Saturday, August 27, 2005

Ukay-ukay, Halukay, Atbp.

Sa pagitan ng pagbabasa, naisisingit ko, kahit papaano ang pag-uukay-ukay ng aklat. May ilang linggo na rin akong hindi nakakabisita sa mga paborito kong second-hand bookstores. May mga nagsara na pala, kamakailan ko lang nalaman. Wala nang Booksale sa Katipunan. Wala nang Booksale sa tabi ng Crossings sa Quezon Avenue. Nagsara na rin ang Books for Less, sa pagitan ng Greenbelt at Glorietta. Mahina kaya ang negosyo? Kumukonti na ang nagbabasa? Mahal ang bayad sa upa? Nakakapanghinayang. Marami pa naman akong nahukay na kayamanan sa mga tindahang ito. Nasaid ko na rin ang mga surplus na aklat (karamiha'y British edition) sa Superbranch ng National Bookstore sa Cubao. Naalala ko pa nang una ko itong natuklasan noong Disyembre. Tila ako mauubusan ng hininga sa mga aklat na naka-display sa eskaparate.

Nang malaman kong Bagsak-Presyo ang National, kagyat ko itong pinuntahan. Heto ang aking nabili sa branch nila sa Megamall:
1. "I Was a Rat!" (hardbound) ni Philip Pullman-PhP 100 [paborito ko si Pullman sa mga fantasy writers para sa bata; kasama siyempre si Ursula Le Guin]
2. "Spring-heeled Jack" ni Philip Pullman-PhP 20
3. "The Body of Christopher Creed" ni Carol Plum-Ucci-PhP 50 [YA novel]

Booksale, Megamall:
1. "Yolanda's Genius" ni Carol Fenner-PhP 65 [Newbery Honor]
2. "The McGraw-Hill Reader" ni Robert H. Muller (ed.)-PhP 75 [koleksiyon ng mga klasikong sanaysay nina E.B. White, Langston Hughes, Isaac Bashevis Singer, Pablo Neruda, Julia Alvarez, Susan Sontag, Woody Allen, at marami pang iba. Hindi ko na kailangang ipaxerox pa ang "Art of the Personal Essay" sa Main Library.]

Booksale, Cubao (sa likod ng Shopwise, na dating Fiesta Carnival)
1. "The Little Bear Treasury" ni Else Holmelund Minarik, mga larawan ni Maurice Sendak
-PhP 130 [di ko rin sana bibilihin pero maririkit ang ilustrasyon ng dakilang si Sendak; nabasa ko na rin ang librong ito bilang pahinga sa mga nobela ng protesta; simple ang kuwento pero nadakma ng manunulat ang pagkabata ng isang bata; kalugod-lugod ang pagbabasa ng mga kuwento kahit ang intensiyon ay para sa mga nagsisimulang mambabasa. Sana, makasulat din ako ng mga kuwentong gumagamit ng simple at kakaunting salita.]

National Bookstore, SM North Edsa
1. "Farthest Shore" ni Ursula LeGuin-kalahati ng orihinal na presyo [ang "Tehanu" na lang ang hindi ko nahahanap na kopya]

Books for Less, Tandang Sora
1. "The Doll People" nina Ann M. Martin at Laura Godwin-PhP 189 [di ko sana bibilihin pero magaganda ang ilustrasyon ni Brian Selznick; saka maayos at malinis naman ang kopya; at malapit ang puso ko sa mga kuwento ukol sa mga manika. yun na]

Kasama rin sa minsanang paglalagalag ang pamimili ng piniratang DVD sa Metro Walk. Tulad ng inaasahan, may isa na namang di-kilalang lalaki ang lumapit sa akin at nag-aalok ng "bold." Akala ko'y may raid nang pumunta ako kanina, yun pala, may nangyaring barilan sa isang tindahan. Nakakatakot. Buti wala ako nung naganap iyon. Heto ang dagdag sa aking listahan ng papanoorin:
1. "The Devil's Arithmetic"-klasikong nobelang pambata ni Jane Yolen na ginawa palang pelikula. Si Kirsten Dunst ang bida.
2. "The Upside of Anger"-may Oscar buzz na para kay Joan Allen
3. "Amores Perros"-napanuod ko na ito dalawang taon na yata, pero magandang isama sa koleksiyon
4. "Steamboy"-mula raw sa direktor ng "Akira"; hindi na ako makapaghintay na mapanuod ito
5. "Guess Who"-Hahaha. Hindi ko nahabol sa sinehan, hahabulin ko sa mga pirata
6. "Sin City"-katulad ng # 5
7."Walt Disney's Timeless Tales"-hahabulin ko ang mga palabas na hindi ko napanuod noong kabataan ko [theme: musika ng "Lovingly Yours, Helen"]
8. "Raining Cats and Frogs"-naintriga ako sa DVD na ito; ang ganda ng ilustrasyon; ang ganda-ganda ng nasilip kong animation, para akong nagbabasa ng aklat pambata na gumagalaw

Humahaba na ang listahan ko ng mga pabuya pagkatapos ng masinsinang pagbabasa ng mga itinakdang basahin. Marami na akong motibasyon para tapusin na ang reading list. Hindi na ako makapaghintay.

Mga Huling Napanood:

1. "Pusang Gala" (Gateway Cinema)
2. "Pagdadalaga ni Maximo Oliveros" (UP Film Center)-Pinakamagandang pelikulang napanood ko sa mga sandaling ito. Hindi nasayang ang Sabado ko. Naisip ko, masarap palang manood sa UP Film Center. Game ang mga manonood na pumalakpak, kiligin, humiyaw, at tumawa. May hatid na bagong ideya ukol sa diskurso ng pagkabakla ang pelikula. Sariwa ang kuwento. Simple ang direksiyon. Walang nasasayang na eksena. Sana lang, maipalabas ito at mapanood nang higit na nakararami. Sana rin, sa mga darating na pagkakataon, makabasa ako ng nobelang pambata o pang-teenager ni Michiko Yamamoto. Kayang-kaya niyang sumulat ng nobela. Siyangapala ang sumulat ng "Magnifico."
3. "Sisterhood of the Traveling Pants" (Eastwood Cinema)-Mas maganda pa rin ang libro. Hindi pangkaraniwang teenage movie. Magaling umarte si America Ferrera. Walang mga gasgas na eksena o lumang banghay. Pero, uulitin ko, mas mainam pa ring basahin ang libro.

1 Comments:

Anonymous jonah lanzuela said...

elo...ang swerte mo naman..napapaligiran ka ng sangkatutak na mga tindahan ng mga libro at palagi pang may sale..sana meron din dito sa naga city ng mga second hand bookstores..sang-ayon ako sa lahat ng mga sinabi mo dito sa blog mo.i am teaching literature dito sa isa sa mga universities dito sa naga..pero kulang na kulang yung mga resources ko dito.mas marami pa ang ukay ukay dito kaysa sa mga bookstores.isa akong titser na katulad ng aking mga estudyanteng uhaw din sa kaalaman tungkol sa ating literatura.ang galing mong magsulat.na-convince mo ako sa lahat ng sinabi mo dito...salamat sa pagpangiti mo sa akin through this blog.kahit sobrang lakas ng ulan ngayon..atleast parang gumaan yung pakiramdam ko.mabuhay ka!

8:54 AM  

Post a Comment

<< Home