Sunday, August 07, 2005

ANG CHOCOLATE FACTORY AYON SA NAG-ATKINS' DIET

"From 4 pounds of sugar--the most concentrated of carbohydates--to 175 pounds per person a year in eleven generations! This may well be the most drastic dietary change in man's environment in his whole fifty million years of existence!

"So what? Sugar makes us fat. It makes dentists rich. One doctor asks, "If simple sugar can rot and crumble away to nothing the hardness of teeth, what ruins is it wreaking on the rest of the body." (Dr. Atkins' Diet Revolution by Robert C. Atkins: 1972, p. 57)

Noong bata pa ako (at alam kong nasa kamalayan din ito ng aking mga kababata), nahalina ako sa mga patalastas ng Goya Fun Factory at sa Tootsie Roll. Naging laman ng aking mga panaginip ang isang tren na lumilibot sa isang daigdig na yari sa mga kendi. Nagkaroon pa nga ng alamat na pampamilya na tanging mabait na bata lamang ang makararating sa Fun Factory. Ito ang bersiyon ng langit para sa mga bata ng aking henerasyon. Laging umaandar sa utak ko na balang-araw, makabibisita ako sa pabrikang iyon. Doo'y ang ilog ay tsokolate. Ang mga puno ay namumunga ng mga makukulay na kendi. Ang mga bulaklak ay yari sa kumplikadong hugis ng mga matamis. Nasa damuhan ang mga munting halaman na sa tingin pa lang ay ubod na ng tamis. Dagdag pa sa matamis na imahinasyon ng aking pagkabata ang kuwentong pambatang "Si Inggolok at ang Planeta Pakaskas" na isinasalaysay sa programang Batibot: yari sa gelatin, gatas, yema, tsokolate ang paligid.

Pagkatapos lamang ng kolehiyo nang makilala ko ang librong "Charlie and the Chocolate Factory" ni Roald Dahl. Isang segunda manong aklat itong nabili ko. Nagustuhan ko nobelang ito at saka ko napag-ugnay na hiniram ng Goya Fun Factory ang ideya nito mula kay Chocolate Factory ni Dahl. Naging isa sa mga nagustuhan kong nobela ni Dahl ang aklat; ngunit para sa akin, sa mga akda ni Dahl, higit na mainam ang "Matilda," "James and the Giant Peach," at ang "The BFG" (Big Friendly Giant). Napanood ko ang unang bersiyon ng Chocolate Factory. Siguro'y dahil napaglakhan ko ang estetika ng naturang pelikula, kaya hindi ko ito nagustuhan, maliban na lang sa theme song nito. Nang mabalitaan kong magkakaroon ng bagong bersiyon, sa direksiyon ni Tim Burton, naisip kong pagbibigay-hustisya ito sa mapaglarong prosa ni Dahl.

Mainam naman ang napanood kong pelikula kanina sa Eastwood Cinema 2. Mainam dahil ang mga batang manonood ay natatawa sa mga eksena. Nakapapasok sila sa pangarap ni Charlie na magkaroon ng golden ticket. Nasa moda ng "pinagpapala ang mabait at mahirap na bata" ang kuwento. May himig na didaktiko ang kuwento. Waring naririnig ko ang isang magulang na nangangaral: "Anak, magtiis ka lang at bubuhos din ang biyaya. Makararating ka rin sa daigdig na matatamis ang lahat." Lalo pang napagtibay ang himig na didaktiko nang isa-isang nalagas sa grupo ng limang bata, kasama ng lima nilang magulang/tagapangalaga sina Augustus Gloop (dahil ubod nang takas, pinabayaan sa kusina, hindi mapigil sa kangunguya), si Veruca Salt (dahil sa laki ito sa layaw at lahat ng gusto ay dapat niyang makuha), si Violet Beauregarde (dahil sa pagiging padalos-dalos nito at agresibo sa mga bagay kahit sa babala ng nakatatanda), at si Michael Teavee (na padalos-dalos din, hindi maawat sa telebisyon at computer games).

