Thursday, August 25, 2005

Dalawang Nobela ni Rosario de Guzman-Lingat


Mga Tala sa “Kung Wala na ang Tag-araw/ Ano Ngayon, Ricky?” (1996)
ni Rosario de Guzman-Lingat
Quezon City: Ateneo de Manila University Press
481 pp.

Hindi gaanong kilala si Lingat kapag napag-uusapan ang nobelang Filipino. May mga suspetsa ako sa pangyayaring ito. Una, hindi gaanong pinapansin ng akademiya ang mga nobela o manunulat sa ”Liwayway.” Idagdag pang babae ang manunulat. Sa panahon ng pagkakalathala o pagkakapanalo ni Lingat sa ”Liwayway,” hindi pa maunlad ang kilusang feminismo sa panitikang Filipino. Higit na nauna si Lingat kaysa sa kay Lualhati Bautista sa larangan ng pagsusulat. Gayundin, ang mga akda ni Lingat ay hindi tahasang lumalahok sa kilusan ng pagbabago. Hindi siya kalahok sa "Agos” at sa "Sigwa” na halos kalalakihan ang nasa antolohiya (maliban kina Norma Miraflor at Fanny Garcia sa huling aklat).

Nitong mga panahon lamang nabibigyan ng pansin ang mga nobelang muntik nang ibaon sa mga malulutong na pahina ng magasing komersiyal. Mainam na gawain ito upang hamunin ang kanon sa panitikang Filipino na kadalasang (1) kalalakihan ang sumulat, (2) tahasang tumututol sa komersiyal na paglalathala, (3) taal na Tagalog ang pagkakasulat, (4) lagi’t laging naisasaantolohiya sa mga textbuk at napag-aaralan sa akademiya, (5) may malinaw na halagang panlipunan batay sa tradisyong mapanghimagsik, radikalismo, at realismo. Dahil dito, hindi maiiwasang timbagin ang halaga ng isang nobela sa tinataglay nitong pagsusuri sa lipunan.

May hatid na bagong tinig ang dalawang nobelang "Kung Wala na ang Tag-araw” at ”Ano Ngayon, Ricky?” ni Lingat. Kapwa premyado ito sa patimpalak nobela ng “Liwayway,” ang una’y ikatlong puwesto noong 1967 at isa’y unang puwesto noong 1970. Noong 1996, ang pinagsamang nobela ay ginawaran ng National Book Award para sa fiction. Una kong naengkuwentro si Lingat nang pinabasa sa amin ni Ma’am LQS ang “Estero”—isang masining na kuwento ukol sa matandang dalagang kinilala ang kaniyang pagnanasa sa isang tubero. Isang ironiya ang kuwento dahil nang ganap nang tinanggap ng babaeng tauhan na buhay ang kaniyang pagkarahuyo, pukulan man niya ng pagnanasa ang isang “patapong” binata sa estero, sagkain man niya ang atas ng lipunan ukol sa seks at kasal, gigimbal sa kaniyang laro lamang ang lahat. Hindi siya iniibig ng tubero.

Sa ganitong hulma ang unang nobelang “Kung Wala na ang Taga-araw.” Sa karanasan ko sa pagbabasa ngayong Agosto, tila pahinga ito sa mga tekstong nagsusumigaw ng pagbabago sa agrikultural na sektor ng bansa. Sa naturang nobela, sinikap ni Lingat na ipakilala ang pagkalalaking Filipino sa tauhang si Victor. (Maitutumbas ko ito sa nobelang “Laro sa Baga” na pangahas ding tumatalakay sa pagkalalaking Filipino, bagamat nasa punot-de-bista ito ng isang lalaking manunulat.) Mababakas sa kaniyang naratibong disenyo ang mga babaeng nakaugnay ng lalaki: si Anastacia, unang pag-ibig at kaniyang pinakasalan, ina ng kaniyang apat na anak; si Carmela, unang tikim ni Victor ng pambabae at panloloko sa impluwensiya ni Eking na nagwikang “lubusin ang katag-arawan ng pagkalalaki”, hindi natuloy ang pag-iibigan nang mabuking si Victor na may asawa na pala; si Teresa, sekretarya ni Victor na mapangahas, tanggap ang pagiging kabit, at malaya sa pakikipagrelasyon; si Isabel, asawa ng pulis na “dinadalaw ni Victor sa gabi,” larawan ng isang babaeng nagtataksil sa asawa; at si Gina, isang putang ibinahay ni Victor sa kaniyang katandaan (“lolo” na nga ang biro kay Victor) ngunit iniwan siya para sa isang binatang driver. Dalawang kabanata sa nobela ay nakalaan sa pagiging ama ni Victor: ang kaniyang kaisa-isang lalaking anak, na matalino at magdodoktor ay pinaslang sa Capas noong giyerang mundiyal; si Emma na agad pinakasalan si Ruben sa panahon ng digma para malasap ng ligaya sa gitna ng karahasan; si Juliang panganay na namanatang aalagaan ang ama, hindi mag-aasawa, at nagtayo ng patahian; at si Claudia, na “pambayad-utang” sa pambabae ni Victor. Iniwan si Claudia ni Pepito na may asawa na pala. Mula noon, naging masasakitin si Claudia at lagi’y pinararausahan ang sarili dahil sa kahihiyan sa pamilya at sa kanilang komunidad.

