Saturday, November 26, 2005

Compre Exam Update

May resulta na ang 2nd compre exam ko sa literary criticism: high pass. Sariwa mula sa pagbabalik mula sa bakasyon ng aking examiner sa U.S., at pagkaraan ng dalawang araw, ipinadala na sa Dean's Office ang kaniyang hatol. Dalawang tao ang nagbalita sa akin sa high pass na ito. Sabi ng kawani sa Graduate Studies Office, bago ako pabirong pagalitan dahil "sa late na naman" (dalawang beses na akong muntik na ma-AWOL status), "Uy, high pass ka." Pagdating sa Dept, bati sa akin ng aming sekretarya, na aking kumare, "high pass ka...ite-text ko nga dapat sa iyo." Dalawa na, isa na lang ang hinihintay. Nagkataong nagkita kami ng aking examiner sa department kaninang hapon, habang inaasikaso ko ang aking late registration at form para sa reduced fees. Sabi niya, "may resulta na. High pass." Sabi ko, "salamat" (sa paraang hindi niya mahahalata na alam ko na).

Dagdag pa niya, "may comment doon sa form na outstanding."

Wala akong maisagot. Minsan, mahirap tanggapin ang ganitong komentaryo.

"Kaunting rebisyon na lang, puwede mo nang ipublish," habol niya bago siya umalis ng opisina.

Ito ang subject na binigyan ko ng mahabang panahon sa pag-aaral. Bukod sa mahirap basahin ang wika ng kritisismo, kailangan ding maging maalam ang mag-aaral sa kasaysayang pampanitikan. Sabi nga'y sa bago lumikha ng puna, dapat alam muna ang kasaysayan. Kalahating taon ang ginawa kong review. Sabi ng kaibigan kong abogado, "para rin palang bar."

Kailangang i-congratulate ang sarili. Nagpunta ako sa Megamall, at naghanap ng kopya ng "Invisible Cities" ni Italo Calvino, pero out of stock. Sayang, gusto ko sanang bumili ng libro ngayon. Katatapos ko lang ng "Einstein's Dreams" ni Alan Lightman; at kasalukuyang binabasa ang "The Name of the Rose" ni Umberto Eco (dahil sa rekomendasyon ng dalawang kaibigan). May mga aklat pambata pala si Eco, hahanapin ko rin sa mga bookstores. Pagkaraan, nagpunta ako ng MetroWalk. Sa wakas, nakahanap na ako ng DVD copy ng "Howl's Moving Castle." Tapos, bigla kong maaalala ang text ng kaibigan. Sabi niya, "you evil pirate!" Hahahaha. Nakahanap din ako ng kopya ng "The Way Home," isang pelikulang Korean, na mukhang magugustuhan ko ang kuwento. Hindi na rin masama ang nabili ko, pagkaraang magpahinga ng dalawang linggo sa pamamahinga sa pamimirata.

Heto nga pala ang isang sipi ng aking sagot/ sanaysay sa comprehensive exam. Isa itong sipi sa tanong na "Ano ang katangian ng kritisismong pampanitikan sa Pilipinas?"

***
Nagsimula ang kritikal na praktika pampanitikan sa bansa sa mga anyo ng etnograpiya at pangangalap ng mga panitikang-bayan. Iyan ang proyekto, halimbawa, ni Jose Rizal sa komparatibong analisis niya ng kathang-bayang Pagong at Matsing sa bersiyon ng Japan. Ganito rin ang proyekto ni Isabelo delos Reyes sa kaniyang El Folklore Filipino at ang pagtatampok sa pagiging maharlika ng mga Tagalog sa nobelang Ninay, Costumbres Filipinas ni Pedro Paterno. Naglalaman ito ng mga etnograpikong anotasyon ukol sa dakilang tradisyon ng mga Filipino at ang kaniyang proyekto ay itinuring na nasa hibo ng Costumbrista. Kritikal na praktika rin, bagamat nakatuon sa agham panlipunan, ang proyektong anotasyon ni Jose Rizal sa Sucesos de Las Islas Filipinas ni Antonio Morga. Itinuwid ni Rizal ang katiwalian ng dayuhang chronicler sa pagtatala ng kasaysayan ng bansa. Ang naunang mga proyektong ito ay nauudyukan ng paghahanap ng mga ilustrado ng kanilang nawawalang nakalipas (search for the lost origins), kaya matindi ang kanilang pagnanais na itampok ang kaakuhang Filipino (bagamat limitado pa noon ang kanilang depinisyon ng Filipino) dahil sa epekto ng kolonyalistang Espanyol. Deskriptibo pa noon ang mga pag-aaral ni Rizal sa panulaan at kuwentong-bayang Tagalog. Gayunpaman, makikila na agad ang pingkian ng katutubong pag-aaral laban sa kolonyal na kontrol.
Sa pagdating ng mga Amerikano na kinontrol ang bansa sa pamamagitan ng kultura, gamit ang aparato ng pampublikong sistema ng edukasyon, itinatak sa mga bagong henerasyon ng mga kabataan at mag-aaral ang pagiging lehitimo ng panitikang Amerikano. Nagkaroon nga ng konsepto ng “lehitimong dula” sa mga panahong iyon, batay sa pamantayan ng mga Amerikanong mandudula. Formalismo ang pinakamalaking pamana ng mga Amerikano sa kritisismong Filipino. Ang kanilang pamantayan ng pagkaginto o pagkatanso ng partikular na akda ang siyang pangunahing sinuso ng mga mga kritiko at mamahayag. Halimbawa, mababanaag ang tinatawag kong kritikal na tensiyon at ang panimulang pagtimbang nang pinahalagahan ni Inigo Regalado sa mga nobelang Tagalog ang orihinalidad, ang kabuluhang panlipunan. Taliwas si Regalado sa pormalismong oryentasyon dahil hinahanap niya ang silbi ng akda sa panahon ng krisis (i.e. Sedition Law at Flag Law). Magkaiba sila ng oryentasyon ni Agoncillo dahil ang nabanggit ay produkto na ng kolonyal na edukasyon at panlasa. Nais ni Agoncillo ang dalisay na pananagalog at pinahahalagahan niya ang taal na anyo ng maikling kuwento na modelo sa mga kuwentistang Amerikano. Kilala rin siya sa pagmenos niya sa Tagalog na anyo ng katha tulad ng dagli at pasingaw; pagtakwil sa didaktikong udyok sa pagkatha, sa paggamit ng himig-Ingles na parilala sa katha at sa panggagad sa modelong Amerikano; pagkutya sa mga kuwentista na “alipin ni O. Henry” sa teknik na panggulat; at ang kaniyang pasaring sa komersiyal na panulat bilang “masangsang.” Gayong limitado at lantarang formalista ang giya sa pagtimbang ni Agoncillo sa maikling kuwentong Tagalog mula 1886-1948, mababakas na rito ang sistematiko at siyentipikong pag-aaral ng anyo, tema, at pamamaraan. Ngunit, may makabayang himig si Agoncillo sa pagtakda na ang katha ay hindi dapat maging himig-Amerikano kahit na nakapadron sa modelong Amerikano. Ganito rin halos ang panindigan ni Alejandro Abadilla sa kaniyang paggawad ng asteriko sa maiinam na akda.
Kauna-unahang pingkian (o pagkikiskisan ng bato) na nagresulta ng apoy ay ang tunggalian ng Ilaw at Panitik/ Aklatang Bayan laban sa Panitikan (kabataang manunulat tulad nina Alejandro Abadilla at Teodoro Agoncillo) na humiling na ilathala ang kanilang mga akdang makabago, masining, at di-tradisyonal sa mga matatanda at konserbatibong patnugot ng mga komersiyal na magasin. Hindi sila napagbigyan at sila’y nagsunog ng mga aklat at manuskrito ng mga “matatandang tinale” sa Plaza Moriones noong ika-2 ng Marso, 1940. Dahil dito, sang-ayon kay Agoncillo, “naging apdo sa labi ng matatanda ang [samahang] Panitikan.” Sa palagay ko, bukod sa historikal, tagumpay ang pangyayaring ito ng mga Panitikero. Ipinakila nila ang pagmamatyag sa proseso o sistema ng paglalathala, ang pagtimbang sa nilalaman at teknik ng katha, at ang pagbabantay kung umuunlad ba ang kalidad ng panitikan sa kanilang panahon. Gayong ang pagsusunog ng aklat ay barbariko at kriminal na akto, naipakilala ng mga Panitikero ang kapangyarihan ng kritisismo sa madla.
Kaugnay ng pingkian ng mga organisasyon bilang kinatawan ng magkakatunggaling ideolohiya--ang labanan ng mga Veronicans na itinataguyod ang “art for art’s sake” na itinuring na “kasiningang hungkag” ng Philippine Writer’s Guild sa pamumuno ni Salvador Lopez.
Para kay Jose Garcia Villa, ang akdang masining ay yaong maringal ang paksain at engrande ang arkitektura ng katha. Pinahahalagahan niya ang seryosong paksain at ang katimpian sa pagsulat. Laban siya sa “propaganda” sa panitikan, kaya nasabi na Jonathan Chua sa aklat na The Critical Villa na wala siyang ipinagkaiba sa mga Amerikanong imperialista na tinawag ang mga mandirigmang Filipino na “bandido.” Sinagka ni Lopez ang ganitong paniniwala sa kaniya namang pagtataguyod ng panitikang proletaryo. Paniniwala niya na ang makabuluhang panulat ay sumasayad sa lupa; o ang dapat bumaba ang kritiko sa toreng garing at isatinig ang kubling mithi ng ibang sektor, lalo na ang naisasantabi. Ang nakikita ko lamang na limitasyon, bagamat dinarakila ang sanaysay ni Lopez na Literature and Society, ay ang paghamon lamang niya sa mga panulat na Filipino sa Ingles. Naisantabi ni Lopez ang panitikang nasusulat sa bernakular.
Noong 1960, lumitaw ang papel ng mga kabataang manunulat na kinalaban ang konserbatismo at tradisyon ng panitikang popular. Ang mga kabataang ito ang tinawag na “mga suwail.” Bagamat sila’y mga kuwentista, taglay nila ang diwa at praktika ng kritiko na suriin ang aspekto ng produksiyon sa paglalathala. Ang kanilang mga kuwento ay tumalakay at naglantad sa suliraning panlipunan tulad ng piyudalismo, kahirapan sa pagawaan, kawalang-katarungan sa sektor ng magbubukid, at kahirapan sa lungsod at kanayunan. Nagbunga naman ang kanilang kritika sa pagkakabuo ng mahusay at klasikong antolohiya, gayong hindi nila tuluyang nabago ang sistemang komeryalismo ng magasing Liwayway.
***
Mahalaga ang masubaybayan ang pingkian ng mga paniniwala sa kritisismong Filipino upang makita kung may ibinunga ba ito sa pagdaloy ng kasaysayan sa kamalayan ng mga nakababatang kritiko. At buhat din dito, kagyat na mailalarawan ang katangian ng makabuluhang kritisismo sa bansa. At matutukoy ang pangangailangan ng lipunang Filipino kaugnay sa pagtataya ng mga panitikan nito.

Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng tunggalian. Ganito rin ang kasaysayan ng kritisismo sa bansa. Buhat sa proyektong pagtatampok ng sarili sa praktikang kritikal nina Rizal, delos Reyes, at Paterno. Nais ko ring idagdag ang bisa ng mga anti-form ni Marcelo H. Del Pilar na maituturing kong malikhaing kritisismo sa namamayaning panitikan ng kaniyang panahon: ang mga kuwento ng santo at santa, ang mga aklat ng dasal at nobena, ang mga kautusan ng Diyos, ang labis na didaktisismong panrelihiyon. Ang isinagawa ni del Pilar ang bubuod sa aking sariling posisyon sa diskursong Filipino sa lawas ng kritisismo.

Una, may katangian ang kritisismong Filipino, na sarili ko ring paninindigan, na mapanghamon. Hihamon nito ang patong-patong na gahum. Sinasagka nito ang mga aparato ng kontrol mula sa simbahan, edukasyon, pamahalaang kolonyal. Hihiramin ko ang pangungusap ni Balzac, “ang kritisismo ay ang kasaysayan ng bansa.” Sa korpus ng kritisismo sa bansa, nakikita ko ang iba’t ibang antas ng paghamon: (1) pag-angkin ng Kanluraning dulog at ang pagpapasok ng mga makabayan at makabuluhang dalumat na makatutulong sa bansa at pagbubuo ng pambansa (Tiempo, Agoncillo, Almario), (2) akomodasyon ng Kanluraning dulog; inaangkin nang buo ang konsepto,dumadaan sa pagbabago, at babansagan itong sariling dalumat (ganito ang ginawa nina Rizal, Regalado, at Plaridel), at (3) lantarang pagtuligsa sa Kanluranin at banyagang batis.

Pangalawa, katangian ng kritisismong Filipino ang malaking pagpapahalaga sa kasiningan. Ayaw kong tawaging may bahid ito ng formalismo. Nagkataong sa kasaysayan ng kolonyalismo, nawaglit ang mga manlilikha sa ugat ng katutubong pagsusulat. Dahil dito, hindi nila maipaliwanag sa sistematiko at siyentipikong paraan ang kanilang estetika. Ngunit alam kong nananalaytay ito sa kubling lamukot ng kanilang kamalayan. Magandang proyekto, kung gayon, ang pagsaliksik sa katutubo upang ang pamantayan ng kahusayan ng Kanluran ay naihambing sa ating pamantayan. Baka lumitaw na ang pamatayan pala ay hindi lamang taglay ng Kanluran kundi taglay din ng bansa noong una pa man. Kailangan ng bansa ng isang magsasatinig ng nakaligtaang estetika mula sa ugat ng panitikang-bayan.

Pangatlo, ang kritisismo sa bansa ay lagi’t laging may isinusulong. Di ko ito tatawaging propaganda dahil negatibo ang terminong ito sa kasalukuyan. May angkop ang terminong advocacy—advocacy sa identidad, kapakanan ng mga magsasaka, kapakanan ng mga intelektwal na katutubo, kapakanan ng rebolusyon, kapakanan ng kababaihan.

Panghuli, bukod sa gahum ng mananakop, tinutuligsa ng kritisismong Filipino ang mga sakit ng kanilang panahon, labas man ito sa usapin ng panitikan: ang labis na komersyalismo, ang panggagad o kawalan ng orihinalidad, ang integridad mismo ng kritiko, ang de-kahon na pagsusulat alang-alang sa pagsusulong, at ang namamayaning praktika sa produksiyon ng tekstong pampanitikan. Kung gayon, noon pa man, masaklaw at panlipunan na ang oryentasyon ng mga kritiko. Sinusuri nila, taglay ang angkop na kasangkapan sa panunuri, hindi lamang ang teskto kundi ang konteksto at intertekso.Hindi sila mapararatangang nasa toreng garing.

Wednesday, November 23, 2005

"Abadeja: Ang Ating Sinderela"

(Tala: Mula ang larawan sa website ng Teatro Mulat ng Pilipinas. Bisitahin ito: http://mulat.org/index.htm. Pokus ng pagsusuri ang "Abadeja: Ang Ating Sinderela" ni Amelia Lapena-Bonifacio. Isang sipi ng aking sanaysay na "Bata Mama at Bata Bahi, Abadeja, Perigrina, Mariang Alimango, at Elang Uling: Ang Pagtalunton sa Kalikasan ng mga Filipinong Cinderella" na malalathala sa Diliman Review sa Disyembre 2005 at bahagi ng aking koleksiyong nagwagi sa NCCA Writer's Prize.)

