Monday, August 15, 2005

"Organikong Intelektwal" at ang Talambuhay ni Tatang


Rebyu ng “Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang” (1988)
Metro Manila: Kilusan sa Paglilinang ng Rebolusyonaryong Panitikan at Sining sa Kanayunan (LINANG)

Sa pangunang pagbabasa, masasabing ang aklat na ito ay mainam na kapanabay na babasahin ng mga antolohiyang “Sigwa” at “Mga Agos sa Disyerto” nang masipat ang mga bersiyon ng prosa ukol sa kalagayang panlipunan ng bansa. Maikakategorya bilang panitikang underground ang aklat na ito na may katangiang “anti-imperyalismong U.S., pyudalismo at burukratang kapitalismo.” Kapuri-puri ang aklat sa paghahain sa mga mambabasa ng higit na awtentikong punto-de-bista sa kasaysayan, sa mga personahe nito, at sa konsepto ng bayani. Ayon sa panimula ni Elias dela Cruz, ang aklat na ito ay “alternatibong literatura na nagtatampok sa mundo na ibang-iba sa ipinapakita ng literatura ng istablisment.” Mangyari, tinatalakay nito ang buhay ni Tatang sa kaniyang paglahok sa Hukbalahap, pakikidigma laban sa Hapon, ang “klining” ng mga isniper sa Maynila pagkaraan ng digma, pagbubuo ng organisasyon ng mga maralitang tagalungsod, at ang mga pag-usbong ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa sa mga hasyenda at asukarera sa Gitnang Luzon. Mahalagang ideya ng paglalathala ng aklat na ito ang pananalig sa itinuring ni dela Cruz na ideya ni Antonio Gramsci na “organikong intelektwal.” Sang-ayon sa kaniya, “sa batayang masa ay mayroong mga nakakapagpaunlad ng kakayahang panliteratura kahit walang pormal na edukasyon sa larangang ito.” Sumasang-ayon ako rito. Bago pa man nauso ang mga klase sa malikhaing pagsulat at panitikan, ang mga ninuno at katutubo ay nakahahabi ng kanilang mga awitin, epiko, alamat, bugtong. Sa kasalukuyang konteksto, ang batayang masa’y nakalilikha ng panitikan na labas sa kahingian ng akademiya: ang mga tula, teatrong pangkomunidad, sanaysay. May bagong hatid na tinig ang mga tekstong ito na naggugumiit ng bagong pananaw sa kasaysayan. Ayon nga kay Prop. Monico Atienza, ito ang “panitikang bayan” o “tinig mula sa ibaba” ayon sa pag-aaral ni Dr. Teresita Maceda.

Sa isang palihan (workshop) na nilahukan ko, sa taguyod ng PANULAT (Pambansang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) noong 1997 sa Malolos, inihain ng mga panelist ang ideya na lahat ng mamamayan ay may karapatang sumulat ng kanilang talambuhay. Naisip ko ang mga talambuhay na laganap sa mga bookstore. Kadalasan, mga sikat na personalidad ang itinatampok. Madalas, hindi ito kathambuhay kundi talambuhay dahil ipinakomisyon ito sa isang manunulat. Nariyan ang mga talambuhay ng bayani ng Rebolusyong 1896, kardinal, pangulo, pamilya, tycoon, artista sa pelikula, at maging sikat na make-up artist. Ito marahil ang tinutukoy ni Elias dela Cruz na “literatura ng istablisment.” Ito ang mga talambuhay na sa pananaw ng mainstream na paglalathala ay katanggap-tanggap at nararapat ibahagi sa mambabasang Pilipino.

