Wednesday, November 23, 2005

"Abadeja: Ang Ating Sinderela"

(Tala: Mula ang larawan sa website ng Teatro Mulat ng Pilipinas. Bisitahin ito: http://mulat.org/index.htm. Pokus ng pagsusuri ang "Abadeja: Ang Ating Sinderela" ni Amelia Lapena-Bonifacio. Isang sipi ng aking sanaysay na "Bata Mama at Bata Bahi, Abadeja, Perigrina, Mariang Alimango, at Elang Uling: Ang Pagtalunton sa Kalikasan ng mga Filipinong Cinderella" na malalathala sa Diliman Review sa Disyembre 2005 at bahagi ng aking koleksiyong nagwagi sa NCCA Writer's Prize.)

***
Masusumpungan sa Bata Mama at Bata Bahi (Ang Batang Lalaki at Ang Batang Babae), isang kuwentong-bayan sa Bukidnon na itinala ni Carmen C. Unabia, ang ilang elementong lantad sa mga kuwentong Cinderella. Ito na marahil ang isa sa mga susi upang matukoy ang katutubong ugat ng mga bersiyong Cinderella sa bansa. `Di tulad ng mga bersiyong popular, dalawang pangunahing tauhan ang tampok sa kuwentong-bayan. Naulila sila sa ama at pinagmamalupitan sila ng kanilang padrasto. Nais iligaw ng padrasto ang dalawang batang magkapatid at inutusan niya itong punuin ang basket ng mga dahon ng gabi. Kapag hindi ito matutupad ng dalawa, ibibitin sila nang patiwarik. Sa puntong ito, lumabas ang kadakilaan ng ina; nag-iwan ito ng mga piraso ng manok sa abuhan ng kalan at nag-ipon pa ng kaniyang gatas para sa iiwang anak. Higit itong pinagtitibay na sa anumang sitwasyon, iiral pa rin ang pagmamahal at pagmamalasakit ng magulang. Dinarakila ng kuwento ang pagpapahalaga sa pamilya at sa kadugo. Naging pananggalang ng mga bata laban sa mag-anak na higante ang mahiwagang alimango—pinutol nito ang mga kamay at binti, at pinugutan ng mga ulo. Lumipas ang panahon at lumaki na ang mga bata. Namatay naman sa katandaan ang alimango. Naghabilin ito na itanim ang sipit nito. Mula sa puntod, tumubo ang isang punong-kahoy. Namunga ito ng mga gong na iba’t iba ang sukat at ng mga magagarang damit. `Di naglaon, nakapagtayo ng palasyo ang magkapatid sa biyaya ng puno nila. Natunton sila ng ina at asawa nito; nagkapatawaran at saka namuhay sila nang maligaya.

Bayani ang dalawang batang iniwan ng ina at namatayan ng ama. Hindi sila tumangis—isang elementong mahalaga upang lumitaw ang salamangkang magiging katuwang ng inaaping bida. Sa halip, nagtulungan ang magkapatid para malabanan nila ang isang mangkukulam na kumakain ng tao. Muli, pinagtitibay nito na nagbubuhat ang pagmamalasakit mula sa mag-anak. Gayundin ang ginawa ng ina—nag-iwan ito ng mga hibla ng abaka para masundan ang mga yapak niya. Sa landas na ito ng ina, palihim pa siyang nag-iiwan ng mga pagkain at kaniyang gatas para sa dalawang anak. Nang nakatagpo ng dalawang bata ang isang higante, iniligtas sila ng alimango at dinala sa magandang tahanan nito sa ilalim ng ilog. Sa puntong ito, higit na napagtitibay na alimango ang Filipinong katumbas ng fairy godmother sa popular na bersiyon ng Cinderella.

Dahil ang mga katutubong Pilipino ay walang tradisyon ng paglalathala at pasalita ang tradisyong pampanitikan sa bansa, mahirap tuntunin ang sinauna at etnikong bersiyon ng Cinderella. Sa mga nakalap na pagtatala, kapansin-pansing may impluwensiya at kulturang Espanyol ang mga teksto tulad ng gamit ng pangalan (Maria, Abadeja, Abadesa), konsepto ng hari at reyna, ang kultura ng pagsisimba at piging, at ang karwahe. Maipapaliwanag ito dahil nang unang ilathala ang bersiyong Tagalog, wala pang isang dekada ang nakararaan sa pananakop ng Espanya sa Pilipinas. Nailathala ito sa Journal of American Folk-lore noong 1906 sa taguyod ni Fletcher Gardner.

Pagkaraan ng labinlimang taon, nakapagtala at nakapaglathala si Dean Fansler, isang Amerikanong folklorista at guro, ng bersiyong Cinderella mula sa Leyte. Naging kasangkapan niya ang kaniyang mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas upang mangalap ng mga kuwentong-bayan sa buong kapuluan. Resulta ng proyektong ito ang Filipino Popular Tales na muling nalathala noong 1965.

