayan. Mainam ang pagkakagamit ng imahen ng matatabang aso para ilarawan ang inhustisya sa lagarian.

"Isang Ina sa Panahon ng Trahedya"-Kuwentong maihahalintulad sa Panunuluyan. Sa paghahanap ni Aling Marta ng katarungan sa pagpatay sa kaisa-isa niyang anak, naiparating sa mambabasa ang kabulukan ng pamahalaan, ng pulisya, ng hustisya. Lamang, hindi iginawad sa ina ang karapatang magparusa kay Boy Jungle-bolo, kundi ng isang malagim na aksidente na ikinasabog ng ulo ng salarin.

"Ang Biktima"-Kasaysayan ng binatang mamamatay-pulis na si Totoy Kikil, labing-apat na taon. Naging rebelde sa pulisya dahil na rin sa brutalidad ng mga pulis (pinatay ng mga ina ang ama niya noong bata pa siya). Naging siga sa bilanggunan si Totoy Kikil at lumawak ang impluwensiya. Sa bisa ng inspector (na siyang tagapagsalaysay), napanumbalik niya ang halaga ng paggalang at pagkaama sa kabataan.

"Makina"-Tulad ng mga aso ng lagarian, inihahatid nito ang mensahe ng kalunos-lunos na lagay ng mga manggagawa. Lamang, lunan nito'y sa imprenta. Waring bilanggo sa gusali ang manggagawang si Alipio. Walang seguro, walang proteksiyon, nabutas ang baga niya sa imprenta. Trahedya ang kaniyang kinasapitan. Kailangan na niyang mamahinga ngunit paano naman siya mabubuhay?

III. Mga Kuwento ni Rogelio Ordonez
"Dugo ni Juan Lazaro"-Ukol sa malagim na kapalaran ni Mando na tumangging lumahok sa welga ng mga manggagawa sa pabrika ng tela, gayong batid nito ang katiwalian sa loob (pagtrabaho sa Linggo, lagpas sa oras). Kapit sa patalim ang kaniyang pasiyang huwag sumali sa protesta. Ngunit may kabayaran iyon: ang kaniyang buhay.

"Buhawi"-Ukol naman sa manggagawa ng lansangan ang kathang ito. Iminulat sa mambabasa ang larawan ng karalitaan: ang pagkakabaon sa utang, malnutrisyon, overpopulation. Tinanggal sa trabaho si Andong dahil hindi niya ibinoto ang nanalong Kongresista. Sa paghihimagsik, hinampas niya ng piko ang kapatas.

"Sa Piling ng mga Bituin"-Larawan kung paano binabaliw ng mga katotohanan ng pintor na si Ismael. May pagtatangka sa paggamit ng teknik na daloy sa kamalayan.

"Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya"-Ebolusyon ng isang lupang sakahan tungo sa pagiging pabrika; ng mga magbubukid tungo sa pagiging manggagawa. Muling idiniin ang kawalang-tinig ng mga magsasaka dahil wala silang sariling lupa; kawalang-tinig ng mga manggagawa dahil ayaw sa takot na masisante. Iginiit ni Ordonez ang problema sa pagawaan: walang umento sa sahod, takot magtayo ng unyon, at kailangang magpakitang-gilas. Bumagsak ang katawan ni Lino (dahil sa karamdaman); ang masaklap: tatanggalin na siya ni Mr. Cruz sa pabrika.

"Si Anto"-Sa pananaw ng manunulat na si Mang Roger, inilahad ang kasaysayan ni Anto buhat sa pagiging biktima ng pamilya sa pag-angkin ng lupain (na nagdulot ng atake sa puso ng ina, binaril na ama habang naghuhuramentado, ginahasa't nagbigting kapatid) tungo sa pagiging misteryosong matadero ng mga tiwaling protiyetaryo sa Cavite. Ang kathang ito ang sumusuma sa katangian at elemento ng mga kuwento sa "Mga Agos sa Disyerto."

IV. Mga Kuwento ni Edgardo Reyes
"Di Maabot ng Kawalang-Malay"-Inosenteng pagtanaw sa inosenteng pananaw ng dalawang batang sina Ida at Emy ukol sa buhay-looban, ang pagpuputa ng ina ni Ida, at ang karamdaman ni Obet. Higit na naipakita ng makapangyarihang wakas ang kawalang-malay ukol sa dignidad at lagay ng mag-anak.

"Lugmok na ang Nayon"-Muli, makapangyarihang akda ukol sa maling asal ng mga taga-lungsod na "gatasan" ang nakukubli at natatabing yaman sa nagsasalat na nayon ng Sapang Putol sa San Manuel. Sa kasiningan ni Reyes, makasisimpatya ang mga mambabasa sa tunay na lagay na nayon na malayo sa pintura ni Fernando Amorsolo at Carlos Botong Francisco.

"Emmanuel"-Kuwentong nagtatala sa mga adbentura ng magkaibigang binata, lalo't higit sa paghahanap ni Emmanuel ng kabuluhan sa buhay.

"Ang Gilingang-Bato"-Parangal sa mga inang nagtataguyod ng marangal na bukas sa kaniyang mga supling. Sa lahat ng mga kuwento sa antolohiya, ito ang may positibo at maaliwalas na pagsasalarawan sa kababaihan. Ang kadakilaan ng ina ay maihahalintulad sa tatag ng isang gilingang-bato. Isang tanong lamang, "Bakit hindi ang gilingan ang pinag-agawan ng magkakapatid, matapos pumanaw ang kanilang ina?"

"Daang-bakal"-Litaw ang pananaliksik, pakikipamuhay, obserbasyon ni Reyes sa paggawa at mga manggagawa ng rilesng tren. Nailantad niya, tulad ng isang mamamahayag, ang korupsiyon at katiwalian sa proyektong pampamahalaan--yaong pagnanakaw ni Mr, Manalang ng mga kagamitan, palakasan sa bisa ng mga opisyal sa pamahalaan, pandaraya sa tunay na bilang ng mga manggagawa, at ang pagtataon sa panahon ng eleksiyon. Mainam ang paulit-ulit na paggamit ng imahen ng tila mga bangkay na pagal na katawan ng mga manggagawa. Ito ang nagsilbing konsensiya ni Menes upang tanggihang malahok siya sa binubuong pandaraya sa loob ng sistema. Iniulat niya ang anomalya pero bingi ang mga namamahala. Sagad hanggang kasuluk-sulukan ang katiwalian sa lipunan.