***
Masusumpungan sa Bata Mama at Bata Bahi (Ang Batang Lalaki at Ang Batang Babae), isang kuwentong-bayan sa Bukidnon na itinala ni Carmen C. Unabia, ang ilang elementong lantad sa mga kuwentong Cinderella. Ito na marahil ang isa sa mga susi upang matukoy ang katutubong ugat ng mga bersiyong Cinderella sa bansa. `Di tulad ng mga bersiyong popular, dalawang pangunahing tauhan ang tampok sa kuwentong-bayan. Naulila sila sa ama at pinagmamalupitan sila ng kanilang padrasto. Nais iligaw ng padrasto ang dalawang batang magkapatid at inutusan niya itong punuin ang basket ng mga dahon ng gabi. Kapag hindi ito matutupad ng dalawa, ibibitin sila nang patiwarik. Sa puntong ito, lumabas ang kadakilaan ng ina; nag-iwan ito ng mga piraso ng manok sa abuhan ng kalan at nag-ipon pa ng kaniyang gatas para sa iiwang anak. Higit itong pinagtitibay na sa anumang sitwasyon, iiral pa rin ang pagmamahal at pagmamalasakit ng magulang. Dinarakila ng kuwento ang pagpapahalaga sa pamilya at sa kadugo. Naging pananggalang ng mga bata laban sa mag-anak na higante ang mahiwagang alimango—pinutol nito ang mga kamay at binti, at pinugutan ng mga ulo. Lumipas ang panahon at lumaki na ang mga bata. Namatay naman sa katandaan ang alimango. Naghabilin ito na itanim ang sipit nito. Mula sa puntod, tumubo ang isang punong-kahoy. Namunga ito ng mga gong na iba’t iba ang sukat at ng mga magagarang damit. `Di naglaon, nakapagtayo ng palasyo ang magkapatid sa biyaya ng puno nila. Natunton sila ng ina at asawa nito; nagkapatawaran at saka namuhay sila nang maligaya.

Bayani ang dalawang batang iniwan ng ina at namatayan ng ama. Hindi sila tumangis—isang elementong mahalaga upang lumitaw ang salamangkang magiging katuwang ng inaaping bida. Sa halip, nagtulungan ang magkapatid para malabanan nila ang isang mangkukulam na kumakain ng tao. Muli, pinagtitibay nito na nagbubuhat ang pagmamalasakit mula sa mag-anak. Gayundin ang ginawa ng ina—nag-iwan ito ng mga hibla ng abaka para masundan ang mga yapak niya. Sa landas na ito ng ina, palihim pa siyang nag-iiwan ng mga pagkain at kaniyang gatas para sa dalawang anak. Nang nakatagpo ng dalawang bata ang isang higante, iniligtas sila ng alimango at dinala sa magandang tahanan nito sa ilalim ng ilog. Sa puntong ito, higit na napagtitibay na alimango ang Filipinong katumbas ng fairy godmother sa popular na bersiyon ng Cinderella.

Dahil ang mga katutubong Pilipino ay walang tradisyon ng paglalathala at pasalita ang tradisyong pampanitikan sa bansa, mahirap tuntunin ang sinauna at etnikong bersiyon ng Cinderella. Sa mga nakalap na pagtatala, kapansin-pansing may impluwensiya at kulturang Espanyol ang mga teksto tulad ng gamit ng pangalan (Maria, Abadeja, Abadesa), konsepto ng hari at reyna, ang kultura ng pagsisimba at piging, at ang karwahe. Maipapaliwanag ito dahil nang unang ilathala ang bersiyong Tagalog, wala pang isang dekada ang nakararaan sa pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Nailathala ito sa Journal of American Folk-lore noong 1906 sa taguyod ni Fletcher Gardner.

Pagkaraan ng labinlimang taon, nakapagtala at nakapaglathala si Dean Fansler, isang Amerikanong folklorista at guro, ng bersiyong Cinderella mula sa Leyte. Naging kasangkapan niya ang kaniyang mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas upang mangalap ng mga kuwentong-bayan sa buong kapuluan. Resulta ng proyektong ito ang Filipino Popular Tales na muling nalathala noong 1965.

Sa taguyod ng dalawang Amerikanong folklorista, naipakilala sa kasalukuyang mambabasa at iskolar ng panitikan ang mga Filipinong Cinderella. Sa pananaliksik ni Gardner, lumitaw si Maria; sa pananaliksik ni Fansler, lumitaw si Abadeja. Higit pang naging popular ang mga kuwentong-bayang ito nang pinagsama ni Damiana Eugenio sa kaniyang seryeng Philippine Folk Literature.

Nagsanga rin ang mga kuwentong nakalap nina Gardner at Fansler ng mga malikhaing adaptasyon at muling pagsasalaysay ng mga manunulat na Filipino. Sa bersiyong Tagalog, lumitaw ang tatlong kuwentong pambata ng mga sumusunod: Severino Reyes, Tomas Lacson, at Maria Elena Paterno. Mas kilala ang kanilang kuwento bilang Mariang Alimango at Perigrina. Ang bersiyong Leyte naman, umusbong ang mga adaptasyon sa dulang pambata ni Amelia Lapena-Bonifacio at ng Teatro Mulat at ang aklat pambata ni Myrna dela Paz. Kilala ang mga ito bilang Abadeja o Abadeha.

Kakaibang kaso ang kuwentong Cinderella ni Nick Joaquin. Sa pangunang pagsusuri, wala itong pinag-ugatan sa panitikang-bayan sa Pilipinas. Lantad sa bersiyon niyang The Amazing History of Elang Uling ang malaking pagkakahawig sa Cendrillon ni Charles Perrault, bagamat ang kapuri-puri sa kaniyang teksto ay ang pagsasa-moderno at pagsasa-Filipino ng banyagang fairy tale.

Kuwento ng pinahihirapang dilag sa piling ng madrasta ang bersiyong Leyte. Pinagmamalupitan siya ng madrasta at pinahihirapan sa gawaing-bahay dahil may maganda ito sa kaniyang tatlong anak. Binigyan ng tatlong imposibleng pagsubok ang dilag: (1) gawing puti ang itim na panyo; gawing itim ang puti, at (2) buuing muli sa banig na pinunit ng mga baboy-ramo. Diwata ang lumutas ng mga pagsubok na ito kay Abadeja. Binigyan pa ng diwata ang dilag ng makulay na manok para may kasa-kasama ang ulila. Natuklasan ng madrasta ang hayop na kaibigan at niluto niya ang hayop. Natira lamang ang paa nito. Sa lungkot ni Abadeja, lumitaw muli ang diwata at ipinatanim ito sa gubat. Pagkaraan ng isang buwan, tumubo ang puno at namunga ito ng perlas, diyamante, gintong damit, pulseras, sapatos, kuwintas, at hikaw. Isang araw, natagpuan ng anak ng pinakamayaman sa bayan ng Baybay ang mahiwagang puno. Pumitas ito ng isang singsing at isinuot sa kaniyang daliri. Nagkaroon muli ng pangatlong pagsubok si Abadeja; ngunit sa pagkakataong ito, hindi siya tinulungan ng diwata. Ang dilag ang nakahugot ng singsing sa namamagang daliri ng binata. Naging tulay ang pagsubok na ito para magpakasal ang dalawa.

May inihandog na bago at “rebolusyonaryo” si Amelia Lapena-Bonifacio sa muling pagsasalaysay ng Abadeja bilang dulang pambata. Ang dilag na pinagmamalupitan ay hindi talaga aping-api. Marunong itong lumaban at nangangatwiran sa balikong katwiran ng madrasta at mga anak nito. Ipinakita rin sa dula ang pagiging maka-kalikasan ng dilag. Nagtitira ito ng tinapay para sa kaniyang alaga at kaibigang mga isda. Dahil dito, isda rin ang lumutas sa imposibleng pagsubok kay Abadeja tulad ng pagpapalit ng kulay ng panyo at pagbubuong muli ng banig ni Tia Concha. Malinaw ring ipinakita sa dula ang magkatunggaling ugali ng dilag at ng madrasta at mga anak nito. Kung si Abadeja ay nakakukuha ng ligaya sa gubat, ang mag-iina naman ay humuhugot ng ligaya sa mga modernong kagamitan mula sa siyudad. Litaw ang tunggaliang natural at artipisyal hindi lamang sa hilig at ugali, kundi sa hitsura ng mga tauhan. Sa gubat din nakilala ni Abadeja ang prinsipeng nagpapanggap na karaniwang tao. Mahalaga ang pagbabagong ito ng mandudula dahil ipinakita na hindi maluho at banidosa si Abadeja. Wala ring itong motibong umangat sa buhay sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isang dugong-bughaw. Pansinin natin ang dialogo nang namunga ng mga alahas ang puno:

P. DESTRITO: Ikaw, hindi ka ba kukuha ng gusto mo?
ABADEJA: Wala akong hilig diyan, Itoy.
P. DESTRITO: Ibig mong sabihin...sa harap ng lahat na ito...hindi ka natutukso?
ABADEJA: Bakit kailangan ba `yan?...Mag-iiba ba ako? Magbabago ba ang aking pagkatao? Mapapalitan ba ang mukha ko?