Sa taguyod ng dalawang Amerikanong folklorista, naipakilala sa kasalukuyang mambabasa at iskolar ng panitikan ang mga Filipinong Cinderella. Sa pananaliksik ni Gardner, lumitaw si Maria; sa pananaliksik ni Fansler, lumitaw si Abadeja. Higit pang naging popular ang mga kuwentong-bayang ito nang pinagsama ni Damiana Eugenio sa kaniyang seryeng Philippine Folk Literature.

Nagsanga rin ang mga kuwentong nakalap nina Gardner at Fansler ng mga malikhaing adaptasyon at muling pagsasalaysay ng mga manunulat na Filipino. Sa bersiyong Tagalog, lumitaw ang tatlong kuwentong pambata ng mga sumusunod: Severino Reyes, Tomas Lacson, at Maria Elena Paterno. Mas kilala ang kanilang kuwento bilang Mariang Alimango at Perigrina. Ang bersiyong Leyte naman, umusbong ang mga adaptasyon sa dulang pambata ni Amelia Lapena-Bonifacio at ng Teatro Mulat at ang aklat pambata ni Myrna dela Paz. Kilala ang mga ito bilang Abadeja o Abadeha.

Kakaibang kaso ang kuwentong Cinderella ni Nick Joaquin. Sa pangunang pagsusuri, wala itong pinag-ugatan sa panitikang-bayan sa Pilipinas. Lantad sa bersiyon niyang The Amazing History of Elang Uling ang malaking pagkakahawig sa Cendrillon ni Charles Perrault, bagamat ang kapuri-puri sa kaniyang teksto ay ang pagsasa-moderno at pagsasa-Filipino ng banyagang fairy tale.

Kuwento ng pinahihirapang dilag sa piling ng madrasta ang bersiyong Leyte. Pinagmamalupitan siya ng madrasta at pinahihirapan sa gawaing-bahay dahil may maganda ito sa kaniyang tatlong anak. Binigyan ng tatlong imposibleng pagsubok ang dilag: (1) gawing puti ang itim na panyo; gawing itim ang puti, at (2) buuing muli sa banig na pinunit ng mga baboy-ramo. Diwata ang lumutas ng mga pagsubok na ito kay Abadeja. Binigyan pa ng diwata ang dilag ng makulay na manok para may kasa-kasama ang ulila. Natuklasan ng madrasta ang hayop na kaibigan at niluto niya ang hayop. Natira lamang ang paa nito. Sa lungkot ni Abadeja, lumitaw muli ang diwata at ipinatanim ito sa gubat. Pagkaraan ng isang buwan, tumubo ang puno at namunga ito ng perlas, diyamante, gintong damit, pulseras, sapatos, kuwintas, at hikaw. Isang araw, natagpuan ng anak ng pinakamayaman sa bayan ng Baybay ang mahiwagang puno. Pumitas ito ng isang singsing at isinuot sa kaniyang daliri. Nagkaroon muli ng pangatlong pagsubok si Abadeja; ngunit sa pagkakataong ito, hindi siya tinulungan ng diwata. Ang dilag ang nakahugot ng singsing sa namamagang daliri ng binata. Naging tulay ang pagsubok na ito para magpakasal ang dalawa.

May inihandog na bago at “rebolusyonaryo” si Amelia Lapena-Bonifacio sa muling pagsasalaysay ng Abadeja bilang dulang pambata. Ang dilag na pinagmamalupitan ay hindi talaga aping-api. Marunong itong lumaban at nangangatwiran sa balikong katwiran ng madrasta at mga anak nito. Ipinakita rin sa dula ang pagiging maka-kalikasan ng dilag. Nagtitira ito ng tinapay para sa kaniyang alaga at kaibigang mga isda. Dahil dito, isda rin ang lumutas sa imposibleng pagsubok kay Abadeja tulad ng pagpapalit ng kulay ng panyo at pagbubuong muli ng banig ni Tia Concha. Malinaw ring ipinakita sa dula ang magkatunggaling ugali ng dilag at ng madrasta at mga anak nito. Kung si Abadeja ay nakakukuha ng ligaya sa gubat, ang mag-iina naman ay humuhugot ng ligaya sa mga modernong kagamitan mula sa siyudad. Litaw ang tunggaliang natural at artipisyal hindi lamang sa hilig at ugali, kundi sa hitsura ng mga tauhan. Sa gubat din nakilala ni Abadeja ang prinsipeng nagpapanggap na karaniwang tao. Mahalaga ang pagbabagong ito ng mandudula dahil ipinakita na hindi maluho at banidosa si Abadeja. Wala ring itong motibong umangat sa buhay sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isang dugong-bughaw. Pansinin natin ang dialogo nang namunga ng mga alahas ang puno:

P. DESTRITO: Ikaw, hindi ka ba kukuha ng gusto mo?
ABADEJA: Wala akong hilig diyan, Itoy.
P. DESTRITO: Ibig mong sabihin...sa harap ng lahat na ito...hindi ka natutukso?
ABADEJA: Bakit kailangan ba `yan?...Mag-iiba ba ako? Magbabago ba ang aking pagkatao? Mapapalitan ba ang mukha ko?

