Saturday, August 20, 2005

Ang "Sigwa" at ang Pagdaluyong ng Panitikan ng Protesta

Mga Tala sa "Sigwa: Antolohiya ng mga Maiikling Kuwento"
Unang nalathala noong 1972, muling nalathala noong 1992
Quezon City: University of the Philippines Press

Matagal ko nang nabasa ang librong “Sigwa” pero minabuti kong ulitin ang pagbabasa nito dahil nakalimutan ko na ang mga kuwento rito. Minabuti ko ring isabay ito sa mga reading list ngayong buwan dahil angkop ito sa (hindi sinasadyang) tema ng mga aklat na binabasa. Halos kasunod ng antolohiyang “Agos” ang “Sigwa” pero malaki ang pagkakaiba ng dalawa kung pag-uusapan ang pananaw-mundo at ideolohiya ng mga manunulat sa koleksiyon. Gayong may pagkakaiba, kapansin-pansin din ang pagkakapareho ng dalawang aklat: narito pa rin ang pangahas na pagpapahayag ng kawalang-hustisya sa lipunan. Sa mga kuwento ng “Sigwa,” pinangalanan ng mga kuwentista ang problema. Hindi ito itinago sa pamamagitan lamang ng realistikong paglalarawan. Kung kaya, halos magsisigaw ang mga kuwento ng sakit sa bansa: imperyalismo, piyudalismo, at burukratang kapitalismo.

Sa “Bilanggo” ni Wilfredo Virtusio, agad masasabing bersiyon ito ng “Tata Selo” ni Sicat. Mang Selo ang ngalan ng tauhan na nahatulan ng pagkabilanggo dahil sa natagpuang patay sa kaniyang bukid. Bagamat pag-aari ni Mang Selo ang bukid, wala pa rin siyang ligtas sa mapanupil na sistema sa lipunan, maging sa bilangguan. Ipinakita ng kuwento ang salaulang kondisyon sa loob, ang maruming pagkain na agad nililikom para sa mga baboy ni Sarhento Damaso. Kapansin-pansin ang alusyon sa mga karakter ni Rizal. Ipinakita rin ang korupsiyon ng may kapangyarihan sa kuwento: ang sugalan sa piitan, pagkokompiska sa mga pasalubong, ospital na nagiging punerarya lamang, at ang pagtortyur kay Mang Selo nang tumanggi itong ipagbili sa gobyerno ang kaniyang lupa. Sa huli’y masasabi niya na “walang piraso ng langit” na masisipat mula sa kaniyang piitan.

Alegorikal na kuwento naman ang “Kamatayan ni Tiyo Samuel” ni Efren Abueg. (Kapuri-puri si Abueg dahil siya’y natatanging kuwentista na nalahok kapwa sa Agos at Sigwa.) Sa kuwentong ito, nasa pangangalaga muna ni Tiyo Samuel (Amerika?) ang mga lupain na pag-aari ni Felipe (Pilipinas?). Ibibigay niya ito sa binata kapag nasa hustong gulang na. Mainam na ipabasa ito sa mga interesadong pag-aaral ang kuwento ukol sa imperyalismong US, ilahok pa ang “Pina, Pina, Saan Ka Pupunta?” ni Fanny Garcia. Isang mestiso si Felipe, at hadlang si Tiyo Samuel na makipagniig ang pamangkin sa kayumangging si Ligaya. Pero mapusok ang dalawa, at nagbunga ito. Iniutos ni Sam na ipalaglag ni Ligaya ang sanggol. Sa galit, sinaksak ni Felipe ang Tiyo Samuel. Simbolikal ang pagkakapatay na ito.

Maaaring pagkukulang ko, pero hindi ko makita ang dahilan sa pagkakalahok ng “Anay” ni San Juan sa antolohiya. Ukol ito kay Fausto Piedad na inirekomenda ni Ariel kay Padre Torres para puksain ang mga anay sa simbahan. Sa huli, masosorpresa ang mambabasa dahil si Fausto pala, na hindi propesor at hindi kimiko, ay naghahalo-halo lamang ng iba’t ibang insectiside. Hindi siya nag-iimbento; isang huwad.

Ang “Sulat mula sa Pritil” ni Norma Miraflor ay maihahambing ko sa “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes. Nasa unang panauhan ang kuwento, sa pananaw ni Isagani. Sinusuri ng katha ang halaga ng edukasyon, pagkapantay-pantay, bugbugan sa kanilang lugar, pan-totong ng mga pulis, at sa mga luho ng Unang Ginang kumpara sa buhay nila sa estero. Kuwento ito ng pagkamulat ng mag-aaral na kumilos “para sa bayan.” Litaw sa kuwento ang mga imahen ng korupsiyon: ang estero, si Temyong Alat, at si Imelda Marcos.

