Thursday, September 01, 2005

Estante, Simula, at Aling Bebang

Kahit nagbabanta na ang aking exam sa Nobyembre, hindi ko pa rin mapigil ang adiksiyon sa paghahanap ng mga libro. Kabubukas lang kanina ng Manila International Book Fair at balak kong pumunta doon sa weekend. Kailangan ko ng buong maghapon doon dahil malayo sa akin ang lugar at susulitin ko ang oras. Noong Linggo, nakalkal ko sa Booksale, Robinson's Metro East ang matagal ko nang hinahanap na "Staying Fat for Sarah Byrnes" ni Chris Crutcher (PhP 40). Kontrobersiyal na manunulat ng mga YA novels si Crutcher, at isa sa aking hinangaan na manunulat. Sa pagtambay naman sa Full-booked (Rockwell) kagabi, binili ko ang "Journey to the River Sea" (PhP 353) ni Eva Ibotsson, na isa sa pinakamainam na manunuolat pambata sa UK. Kanina, sa pagtambay buong maghapon sa Greenhills, nahalukay ko ang "The Book of Three" (PhP 55) ni Lloyd Alexander (malapit ko nang mabuo ang Prydain Chronicles; lahat second hand). Malaki na ang pinagbago ng Greenhills dahil sa Promenade. May bagong branch ng Fully-booked dito at bumuwena-mano ako ng "The Princess Bride" (PhP 379) ni William Goldman, pagkatapos nang dalawang oras na pagtambay sa loob, pakikibasa ng mga picture book, at pamimili kung bibilhin ko ba ang "The Hours" o ang "Anna Karenina" ni Leo Tolstoy.

Kailangan ko nang bumili ng bagong bookshelf. Pagdating ko ng bahay, napapansin kong malapit nang bumigay ang dalawang estante. Hindi ko naman maipadala sa bahay ng nanay at tatay ko ang mga nabasa kong libro dahil mahal na mahal ko iyon. Gusto ko'y laging nakikita ang mga libro sa tuwing pumapasok ako ng bahay. Hindi ko makapili ng mga itatambak sa bahay ng aking magulang. Natatakot akong baka ipahiram ng mga kapatid ko sa kanilang kaibigan, nang walang paalam at hindi na ibabalik sa akin. Nangyayari itong madalas sa akin noon; ipinahiram ng nila sa kanilang kaklase ang mga libro ko, at hindi na ibinalik. Gusto kong maghuramentado.

Wala na akong espasyo sa bahay. Nahihirapan naman akong ipamigay ang ilan o ipahiram na alam ko namang mahihirapang ibalik sa akin. Hindi ko naman mapipigil ang pagmamahal ko sa mga libro, kahit ang iba'y segunda mano.

***

Bukas na pala ang Gabi ng Palanca. Excited na akong malaman kung sino-sino ang mga dating mukha. Excited na akong makilala kung sino ang mga judge na pumili sa aking dalawang lahok. Excited na akong makita muli ang mga kaguro sa UP. (Sayang, nasa US si Dr. Agca at hindi niya makukuha personally ang kaniyang award para sa Essay in English.)

Hindi ko mapigilan ang sarili na gunitain kung paano ko sinimulang isulat ang mga entry ko sa Palanca. Sa aking sanaysay na "Segunda Mano", nakuha ko ang ideya sa madalas kong pagtambay sa mga second hand bookstores--lalo na sa Booksale at sa Books for Less. Nasa kolehiyo ako nang madiskubre kong Booksale sa Cubao. Mura pa noon ang mga libro (sampung piso para sa mga children's novel, ngayon singkuwenta mahigit na). Naisip ko, sayang naman kung uubusin ko ang oras sa pangangalkal lamang. Kaya sa bawat punta ko sa mga bookstore, sumusulat ako, nagtatala, nagreresearch para sa inihahandang sanaysay.

Para sa aking kuwentong pambatang "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga," nagsimula ang ideya noong Pebrero, pababa ako ng Baguio pagkatapos ng isang children's literature conference. Nakuha ko ang imahe sa pagtanaw ko sa bintana ng Victory Liner, noong nasa bandang Pampanga na kami. Totoo ang sabi ni C.S. Lewis na ang kuwento ay nagsisimula sa magandang imahen. At magandang imaheng hindi ko pinakawalan ang mga tagak sa bukid sa Pampanga. Idagdag pa ang mga balita sa diyaryo tungkol sa pagbabalik ng mga migratory birds sa Candaba Swamp. Noong una, ayokong sumulat ng kuwentong environmental. Ayokong maging propaganda ang aking kuwento, hangga't maiiwasan. Kaya sa isang linggong pag-iisip sa trato sa kuwento, napagpasyahan kong gawin itong pinaghalong realistiko, siyentipiko, at historikal.

***
Kung ano pa ang madali, doon pa ako nagtagal. Madaling basahin ang mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Pero halos isang linggo ko na itong binabasa. Patigil-tigil. Anim na kuwento na lang ang natitira at matatapos ko na ang libro. Gusto ko sanang dayain ang sarili na hindi ko basahin ang lahat sa kaniyang koleksiyon. Tutal, sa isip ko, nabasa ko na ang pinakamagaganda niya at premyadong katha tulad ng "Kuwento ni Mabuti," "Paglalayag sa Puso ng Isang Bata," "Parusa," at "Walong Taong Gulang." Kahit papaano, nakalikha na si Matute ng impresyon sa akin. Nakilala ko na ang estilo at paksain niya, maging ang kaniyang kahinaan at kalakasan bilang kuwentista.

Pero tatapusin ko ang buong libro. Kagabi, nabasa ko ang kuwento niyang "Babae, Lansangan at Takipsilim." Para sa akin, heto ang kaniyang pinakamasining at pinakasensitibong kuwento sa aklat. Hindi simple ang kuwento. Mababakas ang maturity ni Matute bilang mangangatha, kumpara sa mga luma niyang kuwento na halos iisa ang disenyong naratibo at teknik.

Kaya ngayong gabi hanggang madaling-araw, tatapusin ko na ang aklat. Para mabuo ko ang aking karanasan kay Aling Bebang, na nagkataon naman kauna-unahang manunulat sa Filipino na nagwagi ng unang gantimpala sa Palanca noong 1951 para sa "Kuwento ni Mabuti."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home