V. Mga Kuwento ni Rogelio Sicat
"Tata Selo"-Maihahalintulad ang tema sa mga kuwento ni Ordonez. Lamang, may angking kasiningan ang kuwentong ito (ang alusyon at ang hiwatig ng panahon). Sa pagtaga ni Tata Selo kay Kabesang Tano dahil binabawa ang saka, matutukoy ang higit pang karimarimarim na katotohanan sa buhay: walang hustisya sa mga anakpawis, malalakas ang maykapangyarihan, at ang mga hikahos ay babawian hanggang sa maging "walang-wala."

"Impeng Negro"-Klasikong akda sa bisa ng pagbaklas nito sa makitid na pananaw ng mga Pilipino sa lahi at kulay. Negro si Impen at lagi'y nakatitikim siya ng karahasan at alimura sa kapwa-agwador na si Ogor. Naging klasiko rin dahil sa temang ang inaapi, kung maghihiganti, at mananaig sa huli.

"Quentin"-Isang kuwento ng pag-ibig na hindi maisasakatuparan. Ngunit, gayong "may sayad" ang kampanerong si Quentin, ipinamalas niya sa mambabasa na marunong siyang umibig at marunong ding umunawa.

"Sa Lupa ng Sariling Bayan"-Anuman ang hinanakit sa pinagmulan, babalik at babalik ka pa rin sa pinagmulan, sa kamatayan.

"Ang Kura at ang Agwador"-Mala-Pilandok (trickster tale) na kuwento ng magkakabatang si Diego/Egong Laki (na agwador) at ni Padre Gonzalo (na dating agwador, ngayo'y pari). Dahil may kahinaan din sa bait tulad ni Quentin, kapilyuhang pambata ang isinagawa ng agwador: linagot ang lubid ng kampana, sinabotahe ang tanim na papaya ng pari (paano na ang libido?), ninakaw ang alak ng pari, inihaw ang kalapati at kuneho ng pari. Isang kapilyuhan humantong sa madugong aksidente ang gumising sa pang-unawa ni Egong Laki. May bakas ng Katolikong sensibilidad, kuwento ito ng pagpapaamo sa isang walang pananampalataya. Kuwento ito ng panunumbalik ng paggalang, sa paraang magaan.

Mga Paboritong Kuwento sa Aklat: "Mga Aso sa Lagarian" (dahil sa gamit ng larawan), "Di Maabot ng Kawalang-Malay" (dahil sa kakintalan sa wakas), "Lugmok na ang Nayon" (dahil sa masakit na mensaheng kumukurot sa puso at sensibilidad), "Gilingang-Bato" (dahil sa kamalayang pangkasarian), "Tata Selo" (dahil sa kasiningan at makapangyarihang gamit ng salita), "Impeng Negro" (dahil sa mensahe ukol sa lahi), "Sa Bagong Paraiso" (dahil sa paggamit ng alusyon, at ang kuwentong "Si Anto" (dahil ito ang bumubuod sa diwa ng antolohiya).

Panimulang Reaksiyon at Tala sa Aklat:
Kapansin-pansin ang pagiging realistiko ng mga kuwento sa aklat, buhat sa kilusan ng "limang suwail" at sa "mga bagong dugo" ng panitikang Tagalog. Iniangat nila ang antas ng panitikan sa Tagalog/Pilipino, sa pamamagitan ang pagpapamalas ang pagkagulang (maturity) sa teknik ng pagkukuwento. Wala silang inililihim ukol sa kahirapan. Malayong-malayo ito sa moda ng "maganda pa ang daigdig." Dahil lumabag sila sa kumbensiyon ng komersiyal na panulat, malaya ang mga kuwentista sa kanilang sining. "Dinilig nila ang ka-disyertuhan" ng panitikang bernakular. Dito'y hitik sa karahasan, tanggap ang murahan, hindi romantiko ang depiksiyon sa "masasamang trabaho" may sex, may panggagahasa, lantad ang iba't ibang mukha ng kahirapan, ang pagkapit sa patalim. Karima-rimarim ang realidad. Maaamoy ng mambabasa ang lansa ng dugo, ang burak, ang putik, ang aspalto, ang pawisang katawan, ang anghit. Salat sa pag-asa ang realidad. Hindi inililihim ang kamatayan at ang pagpatay. Nanunuot sa lipunan ang karahasan, ang katiwalian, ang pagmamalabis ng pulis at mga politiko. Tila tanggap ng mga kumakapit sa patalim ang korupsiyon, sumusuot ito kahit sa pinakamaliliit na tao. Kawawa ang mga babae sa mga kuwento, palibhasa'y mga lalaki ang sumulat. Itangi natin ang kuwentong "Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. Intsik, mestiso, Kastila, Amerikano, at mga matataba ang laging kalaban sa karapatan ng mga manggagawa at magbubukid. Malaki ang ginampanan ng mga pahayagang pangkampus (MLQ, PNU, UP) sa paglalathala ng mga kathang di ililimbag ng "Liwayway." Makamanggagawa at maka-anakpawis ang diwa ng mga kuwento; tila nagmumulat at nanghahamon. Ngunit, hindi katulad ng "Sigwa," hindi ito lantarang nag-aaya sa mga mambabasa na makilahok tungo sa pagbabago ng mga sistemang panlipunan.