Kumpara sa nauna niyang kuwento, mas litaw ang protesta sa “Masaya ang Alitaptap sa Labi ng Kabibe” ni E. San Juan. Nakatakda ang salu-salo sa paggunita ng ika-60 na kaarawan ni Francisco Palabra, isang makata. Iniisip niya kung may dahilan sa pagdiriwang. Malalaman nating “pinatahimik” siya ng pamahalaan sa paggawad sa kaniya ng Republic Cultural Award. Mula noon, ang dating politikal na bilanggo ay naging manunulat siya ng mga press release. Napanaginipan niyang isiwalat ang totoo, na wala siyang bagong obra, na walang “Birtud ng Bathala” sa harap ng mga bisita sa piging. Ang wakas ng kuwento ay nagpapahiwatig kung bakit ang mga makata ang pinakamatinding kaaway ng pamahalaan, at vice versa. Nagpapaalala rin ito kung paanong ang gantimpala ay maaaring magpatahimik at pumatay sa prinsipyo ng isang manunulat. Magandang simbolo sa kuwento ang tubig na dapat sana’y lumalabas sa puwente.

Pinakasopistikado sa istruktura ang “Dapithapon ng Isang Mesiyas” ni Ricardo Lee. Kasaysayan ito ni Dong na mula pagkabata ay pinagkakaitan ng tinig. Matalino siya ngunit laging nauumid. Ang kaniyang mga karanasan sa pagkabata--pagkakakulong sa silid ni Dona Agueda, ang pagpatay sa ama niyang si Daniel dahil napaghinalaang kalaguyo ni Dona Aurora, ang pagkasira ng bait ng kaniyang ina—ay magsisilbing tanikala sa sarili. Hindi siya makahulagpos sa gunita at kuwento niya ng kaapihan. Iniwan siya ng asawang si Marina, palipat-lipat siya ng trabaho, nais niyang pamunuan ang isang pambansang pag-aaklas pero hindi siya makaharap sa mga tao. Baog ang kaniyang pagsusuri sa paligid. Wala siyang naisatinig. May kritisismo ang kuwentong ito sa mga kuwento ng kaapihan na wala namang isinasatinig at hindi nililinaw ang protesta.

Pagkamulat naman ng isang ina ang “Maria, Ang Iyong Anak” ni Virtusio. Napaliting makisosyo ni Maria sa tiwaling pulis para mapaaral lamang ang anak na si Jesus. Naging kolektor si Maria ng tong ng pulis. Nakatira sila sa Looban at nais niyang mahango si Jesus sa lugar na ito. Mag-isa itong binuno ni Maria dahil ang asawang si Jose ay biktima ng karahasan. Natagpuan itong lumulutang sa estero, basag ang bungo, pinapatay ng Intsik na galit sa welga. Hindi mapigil ni Maria ang paghinto sa pag-aaral ni Jose. Ang anak niya ay naging aktibo sa kilusan. Laman ito ng mga DG at naging manunuri ng lipunan. Ipinaliwanag ni Jesus ang kaniyang prinsipyo: labanan ang pang-aapi, ipalaganap ang demokrasya sa lahat, at tapusin ang karahasan ng mga pulis at poltiko. Nag-rally rin sila sa Plaza Miranda para labanan ang reaksiyonaryong simbahan. Nasaksihan ni Maria ang karahasan ng mga pulis sa kabataan. Sa kaniyang panaginip, pinaliligiran sila ng mga baboy-ramo, lobo, at buwaya. Ito ang simbolo ng mga kaaway. Sa huli’y matatagpuan niya ang anak na bangkay sa sa ilalim ng tulay ng Mendiola.

Nasa hulma ng kuwentong ekolohikal ang “Daluyong sa Ilaya” ni Abueg. Inilarawan dito na kinakalbo ng inaanak ng Kongressman ang kagubatan sa Tala. Umiinog ang kuwento kay Narding, na tulad ni Jesus sa kuwentong “Maria” ay namulat sa sitwasyong panlipunan. Namalayan nitong may limitasyon ang batas at hindi nito matutugon ang suliranin at pagkakauri sa lipunan; para lamang ito sa mga naghaharing-uri. Naging aktibo si Narding sa kilusan para mobilisahin ang masa bilang “tagalikha ng kasaysayan.” Natapos na ang gawain ni Narding sa lungsod, at saka siya bumalik sa Tala, kasama ang sampu sa kilusan para sa armadong pakikibaka doon.