Dagdag pa rito, nang namunga ng maraming alahas ang puno, nangako ang dilag na ibibigay niya ito sa “mga may sakit, `yong mga mahihirap, `yong mga naghihikahos, `yong mga nasalanta ng kung ano’t anong sakuna.” Mas pinahalagahan ng dilag ang sitwasyong panlipunan kaysa personal na ambisyon tulad ng pagpapaganda at makahanp ng mayamang mapapangasawa.

Kapuri-puri rin ang pagbabagong inilahok ni Bonifacio. Imbes na isadula ang engrandeng kasalan, binigyang-diin ang panata ng prinsipeng naging hari na maglingkod sa bayan. Tunay ngang ang kuwentong ito ni Abadeja ay hindi kuwento ng pag-iibigan kundi kuwento ng pagsasamahan at pagtutulungan sa paglilingkod sa bayan. Pansinin natin ang awit ni Prinsipe Destrito:

Ang pinuno ay tao lamang,
Naglilingkod sa mamamayan
Handang makinig at dumamay
Handang kumilos at mag-alay!

May tibay sa paninindigan
May matalas na kaisipan,
`Yan nga ang tunay na pinuno
sa maliliit na tauhan.

Mahalagang “pagbabago” sa teksto ni Bonifacio ang paglikha niya ng Cinderellang hindi nalulunod sa luha. Sa halip, ginagamit ng bida ang isip upang igpawan ang mga hamon ng bagong pamilya. Binaklas nito ang kumbensiyon ng Cinderellang mahina, itinakwil, at nag-iisa.

Kalugod-lugod ding makatagpo ng dilag na hindi sumasailalim sa pisikal na transpormasyon. Sa ibang mga bersiyon, nagwawakas ang kuwento na nakasuot ng magarang damit ang dilag para igiit ang kuwentong mayamang dilag na naging mahirap na naging mayamang muli; upang ipakita ang materyal na gantimpala sa dilag na nagpakasakit sa piling ng madrasta; at upang itangi ang dilag sa lahat ng babae. Sa mga bersiyong Abadeja, hindi sumailalim ang dilag sa pagbabagong-anyo. Ni ayaw niyang pitasin ang mga ginto at pilak sa puno. Gagamitin lang niya ito bilang pantulong sa mga nangangailangan. Akmang tawaging “Cinderellang gusgusin” si Abadeja.

Sa isang feministang pagbabasa ni Joi Barrios kaugnay sa pagtatanghal ng Abadeja: Ang Ating Sinderela, mariin niyang sinabi na ang bersiyon ni Bonifacio ay “Sinderelang hindi Sinderela.” Nabasa niya ang mga tagumpay ng mandudula sa adaptasyon ng kuwentong-bayan. Aniya, sa bersiyon ng Teatro Mulat, pagmamahal batay sa pagkakaibigan ang isinadula at hindi pagmamahal batay sa pisikal na kaanyuan. Dagdag pa ni Barrios, ang pagpapaksal nina Abadeja at Prinsipe Destrito ay hindi para sa katungkulan o tuntungang-bato para sa mas magandang buhay. “Rebolusyonaryo” ang tawag niya sa ikinilos ni Abadeja nang mag-alay ito ng singsing sa lalaki. Hindi rin daw piyudal ang prinsipe na naghahanap ng mapapangasawa sa mga piging at sayawan. Mas pinaboran kasi ng prinsipe ang dilag na payak at hindi maluho kahit nasa harap na niya ang punong namumunga ng mga alahas. Pinuri rin ni Barrios ang isinagawang proyekto ng mandudula: ang pagsasabuhay sa kuwentong-bayan at sa pagbabalik sa Asyanong tradisyon sa dula at panitikang pambata. Pati na rin ang malasakit ng tauhang prinisipe at Abadeja sa ikabubuti ng lipunan.

Kung natukoy ni Barrios ang tungkuling “rebolusyonaryo” ng muling pagsasalaysay ng panitikang-bayan, iginiit naman ni Alison Lurie ang subersibong kapangyarihan ng mga ito. Aniya:

"Folktales are the oldest and the most widely known form of literature for children. The tales also have another distinction: they are the most subversive texts in children’s literature. Often, though usually in disguised form, they support the rights of disadvantaged members of the population—children, women, and the poor—against the establishment." (Lurie 1990: 16).

***
Kapuri-puri sa lahat ng mga adaptasyon ang dulang pambata ni Amelia Lapena-Bonifacio. Sa pamamagitan ng muling pagsasalaysay ng kuwentong-bayan, nabibigyan ng espasyo ang manlilikha na rebisahin ang teksto para umangkop sa pangangailangan ng panahon. Kamalayang panlipunan at pangkababaihan ang itinaguyod ni Lapena-Bonifacio at ng kaniyang Teatro Mulat. Si Abadeja’y hindi lamang dilag na dekorasyon sa palasyo. Hindi ito ang popular na Cinderella na tumatangis kapag hindi pinahihintulutang makasayaw ang prinsipe. Tumatanggi ito sa artipisyal na bunga ng kalikasan. Gayundin, ang prinsipe’y hindi tagapaghango ng dilag mula sa pighati. Kapwa nila itataguyod ang kanilang lipunan, bago pa man magdaos ng anumang marangyang pagtitipon.

Saturday, November 19, 2005

Sampung Utos ng Pagsusulat (Para sa Bata)

Alinsunod sa "My Ten Writing Commandments" ng makata at nobelistang si Julia Alvarez. Sana, sa mga kaibigan at kapwa bloggers, gumawa rin kayo ng sariling listahan. Hihintayin ko ang bersiyon ninyo ng Sampung Utos.

I.
"When it comes to telling children stories, they don’t need simple language. They need beautiful language." -Philip Pullman, mula sa kaniyang talumpati sa pagwawagi ng 2005 Astrid Lindgren Prize


"We don't need lists of rights and wrongs, tables of do's and don'ts: we need books, time, and silence. Thou shalt not is soon forgotten, but Once upon a time lasts forever."-Philip Pullman, mula sa kaniyang talumpati sa pagtanggap ng 1996 Carnegie Medal

II.
"Children also hate being talked-down to but, alas, they are very used to being patronised. "-Dianna Wynne-Jones, autor ng Howl's Moving Castle

"We must meet children as equals in that area of our nature where we are their equals… The child as reader is neither to be patronized nor idolized: we talk to him as man to man."-C.S. Lewis sa kaniyang sanaysay na On Three Ways of Writing for Children

III.

"We need metaphors of magic and monsters in order to understand the human condition."-Stephen Donaldson, nasa Wordsmiths of Wonder

"I doubt the imagination can be suppressed. If you truly eradicated it in a child, that child would grow up to be an eggplant."-Ursula K. LeGuin nasa "Why are Americans Afraid of Dragons?" Language of the Night

"Imagination has brought mankind through the dark ages to its present state of civilization. Imagination led Columbus to discover America. Imagination led Franklin to discover electricity. Imagination has given us the steam engine, the telephone, the talking-machine, and the automobile, for these things had to be dreamed of before they became realities. So I believe that dreams--daydreams, you know, with your eyes wide open and your brain machinery whizzing--are likely to lead to the betterment of the world. The imaginative child will become the imaginative man or woman most apt to invent, and therefore to foster, civilization."-L. Frank Baum, autor ng Wonderful Wizard of Oz

"Sometimes we think we should be able to know everything. But we can't. We have to allow ourselves to see what there is to see, and we have imagine."-David Almond, autor ng Skellig at Kit's Wilderness

IV.