Tuesday, August 09, 2005

"Maganda Pa ang Daigdig" at ang Ideyal na Bayan ng X

Bahagi ng aking reading list ang aklat na ito ni Lazaro Francisco na nalathala noong 1955. Lagpas na rin ako sa kalahati, sa wakas. Dahil halos Ingles ang mga binabasa ko sa mga nakaraang araw, nahirapan akong magbasa sa nobelang ito. Dagdag pa rito, lumang Tagalog (hindi Filipino) ang wika ni Francisco; pinaghalong Tagalog-Bataan at Tagalog-Nueva Ecija. Umiinog ang nobela sa lihim na pagmutya ni Miss Loreto Sanchez, isang prinsipal, sa dating sundalo ng Bataan na si Mang Lino. Ginahasa ng mga sundalong Hapon ang dating maybahay ni Lino, hanggang sa nagpatiwakal ito sa kahihiyan. Nagtagpo sina Loreto (Luring) at Lino sa may Quiapo, nang iniligtas ng lalaki ang ninakaw na bag ni Luring. Sa pag-uwi ng binibini sa Pinyahan, sa bayan ng X, natuklasan niyang nakikipirmi si Lino, kasama ng kaniyang anak na si Ernesto dito.

Lantarang moralistiko at romantiko ang nobela, lalo pa't kung iisiping una itong nalathala (bilang serye o subaybayin) sa magasing Liwayway noong dekada `50. Kapwa mapagbigay at matulungin sina Miss Sanchez at amain nitong isang pari: nagbibigay ito ng trabaho sa mga mahihirap na kapitbahay. Gayunpaman, nakaigpaw si Lazaro sa pagsusulat ng komersiyal at pormulado. Matapang na sinuri sa nobela ang "kalawang ng kahapon"--ang tenancy system, ang ugnayang panginoon-alipin, sistemang piyudal sa lipunang agrikultural sa Gitnang Luzon. Ngunit, mababakas ang tindig-politika ni Lazaro, sa katauhan ni Lino: ayaw nito sa "mas malawak na demokrasya" o ang pagsapi nito sa mga gerilya o Huk, sa anyaya ni Kumander Hantik. Tinututulan ito ng nobelista dahil sa napipintong giyera sibil sa mga kanayunan. Sa halip, humihiling siya, sa persona ni Lino, ng reporma sa lupa at pagbubuwis ng pamahalaan, imbes na nasa pangangalaga at pamamahala ng mga haciendero ang kanilang lupain.

Huminto ako sa parteng dinakip ng konstabularyo si Lino. Napagbintangan siyang maysala sa pagpatay at pangungulimbat sa Maynila. Dinalaw siya ng pari ng Pinyahan para malaman ang tunay na kaso.

Inilahad ni Lino ang pangyayari sa Piyer X, Maynila. Ang kaso'y wala man lamang sasaksi sa kaniya. Makalawang beses na siyang makukulong dahil sa wala siyang saksi. Ang hindi alam ni Lino, nagtagpuan ni Rada ang saksi (at tunay na maysala) sa Camarines Sur [isang malaking coincidence!] pero tumakas na ito kasama ang 12 bilanggo nang ililipat na sa Muntinlupa.

Kumalat ang balita si Lino at ang kaniyang mga kasamahan ay nagmistulang-Robinhood. Hinuhuli nila ang mga Huk(balahap) na nagkakalat ng lagim, nanggagahasa, nagnanakaw. Nagkataong nagtagpong muli si Lino at si Kumander Hantik sa isang kuweba, habang nagbubugkal sila ng mga baril at punglo. Inanyayahan nito si Lino na lumahok muli sa Huk, para sa mas malawak na demokrasya, diumano. Tumangging muli si Lino. Hindi niya hangarin ang pandarambong. Bilang ganti, ipinalaganap ng mga sumukong Huk sa gobyerno na sina Lino ang ngayo'y nagkakalat ng lagim sa mga lalawigan. Nabuo ng Operation Scarlet pero hindi pa rin mahuli sina Lino.

Sa kumpisal ng isang rantsero, natukoy ni Padre Amante ang kinaroroonan nina Lino. Hihikayatin niya sina Lino na sumuko at ibabalitang mapapawalang-sala siya sa kaso ng pagpatay. Tinanggap ni Lino ang alok, at natuklasan pa niyang may pagsinta sa kaniya si Luring.

Mga Puna: May suspetsa ako na ang nobelang ito ay nabahiran ng sentimyentong anti-Huk nang isinusulat ni Francisco. Maaaring sabihin na propaganda ito ng pamahalaan sa paglupig sa mga tulisan pagkaraan ng digmaang mundiyal. Kapuri-puri at matapang ang pagpili ng paksa, lalo pa't sa magasing komersiyal ito nalathala noon. Gayunpaman, nakipagkompromiso ang nobelista sa kaniyang tagapaglathala kaya kapansin-pansin ang gamit niya ng kuwento ng pag-ibig. Tigib sa ideyalismo ang kuwento--mananaig ang pagmamahal, pagtulong sa kapwa, hustisya sa mahihirap, reporma sa lupa, nasyonalismo, kapayapaan, relihiyong tumutulong sa ikauunlad ng anak-pawis, at kontra-terorismo. Sa madali't sabi, "maganda pa ang daigdig" pagkaraan ng digmaan at sa patuloy na pagdami ng mga Huk sa mga kanayunan. Habang binabasa ko ang nobela, wari akong nanunuod ng lumang pelikula ng LVN: poetiko ang mga dialogo, mahahaba ang paliwanag, ma-pilosopiya ang mga katwiran, tradisyonal at ingat na ingat ang akto ng mga tauhan. Makabuluhan sa kaniyang panahon ang nobelang ito. Pero salat sa higit na pagpuwing sa sistemang pangkabuhayan at panlipunan ng bansa.


Sunday, August 07, 2005

ANG CHOCOLATE FACTORY AYON SA NAG-ATKINS' DIET

"From 4 pounds of sugar--the most concentrated of carbohydates--to 175 pounds per person a year in eleven generations! This may well be the most drastic dietary change in man's environment in his whole fifty million years of existence!