Ang kahusayan ni Lingat sa nobelang ito ay ang hindi niya pagkakatapilok sa paglikha ng mga istiryotipo. Ang lalaki’y hindi lubusang masama sa nobela: si Victor ay mainam na tagapagtaguyod ng mga anak; ang lalaki’y biktima rin ng panloloko ng asawa; maaari rin silang maging mandirigma. Ang babae’y hindi rin lubusang biktima: may babaeng tanggap na kabit lamang sila at may babaeng nangangaliwa. Walang pahayag si Lingat ukol sa sexismo o uganayang pangkasarian. Sa halip, inilahad lamang niya ang ugnayang babae-lalaki sa iba’t ibang antas, sa iba’t ibang anyo. Ang resulta sa mga mambabasa’y isang tunghay sa mga relasyong pangkapangyarihan sa mag-asawa, magkasintahan, magkalaguyo, mag-ama. Kapuri-puri ring hindi melodramatiko ang nobela. Pangahas si Lingat na hindi sumunod sa pormula ng kuwento ng pag-ibig at mga tauhan sa nobela ng pag-ibig. Kapansin-pansin ang mainam niyang paggamit ng puwersa ng kalikasan para ipahiwatig ang kasaysayan ng mga tauhan: bagyo para sa problemang sikolohikal ni Claudia; lantang bulaklak; lindol para sa mapipintong giyera; tag-araw para sa kasibulan ng pagkalalaki ni Victor at sa pambabae nito; at pag-ulan bilang paghilom at pagbabagong-buhay (“muling pumipintig sa panibagong-buhay”) ng mga alitan sa mag-asawang Victor at Anastacia.

Kung ang unang nobela ay may sumungaw na pag-asa, sa ikalawa’y wala. Ukol sa iba’t ibang uri ng pagkamulat ni Ricky ang “Ano Ngayon, Ricky?” Sabi sa introduksiyon, ito’y isang bildungsroman, kuwento ng pagkatuto ng lalaking tauhan buhat sa mga serye ng karanasang pansarili at panlipunan at sa huli’y pagtanggap ng kaniyang tungkulin. Panahon ng “Sigwa” naisulat ang nobelang ito. Panahong itinatanong ng mga manunulat sa Filipino na “Para kanino ako nagsusulat?” batay sa “Talks on the Yenan Forum.” Panahon din ito ng pagsusuri at pagsusumpa sa mga kanser panlipunan, panahon ng pag-iimbita sa mga intelektwal at mag-aaral na lumahok sa kilusan ng pagbabago. Sa kasaysayan ni Ricky, namulat siya sa mga sakit sa kanilang lugar sa Tondo: bayarang pulisya, tiwaling politiko na bumibili ng boto, nabaliw na opisyal sa Adwana, kriminalidad sa looban, kabataang kriminal, pagkakahati ng lipunan batay sa uri, pambubugbog ng ama sa anak, at karahasan tuwing eleksiyon. Dahil sa mga ito at sa gabay ng ama ni Ricky sa pagiging kritikal sa lipunan, naging lider siya sa mga demonstrasyon laban sa panlipunang inhustisya, reporma sa lupa, at ang karahasan sa mga base militar ng mga Amerikano. Naging kritikal din ang mga kabataang kasama ni Ricky ukol sa panggagahasa ng U.S. sa mga likas yaman ng bansa. Muli, kapuri-puri si Lingat dahil hindi siya nagpakulong sa katangian ng panitikan ng protesta (bibihira ang mga dialogo na tila kredo o sanaysay; hindi lantaran ang panghihikayat sa kilusan; walang mga tauhang karikatura; hindi perpekto ang isang aktibistang tauhan). Ang bagong ambag ni Lingat sa panitikan ng kaniyang panahon ay nasa sorpresa at rebelasyon ng tunay na kaaway. Sa hulma ng kuwentong idolo-mag-aaral, natuklasan ni Ricky na ang malinis, matalino, at nasyonalistikong politiko (Prop. Alfredo Alba) ay siyang nag-utos kay Leong Buldog na “pasukin” ang kanilang progresibong samahan para ito’y masira. Sa pagkakatuklas na iyon, nabasag ang kaniyang huwaran at naunsiyami ang kaniyang unang pag-ibig kay Diana (na anak niProp. Alba). Napag-alaman niyang kinakasangkapan ni Prop. Alba ang mga estudyanteng aktibista para sa sariling ambisyon na maging Pangulo. Sa tradisyon ng bildungsroman, sa paglalatag ng kasamaan sa paligid, tatanggapin ni Ricky ang kaniyang nasimulan dahil “hindi pa lubos na walang pag-asa.”

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

do you have any sum-up report about the novels because it's too long?

9:34 AM  
Anonymous Anonymous said...

the stories are really nice and inspirable.....

9:36 AM  

Post a Comment

<< Home