"The worst attitude of all would be the professional attitude which regards children in the lump as a sort of raw material which we have to handle."- C.S. Lewis sa kaniyang sanaysay na On Three Ways of Writing for Children

V.

"A writer is a person who cares what words mean, what they say, how they say it. Writers know words are their way towards truth and freedom, and so they use them with care, with thought, with fear, with delight. By using words well they strengthen their souls. Story-tellers and poets spend their lives learning that skill and art of using words well. And their words make the souls of their readers stronger, brighter, deeper."-Ursula K. LeGuin, autor ng A Wizard of the Earthsea

VI.

"I write in a very laborious kind of a way. I write and rewrite. And rewrite. And rewrite. Well, the thing of course is if you're doing it well, when you finish your 30th rewrite, or something, it should sound like you've just written it completely, freshly once. Because sometimes what happens when you write and rewrite and rewrite, is you suck the life out of something. It's difficult. But I find that I do that because it's amazing -- the rhythm of the book, or what I call the music of the book -- how you read it. How you're carried along by the words and the subject -- is as important as the meaning. In fact, you can't have one without the other. "-Norton Juster, autor ng The Phantom Tollbooth at The Dot and the Line

"It's never perfect when I write it down the first time, or the second time, or the fifth time. But it always gets better as I go over it and over it."-Jane Yolen, autor ng Briar Rose at Devil's Arithmetic

"I love revision. Where else can spilled milk be turned into ice cream?"-Katherine Patterson, autor ng Bridge to Terabithia at Imaginary Child

VII.

"You must write for children the same way you write for adults, only better." - Maxim Gorky

VIII.

"I believe that good questions are more important than answers, and the best children's books ask questions, and make the readers ask questions. And every new question is going to disturb someone's universe." - Madeleine L'Engle, autor ng A Wrinkle in Time



"You have to write whichever book it is that wants to be written. And then, if it's going to be too difficult for grown-ups, you write it for children."- Madeleine L'Engle


IX.

"Kapag walang kuwento, walang kuwenta."-Rene O. Villanueva, autor ng Unang Baboy sa Langit

"Hindi sa pagtingala sa langit ni pagtunganga sa blankong papel o computer screen nabubuo ang mga kuwentong-pambata. Higit sa paghihintay ng inspirasyon ang kailangan para sila mabuo. Nalilikha ang mga kuwento at akdang-pambata sa pamamagitan ng pagmamasid, pagmumuni at paglinga sa ating paligid. Sa matalisik na pagmamatyag sa kapaligiran, lalo ng mga bata. Para sa akin ang lahat ng akda para sa mga batang mambabasa ay nagmumula lamang sa dalawang bagay: sa kultura ng bata at kultura ng kabataan."-Rene O. Villanueva, mula sa kaniyang sanaysay na Hindi Hulog ng Langit ang Kuwentong Pambata

X.

"Above all, watch with glittering eyes the whole world around you because the greatest secrets are always hidden in the most unlikely places. Those who don't believe in magic will never find it."-Roald Dahl, autor ng Matilda, James and the Giant Peach, The BFG

Pahabol:

"A writer who waits for ideal conditions under which to work will die without putting a word to paper." -E.B. White, autor ng Charlotte's Web

"Words must be weighed, not counted."-kasabihang Polish/Yiddish

"Never mistake motion for action. "-Ernest Hemingway

"Writing is long periods of thinking and short periods of writing."-Ernest Hemingway

Wednesday, November 16, 2005

Segunda Mano, Primera Mano

Sa mga nakaraang linggo, napansin kong wala na akong mahalukay na libro sa Booksale. Dumadarami na yata ang mga nag-uukay-ukay ng mga segunda manong aklat, at lagi nila akong nauunahan sa mga magagandang aklat. Nakaka-miss na rin ang maghalungkat sa Booksale at makaramdam ng pananabik at tagumpay kapag nakatagpo ng mainam na titulo. May bago na palang segunda manuhan sa may Riverbanks Mall; sayang mabasa ko na ang "Sisterhood of the Traveling Pants" kaya hindi ko na binili ang kopya doon. Naghanap na lang ako ng mga dvd at medyo masuwerte naman: "Four Weddings and a Funeral", "Nanook of the North", at "Moulin Rouge." Napanuod ko na ang unang pamagat: maganda ang istruktura ng kuwento at ang development ng mga tauhan at ng mga ugnayan nito sa daloy ng pelikula.

***
Pinalabas na rin sa wakas ang Miss International sa Pilipinas! Noong linggo, kanselado lahat ng lakad para matunghayan ang tagumpay ni Precious Lara Quigaman, ang ikaapat na Miss International ng bansa. Host si Pia Guanio sa programa. Mabuti na lang, dahil napaka-boring ng produksiyon. Di hamak na mas maganda ang Miss Universe. O baka nasanay lang ako sa mabilis na daloy nito? Mas suspenseful ang Miss U na naging padron ng mga beauy pageant sa Pilipinas. Kung ikukumpara ko sa Miss Earth ang Miss International, lumalabas na mainam ang una.

Walang question and answer ang Miss Int'l. (Baka puwede nang pambato ng Bb. Pilipinas ang mga magagandang kandidata na mahina sa pagsagot.) kaya siguro walang suspense at drama sa programa. Wala ring mga intermisyon na kantahan ng sikat na singer. Wala man lamang kultural na programa o pagtatampok sa naging buhay ng mga kandidata.

Hindi ko rin alam kung bakit puro "sushi" ang paboritong pagkain ng mahigit sampung kandidata. Iyon lang kaya ang ipinakain sa kanila?

***
Nabalita sa akin na may advanced screening ng "Exorcism of Emily Rose" sa SM City. Pagkatapos magbalik ng mga libro sa UP Main Library, dumiretso ako sa SM para panoorin ito. Nagandahan ako sa trailer ng pelikula. At gusto kong takutin ang sarili, kahit matagal nang lipas ang Halloween at wala akong napanuod na katatakutan noong bakasyon. Ang maganda sa panonood sa SM North, may lisensiya akong magulat at sumigaw sa mga nakakatakot na eksena na hindi ako mahihiya. (Sa Eastwood kasi, parang may batas na palooob at pansarili lamang ang sigaw. Ano kaya ang aliw sa pagsigaw na paloob? May di-nakasulat na urbanidad na "walang sigawan".)

Napasigaw naman ako sa pelikula; tila pagsakay sa roller coaster. At ang masaya: marami akong kasabay.

***
Habang naghihintay sa last show full, napagbaka-sakali ako sa Booksale. Hindi naman nasayang ang paghalungkat ko: magandang kopya ng "The Amazing Adventures of Kavalier & Clay" ni Michael Chabon (PhP 75) at "Babar's Anniversary Album", kalipunan ng anim na kuwento ni Jean de Brunhoff at may introduksiyon ni Maurice Sendak (PhP 279). Nakita ko rin ang "Caramelo" ni Sanda Cisneros pero hindi ko muna binili; tatapusin ko muna ang kaniyang "House on Mango St." Saka baka hindi ako maka-relate sa kaniyang nobela tungkol sa mga Mexican-Americans. Wala pa ako sa modang iyon.

Hahaba na naman ang listahan ko ng mga babasahin.

***
Tumataas na ang presyo ng mga bilihin, salamat sa sumpa ng e-vat. At mataas na rin ng turing ng mga libro sa Booksale. Dati, ang mga nobelang paperback, umaabot lang sa PhP 45. May laya kang mamakyaw. Ngayon, nasa halagang PhP 65 pataas na. Hindi na ako makakapag-uwi nang mala-sakong halukay. Malapit nang magpresyong primera mano.