"So what? Sugar makes us fat. It makes dentists rich. One doctor asks, "If simple sugar can rot and crumble away to nothing the hardness of teeth, what ruins is it wreaking on the rest of the body." (Dr. Atkins' Diet Revolution by Robert C. Atkins: 1972, p. 57)

Noong bata pa ako (at alam kong nasa kamalayan din ito ng aking mga kababata), nahalina ako sa mga patalastas ng Goya Fun Factory at sa Tootsie Roll. Naging laman ng aking mga panaginip ang isang tren na lumilibot sa isang daigdig na yari sa mga kendi. Nagkaroon pa nga ng alamat na pampamilya na tanging mabait na bata lamang ang makararating sa Fun Factory. Ito ang bersiyon ng langit para sa mga bata ng aking henerasyon. Laging umaandar sa utak ko na balang-araw, makabibisita ako sa pabrikang iyon. Doo'y ang ilog ay tsokolate. Ang mga puno ay namumunga ng mga makukulay na kendi. Ang mga bulaklak ay yari sa kumplikadong hugis ng mga matamis. Nasa damuhan ang mga munting halaman na sa tingin pa lang ay ubod na ng tamis. Dagdag pa sa matamis na imahinasyon ng aking pagkabata ang kuwentong pambatang "Si Inggolok at ang Planeta Pakaskas" na isinasalaysay sa programang Batibot: yari sa gelatin, gatas, yema, tsokolate ang paligid.

Pagkatapos lamang ng kolehiyo nang makilala ko ang librong "Charlie and the Chocolate Factory" ni Roald Dahl. Isang segunda manong aklat itong nabili ko. Nagustuhan ko nobelang ito at saka ko napag-ugnay na hiniram ng Goya Fun Factory ang ideya nito mula kay Chocolate Factory ni Dahl. Naging isa sa mga nagustuhan kong nobela ni Dahl ang aklat; ngunit para sa akin, sa mga akda ni Dahl, higit na mainam ang "Matilda," "James and the Giant Peach," at ang "The BFG" (Big Friendly Giant). Napanood ko ang unang bersiyon ng Chocolate Factory. Siguro'y dahil napaglakhan ko ang estetika ng naturang pelikula, kaya hindi ko ito nagustuhan, maliban na lang sa theme song nito. Nang mabalitaan kong magkakaroon ng bagong bersiyon, sa direksiyon ni Tim Burton, naisip kong pagbibigay-hustisya ito sa mapaglarong prosa ni Dahl.

Mainam naman ang napanood kong pelikula kanina sa Eastwood Cinema 2. Mainam dahil ang mga batang manonood ay natatawa sa mga eksena. Nakapapasok sila sa pangarap ni Charlie na magkaroon ng golden ticket. Nasa moda ng "pinagpapala ang mabait at mahirap na bata" ang kuwento. May himig na didaktiko ang kuwento. Waring naririnig ko ang isang magulang na nangangaral: "Anak, magtiis ka lang at bubuhos din ang biyaya. Makararating ka rin sa daigdig na matatamis ang lahat." Lalo pang napagtibay ang himig na didaktiko nang isa-isang nalagas sa grupo ng limang bata, kasama ng lima nilang magulang/tagapangalaga sina Augustus Gloop (dahil ubod nang takas, pinabayaan sa kusina, hindi mapigil sa kangunguya), si Veruca Salt (dahil sa laki ito sa layaw at lahat ng gusto ay dapat niyang makuha), si Violet Beauregarde (dahil sa pagiging padalos-dalos nito at agresibo sa mga bagay kahit sa babala ng nakatatanda), at si Michael Teavee (na padalos-dalos din, hindi maawat sa telebisyon at computer games).

Kung gagamiting sukatan ang tradisyonal na pagtingin sa panitikang pambata at ang pananaw na moralistiko, pasado ang pelikulang ito. Nagtataglay ito ng mga ginintuang aral na gagabay sa tamang ugali ng bata.

Ngunit umigpaw si Roald Dahl sa tradisyonal. Gamit ang estilo ng humor (pisikal, dialogo, sitwasyon), naibalot tulad ng matamis na kendi ang tunay niyang agenda sa paggabay sa mga batang mambabasa. Napagsanib niya ang aliw at ang aral. Nilahukan pa niya ito ng elemento ng pantasya kaya masasabing hindi lantarang nangangaral ang kaniyang akda.

May bagong hatid sa mga henerasyon ng bata si Burton. Naisalin niya sa mga larawan at imahe ang matalas na prosa ni Dahl. Gayunpaman, sa labis niyang pagsandig sa kuwento, nailahok niya ang isang eksena na maaaring makainsulto sa usapin ng lahi. Ang tinutukoy ko ang mga tauhan ng Oompa Loompas. Kapag gagamiting batayan ang postkolonyal na diskurso, ikakabagsak ni Dahl ang kaniyang kuwento. May himig ng exotisisasyon (kumakain ng insekto at katerpilar ang mga katutubong Oompa Loompas) ang bahaging ito. May himig ng pang-aalipin (sila'y trabahador sa pabrika) at pang-aabuso (ginagamit ang mga Oompa Loompas sa eksperimento sa mga bagong produkto). Dagdag pa sa politically incorrect na eksena ang pang-aabuso sa hayop (sinasadyang saktan ang baka para makagawa ng Whipping Cream). Maaaring hindi ito mababasa ng mga bata, habang tumatawa at nagigitla sila sa unibersong binuksan ni Burton. Pero, sa pagtanda nila'y baka lumabas ang kubling pang-aalipusta sa lahi. Pinatutunayan ng pelikula, kahit pambata man, ay nagtataglay ng politika (masama man o mabuti). Hindi ligtas ang panitikang pambata bilang daluyan ng kamalayang maka-Europeo o maka-Puti. May nananatiling gahum (hegemony) kahit sa isang anyong pampanitikan na itinuturing na ligtas o payak.

Kung aalisin ko ang postkolonyal na pagbabasa, mahusay na pelikulang aliwan ang "Charlie and the Chocolate Factory." Bumalik ako sa gunita ng aking pagkabata. Naalala ko ang aking bersiyon ng Goya Fun Factory. Sana'y nagkaroon ako ng pagkakataon na makapunta sa pabrikang ito (para kahit isang araw man lang ay makain ko ang lahat ng mga tsokolate sa paligid). Isa pang pampamilyang alamat: maaari mong makain doon ang lahat ng kendi, basta huwag ka lamang mag-uuwi sa bahay. Para itong alamat ni Mariang Sinukuan: na sa bundok Arayat, puwede kang kumain ng mga gulay at prutas, huwag lang iuuwi sa bahay.