Kung gagamiting sukatan ang tradisyonal na pagtingin sa panitikang pambata at ang pananaw na moralistiko, pasado ang pelikulang ito. Nagtataglay ito ng mga ginintuang aral na gagabay sa tamang ugali ng bata.

Ngunit umigpaw si Roald Dahl sa tradisyonal. Gamit ang estilo ng humor (pisikal, dialogo, sitwasyon), naibalot tulad ng matamis na kendi ang tunay niyang agenda sa paggabay sa mga batang mambabasa. Napagsanib niya ang aliw at ang aral. Nilahukan pa niya ito ng elemento ng pantasya kaya masasabing hindi lantarang nangangaral ang kaniyang akda.

May bagong hatid sa mga henerasyon ng bata si Burton. Naisalin niya sa mga larawan at imahe ang matalas na prosa ni Dahl. Gayunpaman, sa labis niyang pagsandig sa kuwento, nailahok niya ang isang eksena na maaaring makainsulto sa usapin ng lahi. Ang tinutukoy ko ang mga tauhan ng Oompa Loompas. Kapag gagamiting batayan ang postkolonyal na diskurso, ikakabagsak ni Dahl ang kaniyang kuwento. May himig ng exotisisasyon (kumakain ng insekto at katerpilar ang mga katutubong Oompa Loompas) ang bahaging ito. May himig ng pang-aalipin (sila'y trabahador sa pabrika) at pang-aabuso (ginagamit ang mga Oompa Loompas sa eksperimento sa mga bagong produkto). Dagdag pa sa politically incorrect na eksena ang pang-aabuso sa hayop (sinasadyang saktan ang baka para makagawa ng Whipping Cream). Maaaring hindi ito mababasa ng mga bata, habang tumatawa at nagigitla sila sa unibersong binuksan ni Burton. Pero, sa pagtanda nila'y baka lumabas ang kubling pang-aalipusta sa lahi. Pinatutunayan ng pelikula, kahit pambata man, ay nagtataglay ng politika (masama man o mabuti). Hindi ligtas ang panitikang pambata bilang daluyan ng kamalayang maka-Europeo o maka-Puti. May nananatiling gahum (hegemony) kahit sa isang anyong pampanitikan na itinuturing na ligtas o payak.

Kung aalisin ko ang postkolonyal na pagbabasa, mahusay na pelikulang aliwan ang "Charlie and the Chocolate Factory." Bumalik ako sa gunita ng aking pagkabata. Naalala ko ang aking bersiyon ng Goya Fun Factory. Sana'y nagkaroon ako ng pagkakataon na makapunta sa pabrikang ito (para kahit isang araw man lang ay makain ko ang lahat ng mga tsokolate sa paligid). Isa pang pampamilyang alamat: maaari mong makain doon ang lahat ng kendi, basta huwag ka lamang mag-uuwi sa bahay. Para itong alamat ni Mariang Sinukuan: na sa bundok Arayat, puwede kang kumain ng mga gulay at prutas, huwag lang iuuwi sa bahay.

Paglabas ng sinehan, may kung anong lungkot akong naramdaman. Hindi na pala ako bata; gustuhin ko mang maging bata ang aking puso at kaluluwa. Magsulat at magbasa man ako ng mga kuwentong pambata. Kahit kaya kong bilhin ang lahat ng mga tsokolate, iniisip ko ang peligrong maidudulot nito sa aking katawan. Nasa panahon ako na binibilang ang ipinapasok na calories sa katawan; tinitimbang ang carbohydrates sa pinggan; sinusuri ang blood sugar; isinusumpa ang visible fats sa karne. Kaya sa gabing ito, namaalam ko sa ambisyon ng pagkabata. Paalam, Goya Fun Factory. Paalam, Tootsie Roll. Paalam, Golden Ticket. Nakapanlulumo na tulad ng ideya ng Pasko, magiging isang pambatang ideya ang pagkain ng mga tsokolate. Paalam, Milo. Paalam, Kitkat. Paalam, Hershey's. Paalam, ChocNut. Paalam, Cadbury. Paalam, Three Musketeers. Paalam, Snickers. Paalam, Nips. Paalam, Ovaltine. Paalam, Starbuck's at Seattle's Best.

