Saturday, September 17, 2005

"America is in the Heart": Talambuhay sa Anyo ng Nobela

Sinabi ko noon, naka-quota na ako sa mga libro at pelikulang pumapaksa sa racism, hate crimes, white supremacy, at discrimination dala ng kulay ng balat. Sa mga aklat pambata, tinalakay na ito ng “Number the Stars,” “Esperanza Rising,” “Monster,” “A Step from Heaven,” “Kira-kira,” “Milkweed,” “Letters from Rifka.” Sa mga pelikulang napanuod ko, tinalakay ang magkakasalikop na paksa ng racism, digma, at karahasan sa “American History X,” “Anne Frank,” “In America,” “Life is Beautiful,” “Angela’s Ashes,” “Schindler’s List,” “Monster’s Ball,” “Far from Heaven,” “The Color Purple,” “Pianist,” “Devil’s Arithmetic,” “Snow Falling on Cedars,” “Lesson Before Dying,” at siyempre, ang “To Kill a Mockingbird.” Gayong unibersal ang himig ng mga aklat at pelikula, naiuugnay ko pa nga sa tradisyong pampanitikan ng Pilipinas ukol sa kolonyalismo at piyudalismo, pumapasok sa aking isipan na napakabanyaga ng punto-de-bista—kailangang itindig ang dignidad ng mga Hudyo, dapat ipagmalaki ang lahing Afrikano, dapat tutulan ang karahasan dala ng relihiyon, may pag-asa pa sa mga Latinong naging magsasaka lamang. Wala namang masama sa ganitong mga naratibo, pero naiisip kong sana’y makatagpo ako ng aklat na tinatalakay ito nang may Pilipinong sensibilidad.

Laking pasasalamat ko nang nabasa ko ang “America is in The Heart” ni Carlos Bulosan. Sa aklat na ito, mas naging realistiko ang mga aklat at pelikulang natunghayan ko. Hindi na hindi ako naapektuhan ng mga nakaraang teksto, ngunit, nagsa-patotoo ang akda ni Bulosan ang mga popular na paksaing may kabuluhan at panlipunang kabatiran sa Estados Unidos. Mas naging totoo ang kasaysayang tiningnan ko dati bilang “banyagang kasaysayan” lamang. Nag-ambag din si Bulosan ng tinig sa ganitong naratibo sa Amerika at sa daigdig; nakapaggiit ng kasaysayang hindi nailalahok sa kinamihasnang aklat ng kasaysayan.

Bunga na ring madalas akong makabasa ng ganitong naratibo, naging madali at mabilis sa akin ang pagbabasa ng teksto. Dagdag pa rito ang magaan na estilo ni Bulosan sa kaniyang paggunita. Kapuri-puri ang talas ng kaniyang gunita at ang pagbabalangkas niya ng mga alaala. Natatandaan pa niya ang mga makabuluhang dialogo sa iba’t iabng personahe at ang maiigting na pangyayari sa kaniyang buhay. Pinagtiyap na talambuhay at nobela ang aklat. Muli, kapuri-puri ito dahil hindi nagpakahon ang manunulat sa kumbensiyon ng alinmang anyo, lalo pa sa kaniyang panahon. Hitik ang kaniyang aklat sa mga aralin ukol sa: karapatan ng mga Pilipino sa pagkamamamayan (citizenship) sa Amerika, proteksiyon sa karahasan ng mga puti, pagkakaisa ng mga manggagawa laban sa pasismo, pagkapantay-pantay ng mga mamamayan anumang lahi at uri nagmula, karapatan sa pagtatayo ng mga manggagawa ng unyon at pagpupulong, karapatang magsama ang puti at iba pang lahi, kalayaan laban sa diskriminasyon. Hindi naman lumalabas na lantarang propaganda ang aklat. Dahil sa masining na pagsasalaysay ni Bulosan sa kaniyang buhay, hindi naging tahasan, gayong batid kong layon rin niya ito, ang magsilbing giya at aral ang aklat sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino sa Estados Unidos.

Hindi ko hinayaan ang sarili na magtala habang nagbabasa. Wala akong kuwadernong kaharap. Mahirap ibuod ang aklat. Paano mo nga naman maibubuod ang isang buhay na hitik na hitik at makabuluhan? Naisip ko rin, ito kaya ang batayan para maging karapat-dapat ang isang taong magsulat ng sariling tala ng buhay?

Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang ilang mga pangyayaring sa buhay ni Allos: ang matandang mahirap na inilublob ang kaniyang kamay sa banga ng bagoong, ang matapobreng babae na sinipa ang paninda ng kaniyang ina at ang paghingi pa ng tawad ng huli, ang ritwal pagkaraan ng kasal na nararapat magpakita ng senyal kung birhen ang napangasawa, ang tuwa ni Carlos nang malaman niyang nakapagsusulat siya sa Ingles, ang pakikipagkaibigan niya sa isang puti na nagputa para siya mabigyan ng bagong pagkakataon, ang desperasyon ng mga Pilipino at Mehikano sa bulok na siyudad, ang pagbabasa niya habang nakaratay dulot ng tuberkulosis, ang pagkakalathala ng kaniyang unang aklat ng mga tula, at ang pagiging edukador sa kapwa manggagawa at magsasaka.

Karapat-dapat itong basahin. Isang kontribusyon, marahil, ng aklat ay hindi pagkakatapilok nito sa bitag na “paraiso,” “sanktuwaryo” at “lupain ng pangako” ang Estados Unidos. Totoo, tumakas si Carlos sa Pilipinas sa akala niyang may pangako ang Amerika. Kabaligtaran ng karamihan ang naratibo niya: may mga panlipunang kanser din dito na nangangailangan ng kritikal na isipan at radikal na pagkilos. Hindi ako naniniwala sa isang puna na “luma” na ang aklat na ito at hindi na dapat isama sa listahan ng mga importanteng teksto. Dahil kung magkagayon, para na ring isinantabi ang mga tala sa kasaysayan, o para na ring isinawalambahala ang tinig ng isang Pilipinong naglalayong gawing tunay na demokratiko, malaya, masagana, at payapa ang bagong lupain ng pangako.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home