Paglabas ng sinehan, may kung anong lungkot akong naramdaman. Hindi na pala ako bata; gustuhin ko mang maging bata ang aking puso at kaluluwa. Magsulat at magbasa man ako ng mga kuwentong pambata. Kahit kaya kong bilhin ang lahat ng mga tsokolate, iniisip ko ang peligrong maidudulot nito sa aking katawan. Nasa panahon ako na binibilang ang ipinapasok na calories sa katawan; tinitimbang ang carbohydrates sa pinggan; sinusuri ang blood sugar; isinusumpa ang visible fats sa karne. Kaya sa gabing ito, namaalam ko sa ambisyon ng pagkabata. Paalam, Goya Fun Factory. Paalam, Tootsie Roll. Paalam, Golden Ticket. Nakapanlulumo na tulad ng ideya ng Pasko, magiging isang pambatang ideya ang pagkain ng mga tsokolate. Paalam, Milo. Paalam, Kitkat. Paalam, Hershey's. Paalam, ChocNut. Paalam, Cadbury. Paalam, Three Musketeers. Paalam, Snickers. Paalam, Nips. Paalam, Ovaltine. Paalam, Starbuck's at Seattle's Best.

Dagdag pa sa aking biglaang panlulumo ang gloripikasyon sa asukal at pagkaing maasukal. Nakuha ko ang ideyang ito sa libro ni Dr. Atkins, ang medikong kalaban ng mga refined carbohydrate. Sa telebisyon, lagi'y nakikita ko ang slow motion na kuha sa malalapot na arnibal, ang tasa ng tsokolate, ang piraso ng matamis bilang pampalipas-oras, ang ice cream na kasama sa pagdiriwang, ang kahon ng tsokolate sa romantikong magkasintahan. Bakit may gloripikasyon sa mga bagay na nakamamatay? Ang mga sinaunang tao, ang ating mga ninuno, ay nabuhay sa simple sugars mula sa prutas. Bakit ngayo'y nagiging "pasalubong ng bayan" ang cake na magbabanta ng diabetes, obesity, cancer?

Paano kaya kung baligtarin natin ang pangyayari? Puwede kayang patalastas ang mga gulay bilang handa sa birthday party? Puwede kayang kasama sa romantikong eksena ang pagkain ng letsugas at iba pang berdeng gulay? Puwede kayang iregalo sa anibersaryo ang isang kahon ng labanos o bayabas, may kasama pang pumpon ng bulaklak ng kalabasa?

Kung nagagawa ng mga patalastas ang gloripikasyon sa asukal, sana magawa rin ito sa mga pagkaing magpapahaba ng buhay. (Kung magkakagayon, aasahan kong ipapalabas sa mga susunod na taon ang pelikulang "Charlie and the Garden Fresh Salad." More?)

Rating: Nilalaman (6.5/10) Pamamaraan (8/10)



Saturday, August 06, 2005

MGA HULING NAPANOOD


Dalawang pelikula ang napanood ko sa mga nakaraang araw; iyong una'y sa ginhawa ng sariling kuwarto, at ang isa'y sa ginhawa ng pinakamainam na sinehan (sa palagay ko) sa Eastwood.

Matagal ko nang nabasa ang nobelang "Because of Winn-Dixie" ni Kate DiCamillo kaya nang malaman kong gagawin itong pelikula, muli ko itong binasa para manariwa ang aking gunita sa kuwento. Sa sikap ni Wayne Wang, naisapelikula nga ang nobelang pambatang ito. Masasabi kong tapat sa teksto ang naturang pagsasalin sa pelikula. Ngunit, hindi gaanong naisalin sa pinilakang-tabing ang mahika at rikit ng prosa ni DiCamillo. Gayumpaman, mainam pa rin ang pelikula. Matino, kumpara sa ibang halimbawa ng pagsasapelikula ng akdang pambata tulad ng "Lemony Snicket's Series of Unfortunate Events."

Kapuri-puri sa pelikula ang pagtatampok sa aso (Winn-Dixie, mula sa pangalan ng grocery store sa timog na bahagi ng Amerika) para maisaayos ang mga ugnayan sa komunidad ng Naomi. Sa bisa ni Winn-Dixie sa buhay ni India Opal (kilala si DiCamillo sa paggamit ng kakaibang pangalan ng mga tauhan niya), naisagawa ang mga sumusunod: (1) napaigting ang ugnayan ng mag-ama, (2) nasira ang haka na isang bruha ang kapitbahay, (3) nakilala ni India Opal ang mapagkalingang librarian, (4) nakilalang mabuti ni India ang mga bata sa komunidad, (5) nakilala niya ang katauhan sa likod ng isang dating bilanggo, (6) natutunan niyang unawain ang personalidad sa likod ng masusungit na tao. Gayong sa pagkakasulat nito'y mukhang didaktiko ang pelikula, pero kabaligtaran. Naisagawa ng pelikula na maging magaan at suwabe ang pagkakapasok ng mga ideyang ito. Hindi lumalabas na nangangaral ang pelikula ukol sa mabuting pakikipag-kapwa tao at pagkilala sa tunay na nararamdaman. May mga munting mahika ang kuwento: ang pagtatagpo ng mga tauhan sa komunidad dulot ng aso, ang kending lasang hilahil (Tagalog ng "melancholy"), ang punong naglalaman ng mga kasalanan (mga bote ng alak na nakasabit sa puno, dahil dating alkoholiko ang may-ari ng puno), ang mahiwagang tinig ng dating bilanggo na nakapagpapaamo ng mga hayop sa pet store, ang pagpapalambot sa puso ng Preacher (ama ni India) sa tulong ni Winn-Dixie, at ang pagkakaisa ng mga tauhan, gayong magkakaiba sila ng uri, lahi, at katayuan sa buhay. Mainam na device na ginamit ni DiCamillo ang paglilista ng sampung bagay na maglalarawan sa lumisang ina ni India Opal.