Dagdag pa sa aking biglaang panlulumo ang gloripikasyon sa asukal at pagkaing maasukal. Nakuha ko ang ideyang ito sa libro ni Dr. Atkins, ang medikong kalaban ng mga refined carbohydrate. Sa telebisyon, lagi'y nakikita ko ang slow motion na kuha sa malalapot na arnibal, ang tasa ng tsokolate, ang piraso ng matamis bilang pampalipas-oras, ang ice cream na kasama sa pagdiriwang, ang kahon ng tsokolate sa romantikong magkasintahan. Bakit may gloripikasyon sa mga bagay na nakamamatay? Ang mga sinaunang tao, ang ating mga ninuno, ay nabuhay sa simple sugars mula sa prutas. Bakit ngayo'y nagiging "pasalubong ng bayan" ang cake na magbabanta ng diabetes, obesity, cancer?

Paano kaya kung baligtarin natin ang pangyayari? Puwede kayang patalastas ang mga gulay bilang handa sa birthday party? Puwede kayang kasama sa romantikong eksena ang pagkain ng letsugas at iba pang berdeng gulay? Puwede kayang iregalo sa anibersaryo ang isang kahon ng labanos o bayabas, may kasama pang pumpon ng bulaklak ng kalabasa?

Kung nagagawa ng mga patalastas ang gloripikasyon sa asukal, sana magawa rin ito sa mga pagkaing magpapahaba ng buhay. (Kung magkakagayon, aasahan kong ipapalabas sa mga susunod na taon ang pelikulang "Charlie and the Garden Fresh Salad." More?)

Rating: Nilalaman (6.5/10) Pamamaraan (8/10)



2 Comments:

Blogger eruannie said...

eugene, ganda ng review mo! naaliw ako sa iyong malikhaing pagsulat. tama ka na may mensaheng politikal ang charlie. pero, sa tingin ko, hindi ito maiiwasan at hindi si burton ang may pakana nito. sadyang ganyan si dahl maski na sa iba pa niyang mga aklat. naging masyadong biswal si burton.

hindi ko naman kinukunsinte si dahl at si burton, pero, para sa isang school librarain, mahalaga sa akin na malaman ito ng mga bata - na may mga biases at prejudices sa mundo. ito ay realidad na dapat nating matanggap. kung paano i-paprocess sa batang mambabasa ay hamon sa mga gurang na gumagaw ng panitikan para sa kanila at sa mga gurang din na tumatayong patnubay.

LUPIT! napasulat mo ako sa Filipino!
kinikilabutan ako!

8:28 AM  
Blogger ulanmaya said...

hay salamat, natapos ko na rin basahin halos lahat ng entries mo. i think i missed a few, babalikan ko na lang some other time.

after "charlie and the chocolate factory," actually, ako, natuwa akong husto. di matanggal yung ngiti ko, nasa bahay na ako't kinabukasan na, masaya pa rin ako. it was one of the sweetest films i've seen in a long while. oprah noodlemantra is my hero!!! ahahaha he's such a great actor. pinaaaway niya yung character niya sa mga bata. nababangga siya sa glass elevator niya. inaamin niyang may mga pagkakamali din siya. absolutely fun. kaso di ko pa nabasa yung book. ahaha. may nakita akong theater production niyan dito, and natawa din akong husto sa elevator scene. siguro kasi i get to ride one everyday. hay!

nung bata pa ako perfect yung mundo, ahaha, as in maraming mali pero lagi namang may lutas, maraming masama, pero mas maraming mabuti. yung mga scenes na may chances lagi si charlie sa 5th golden ticket, i can totally relate to that, ahaha - that, and johnny depp, and that's why i really like this film.

i can do without the candy, yan yung laging bawal sa amin nun, so i blocked that from my head while watching. sa mga ibang spoiled kids, parang naging justification yung film sa akin kung ba't bawal yung candy. hehehehe.

7:16 AM  

Post a Comment

<< Home