Dati, PhP 25 ang Wendy's Macaroni Salad. Ngayon, gayon pa rin ang presyo. Pero wala na ang kamatis. Pinalitan na ito ng gelatin na kakulay ng kamatis. Isang hiwa na lang ng pipino. Kakaunti na ang keso. Baka sa pagtagal ng panahon, hindi na mukhang salad ang kanilang macaroni salad. (Naisip ko, magandang sukatan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at ang kahirapan ng bansa ang mga sangkap na makikita sa bawat order sa Wendy's).

***
Wala pang resulta ang dalawang compre exam ko. Hindi pa ako makapag-enrol para sa disertasyon. Late na ako kahit sa late registration.

Hindi na bale, may lisensiya pa akong magbulakbol, magbasa ng gusto kong basahin, manood ng nakapilang dvds, antabayanan ang huling pangyayari sa Pinoy Big Brother.

***
Hindi pa rin ako makawala sa mga epiko. Kahapon, bago manood ng "Exorcism", ibinalik ko ang mga librong inaral para examen noong Oktubre. Para akong nabunutan ng tinik. Pero hindi pa rin ako makawala sa Ulahingan. Hiniram ko ang dalawang tomo nito sa pamamatnugot ni Maquiso; at ang pag-aaral naman ni E. Arsenio Manuel. Kinuha ko rin ang aklat na "Pagbabalik sa Pusod ng Bayan" ni Simplicio Bisa. Hahanapin ko pa ang mga librong "Mayong" ni Abdon Balde at "Daragang Magayon" ni Merlinda Bobis. May maitulong ang mga ito sa gagawin kong papel ukol sa retelling ng mga folklore. Nasa personal ko ring reading list ang "Beauty" (retelling ng Beauty and the Beast" ni Robin McKinley, "Ella Enchanted" (retelling ng Cinderella), "East" (retelling ng "East of the Sun, West of the Moon") ni Edith Pattou, at ang serye ni Kevin Crossley-Holland na retelling niya ng mga Arthurian legends.

Panahon lang ang magsasabi kong ang papel na ito ay magiging sariling proyekto, o dili kaya'y papel ko para sa penalty course. Huwag naman sana sa huli.

***
Gusto ko sanang magbalik-pagtuturo. Nakapili na ako ng anim na subject na ituturo; nakapili na ako ng magandang iskedyul. Isang araw, tinawagan akong nabigla sila sa aking pagbabalik. Lumalabas, hindi ako pinayagang magbalik-turo. Hanggang Mayo 2006 pa ang aking bakasyon, o bakasyong di naman bakasyon. Hindi ko talaga maintindihan ang Dept. Nabibigla sila sa mga agarang pag-leave, nabibigla din sa mga pagbabalik. Okay lang naman, sinusuwelduhan ako para magbasa at magsulat. May katwiran din naman, sagabal sa pagsusulat ang pagtuturo. Pero miss ko nang magturo. Miss ko na ang espasyo ng classroom.

Tapusin ko na raw ang dapat tapusin.

Katatanggal lang ng mga tinik, may panibago na naman.

***
Sinusubukan ko muling sumulat. Pero hirap na hirap ako. Masyado ko yatang ibinuhos ang lakas ko sa compre exam. May tendensiya na magpasiklab ka sa pagsusulat para maipasa ka ng mga examiner. Sumobra yata ang pagsusulat ko. Ibinuhos ko ang lahat ng nalalaman. Sabi sa akin ng nag-aasikaso ng aking papeles, "Ang haba mo namang sumagot. Iyong iba nga diyan, 8 pages lang, pumapasa." Nagitla ako sa sinabing iyon, walong pahina para sa walong oras na examen?

Napakaganda naman ng lumabas na resulta para sa exam ko sa "Mga Malikhaing Akda" (Literary Works): high pass. Balita pa sa akin, may nakasulat pang komentaryo sa papel: outstanding, katangi-tangi. (Gusto kong ipakuwadro ang dokumentong iyon.) Sa tinagal-tagal ng panahon, grade conscious pa pala ako. Matagal ko na kasing pinag-isipan kong seseryosohin ko ba ang examen. Sabi ng isang co-faculty: "Chikahin mo na lang" o "Papasa ka naman." Pero sabi ng isang kaibigan, "Dapat high pass. Co-faculty ka nila." Sa huli, sineryoso ko nga ang pagsusulit.

***
Regalo sa sarili: "Gifts" ni Ursula LeGuin (PhP 359, Fully-Booked).

May mga librong karapat-dapat na maging primera mano.

Saturday, November 12, 2005

Nagbibiro ba si Nick Joaquin?


pinoy history, ayon kay joaquin
Originally uploaded by nasa dulo ng dila 2.

Ayokong maniwalang seryoso ang listahang ito. Pero mukhang sineryoso ng San Agustin Museum at dinispley pa nila sa kanilang eksibit. Nagpapatawa ba si Joaquin? Dahil kung hindi, naririnig ko na ang angal at batikos ng mga guro at naging guro ko sa kasaysayan. Kung hindi ako nagkakamali, pinabasa sa amin ito sa Philippine Cultural History at ang sanaysay ay may pamagat na "Culture as History", kung hindi ako nagkakamali. Sa unang suri, lumalabas na ang konsepto ni Joaquin ng dakilang pangyayari sa kasaysayan ay ang pagpasok ng mga banyaga o ng bago: daan, papel, pabrika, gulong, alpabeto, mga prutas, mga hayop. Masyadong nadakila ni Joaquin ang mga banyagang impluwensiya. Mapaparatangan tuloy siya'y pro-kolonyalista. Sabihin mang "nativist" ang aking pananaw, nakaligtaan ni Joaquin na bago pa man dumating mga mga Espanyol, may konsepto na ng pabrika sa kapuluan (pagawaan ng banga at mga sandata, halimbawa). Sa larangan ng sining-biswal at arkitektura, nariyan ang katutubo at etnikong mga likhang-sining. Laganap na rin ang alibata, bago pa man ipinakilala sa mga indio ang Roman alphabet; at sa paglilimbag, hindi ba maituturing ang ambahan ng mga Mangyan bilang sinaunang konsepto nito? Hahaba ang listahan ng mga bagay na tila nalimot ni Joaquin. Nakalulungkot din at sineseryoso ng mga turista ang listahang ito sa museo. Lumilitaw na ang kapuluan ng Pilipinas noon ay walang-wala: walang masipag na hayop, walang hayop na domestiko, walang prutas na makakain, walang mga gulay na maiuulam. Walang-wala. Iisipin tuloy na dapat ipagpasalamat ng mga Pilipino ang kolonyalismo dahil ito ang nagbigay ng "greatest events" sa ating kasaysayan. Maitatanong tuloy: Bakit wala man lamang sa listahan ang himagsikan, ang mga pag-aalsa, ang pakikipagtunggali sa dayuhan. Tama rin marahil si Joaquin. May pahiwatig siya na hindi naging matagumpay ang mga konsepto natin ng himagsikan, kasarinlan, pagsasarili, kalayaan, liberasyon, pagpapaalis ng mga base militar; kung kaya't hindi ito maituturing na dakilang pangyayari, at natural, hindi mailalahok sa kaniyang listahan.

Kung ganito ang magiging paraan ng pagsipat sa kasaysayan, at kung ganito ang magiging modelo sa pagtatala ng tagumpay ng isang nasyon, hindi ako magtataka kung darating ang panahon na ganito na ito ang magiging:

Twelve Greatest Events in Philippine History
(Alinsunod sa Listahan ni Nick Joaquin)

1. Introduksiyon ng cellphone, pass-a-load, eyeball, text messaging, video conferencing
2. Introduksiyon ng internet, blogging, chat, chatrooms, website
3. Introduksiyon ng mga bagong prutas tulad ng indian mango, apple mango, seedless guava, cavendish, atbp.
4. Introduksiyon ng personal computer, playstation, limewire, DVD, i-pod, atbp.
5. Introduksiyon ng e-commerce
6. Introduksiyon ng e-book, e-mail, e-card, at iba pang kahalintulad
7. Introduksiyon ng lengguwahe sa cellphone at mga emoticon
8. Introduksiyon ng janitor fish sa Marikina River, golden kuhol sa mga bukid, at ang piranha
9. Introduksiyon ng photocopying o xerox at cd burning
10. Introduksiyon ng digital camera at web cam
11. Introduksiyon ng light rail transit, MRT, overpass, underpass at ng mga fly-overs
at siyempre,
12. Introduksiyon at imbensiyon ng instant coffee, instant spaghetti, instant chinese soup, instant sotanghon, bihon, canton.

