Tuesday, September 13, 2005

"Silang Nagigising sa Madaling-Araw"

“Silang Nagigising sa Madaling-Araw”
ni Constante C. Casabar
Salin sa Filipino ni Reynaldo Duque
Quezon City: Ateneo de Manila University Press
281 pp. (tekstong Filipino lamang)

Tulad ng tauhang si Victor sa “Tundo Man May Langit Din,” matalino at kritikal na mag-aaral si Salvador sa nobelang Iloko ni Casabar. Napapansin kong paboritong paksain ng mga nobelista ang matalas na kabataang lalaki na nahaharap sa mga panlipunang pagsubok. Itinatayo pa lamang ang planta (pagawaan ng tela), mariin na itong tinututulan ni Salvador. Aniya, matatali lamang ang mga anak-pawis sa plantang ito. Tingin niya’y halimaw ito, sa halip na makatulong sa kanilang bayang Guilang. Nagkataong naaksidente ang kaniyang lolo. Wala silang pambayad sa doktor, kaya napilitang mangutang kay Apo Julian Manoto. Bilang kabayaran, marapat na magtrabaho si Salvador sa planta. Tiim-bagang na tinanggap ng kabataan ang kapalarang ito, gayong batid niya ang pandaraya sa kaniya ng mayamang nagpautang.

Dahil may kritikal na mata ang bida, napapansin niya ang katiwaliang moral at panlipunan sa kaniyang bayan—ang di matapos-tapos na rehabilitasyon ng bayan dulot ng digma, ang karumhan ng paligid dulot ng mga hayop, ang mga pangako ng alkalde na hindi natutupad, ang korupsiyon ng mga alagad ng munisipyo sa mga manininda, ang laganap na kriminalidad, ang mga insidente ng nakawan ng alagang hayop, ang mga pagpatay sa gabi, at ang kabataan ng Sabangan bilang “alipin ng dagat.”

May bagong iniaalay ang nobelang ito sa mga mambabasa, Una, tinalakay nito ang aspeto ng lipunan sa tabing-dagat, na hindi gaanong tinatalakay sa panitikang Filipino. Pangalawa, gayong nasa tradisyon ang nobelang ito ni Casabar sa panlipunang realismo, hindi istiryitipo ang kaniyang mga tauhan. Halimbawa, hindi perpektong bida si Salvador—hindi ito diyos na kayang pigilan ang sarili sa pre-marital sex, naaakit pa rin sa ibang babae (Onong) kahit may kasintahan, at nabubuyo ng kaniyang asawang tumiwalag sa kilusan. Tao at natural siya kung kumilos. Pangatlo, gayong may layon ang nobela na maging kritisismo sa lipunan at kulturang Iloko, hindi ito gumagamit ng mga islogan o ng mga pahayag na lumaganap sa kuwentong Tagalog noong 1960’s at 1970s. Hindi lantaran ang pamomolitika sa akda. Gayundin, hindi lantaran ang pagiging komersiyal ng nobela. Kahit tukuyin pa ang kuwento ng pag-iibigan nina Salvador at Emerita at ang langit at lupang agwat nila. Natukoy ni Noemi U. Rosal, sa kaniyang introduksiyon, ang mga tradisyonal na panlasang pampanitikan ng mga Iloko na matatagpuan sa nobela: “romantikong pag-iibigan, matinding paglalarawan ng kulturang Ilokano, mahiganting katarungan o “poetic justice,” at malinaw na mensahe.” Sa natukoy ni Rosal, kapuna-puna ang paggamit ni Casabar ng mga pamahiin (tunog ng kuwago, ritwal sa pagtukoy ng mapapangasawa), heograpiya, at mga detalye ng hayop, pagkain, halaman na nagpatingkad sa kultura sa akda. Inilarawan din dito ang tunggalian ng taga-nayon/tabing-dagat at ng taga-bayan (halimbawa’y inismiran ng isang binata ang babae at ibinulong na “nakatira lamang sa gilid ng bundok ang dalaga”).

Maraming lebel ang pagkagising sa madaling-araw sa nobela. Maaaring tukuyin dito ang madaling-araw na pamamalakaya para may maibentang isda ang mga taga-Sabangan sa bayan. Maaaring tinutukoy nito ang krimen na nagaganap kapag nakalambong na ang dilim: ang pambubugbog, ang pagnanakaw ng mga baka at kalabaw, ang pagmamanman. Maaaring tukuyin dito ang mga pamamaslang sa mga inosenteng nilalang, Maaaring ring radikal ang simbolo: nagkakabuo ng kilusan ng mga manggagawa sa planta laban sa mga mapang-abusong mayayaman/ usurera tulad ni Apo Julian Manoto.

Dahil sa ito’y nobelang naiserye sa "Bannawag" ("Liwayway" ng mga Iloko), kapuna-puna ang kompromisong pinagdaanan ng akda. Natapos ang nobela na hindi malinaw kung lumaya nga bang tuluyan ang mga manggagawa sa planta. Hindi malinaw kung naipagpatuloy pa ang kilusan ng mga manggagawa. Nalinis na bang tuluyan ang katiwalian sa Guilang, sa pagkamatay ni Apo Julian? Sa halip, nabigay-tuon ang nobelista sa pagsasama ng dalawang pamilya, ang pagpapatawad ng pamilya Buligo kay Salvador, ang pananaig ng pamilya kaysa impluwensiya ng tiwali, ang pagbabalik-loob ni Julian Buligo sa matwid, at ang paghahanap ng dalawang pamilya ng bagong kapalaran sa ibang lupain sa Cagayan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home