Sunday, September 18, 2005

Sa Bayan ng mga Boksingero: Si Manny, Si FPJ at ang Cinderella Man

Ilang raw matapos ang pagwawagi ni Manny Pacquiao, pinanood ko ang “Cinderella Man.” Mainam naman ang pagganap ng mga artista at malinis ang pelikula, gayong masasabi kong wala itong hatid na bago. “Mahalaga ba ang maging bago?” itatanong siguro ng ilan. Hahaba ang usapan at malalayo tayo sa kuwento. Sa huli’y masasabi kong old-fashioned ang pelikula at nasa hulma ito ng mga pelikulang “Champ” at “Rocky” (moda ng nanlulupaypay-na-pero-hindi-pa-rin susuko).

Ngunit may hatid na ligaya ang panonood nito, tulad ng pagbabasa ng fairy tale, dahil sa huli’y naparurusahan ang masama at nagagantimpalaan ang mabuti. Nagbibigay ito ng pag-asa dahil nakagaganti ang inaaapi, nagiging bayani ang maliit. Isang spoiler: kuwentong Cinderella ang “Cinderella Man.” Dahil dito, nagkakaroon ng halaga ang mga hulma, ang mga pormula sa kuwento tungo sa pagpapakalma ng ating nababagabag na damdamin. Lalo na sa mga panahon ng ligalig.

Isang biyaya ang pagwawagi ni Manny sa gitna ng pagbasura sa impeachment, sa tumataas na presyo ng bilihin, sa panlulumo ng mga Pilipino sa kanilang abang kalagayan. Biyaya dahil mula sa kahirapan, sigurado na ang kaniyang maalwang kinabukasan. Nakita ko sa telebisyon, may maayos na silang mga tahanan at may naipundar nang mga sasakyan. Kinatawan ni Manny ang pangarap ng bawat Pilipino. Nakita ng karamihan sa mga Pilipino ang kanilang sarili at ang kanilang lahi sa isang boksingero—maaari kang malupig at matalo, pero sa pagsisikap, lalaban kang muli at babangon. Sa isang banda, ang laban at pagkapanalo ni Manny, ay magsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino. Ang buhay sa boxing ay isang malaking talinghaga ng buhay ng mga Pilipino. Kaya nga ang mga boksingero at boksingero-sa-telon ay nagiging bayani sa aking bansa.

Nagunita ko:

...Ang ingay at ang wala sa sariling paggalaw ng aking ama habang nanunuood siya ng boxing sa telebisyon. Suntok sa hangin, pagtigas ng kamao, at ang pagpapakawala ng hiyaw. Tila siya coach sa labang iyon.

...Ang aking pagkabata, kasama ng aking pinsan, na nagprapraktis sumuntok sa puno ng saging. Ang mga payo na huwag maunang sumuntok. Kapag nasuntok (below the belt), suntukin nang suntukin ang kalaban.

...Ang pelikula ni FPJ. (Tila laro ng kapalaran ang kaniyang programa sa telebisyon noon na FPJ sa GMA.) Nakikisimpatya ako kay Fernando Poe Jr. na hindi sumusuko sa suntukan gayong hinag-hina na siya sa bugbog. Lagi’y hinihintay ko ang mala-Popeye na transpormasyon: magiging malakas muli siya sa gitna ng laban at ipamamalas niya ang sunod-sunod na suntok sa sikmura ng kalaban. Modernong bayani siya ng epiko. At hindi siya mamamatay. Babangon siya at muli haharapin ang hamon.

...Humihinto ang mga sandali ng aking kababayan kapag may tagisan ng suntukan. May laban nga si Pacquiao na nagpaantala sa mga kamay ng kriminal. Nakatutok ang karamihan sa laban ni Onyok sa Atlanta Olympics. Nakatunghay ang aking mga kababayan para bantayan kung ang sariling bayani ay dinaraya. Kaya nga matatandaang noong natalo si Onyok, galit na galit ang mga Pilipino at sinasabing “nadaya tayo” o “ninakawan tayo ng medalya.”

...Hindi ititigil ang laban pabor sa impeachment ng Pangulo. Habang “buhay” ang gunita kay FPJ, tuloy ang pakikibaka.

...Bagong bayani si Manny. Bayani siya ng panahong ito para sa mga Pilipinong nanggigipuspos. “Mga pagsubok lamang iyan/ Huwag mong itigil ang laban,” kanta nga ni Kitchie Nadal, isang revival, bilang pampatibay-loob kay Manny at sa lipunan. Sabi pa sa karatula sa lansangan, “Manny, bayani ka.” At nakabalandra ang watawat ng bansa sa karatula.

...Pinag-aagawan na ang pagkabayani ni Manny. Bayani siya ng masa. Pero bayani rin siya ng administrasyon. Inaagaw ang bisa ng kaniyang tagumpay. Bayani siya para “mapatahimik” ang bansa sa gitna ng sigalot. Dati’y ginamit siyang endorser laban sa droga at krimen. Ngayo’y taga-endorso at tagahatid ng konsolasyon sa mga dinaya at nadaya sa dakilang pagsasaliksik ng katotohanan.

Nabahiran na nga ng hiwaga ang bansa. Nagsasalikop ang fairy tale, kasaysayan, kasalukuyan, at epiko sa iisang pagkakataon. Ang tunggalian ng boksingero ay pakikitunggali ng lipunan sa mga yugto ng kasaysayan. Agimat sa naglulupasay na mithiin ang bawat mistikal na suntok. Ang bansa at ang boksingero ay nagiging isa. Pambansang trahedya ang pagkatalo at pandaraya, ngunit nagiging alamat ang isang pagbangon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home