Friday, September 23, 2005

"Barefoot in Fire: A World War II Childhood"


ni Barbara-Ann Gamboa Lewis
Pictures by Barbara Pollak
2005 Manila: Tahanan Books for Young Readers
208 pages





Matagal na akong hindi nakakabasa ng panitikang pambata, simula nang dinisiplina ko ang sarili para maghanda sa aking compre. May ginagawa akong papel tungkol sa pagsusulat ng kuwentong pambata, para sa isang pambansang kumperensiya nang mabighani akong basahin ang isang aklat na nabili ko sa Bookfair. Orihinal itong nalathala sa US, pero muling nilathala ng Tahanan. Mabuti na lang at lalong napalapit sa mambabasang Pilipino. Sa mga aklat pambatang tumatalakay sa ikalawang digmaang pandaigdig, ang "The Secret" ni Lin Acacio Flores pa lamang lubos kong hinangaan. Ang iba'y nagkulang sa detalye, sinseridad, at pananaliksik. Nagkataong ang mga akda ni Tita Lin Flores at ni Barbara-Ann Gamboa Lewis ay hinugot sa kanilang karanasan bilang mga batang nakasaksi sa digmaan. Ayaw ko namang sabihing ang mga mahuhusay na akda lamang ukol sa digma ay yaong nakaranas nito. Hindi naman awtentisidad ang habol sa pagbabasa. Pero, may malaking maitutulong sa sariling danas para maging kaiga-igayang basahin ang isang kuwentong historikal.

Hindi "Diary of Anne Frank" ang "Barefoot in Fire." Ibig sabihin, walang gaanong malalagim na pangyayari sa talambuhay ni Lewis; walang panggagahasa, walang grapikong larawan ng pagdurusa, walang masaker. Gayunpaman, ramdam sa kaniyang prosa ang pagkakait sa bata ng kaniyang pagkabata dulot ng digmaan--ang karapatang maglaro, magsaya, mag-aral, magkaroon ng sapat na serbisyo mula sa pamahalaan. Ang pinakamagandang sangkap ng aklat na ito ay ang paraan ng batang si Barbara na lagpasan ang hamon sa kanilang buhay.

Naipahayag niya ang mga mga problema at pagtugon dito sa paraang nakakatuwa. Kung sakaling may kabigatan ang pangyayari, hindi nagiging sentimental ang atake ng may-akda. Magaan ang pagkakasulat ng talambuhay at may pakiwari akong kinukuwentuhan ako ng sarili kong lola. Katangi-tangi rin ang aklat na ito dahil nahuli at nadakma ng manunulat ang mga pangyayari sa punto-de-bista ng isang bata. Kaytalas ng kaniyang gunita at nadetalye pa niya ang maririkit na yugto ng kaniyang kamusmusan. Maihahambing ko ang aklat na ito sa mga libro ng talambuhay ni Tomie dePaola ukol sa kaniyang pagkabata.

Ilan sa mga magagandang eksena, na nagpatingkad sa persona o tagapagsalaysay na bata, ay ang pagpili ng tauhan ng sariling pangalan, pagkakaroon ng alagang manok at pato, ang paglikas sa Maynila at ang pagtataka kung bakit umaangkas ang mga tao sa kanilang auto, ang paggamit niya ng sako bilang bag, pagbabantay ng bata ng sinampay, ang pagharang niya sa magnanakaw, paglalaro ng posporo, pagtugtog ng biyulin sa isang sundalong Hapon, pagtatapon niya ng alak ng ama, ang pagpila sa rasyon ng bigas at sardinas, ang pakikipagkaibigan sa sundalong Amerikano, ang paghingi ng sigarilyo at tsokolate, ang pagkakatakam sa cherry pie, pag-iimbento niya ng eroplano at pagkahumaling dito, ang bayani niyang gerilya, at ang pagbabakasyon matapos alagaan ang maysakit na ina.

Mainam na ipabasa ang ganitong uri ng aklat sa mga estudyante ng kasaysayan sa elementary at maging sa high school. Mas nagiging makatao at tao ang pagbabasa sa kasaysayan. Mas magiging makulay ang paglingon sa nakalipas. Kung lahat ganito ang paraan ng pagkakasulat ng mga textbook, marahil, maraming mag-aaral ang hindi aantukin sa klase. Sana'y magkaroon pa ng maraming aklat na tulad nito.

Huling Napanood:

"March of the Penguins"-Isang dokumentaryo ukol sa mga emperor penguins sa south pole. Sa hitsura, aakalaing isa itong produksiyon ng Discovery o National Geographic. Pero higit pa ito sa pagpapaliwanag sa buhay, reproduksiyon, asal, ata kapaligiran ng mga penguins. Mala-epiko ang kanilang kuwento para mabuhay at magbigay-buhay. Mula sa kanilang mating sa breeding ground, reversal ng sex roles, paghahanap ng pagkain, paglilimlim ng itlog, at ang pagsiyap ng inakay ay mapupulutan ng ideya ukol sa pagpapanatili ng buhay. Tulad ng dokumentaryong "Winged Migration", may mga eksena ditong sumasakal ng puso--ang aksidenteng pagkakahulog ng itlog sa niyebe, ang pagkakamatay ng inakay sa ginaw at gutom, ang mandaragit na seagull, at ang kamatayan ng magulang. Mahusay na testamento ang pelikula ukol sa pagpapatuloy ng buhay, anuman ang sitwasyon at pagkakataon.

"Dark Water"-Sa paglikha ng mood, mas mainam pa rin ang orihinal na bersiyong Hapones. Gayunpaman, mas naging malinaw ang kuwento ng bersiyong Hollywood. Ang kapuri-puri sa pelikulang ito ay ang pagkakanlong ng isang mensahe sa isang genre ng pelikula. Kapuri-puri rin ang pagkukuwento na hindi nambibigla, gumagamit ng labis na tunog, o gumagamit ng mga halimaw at engkanto. Sa halip, masining na ginamit ang katahimikan, ang mga espasyo, ang kalungkutan ng mga tauhan, ang pagkalula, ang mga phobia para likhain ang pelikula. Interesado tuloy akong mabasa kung paano ito isinulat bilang isang nobela.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home