Saturday, August 20, 2005

"Bulalakaw ng Pag-asa": Novela Social

Mga Tala ng “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ismael A. Amado
Unang inilathala noong 1918. Muling inilathala noong 1991
Quezon City: University of the Philippines Press

Panimula (tala mula sa introduksiyon ni Delfin Tolentino, Jr.)
Isinulat ang nobela noong 18 taon pa lamang ang may-akda; ito ang kaisa-isa niyang akda pero maituturing ng mga kritiko at historyador pampanitikan bilang isang obra maestra. Ayon kay Virgilio Almario, ito’y ”huwarang nobelang makabansa.” Sang-ayon naman kay Soledad Reyes, malaki ang kontribusyon nito sa tradisyon ng protesta sa panitikang Filipino. Nag-aapoy ito sa kaisipang sedisyonista; radikal at anti-imperyalista ang tono. Taong 1909 nang matapos isulat ang nobela ni Amado pero hindi agad nailathala dahil “masama ang panahon.” Marahil, nahintakutan ang may-akda, ayon na rin sa payo ng mga kaibigan, dahil sa laganap noong panahong iyon ang pagdakip sa mga manunulat na tahasang tumutuligsa sa kolonyal na pamahalaang Amerikano, tulad ng karanasan ng mga mandudulang sina Juan Abad, Juan Matapang Cruz, at Aurelio Tolentino. Ipinatupad ng bagong mananakop ang Sedition Law (bawal magmungkahi ng pagsasarili at paghiwalay ng Pilipinas sa U.S.) at ang Flag Law (bawal ilahad ang bandila ng Pilipinas). Nalathala lamang ang nobela noong 1918 nang hindi na uso ang sedisyosong akda at nauso ang “akomodasyon” sa politika at panitikan, na mababakas sa sarsuwelang tumatalakay sa pag-ibig at usaping domestiko at sa mga nobelang romantiko. Gayunpaman, mahalagang mabasa ang nobela dahil sa ipinapakita nito ang istruktura ng lipunang kolonyal at ang pakikibaka (ng mga kabataan) sa kasarinlan ng bansa. Kababakasan ang teksto ng impluwensiya ng mga sumusunod, ayon sa tinukoy ni Tolentino: “El Filibusterismo” ni Rizal, Kartilya ng Katipunan, “Liwanag at Dilim” ni Emilio Jacinto, at ang “Florante at Laura.” Dagdag pa ni Tolentino, maituturing na novela social ang akda dahil sa realistikong pagsasalaysay, idinidiin na ang lipunan ay larangan ng tunggalian, ginagamit ang dialogo upang ilahad ang usaping polemikal, may dramatikong pamamaraan sa paglalarawan ng tauhan, gumagamit ng satirikong himig o pang-uuyam.

Buod:
Isinuplong ni Gerardo si Stag sa hukuman dahil sa panggugulo nito sa tindahan ni Julio sa bayan ng Libis. Sa hukuman, nakilala ni Gerardo si Kapitan Memo, na katuwang noon ni Stag sa pagnanakaw at pagpatay sa Tarlac. Hindi hinatian ni Kapitan Memo si Stag kaya gumawa ito ng paraan para iligtas ang Amerikano. Pero nanaig pa rin ang hustisya. Lamang, nakatakas ang Amerikano sa bilangguan.

Nagkataong naglahad ang asawa ni Kapitan Memo na siya’y ginahasa nito at pinaslang pa ang ama. Umaksiyon sina Gerardo at hiniling sa hukuman na tanggalin sa puwesto ang Kapitan, na kilala sa pagpanig sa mga sugal at korupsiyon sa konseho. Natanggal naman ang tiwaling politiko pero isinumpa niyang maghihiganti siya kay Gerardo sa pagtanggal sa kaniya ng puwesto, kapangyarihan, at pangalan.