Rating: Nilalaman (8/10) Pamamaraan (7/10)

Magkapareho ng diwa ang dalawang pelikulang "Crash" at "Because of Winn-Dixie," gayong magkaiba ang mga ito ng intended audience. Ang "Crash" sa panulat at direksiyon ni Paul Haggis, tulad ng nauna, ay naglalayong sirain ang mga istiryotipo na may kaugnayan sa lahi. Nakabatay sa Los Angeles ang kuwento ng maraming tauhan. Walang iisang bida ang pelikula; bagkus, maraming tauhan ang ginamit para isalarawan ang isang lipunang multikultural tulad ng L.A. Kung pag-uusapan ang istruktura ng pelikula, maihahalintulad ko ito sa "Magnolia", "Amores Perros" at sa "Happiness"--nagkakasalubong ang mga tauhan, halos walang mga ugnayan sa isa't isa pero dapat magkatagpo para makabuo ng isang kakintalan. Mahirap ibuod ang pelikulang halos hindi linyar (salungat sa three-act structure) ang pagkakakuwento at walang iisang protagonista. Gayunpaman, matagumpay ang pelikula sa pagpuwing sa mga nakamihasnang istiryotipo ukol sa mga lahi sa L.A., bagamat maituturing silang mga mamamayan ng Amerika--

Api ba talaga ang mga Asyano sa Amerika?
Gagawa ba talaga ang mga Itim (Afro-Americans) ng masasama laban sa mga Puti?
Bakit masama ang pananaw ng mga taga-Middle East sa mga Latino?
Arabo ba ng mga galing sa Iran?
Walang bang gagawing mabuti ang mga Puti kundi ang ipagsigawan sa Amerika na sila ang dapat maghari?
Paano magiging magkaibigan ang isang among Puti at isang kawaksing (maid) na Latina?
Mabuti ba talaga ang intensiyon ng isang Tsino sa Amerika?
Bakit "Intsik" ang tawag ng mga Itim sa lahing Cambodian at Thai?

Higit pa rito, masasabi kong hindi nahulog si Paul Haggis sa bitag ng de-kahong pagkukuwento ukol sa usapin ng mga lahi sa Amerika. Sa pelikula'y walang lubusang masama. Sa pelikula'y hindi laging api ang itinuturing na minorya; hindi laging bida ang itinuturing na nangingibabaw. Dito'y ang itim ay hindi laging itim ang budhi; ang ang puti ay hindi laging puti ang mithiin. Binabasag nito ang mga nakamihasnang ideya ukol sa mga lahi. At dahil dito, nagiging komplikado ang personalidad ng bawat mamamayan sa Los Angeles, katulad ng pagiging komplikado ng isang lipunang nabubuo dulot sa pagiging multikultural nito.

Mainam na panoorin ang pelikulang ito bilang aralin sa kung paano ba humubog ng isang karakter na hindi mula sa makitid na pag-iisip. Hindi propaganda ang pelikula. Hindi ito nagtataguyod na "Igalang ang mga Asyano! Igalang ang mga Latino! Igalang ang mga Itim!" Sa halip, inilatag nito sa manunuod na ang kulay ay hindi magiging batayan sa kung ano ang katangian at tipo ng isang nilalang.

Rating: Nilalaman (9.5/10) Pamamaraan (9/10)

MGA HULING NABASA



Sa wakas, matapos ang halos isang linggo, natapos ko na ang "Harry Potter and the Order of Phoenix." Masasabi kong sa limang aklat ni J.K. Rowling, ito ang pinakapaborito ko. (Pero inuusig ko ang sarili kung nagustuhan ko ba ito dahil sa haba at kapal ng aklat, ayaw kong isiping nagsayang lang ako ng oras.) Sa aklat na ito, higit kong nakita ang dilim at lagim sa isang nobela na nagtatampok ng tunggalian ng masama at mabuti. Dagdag pa, nabawasan ito ng pagiging "cute," bagay na mainam sa akin. Nawalan kasi ako ng ganang basahin ng Harry Potter, pagkaraan kong basahin ang "Harry Potter and the Goblet of Fire." Isang taon nang nakatiwangwang sa eskaparate ang kopya ko ng HP Book 5 (mula pa sa honorarium na nakuha ko nang magjudge ako sa University of Asia and the Pacific sa kanilang Buwan ng Wika celebration). Pakiwari ko, ang ikaapat na aklat ni Rowling ay isang mahabang pagsasalaysay lamang na maitutumbas sa intramurals. Kulang sa sustansiya ang bahaging iyon. Bumalik ang aking interes sa Harry Potter nang lumabas ang ikaanim na tomo. Lalo pa't karamihan sa mga kaibigan ko ang nakabili na ng kopya. Itinakda ko sa sarili na kapag bibili ako niyon, marapat kong basahin ang ikalima. Para, kako, hindi lamang aalikabukin.

Hindi ako binigo ni Rowling sa ikalimang aklat. Higit akong nakisimpatya sa hapding naramdaman ni Harry bilang outcast sa Hogwarts (dulot ng mga tsismis at paninirang-puri) at sa pagkakapaslang sa kaniyang ninong na si Sirius, kilala bilang bilanggo ng Azkhaban. Nasaktan ako nang binawi kay Harry ang karapatang makapaglaro ng Quidditch, at ang mga detensiyon niya kay Dolores (ubod ng hapdi ng parusa sa kaniya). Nanggalaiti rin ako kay Dolores Umbridge sa lahat ng katampalasan na ibinigay niya sa bida. (Nakilala kong motif ang masungit at mapang-abusong guro sa panitikang pambata tulad ng "Little Princess" o ng "Matilda"). Magandang ideya ang pagkakabuo ng manunulat sa Order of Phoenix at sa Dumbledore's Army. Dito mo makikita ang tunay na kaibigan at ang lihim na kalaban. (Naisip ko, mas higit kong matatanggap ang lantarang kaaway kaysa lihim na kagalit.)