San Agustin Museum


porselanang tsino (naging wine jar)
Originally uploaded by nasa dulo ng dila 2.

Isa sa mga paborito kong lugar sa Maynila ang San Agustin Church and Museum. Dahil sa paborito, lagi ko itong pinupuntahan (kahit tumataas ang entrance fee mula 45 na naging 65 PhP). Madalas ko ring gawing final exam sa mga klase ko sa Kulturang Popular ang mala-Amazing Race na exam sa Intramuros. Saan makikita ang libingan ni Miguel Lopez de Legazpi? Ano-ano ang mga kilalang apelyido sa mga lapida sa simbahang ito? Sino si Manuel Blanco? Ano ang cantoral? Mahaba ba ang listahan at hindi ko maipinta ang galit at pagod ng mga estudyante sa akala nilang field trip na final exam pala nila. Magandang halimbawa ang lugar na ito para idiin ang ambag ng sining sa pagpapalaganap ng Katolisismo sa bansa: mula sa mga ukit ng santo, arkitektura, baul, damit, mga pilak na gamit, karosa. Repositoryo (ayokong gamitin ang "imbakan") ng mga sining biswal at iskultura noong panahon ng kolonyalismong Kastila. Mapapatanong rin kayo kung ilang gubat sa bansa ang winasak ng simbahan para makapag-ukit ng mga santo, baul, at mga choir seats na yari sa molave. Mabuti rin naman at ganoon ang nangyari kaysa maging laman na naman ng balita ang pagnanakaw ng korona ng isang estatwa ng Birhen o ang pagkupit sa garing na ulo ng Sto. Nino. Kung interesado kayo, maglaan ng isang buong umaga o hapon sa museong ito. Makikita ang yaman ng simbahan sa pagpapaunlad ng kanilang sining; o ang pagsusulong ng sining bilang propaganda ng simbahan. Basahin ang mga imaheng itinatampok ng mga nakaukit na larawan (halimbawa'y ang buhay ng indio sa isang baul, o ang katutubong konsepto ng aparisyon ni Birheng Maria) at ihambing ito sa disenyong nakaukit sa simbahan ng Miag-ao. Iba pang tip: kung may panahon pa, bisitahin ang Bahay Tsinoy sa Intramuros; mananghalian sa Binondo; at ubusin ang nalalabing oras sa Fort Santiago.

Press lang po

FOR IMMEDIATE RELEASE
CONTACT PERSON: Tony Serrano
CONTACT NUMBER/S: 9221830 / 9205301 loc. 7974

UP Institute of Creative Writing Hosts Lecture/Book Launching
for Prof. Eugene Y. Evasco


Fresh from hosting a successful talk by scriptwriter Ricky Lee, the UP Institute of Creative Writing will host the fellowship lecture of Eugene Y. Evasco, the 2005 ICW National Fellow for Children’s Literature (Fiction), on 22 November, Tuesday, 2-5 p.m., at the Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, UP Diliman. The event will also launch six new titles by Mr. Evasco and will feature a storytelling segment from the Alitaptap performers.

Mr. Evasco is a fictionist, essayist and poet. He is an Assistant Professor of the Department of Filipino & Philippine Literature. His novel, Anina ng mga Alon, won recognition from the UP Chancellor’s Office, Pilar Perez Medallion for Young Adult Literature & National Book Award (for the Young Adult Literature category) of the Manila Critics’ Circle. He also received other awards like the PBBY-Salanga Writers’ Prize 1997, the NCCA Writers’ Prize 2003, and Makata ng Taon 2000.

The children’s literature books to be launched – sponsored by the VIBAL Publishing House, bearing the imprimatur of the LG & M Corporation — are: Baha!, Hilong Talilong, Apat na Mata, Ang Bisita ni Haya, Bilog ang Buwan sa Tanghali and Mariang Sinukuan.

The public is cordially invited.

Monday, November 07, 2005

Puwede na akong Mag-blog muli

Tagal ko na ring na-miss mag-blog. Kinailangan ko munang ilayo ang sarili sa laptop para tapusin ang dapat tapusin--mabilisang pagbabasa ng reading list, pagrereview, pagbabasa ng wala sa reading list, pag-ehersisyo ng mga isasagot sa mock exam. Mukha namang lantad na tapos na ang aking compres. Tatlong magkakahiwalay na araw ang aking exam; bawat exam ay walong oras na pagsusulat. Halos non-stop; yosi, kape, (kaunting) chikahan sa kaklaseng nag-compre rin, at kain lang ang pahinga. Mukhang simple ang mga tanong ng tatlong examiner pero kailangang pigain ang utak para sagutin ang kanilang dalawa hanggang tatlong tanong. Mas madali kaysa inaasahan ang mga tanong. May tanong na wala sa reading list (mabuti na lang nagbasa ako ng wala sa listahan). May mga tanong na masasagot sa pag-aaral mula undergrad hanggang grad studies. Kaya sa mga papasok din ng doktorado, huwag na huwag kakalimutan ang mga inaral mula undergrad. Huwag ding itatapon ang inyong mga readings; at basahin ang mga readings na tinatamad kayong basahin.

Ilang tips sa mga magko-compre: 1. Basahin ang nasa reading list; piliin muna ang sa palagay ninyong mahahalagang aklat; saka maghanap ng mga kaugnay na aklat na makakatulong para mapagyaman ang diskurso sa isang paksa; 2. Gumawa ng notes; isulat sa notebook ang inyong mga sariling pananaw sa isang librong nabasa; 3. Huwag magtangkang magmemorize pero makakatulong na alamin ang mga pamagat ng aklat o sanaysay at ang ideyang taglay nito; 4. Magsanay sumulat ng komprehensibo, malawak, at malaman na sanaysay na magpapamalas ng inyong mga binasa; 5. Huwag kakalimutan ang akmang citation; 6. Magbasa ng mga bagong labas na journal tulad ng Bulawan at Philippine Humanities Review; 7. Makakatulong din ang magkaroon ng mahiwagang bola dahil may mga tanong na pahuhulaan sa inyo ang lagay ng panitikan at kritisismo sa hinaharap; 8. Puwedeng maging malikhaing ang sagot sa compre, huwag ding kalimutang maglagay ng kaunting humor para hindi nakakabagot sa examiner ang pagbabasa ng sanaysay na alam na rin nila kung ano ang nilalaman; 9. Sikaping maging organisado ang sagot; mangyaring lagyan ng subheading ang sanaysay bilang gabay ng examiner; o i-bold ang mga terminong sa palagay ninyo ay mahalaga; 10. Huwag maging maligoy; 11. Magbigay ng mga halimbawa (tulad ng aklat o mga manunulat) para maging malinaw ang argumento; 12. Paniwalain ang sarili na: May alam kayo; 13. I-iskedyul nang maayos ang petsa ng inyong eksamen (maaaring unahin ang pinakamadali); at 14. Matulog bago ang eksamen para maging sariwa ang utak sa pagharap ng blangkong iskrin ng komputer.

Puwede na akong mag-blog muli, manood ng sine and dvds, magbasa nang gusto ko, matulog nang buong araw habang hinihintay ang results. Sana, kung papasa, makakapag-enrol na ako ng dissertation (12 units). Ayoko munang pag-isipan kung sino-sino ang magiging adviser, critic, panelists. Enjoy muna ako sa isang linggo na walang ginagawa.

