Friday, August 26, 2005

Ang Lupang Pangako ni Moises Dimasupil


Mga Tala sa "Ginto ang Kayumangging Lupa" (1998) ni Dominador Mirasol
Quezon City: University of the Philippines Press
197 pp.

Nasa hulma ng kuwento ng Exodo ang nobelang “Ginto sa Kayumangging Lupa” ni Dominador Mirasol, nagwagi ng Tanging Gantimpala sa 1979 Gawad CCP para sa Nobela. Kilala si Mirasol bilang bahagi ng kilusang Agos, tinaguriang mga "suwail" sa panitikan ng dekada `60. Sa naturang nobela, higit na ipinamalas ni Mirasol ang pagsusuri sa kalagayang panlipunan, partikular sa aping kalagayan ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon noong dekada `50.

Lumisan ang sina Moises Dimasupil sa nayon ng Mauwak dahil sa di makatwirang pagpaparte ng ani, gayong nasa kanilang puhunan ang pawis, punla, at pataba. Kanilang idinulog sa Senyor ang panukala sa pagbabago. Ngunit tumutol ang panginoong maylupa. Ipinapatay ng Senyor ang mga magsasakang humihiling ng pagbabago. Gumanti naman ang mga may pagmamalasakit sa mga pinaslang. Pinatay nila ang Senyor at ang dalawang katiwala nito. Dahil sa marahas na pangyayari sa Mauwak, lumisan ang mga magsasaka. Dinala sila sa isang lagarian sa pusod ng Sierra Madre. Dito’y maaari silang magtrabaho bilang katuwang sa pagpulak ng mga puno. Tila sila mga “berdugo ng mga punongkahoy.” Gayong naging maalwan ang kanilang buhay dito (may kuryente, may klinika, may paaralang elementarya), laging umuukilkil sa isip ni Moises ang lupa. Tila ba ang kaniyang buhay ay mahigpit na nakakapit sa lupaing sakahan. Hindi maalis-alis sa isipan niya ang isang bahagi ng gubat.

Hindi nagtagal, huminto si Moises sa gawain sa lagarian. Nagsarili ito. Hinanap niya ang kaniyang kapalaran sa piraso ng gubat. Hinawan niya ito, lumikha ng taniman ng gulay, nag-alaga ng mga manok at baboy, nagtanim ng punong saging. Hindi naman binigo ng lupain ang pamilya ni Moises—nagdulot ito ng masaganang ani. Natagpuan ni Moises ang kaniyang lupang pangako. Napag-aral niya ang tatlong anak na sina Tante, Francisco, at Mira sa bayan ng Siniloan, habang tuloy siya sa pagsasaka.

Mainam ang pagkakagamit ni Mirasol ng sawa sa kaniyang kaingin bilang pahiwatig o foreshadowing sa katha. Minsan niya itong nakitang lumalamon ng alagang manok pero pinalagpas niya ang pangyayari. Nang nawala ang kaniyang alagang lilitsuning baboy, buong giting niyang hinahanap ang ga-hitang sawa. Napatay niya ito gamit ang de-putok na baril. Sa huli’y malalaman niyang ang sawa ay hindi lamang ang hayop na lumalamon ng kaniyang mga alaga, kundi ang puwersang umaangkin ng kanilang lupain, ng kanilang kabuhayan.

Dumating ang banta sa lupang pangako. Darating ang bagong konsesyon ng lagarian sa homisted nina Moises. Aangkinin na ng mayor ng Quezon ang kanilang lupaing hinawan at pinagkukunang-yaman sa loob ng anim na taon. Sa pangyayaring ito, humiling ng tulong si Moises sa abogado ng opisina ng panlupain, pero puro pangako lamang ang ibinibigay sa kaniya, pati pangingikil ng salapi. Sa huli, humiling ng tulong si Moises kay Mando, na kasapi sa Hukbalahap. Kinausap ni Mando ang mayor na bigyan pa ng sapat na panahon sa kaniyang lupa ang pamilya Dimasupil. Gayunpaman, laganap ang pananakot ng mga paupahang maton ng mayor. Tuloy ang panggahasa sa kagubatan hanggang sa makalbo na ang kabundukan, maglaho ang bukal, at mawala ang mga usa’t baboy ramo. Dito lumitaw ang usaping ekolohiya—hindi iyong usapin lamang ng biodiversity kundi ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang kapaligiran. Nagbabanta ang lagim ng isang sawa.