Sa pagbabasa rin ng aklat, nais ko tuloy maging estudyante ng Hogwarts. Kung mangyayari ito, kukuha ako ng mga sumusunod na asignatura: Potions, Care of Magical Creatures, Defense Against the Dark Arts, Charms, Herbology, Astronomy at Divination. Kaluigod-lugod na habang binabasa ko ang aklat, bumabalik ang gunita ng pag-aaral ko sa high school--ang mga exam sa Biology, ang mga experiment sa Chemistry, ang elective ko na Baking. Mas nakapangingilabot ang malisyang ipinapalaganap ng Ministry of Magic at ng mga galamay ni Lord Voldemort. Mas hitik sa mga misteryo at sa mga bagay na dapat saliksikin. Bukod sa tunggalian ng masama at mabuti ang aklat na ito; mas angkop kong tawagin ito bilang isang kuwento ng imbestigasyon. Balak kong basahin ang aklat ni Bruno Bettleheim na "Uses of Enchantment" para higit kong maunawaan ang sikolohiya habang nakararamdam ako ng ginhawa sa pagsupil sa kasamaan at kadiliman. Salamat pala kay ulanmaya sa pagpapadala niya sa akin ng aklat na ito. Hayaan mo, pagkatapos ng lahat (ibig sabihi'y ang PhD., babasahin ko nang buo ang aklat na ito.)

Nabasa ko naman ang "Morning Girl" ni Michael Dorris, isang gabing nagluluto ako ng nilagang baka. Alam naman nating lahat na masarap ang ulam na ito kapag malambot ang karne. Kaya habang naghihintay akong magpalambot, napagpasiyahan kong basahin ang manipis na aklat ni Dorris. Mga tatlong taon na sa akin ang aklat na ito. Ngayon ko lamang nabasa nang buo. May halina sa akin ang aklat dahil mahilig ako sa mga akda na may kinalaman sa dagat. Mangyari pa, interesado rin akong magbasa ng akdang historikal. Mainam ang aklat na ito dahil sa napakaikling babasahin, buong-buo ang pagkakakuwento. Tunay nga ang kasabihan ng mga Hudyo (Jew) na "ang mga salita ay hindi binibilang kundi tinitimbang." Kapuri-puri ang aklat dahil sa matulain nitong prosa. Hitik sa imahen ng dagat, gabi, bagyo, araw, at katutubong kulay ang prosa. Gayong wala akong alam sa kasaysayan ng mga Native Americans bago dumating si Columbus (Cristobal Colon), nakaugnay ako sa teksto. Tama nga ang sabi ng mga kritiko, dapat ang mga akda/kathang historikal ay magiging kaiga-igayang basahin kumpara sa mga textbook na pangkasaysayan. Mayaman din sa kultural at antropolohikal na detalye ang akda: ang paniniwala nila ukol sa buhay pagkaraan ng kamatayan, ang pakikipagtagpo ni Star Boy sa yumao niyang lolo, ang ritwal pagkaraan ng kalamidad, ang karaniwang buhay ng mga sinaunang tao, ang pagbibigay ng pangalan sa kanilang lipunan [Morning Girl ang pangalan ng bida, Star Boy ang pangalan ng kaniyang kapatid]. Higit sa lahat ng ito, ang husay ng aklat ay ang pagtatampok ng karaniwang tao sa isang historical fiction. Iyon naman talaga dapat ang peotika ng ganitong anyo: ang pagbibigay ng espasyo sa mga karaniwang tao dahil laging bida ang mga bayani at ang mga maykapangyarihan sa mga aklat pangkasaysayan. Sa madaling sabi, bukod sa masining na pagkakasulat, bagong pamamaraan (ang paggamit ng nagsasalitang punto-de-bista sa bawat kabanata), maituturing kong subersibo ang tekstong ito. Karangalan ko ang pagbabasa ng teksto ni Michael Dorris; na sa pagsasaliksik sa kaniyang buhay, nanlumo ako na winakasan niya ang kaniyang buhay. Paanong ang ganitong nilalang na may potensiyal na maging dakila ay magpapatiwakal? Sayang, sana'y marami pa siyang maisusulat. Sana'y marami pa siyang aklat na hahanapin ko at pag-aaralan.

Susunod kong babasahin, dahil Buwan ng Wika, buong Agosto akong magbabasa sa wikang Filipino. Diyeta muna sa pleasure reading.
  1. "Maganda Pa ang Daigdig" ni Lazaro Francisco (Nangangalahati na ako sa nobelang ito. Sa una, nahirapan ako sa paggamit ni Lazaro ng lumang Tagalog pero naaaliw ako sa pag-iibigan nina Miss Sanchez at ni Lino na isang beterano sa digmaang Bataan.)
  2. "Maikling Kuwentong Tagalog" ni Teodoro Agoncillo (patnugot)
  3. "Mga Agos sa Disyerto" (re-reading)
  4. "Ang Pamilya ni Pascual Duarte" ni Camilo Cela
  5. "Nasa Puso ang Amerika" salin ni Carolina Malay
  6. "Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang"
  7. "Ginto sa Kayumangging Lupa" ni Dominador Mirasol
  8. "Pinaglahuan" ni Faustino Aguilar
  9. "Bulalakaw ng Pag-asa" ni Ismael Amado
  10. "Silang Nagigising sa Madaling-Araw" ni Constante Casabar
  11. "Maiikling Katha" ni Genoveva Edroza Matute
  12. "Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum" ni Reynaldo Munsayac

Hayaan ninyo, maglalaan ako ng maiikling pananaw sa mga aklat na ito sa susunod kong mga entry sa blog.

NGAYONG BUWAN NG WIKA

Dumating na ang buwan ng Agosto. Panahon na naman ng mga patimpalak sa pagsusuot ng katutubong damit, paligsahan sa pag-awit sa Filipino, pagkilala kay Manuel Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa, at mga sari-saring pagtatanghal tulad ng sabayang-bigkas, talumpati, atbp. Sa buwang ito, muli na namang maaalala ang salawikain ni Rizal: "ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda." Ngunit hindi ko batid kung may sumeseryoso na ang winikang ito ng pambansang bayani.

Ngayong Buwan ng Wika, inilista ko ang mga bagay na maghahatid ng tuwa at lungkod bilang isang tagasubaybay sa pag-unlad ng wikang pambansa. Mula ito sa pananaw ko bilang manunulat sa wikang Filipino at guro sa wika at panitikan ng Pilipinas.