Dagdag pa rito, nang namunga ng maraming alahas ang puno, nangako ang dilag na ibibigay niya ito sa “mga may sakit, `yong mga mahihirap, `yong mga naghihikahos, `yong mga nasalanta ng kung ano’t anong sakuna.” Mas pinahalagahan ng dilag ang sitwasyong panlipunan kaysa personal na ambisyon tulad ng pagpapaganda at makahanp ng mayamang mapapangasawa.

Kapuri-puri rin ang pagbabagong inilahok ni Bonifacio. Imbes na isadula ang engrandeng kasalan, binigyang-diin ang panata ng prinsipeng naging hari na maglingkod sa bayan. Tunay ngang ang kuwentong ito ni Abadeja ay hindi kuwento ng pag-iibigan kundi kuwento ng pagsasamahan at pagtutulungan sa paglilingkod sa bayan. Pansinin natin ang awit ni Prinsipe Destrito:

Ang pinuno ay tao lamang,
Naglilingkod sa mamamayan
Handang makinig at dumamay
Handang kumilos at mag-alay!

May tibay sa paninindigan
May matalas na kaisipan,
`Yan nga ang tunay na pinuno
sa maliliit na tauhan.

Mahalagang “pagbabago” sa teksto ni Bonifacio ang paglikha niya ng Cinderellang hindi nalulunod sa luha. Sa halip, ginagamit ng bida ang isip upang igpawan ang mga hamon ng bagong pamilya. Binaklas nito ang kumbensiyon ng Cinderellang mahina, itinakwil, at nag-iisa.

Kalugod-lugod ding makatagpo ng dilag na hindi sumasailalim sa pisikal na transpormasyon. Sa ibang mga bersiyon, nagwawakas ang kuwento na nakasuot ng magarang damit ang dilag para igiit ang kuwentong mayamang dilag na naging mahirap na naging mayamang muli; upang ipakita ang materyal na gantimpala sa dilag na nagpakasakit sa piling ng madrasta; at upang itangi ang dilag sa lahat ng babae. Sa mga bersiyong Abadeja, hindi sumailalim ang dilag sa pagbabagong-anyo. Ni ayaw niyang pitasin ang mga ginto at pilak sa puno. Gagamitin lang niya ito bilang pantulong sa mga nangangailangan. Akmang tawaging “Cinderellang gusgusin” si Abadeja.

Sa isang feministang pagbabasa ni Joi Barrios kaugnay sa pagtatanghal ng Abadeja: Ang Ating Sinderela, mariin niyang sinabi na ang bersiyon ni Bonifacio ay “Sinderelang hindi Sinderela.” Nabasa niya ang mga tagumpay ng mandudula sa adaptasyon ng kuwentong-bayan. Aniya, sa bersiyon ng Teatro Mulat, pagmamahal batay sa pagkakaibigan ang isinadula at hindi pagmamahal batay sa pisikal na kaanyuan. Dagdag pa ni Barrios, ang pagpapaksal nina Abadeja at Prinsipe Destrito ay hindi para sa katungkulan o tuntungang-bato para sa mas magandang buhay. “Rebolusyonaryo” ang tawag niya sa ikinilos ni Abadeja nang mag-alay ito ng singsing sa lalaki. Hindi rin daw piyudal ang prinsipe na naghahanap ng mapapangasawa sa mga piging at sayawan. Mas pinaboran kasi ng prinsipe ang dilag na payak at hindi maluho kahit nasa harap na niya ang punong namumunga ng mga alahas. Pinuri rin ni Barrios ang isinagawang proyekto ng mandudula: ang pagsasabuhay sa kuwentong-bayan at sa pagbabalik sa Asyanong tradisyon sa dula at panitikang pambata. Pati na rin ang malasakit ng tauhang prinisipe at Abadeja sa ikabubuti ng lipunan.

Kung natukoy ni Barrios ang tungkuling “rebolusyonaryo” ng muling pagsasalaysay ng panitikang-bayan, iginiit naman ni Alison Lurie ang subersibong kapangyarihan ng mga ito. Aniya:

"Folktales are the oldest and the most widely known form of literature for children. The tales also have another distinction: they are the most subversive texts in children’s literature. Often, though usually in disguised form, they support the rights of disadvantaged members of the population—children, women, and the poor—against the establishment." (Lurie 1990: 16).

***
Kapuri-puri sa lahat ng mga adaptasyon ang dulang pambata ni Amelia Lapena-Bonifacio. Sa pamamagitan ng muling pagsasalaysay ng kuwentong-bayan, nabibigyan ng espasyo ang manlilikha na rebisahin ang teksto para umangkop sa pangangailangan ng panahon. Kamalayang panlipunan at pangkababaihan ang itinaguyod ni Lapena-Bonifacio at ng kaniyang Teatro Mulat. Si Abadeja’y hindi lamang dilag na dekorasyon sa palasyo. Hindi ito ang popular na Cinderella na tumatangis kapag hindi pinahihintulutang makasayaw ang prinsipe. Tumatanggi ito sa artipisyal na bunga ng kalikasan. Gayundin, ang prinsipe’y hindi tagapaghango ng dilag mula sa pighati. Kapwa nila itataguyod ang kanilang lipunan, bago pa man magdaos ng anumang marangyang pagtitipon.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home