Nasa hulma rin ang naunang kuwento ni Miraflor ang “Kumpisal.” Nasa punto-de-bista ito ng kabataang si Ernesto na may adhika na labanan ang piyudalismo at imperialismo, at hindi ang ambisyong makapagtapos lamang. Pinupuna rin niya ang maling dulog sa pag-aaral ng kasaysayan, ang diskriminasyon ng Kano sa kapatid niyang CPA, ang patriyarkal na sistema sa kanilang tahanan, at ang pang-aabuso ng burges sa mga mahihirap.

Pinakadiwa ng antolohiya ang kuwentong “Si Tatang, si Freddie, si Tandang Senyong at Iba Pang Tauhan ng Aking Kuwento” ni Ricardo Lee. Pahayag ito ng kuwentista laban sa pagsusulat na “pampamilya” lamang. Nagsimula sa pustahan, matapos masaksihan ang masaker ng mga miyembro ng Lapiang Malaya, ang pagkamulat ni Rico (tagapagsalaysay) bilang nakikibakang artista. Dahil sa pakikipanayam kina Tatang at Tandang Senyo, namulat siya sa katiwalian sa mga nayon. Lumahok din siya sa unyon ng mga mangggawa sa palimbagan, at tumiwalag sa mga kaibigan sa pagtambay sa coffee shop. Kasama si Freddie, sasapi sila sa progresibong samahan ng mga manunulat para itaguyod ang kapakanan ng mga inaaping uri.

Malagim ang kahahantungan ng isang iskolar at antropolohista na inihihiwalay ang sarili sa pagkilos laban sa katiwalian ng lipunan. Ito ang pahayag ng “Kuwentong Alay sa Isang Kuwago” ni Fanny Garcia. Ayaw makilahok at makialam ni Dr. Romulo Tolentino sa barikada at demonstrasyon ng mga estudyante sa UP. Isinawalang-bahala niya ang suliranin ng mga katutubo na inaagawan ng lupa, ang diskriminasyon, ang kamangmangan ng mga ito, at ang nakamamatay na sakit. Ang mahalaga lamang sa kaniya ay ang kaniyang pananaliksik, ang kaniyang espasyo sa akademiya. Sa huli, ang bagay na kaniyang isinasawalang-bahala ay bagay ding papatay sa kaniya.

Kuwento ng mapagpalayang pag-ibig ang “Sandaang Damit” ni Garcia. Hindi maintindihan ng dalagang tagapagsalaysay ang buhay ng kasintahang si Dario. Lumahok ang binata sa progresibong organisasyon at naging dahilan ito sa pagkakabuo ng moog sa kanilang pagitan. Hindi maintindihan ng dalaga ang ideya ni Dario ukol sa kolektibismo at sa ideya ng kinabukasan sa isang bulok na lipunan. Sa huli’y makikilala ng dalaga ang tunay na nangyayari sa nayon (ukol sa pagmamay-ari ng lupa) at mawawasak ang romantikong pananaw niya sa lalawigan. Nawasak din ang ideya niya ng romansa, at sa halip napalitan ito ng kamulatan sa pagkilos.

Ang “Dugo ang Langit sa Balon” ay ukol sa pag-aaklas ng mga manggagawa laban sa Amerikanong kapitalista. Binubuwag din nito ang kamalayang alipin. Mainam na ambag ni Landicho sa kuwento ang paglalahok kay Ipong Negro sa pagbuo at pagkilos ng grupo ng mga manggagawa. Mainam din itong ikompara sa diwa ng "Impeng Negro" ni Sicat. Laban naman sa tiwaling panginoong maylupa ang “Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro” ni Jose Rey Munsayac. Namulat si Juan, na dating Huk at sawa na sa hirap bilang magsasaka, na kinakasangkapan siya at ang iba pang magbubukid ni Kabesang Duwardo para angkinin ang lupa ng kapwa magsasaka. Sa huli, pinaslang ni Juan Lazaro ang Kabesa.

Mahalaga ang “Elias at Salome” ni Landicho dahil sa pagtatampok ng aktibo at progresibong tauhang babae. Aktibista si Salome at kritikal sa mga nangyayari sa lipunan. Mapupuna rin sa kuwento na binaligtad ng kuwentista ang kinamulatan: babae ay malaya, ang lalaki (Elias) ay kulong sa paglahok. Winasak din ni Landicho ang seksismo, na katangian din sa mga progresibong samahan.