Natutuwa ako dahil:
  • Filipino ang wika sa mga balita sa telebisyon
  • Filipino ang wika sa mga dokumentaryo at magazine show sa telebisyon
  • naka-dub ang wikang Filipino ang mga anime mula sa Japan
  • kasama na sa UPCAT (UP College Admissions Test) ang Filipino
  • nasa wikang Filipino ang mga popular na fantaserye at mga soap opera
  • may mainam na diksyonaryo sa wikang Filipino na masasandigan ng mga mag-aaral: ang U.P. Diksiyonaryong Filipino
  • nasa wikang Filipino naka-dub ang mga Koreanovela at iba pang banyagang soap opera
  • may mga banyagang pelikula ang naka-dub sa wikang Filipino tulad ng "My Sassy Girl" na malapit nang ipalabas
  • gumagamit ng wikang Filipino ang mga politikong (may sinasabi)
  • may Filipino subtitles ang ilang DVD tulad ng "Master and Commander"
  • maunlad ang dula at teatro sa wikang Filipino
  • may outlet ang mga manunulat sa Filipino at rehiyonal na wika (Hiligaynon, Iloko, Cebuano) sa mga patimpalak tulad ng Palanca at NCCA
  • ang mga manunulat sa Filipino ay kinikilala ng bansa bilang National Artist (tulad ni Virgilio Almario, Amado Hernandez, Levi Celerio, at Rolando Tinio)

Nalulungkot ako dahil:

  • maraming kabataan sa Metro Manila na kung mag-Ingles ay daig pa ang mga Amerikano
  • nakakahiyang magkamali sa gramatikang Ingles pero cool ang magkamali sa Filipino
  • para sa mga Pilipino, sukatan ng katalinuhan at "may pinag-aralan" ang pagkatuto sa Ingles
  • bibihira na ang pelikula sa wikang Filipino; namatay na ang pelikulang Bisaya; nilamon nang tuluyan ng Hollywood ang mga sinehan sa Pilipinas
  • nauuso na ngayon ng romance novel na Taglish (kaysa dati na Filipino)
  • humina ang komiks sa wikang Filipino; sumulpot ang graphic novel sa wikang Ingles
  • pinaiigting ng mga call center ang kapangyarihan ng wikang Ingles sa bansa
  • ang SONA ng mga pangulo ay nasa Ingles (kakarampot ay Filipino)
  • walang salin (translation) sa wikang Filipino ang mga popular at bestseller na aklat mula sa Amerika [mabuti pa ang mga Koreano, Thai, Chinese, Hapon ay may bersiyon ng kanilang "Harry Potter"]
  • parang bookstore sa Amerika ang Powerbooks, National, at Fully-Booked
  • hindi bumebenta ang mga aklat sa wikang Filipino
  • bagsakan ang Pilipinas ang mga pinaglumaang aklat sa Amerika at surplus na aklat sa UK
  • laganap pa rin ang "Speak English" policy sa mga paaralan
  • nananatiling artipisyal ang pagiging wikang pambansa ang Filipino
  • karamihan sa mga blog ng mga Pilipino ay nasa Ingles
  • wika ng prestihiyo ang Ingles para sa maraming Pilipino
  • ginagamit ang wikang Filipino ng mga politikong (walang sinasabi)
  • nananatiling wika ng kababawan ang Filipino (halimbawa sa tabloid at tsismisan)
  • maraming Pilipino ang hindi marunong magbasa sa Filipino
  • maraming Pilipino ang hindi marunong sumulat ng matalinong Filipino
  • maraming Pilipino ang hindi marunong sumulat ng tamang Filipino (halimbawa, hindi alam ang pinagkaiba ng "nang" at "ng"; kung mas angkop ba ang "kaniya" o "kanya")
  • may naniniwalang "walang mararating ang manunulat sa wikang Filipino"
  • maraming nag-aaral ng Ingles para makapanirahan sa Amerika, Canada, New Zealand, at Australia
  • itinatanghal muli ang Ingles bilang wikang panturo (para nga naman maging competitive sa globalisasyon)
  • maraming Koreano sa bansa ang nag-aaral dito ng Ingles
  • maraming naniniwala na ang wikang Filipino ay Tagalog
  • kapag nag-aapply ang isang bagong graduate ng trabaho, unang itinatanong kung fluent ito sa wikang Ingles (sabi sa anunsiyo: must be fluent in oral and written English)
  • wika raw ng mga katulong ang Filipino, sabi ni Dina Bonnevie
  • "binabalahura" sa mga tsismisan ang dalisay na wikang Filipino
  • hindi pa ganap ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino
  • ang mga board at bar examination ay nasa wikang Ingles
  • sa aking kolehiyong pinagtuturuan, mas maraming Filipinong kabataan ang kumukuha ng English Studies at European Languages kaysa Philippine Studies at wikang Filipino
  • kakaunti ang outlet sa paglalathala ng mga manunulat sa Filipino (walang broadsheet sa Filipino at iisa lang ang magasin, ang Liwayway)
  • wika ng novelty songs at iba pang awiting kabalbalan ang Filipino
  • maraming guro sa Filipino ang hindi marunong magturo ng wika at panitikang Filipino
  • marami ang naniniwala na ang guro sa Filipino ay nagtuturo lamang ng balarila (simuno, panaguri, pang-abay, pandiwa)
  • marami ang naniniwala na ang Filipino ay wikang bakya

Ngayong Buwan ng Wika, may dahilan ba tayo para magdiwang?

Thursday, August 04, 2005

KAHULUGAN NG KAARAWAN

Your Birthdate: March 30
Your birthday on the 30th day of the month shows individual self-expression is necessary for your happiness.
You tend to have a good way of expressing yourself with words, certainly in a manner that is clear and understandable.
You have a good chance of success in fields requiring skill with words.

You can be very dramatic in your presentation and you may be a good actor or a natural mimic.
You have a vivid imagination that can assist you in becoming a good writer or story-teller.
Strong in your opinions, you always tend to think you are on the right side of an issue.

There may be a tendency to scatter your energies and have a lot of loose ends in your work.
You may have significant artistic talent and be very creative.

What Does Your Birth Date Mean?