Mga huling nabasa (bago mag-compre):
1. "Annotated Classic Fairy Tales" ni Maria Tatar--magandang koleksiyon ng mga kuwento at mga ilustrasyon ng iba't ibang bersiyon; makatutulong ang mga anotasyon ukol sa sikolohikal na kahulugan sa ilang bahagi at ang historikal na konteksto ng ilang mga salita. Lamang, problematiko ang pangangalap ni Tatar ng "classic fairy tales"; wala man lamang Asyanong katha sa koleksiyon. Walang kuwento mula sa Arabian Nights. Walang kuwentong Tsino na mayroong pinakamatandang bersiyon ng Cinderella. Gayunpaman, ang mainam sa aklat na ito, sinikap ipabasa ni Tatar ang mga bersiyon ng kuwento na hindi dumaan sa paglilinis at sensura na ginawa sa retelling ng Disney at Victorian writers. Ilan sa mga naibigang fairy tales ang "Juniper Tree", "Hansel and Gretel", "Beauty and the Beast" at "Jack and the Beanstalk".
2. "Imaginary Body of the Nation" ni Resil Mojares--tinalakay ang ugat ng master narrative sa nobelang Filipino; at ang mga limitasyon at kakulangan sa mga paksain ng nobela sa bansa
3. "Origins and Rise of the Filipino Novel" ni Resil Mojares--mainam na aklat ukol sa mga bukal at impluwensiya ng nobelang Filipino sa Tagalog, Ingles, at ibang wikang rehiyunal mula sa tradisyong naratibo ng epiko, kolonyal na naratibo, impluwensiyang Europeo, at ang komersyalismo sa nobelang bernakular.
4. "Nobelang Tagalog: Tradisyon at Modernismo" ni Soledad Reyes--tulad ng aklat ni Mojares pero may diin sa mga nobelang Tagalog mula kina Lope K. Santos hanggang sa mga nobela noong 1970's. Kahanga-hanga ang pagbabasa ng awtor ng mga nobelang nalathala hindi bilang libro kundi mga serye sa magasin.
5. "Darangen"--epiko ito ng mga Maranao. Tatlong aklat ang aking nabasa sa isang tomo: mula sa pagkakaroon ng maraming pamilya sa Bembaran dulot ng pag-aasawa ng marami ni Diwata Ndaw Gibon (unang datu), kamatayan nito, pagtalakay sa mga naging anak, at ang pagliligtas ni Madali sa Bemberan na sinalakay ng kaaway na bayan.
6. "One Hundred Years of Invisibility" ni Eric Gamalinda--tinig ng isang Filipinong manunulat sa ibang bansa na naghahanap ng audience mula sa dating mananakop. Maganda niyang tanong o hamon: "Bakit hindi binabasa ng mga Amerikano ang mga akda ng mga Filipino (na kanilang dating kolonya) kumpara sa mga British na bukas sa mga aklat sa Ingles ng kanilang mga dating kolonya?"
7. "Illumined Terrain: Sites and Dimensions of Philippine Literature" ni Victor Sugbu (editor)--mainam na antolohiya ng mga sanaysay ukol sa mga literatura ng bansa at mga kaugnay na paksa ukol sa kalagayan ng literary research, publishing, workshop, electronic medium. Isa sa pinakamainam na sanaysay ang kay Mojares ukol sa pag-aangat ng kalidad ng pananaliksik sa larangan ng panitikan.
8. "Kilates: Introduksiyon sa Panunuring Pampanitikan sa Pilipinas" ni Rosario Torres-Yu--di pa nalalathalang aklat; pinahiram sa akin ng may-akda ang kaniyang manuskrito para makatulong sa pag-aaral at pagbabalangkas ng pag-unlad ng kritisismo sa bansa mula sa pagyabong ng formalismo, pagsusulong ng radikalismo, pag-unlad ng Marxismo sa panitikan, hanggang sa debate ukol sa "linyadong" panulaan at sa Bagong Pormalismong Filipino na panukala ni Virgilio S. Almario
9. "Pagbasa at Pag-aaral ng Panitikan at Kulturang Popular" ni Soledad Reyes--kahanga-hanga sa aklat ang pagbibigay ng nasabing kritiko ng puwang ng pag-aaral sa mga di-kilalang manunulat na babae sa Tagalog at sa pagsusulong ng pag-aaral sa kulturang popular tulad ng komiks. Pedagogikal ang ilan sa mga sanaysay na makatutulong para mapaunlad ng mga guro ang paraan ng kanilang pagtuturo sa teksto
10. "Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay" ni Isagani Cruz--Pinakamahusay na aklat ng kritisismo na aking nabasa; magaan ang wika, matalas ang mga argumento, malawak ang binasa ng kritiko, at maka-Filipino at makasining ang gabay niya sa pagsusuri. Malaking ambag niya ang kritisismo sa kritisismo ng bansa. Matalas, gayong nakakatawa, ang mga pahayag niya na "hinihika" ang wika ng kritisismo sa bansa at "masahol pa sa salimpusa" ang mga Filipino pagdating sa kritisismo sa daigdig.
11. "Maiden of Many Nations" ni Hazel Wrigglesworth--koleksiyon ng mahigit 20 na kuwento sa Pilipinas na may Star Maiden motif: ninakaw ng isang lalaking mangangaso ang pakpak ng isa sa pitong diwatang bituin naliligo sa lawa sa mundo, inasawa niya ang diwata, nagkaroon ng mga anak, hanggang sa matuklasan ng babae ang kaniyang pakpak sa atip ng kanilang bahay at muli bumalik sa langit. Pinatutunayan ng aklat na magkakaiba man ang wika at kultura ang mga grupong etniko sa bansa, nagkakaroon ng isang kuwentong pamilya sa mga lipunan. Naalala ko rin dito ang kuwentong Irish ukol sa selkie.
12. "Maikling Kuwentong Tagalog" ni Teodoro Agoncillo--naglalaman ng matalinong introdukisyon ng antolohista ukol sa lagay at kasaysayan ng maikling kuwentong Tagalog mula sa panahon ni Rizal hanggang sa mga manunulat pang-magasin sa Liwayway. Gayong sinasabong "sinauna" ang panunuri ni Agoncillo, makakikita ang kaniyang malasakit para umunlad ang anyo nito: pagtuligsa sa labis sa panggagagad sa pamamaraang Kanluranin at sa pagkakahulog sa patibong ng komersiyal na panulat. Mainam na kuwento sa antolohiya ang: "Bahay na Bato," "Lupang Tinubuan", "Suyuan sa Tubigan" at ang "Uhaw ang Tigang na Lupa."

Mga huling nabasa (pagkaraan ng compre):
1. "Paghuhunos" ni Ellen Sicat--magaan ang wika, maluwag na pagtalakay sa danas at kamulatan ng isang maybahay-ina mula sa First Quarter Storm, panahon ng diktaduriya, at sa panunungkulan ni Cory. Nakakahumaling na lapatan ang nobela ng biograpikal na kritisismo o ng interteksto sa mga akda ni Rogelio Sicat at Luna Sicat. Inspirasyon din sa mga manunulat at estudyante ang panimulang sanaysay ng nobelista ukol sa kaniyang pagsisimulang magsulat matapos pumanaw ang kaniyang asawang nobelista rin.
2. "Harry Potter and the Half-Blood Prince" ni JK Rowling--pangatlo sa pinakagusto kong serye ng Harry Potter. Mabilis ang pagkukuwento kumpara sa ibang aklat na tila kuwento ng intramurals lamang. Nakatulong sa pagpapaunlad ng karakterisasyon ni Rowling ang mga bahagi ng back story ukol kay Tom Riddle na ulila hanggang sa maging Lord Voldemort. Nakakatawa rin ang mga kuwento ng ligawan, halikan, at kung ano-ano pang romansang kabataan sa Hogwarts. Ayokong isiping patay na ang namatay sa nobela. May mga pahiwatig kasing mabubuhay pa ito sa ikapito at huling aklat.
3. "Becoming Filipino" ni Nicanor Tiongson--magandang pagtalakay ukol sa pagkamalikhaing ng mga Filipino o ng mga katutubo sa mga impluwensiyang pangkultura ng Espanya sa panahon ng pananakop; matatalino ang mga halimbawa tulad ng kultura ng pagluluto, arkitektura ng simbahan, at ang pagsusulat o muling pagsusulat ng Pasyon.