Ipapakilala sa nobela si Elena (Eling). Siya ang huwaran ng Pilipina: edukada, hindi Amerikanisado, may puri, at hindi katulad ng ibang dalaga na nagiging prostituta para sa mga banyaga. Nagtapat si Gerardo at Elena ng pag-ibig sa isa’t isa. Pagkuwa’y napansin ni Gerardo na naging ningas-kugon lamang ang samahan ng kabataan (Dakilang Mithi) sa pagtatatag ng panggabing paaralan, pagtatayo ng biblioteca, paglalabas ng pahayagan, at kampanya laban sa sugal. Naghanda sila ng sayawan para akiting muli ang kabataang nawalan ng sigla. Nagsermon si Gerardo: Bakit kapag sayawan ay kaygilas ng kabataan? Natigil ang pulong na iyon nang dumating ang demonyo (naka-costume ito mula sa karnabal). Inaya niya si Gerardo para makausap nang sarilinan. Iyon pala’y si Kapitan Memo ito. Nang nasa puntong maghihiganti na ang kapitan, dumating si Florante para iligtas ang kaibigan. Tumakas sa dilim si Memo. Makaraan noon, nakita nila ang kalesang humaharurot sa kalsada. Laman nito si Elena at si Juancho na kapatid ng kapitan. Mabuti na lamang ang nahinto sa may tulay ang kalesa. Nailigtas nina Gerardo si Elena. Nagsagupa naman sina Florante at Juancho. Nasaksak ni Juancho si Florante; gumanti si Gerardo para sa kaibigan at dinaluhong si Juancho; nahulog itong binatang di marunong lumangoy. Iniwan naman sa mambabasa kung ano ang magiging kapalaran ni Kapitan Memo na nilambungan ng dilim.

Sugatan si Florante at hindi kayang lunasan ng doktor sa Libis. Bago ito mamatay, hiniling niya sa inang si Aling Tinay na ilagak siya sa kabaong na kinumutan ng bandila ng Pilipinas. Nanghilakbot ang mga mamamayan dahil labag ito sa Flag Law. Pero, matibay ang loob ng ina. Sa libing, tulad ng inaasahan, sinugod ng konstabularya ang kabaong. Nilapastangan at niyurakan ng Amerikanong tinyente ang bandila at ang libing. Nangahas na ipagtanggol ni Faure ang bandila pero ito’y nakulong. Sinugod ni Gerardo ang bilangguan at pinalaya si Faure. Pinatay din niya ang tinyenteng inalipusta sa simbolo ng bansa.

Mga Puna:
Kung gagamitin ko lamang ang dulog formalismo, lalabas na mahinang uri ng nobela ang “Bulalakaw.” Pero higit pa sa kasiningan dapat binabasa at sinusuri ang akda. Mas angkop na basahin ito sa panahon ng pagkakaakda—ipinagpatuloy nito ang tradisyong sinimulan ni Jose Rizal sa paglalarawan at panunuligsa sa kolonyal na pamahalaan at lipunan. Litaw ang tono nito ng pagbalikwas sa di-matwid na pamamalakad sa pamahalaan: tiwaling politiko, pag-abuso sa yamang kalikasan ng bansa dulot ng Batas Payne, pagsagka sa bandila ng Pilipinas, ugaling busabos ng mga Pilipino. Ang mga tauhan sa nobela ay mahahanapan ng ugat sa tauhan ni Rizal: Gerardo bilang Ibarra; Florante bilang Elias; Eling o Elena bilang Maria Clara. Mangyari pa, tulad ng giit ni Rizal, malaki ang gampanin ng kabataan sa paglaya ng bansa. Kung may tinatawag na drama simbolico at sedisyosong dula sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano, ang aklat ay maituturing na sedisyosong nobela, bagamat huli na nang ito’y ilathala dahil sa takot ng nobelista na mabilibid. Sa halip, itinago niya muna ito at nagtungo sa Estados Unidos (diumano para maging pensionado o scholar). Nasabi ko ring nasa tradisyon ito ng simbolico dahil sa pagkakagamit ni Amado ng pangalang Masasakim, Mapagbalatkayo, at Kukong-Lawin para sa mga Amerikano. Ganito rin ang pagpapangalan ni Aurelio Tolentino sa kaniyang dula.

Kapansin-pansin na tila nananalumpati ang mga dialogo. Para nga itong sanaysay. Kung kasalukuyang mag-aaral ang bumasa, tiyak akong kikilabutan sila sa uri ng pagkakasulat ng akda. Nahihinto ang kuwento dahil sa mahabang pangangatwiran ng mga tauhan sa isa’t isa ukol halimbawa sa panghihumasok ng kabataan (Dakilang Mithi) sa mga usaping pampolitika. Laganap ang deux ex machina (“A resolution to a plot problem that is too convenient for the writer and unbelievable to the audience.”) Kaugnay sa pagbubuo ng karakter, wari itong editoryal na katha na maihahanay sa “Miss Phathupats” ng kuwentistang Kapampangan na si Juan Crisostomo Soto. Mangyari pa, makikita ang nobelista o maririnig mo ang puna niya sa nobela. Ito’y pinaghalong komentaryo, pagmumuni (ukol sa kalayaan, bandila, halaga ng babae at pagtitimbang ng kaalaman, at lahing kayumanggi), pagsusuri, at pagkukuwento, bagay na laganap sa panitikan ng protesta.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home