Gayunpaman, isang karangalan ang mabasa ang kathambuhay ni Tatang. Maihahanay ko ito sa kathambuhay ni Lola Rosa Henson, ang kauna-unahang Pilipina na lumnatad bilang comfort woman noong panahon ng Hapon. Bukod sa may hatid itong alternatibo sa aking binabasa, naging kongkreto sa akin ang mga ideya sa mga kathang Tagalog na tumatalakay sa reporma sa lupa, dahas ng digmaan, ugnayang panginoong-maylupa at magbubukid sa Gitnang Luzon, at kalawan ng hustisya at pagmamalabis-kapangyarihan sa mga institusyon sa lipunan. Sa talambuhay na ito, natunghayan ko ang pamumuo ni Tatang ng diwang mapanlaban sa panloloko ng mga kontratista sa suweldo ng mga manggagawa. Nakita ko rin ang kaniyang intelektwal na pag-unlad sa pagbabasa ng Communist Manifesto, Kalayaan, Socialism Today, atbp. Hanggang sa magkaroon siya ng ideya ukol sa unyonismo. Lumihis din sa konsepto ng talambuhay ang aklat na ito. Hindi ito kuwentong pansarili lamang. Sa aklat, tinalakay din ang buhay ng lipunan mula sa paglaganap ng kilusang manggagawa at ang sitwasyon sa Gitnang Luzon (ang mataas na patubo sa utang, pagdadala ng regalo sa panginoong maylupa, at ang ginagawang utusan ang anak na dalaga). Natunghayan ko rin dito ang “klining” na hindi ko nabasa sa textbook pangkasaysayan. Ito ang “paglilinis” sa mga natitirang mandirigmang Hapon at Taiwanese (Formosa) sa Chinatown, Maynila noong 1944 sa pangunguna ng mga Pulahang Intsik (Wachi) at Pinoy. Dagdag pa rito ang pagiging alamat ni Tatang si Baryo Magsaysay sa Tondo at pakikipag-ugnay sa masa para mabatid ang laganap na propaganda ng kaaway.

May hatid na karagdagang datos ang ikalawang bahagi ng aklat. Dito matutunghayan ang detalye sa paghawan niya ng sukal sa Hacienda Buencamino para tamnan ng tao, ang pag-eksperimento sa barayti ng tubong itatanim, pagtira sa kampamento (isang kuwarto, 10 tao), walang seguro para sa mga manggagawa sa sentral, ang mga aksidente sa asukarera dahil sa labis na antok ng mga manggagawa. Sa dami ng nakaliligalig na deskripsiyon tulad ng mga nagkalat na bangkay sa dalampasigan, may mga bahagi na nakakatuwa sa kaniyang pagkakaligtas sa kapamahakan: ang kaanyuan niyang hindi dorobo kaya nakaligtas siya sa paglilitis ng mga Hapon. Sinabi niyang namundok lamang siya para maghanap ng mga gulay at prutas dahil walang makain sa Maynila. Natalakay din niya na iba pang kalaban ng mga Hapon: ang Bolshevik, Sosyalista, at Komunista. Natukoy rin ang isang kalaban ng masa: ang “tulisapi” o tulisang USAFFE na nangungurakot sa masa. Higit ding nadetalye sa bahaging ito ang ipinaglalaban ng mga manggagawa—ang close shop contract na “karapatang pumili ng manggagawa ng bagong kasapi, ang bagong kasapi ay magiging kasapi agad ng unyon, at may karapatang magpaalis ng manggagawa ang unyon.”

Magaan ang wika ng aklat. May mga paglalarawan na maipapagkit agad sa isipan (ang mga lamok na sinlaki ng putakti, ang ligaw na patani na nagdulot ng pagtatae, at ang pagkuha ni Tatang ng sapatos ng pilotong Kano na namatay sa pagbagsak ng eroplano). Positibo ang nilalaman ng aklat at naghahatid ito ng mga tagumpay ng anti-pasistang hukbong bayan. Pansinin natin ang seksiyon ng Damayan: “Papaano nagdadamayan ang mga magsasaka? Kapag ang isang magbubukid ay binawian ng saka, nagwewelga lahat ang mga magsasaka bilang pagtutol sa pagtatanggal ng propitaryo sa kanyang kasama na kasapi ng KPMP. Kapag ang isang magsasakaay nagkasakit, kahit walang kalabaw ay matatapos ang lahat niyang trabaho sa bukid sa tulong ng mga kasama. Ganoon din sa paggapas, paggiik, hanggang sa masinop ang palay niya. Pati pari ay nagagawang maging libre ang serbisyo sa masa, tulad halimbawa kung may patay” (pp. 102-103). Tinukoy rin sa aklat na “dimonyo” ang RSA [Repressive State Apparatus](militar, pulisya, kapitalista at hasyendero at ang mga tuta nito). Makatotohanan dahil mula sa paggunita; mas nagpapatibay ng damdamin kaysa mga kuwentong may panlipunang nilalaman na nanggigipuspos o nagdadalamhati sa mga abang sitwasyon. Mangyari pa, ang mga babae sa aklat na ito ay malayo sa pagiging biktima ng panggagahasa (na lantaran sa kathang Tagalog). Sa halip, ang kababaihan ay nananandata laban sa mga Hapon.

Maraming mahahalagang detalye na hindi nailalahok sa kasaysayan. Ngunit laging may panahon para muling isulat ang kasaysayan, upang madagdagan, maisaayos, maituwid. Iyan ang pasasalamat ko sa aklat na binasa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home