Pinupuwing naman ni Edgardo Maranan sa kuwento niyang “Ipis sa Guhong Templo” ang pagkakaluklok ng mga artista, pantas, at pilosopo sa toreng garing. Sa kaniyang bersiyon, ginamit niya ang simbolo ng guhong templo na saksi sa mga perberso ng mga pantas at mga maharlika—ang mga pagtatalik at ang mga pagpapalitang-kuro na walang praktika at pag-intindi sa “mala-tao” na anakpawis at alipin. Radikalismo ang inihahatid ng katha sa pag-aalsa at armadong pakikibaka ng mga alipin sa templo upang wasakin ang di-makataong istruktura. Mainam rin sa kuwentong ito ni Maranan, na kaiba sa karamihan, ay ang paggamit ng simbolo, alusyon, at di lantarang pagkatha ng protesta.

Mga Puna:
Kapansin-pansin na halos statement at lantarang pagpapahayag ang mga sinasabi ng mga kuwento sa Sigwa. Tila plakard ito kung mangusap. Ang tema ng pagpatay sa antagonista ay simboliko sa pangarap na wakasan ang piyudalismo at imperyalismo. Mahalaga sa mga kuwento ang ambag ng mga kabataan at mga mag-aaral sa ikatatagumpay ng kilusan. Wari itong pagkukuwento ng isang editorial cartoon laban sa mga naghaharing-uri (pulisya, pamahalaan, tiwaling politiko, imperyalista). Mala-sanaysay ang pagkakasulat ng mga dialogo at may pagkakataong humihinto ang kuwento para magdiskurso at mamilosopiya sa kalagayan ng bansa. Higit na siyentipiko ang pagsusuri ng mga kuwentista kaugnay sa kanilang lipunan. Maaaring bunga ito ng kanilang pakikilahok sa mga DG, pag-aaral, at pagmamasid sa sitwasyon sa paligid. Litaw ang tema ng pagkamulat tungo sa pagkilos. Karamihan sa mga tauhan ay kumikilos at aktibo sa nakapaligid na problema. Ang pagsusulat ay tungo sa ikabubuti ng buhay ng mga anakpawis. Radikalismo ang isinusulong ng mga may-akda; may malinaw itong tono na nanghihikayat sa pagsanib sa kilusan at pagkilos tungo sa maayos na bukas.

Mga Paboritong Kuwento:
“Dapithapon ng Isang Mesiyas” (dahil sa kasiningan at sopistikasyon ng istruktura at gamit ng wika), “Elias at Salome” (dahil sa kamalayang pangkasarian), “Si Tatang, si Freddie...” (dahil sa tinataglay nito ang diwa ng antolohiya), “Sulat mula sa Pritil” (dahil sa magaan na wika sa seryosong paksa), “Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro” (dahil sa masining na paggamit ng mga imahen; halos tula ang kaniyang prosa)

4 Comments:

Blogger ulanmaya said...

i think nabasa ko yung "kamatayan ni tiyo samuel" sometime nung high school. i thought noon ironic na "ligaya" yung name niya. can't remember at the moment kung imperialism nga yung naisip ko when i first read it, pero right now sa description mo lang, it's so glaring that.

5:21 PM  
Blogger nasadulongdila said...

yep, required reading ang kuwento sa module natin sa filipino. pero, di ko binasa. hahaha. napaka-serious kasi ng kuwento para sa edad natin noon. pero noon, sa title pa lang na tiyo samuel, na uncle sam, alam ko na tungkol na ito sa imperialism.

tama ka rin. ironic nga ang pangalang "ligaya." natatandaan mo pa ba ng ligaya sa "sa mga kuko ng liwanag"? pati ang julio madiaga (matiya?) at ah tek (atik, slang ng money)? mahilig sa simbolismo sa pangalan ang mga kuwentong tagalog noong 1960's. nagsimula ito sa mga seditious plays noong unang dekada ng pananakop ng mga amerikano.

10:49 PM  
Blogger ulanmaya said...

hindi mo binasa! di mo binasa? r u sure? ahahaha. ako naman, basa lang nang basa, never thought to question kung anong pinababasa akin. naging favorite ko nun yung "dekada 70." shempre, natatandaan ko pa yung "sa mga kuko ng liwanag."

have fun sa palanca ceremonies! congrats ulit!

4:30 AM  
Anonymous Anonymous said...

elo po... ask ko lang... meron po ba kau nung story na Kamatayan ni Tiyo Samuel? ung story mismo?...

11:43 AM  

Post a Comment

<< Home