Naaksidente si Moises nang pinaslang niya ang sawa. Hindi siya nakabangon at naging dagdag-pasanin siya ng pamilya. Hindi na ipinagpatuloy nina Mira at Tante ang pag-aaral, sa halip, ibinigay nila ang pagkakataon kay Francisco para makatapos ng kolehiyo sa Maynila. Iginapang nila ang pag-aaral ng matalinong kapatid. Pero hindi madali ang pag-aaral sa Maynila. Hindi nagtuloy ang pag-aaral si Francisco. Namasukan itong tagalinis ng sapatos, kargador sa piyer, nanirahan sa Tondo, hanggang sa mawalan na sila ng komunikasyon dito.

Mahigpit nang iniuutos ng alkalde ng Quezon na umalis na ang pamilya Dimasupil sa kanilang lupain. Ayon sa sabi-sabi, na tila alamat, may nakabaon daw doong ginto noong pang panahon ng giyera mundiyal. Nais masarili ng mayor ang kayamanang ito, sa tulong ng dalawang Amerikano na kasamahan niya. Lumaganap ang dahas at pananakot sa lupang pangako. Dahil dito, dumaan sa proseso ng transpormasyon si Moises mulang magsasakang walang-kibo, walang-pakialam tungo sa magkakainging mandirigma para sa kaniyang karapatan. Sinunog ang kanilang sagingan at tahanan. Nagkaisa naman ang mga magkakaingin. Ipaglalaban nila ang lupain “dahil nakahihigit pa ito sa ginto.” Lahat ay kalahok sa pagtatanggol ng kanilang kagubatan: bata, kabataan, matatanda, kababaihan. Nagsanib-puwersa rin ang mga magkakaingin at ang mga taga-Mauwak na manggagawa sa lagarian. Lumikha sila ng mga patibong, nagpagulong ng mga bolang apoy, at nagpaulan ng bato. Ang dalawang kabataan naman ay nagkaisang palayain ang baliw na tagaturo sa kinaroroonan ng ginto. Nagkukunwari lamang pala ito at nagpaiwan sa isang kuweba para bantayan ang ginto roon. Dumating ang helikopter ng alkalde ay minasaker ang mga magsasaka. Natalunton nila ang kinaroroonan ng ginto pero lumitaw silang mga bangkay. Nahintakutan naman ang mga maton ng alkalde. Akala nila’y may nagmumulto. Pinasabog naman nina Tante at Mira ang helikopter.

Taos sa kuwento nitong dinukal sa Bibliya, bumuhos ang malakas na ulan. Naagnas ang lupa. Nagkaroon ng matinding baha at erosyon sa bundok para nilisin ang dakilang kasalanan. Ligtas sa sakuna sina Moises at Mang Pio. Sa isang dako, dumating si Mando. Kasama niya si Francisco Dimasupil. Nanumbalik ito sa kanilang lupain para sa ipagtanggol ang kalayaan at tulungan ang mga aping magiging kaisa nila.

Mainam ang nobela dahil sa matimping pagkukuwento ni Mirasol. Ang kaniyang nobela, bagamat nagsusuri sa lipunan, ay hindi gumagamit ng mga lantarang pagtutol at mga teknikal na termino na madalas masusumpungan sa panitikan ng protesta. Walang mga dialogong tila sanaysay. Walang mahahabang pagpapaliwanag ukol sa kalagayan ng mga magsasaka. Naibibilang ang akdang ito sa panitikang nakikisangkot, kung saan ang pangunahing tauhan ay namumulat sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa pakikibaka laban sa tiwaling pamahalaan. Gayunpaman, sa pagbabasa ng panitikan ng protesta at panitikang makabayan sa Tagalog/Filipino, narahuyo ang mga manunulat sa usapin ukol sa lupa. Naging paboritong paksain ang magsasakang inagawan ng lupang sakahan. O ang trahedya ng magsasakang naging mangagawa sa pabrika. Malaking bahagi ng bansa ay dagat. Bakit wala pa akong nasusumpungang kuwento at nobela ukol sa kalagayan ng mga mangingisda? Dahop ang panitikang Filipino sa usaping maritimo. Lubos akong matutuwa, kahit pa sabihing “master narrative” o “grand narrative” na naman, kung tatalakayin ang buhay sa dalampasigan at ang kanilang dagat. Totoo ang paratang na “tuyong-tuyo” ang panitikang Filipino.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home