Saturday, November 26, 2005

Compre Exam Update

May resulta na ang 2nd compre exam ko sa literary criticism: high pass. Sariwa mula sa pagbabalik mula sa bakasyon ng aking examiner sa U.S., at pagkaraan ng dalawang araw, ipinadala na sa Dean's Office ang kaniyang hatol. Dalawang tao ang nagbalita sa akin sa high pass na ito. Sabi ng kawani sa Graduate Studies Office, bago ako pabirong pagalitan dahil "sa late na naman" (dalawang beses na akong muntik na ma-AWOL status), "Uy, high pass ka." Pagdating sa Dept, bati sa akin ng aming sekretarya, na aking kumare, "high pass ka...ite-text ko nga dapat sa iyo." Dalawa na, isa na lang ang hinihintay. Nagkataong nagkita kami ng aking examiner sa department kaninang hapon, habang inaasikaso ko ang aking late registration at form para sa reduced fees. Sabi niya, "may resulta na. High pass." Sabi ko, "salamat" (sa paraang hindi niya mahahalata na alam ko na).

Dagdag pa niya, "may comment doon sa form na outstanding."

Wala akong maisagot. Minsan, mahirap tanggapin ang ganitong komentaryo.

"Kaunting rebisyon na lang, puwede mo nang ipublish," habol niya bago siya umalis ng opisina.

Ito ang subject na binigyan ko ng mahabang panahon sa pag-aaral. Bukod sa mahirap basahin ang wika ng kritisismo, kailangan ding maging maalam ang mag-aaral sa kasaysayang pampanitikan. Sabi nga'y sa bago lumikha ng puna, dapat alam muna ang kasaysayan. Kalahating taon ang ginawa kong review. Sabi ng kaibigan kong abogado, "para rin palang bar."

Kailangang i-congratulate ang sarili. Nagpunta ako sa Megamall, at naghanap ng kopya ng "Invisible Cities" ni Italo Calvino, pero out of stock. Sayang, gusto ko sanang bumili ng libro ngayon. Katatapos ko lang ng "Einstein's Dreams" ni Alan Lightman; at kasalukuyang binabasa ang "The Name of the Rose" ni Umberto Eco (dahil sa rekomendasyon ng dalawang kaibigan). May mga aklat pambata pala si Eco, hahanapin ko rin sa mga bookstores. Pagkaraan, nagpunta ako ng MetroWalk. Sa wakas, nakahanap na ako ng DVD copy ng "Howl's Moving Castle." Tapos, bigla kong maaalala ang text ng kaibigan. Sabi niya, "you evil pirate!" Hahahaha. Nakahanap din ako ng kopya ng "The Way Home," isang pelikulang Korean, na mukhang magugustuhan ko ang kuwento. Hindi na rin masama ang nabili ko, pagkaraang magpahinga ng dalawang linggo sa pamamahinga sa pamimirata.

Heto nga pala ang isang sipi ng aking sagot/ sanaysay sa comprehensive exam. Isa itong sipi sa tanong na "Ano ang katangian ng kritisismong pampanitikan sa Pilipinas?"

***
Nagsimula ang kritikal na praktika pampanitikan sa bansa sa mga anyo ng etnograpiya at pangangalap ng mga panitikang-bayan. Iyan ang proyekto, halimbawa, ni Jose Rizal sa komparatibong analisis niya ng kathang-bayang Pagong at Matsing sa bersiyon ng Japan. Ganito rin ang proyekto ni Isabelo delos Reyes sa kaniyang El Folklore Filipino at ang pagtatampok sa pagiging maharlika ng mga Tagalog sa nobelang Ninay, Costumbres Filipinas ni Pedro Paterno. Naglalaman ito ng mga etnograpikong anotasyon ukol sa dakilang tradisyon ng mga Filipino at ang kaniyang proyekto ay itinuring na nasa hibo ng Costumbrista. Kritikal na praktika rin, bagamat nakatuon sa agham panlipunan, ang proyektong anotasyon ni Jose Rizal sa Sucesos de Las Islas Filipinas ni Antonio Morga. Itinuwid ni Rizal ang katiwalian ng dayuhang chronicler sa pagtatala ng kasaysayan ng bansa. Ang naunang mga proyektong ito ay nauudyukan ng paghahanap ng mga ilustrado ng kanilang nawawalang nakalipas (search for the lost origins), kaya matindi ang kanilang pagnanais na itampok ang kaakuhang Filipino (bagamat limitado pa noon ang kanilang depinisyon ng Filipino) dahil sa epekto ng kolonyalistang Espanyol. Deskriptibo pa noon ang mga pag-aaral ni Rizal sa panulaan at kuwentong-bayang Tagalog. Gayunpaman, makikila na agad ang pingkian ng katutubong pag-aaral laban sa kolonyal na kontrol.
Sa pagdating ng mga Amerikano na kinontrol ang bansa sa pamamagitan ng kultura, gamit ang aparato ng pampublikong sistema ng edukasyon, itinatak sa mga bagong henerasyon ng mga kabataan at mag-aaral ang pagiging lehitimo ng panitikang Amerikano. Nagkaroon nga ng konsepto ng “lehitimong dula” sa mga panahong iyon, batay sa pamantayan ng mga Amerikanong mandudula. Formalismo ang pinakamalaking pamana ng mga Amerikano sa kritisismong Filipino. Ang kanilang pamantayan ng pagkaginto o pagkatanso ng partikular na akda ang siyang pangunahing sinuso ng mga mga kritiko at mamahayag. Halimbawa, mababanaag ang tinatawag kong kritikal na tensiyon at ang panimulang pagtimbang nang pinahalagahan ni Inigo Regalado sa mga nobelang Tagalog ang orihinalidad, ang kabuluhang panlipunan. Taliwas si Regalado sa pormalismong oryentasyon dahil hinahanap niya ang silbi ng akda sa panahon ng krisis (i.e. Sedition Law at Flag Law). Magkaiba sila ng oryentasyon ni Agoncillo dahil ang nabanggit ay produkto na ng kolonyal na edukasyon at panlasa. Nais ni Agoncillo ang dalisay na pananagalog at pinahahalagahan niya ang taal na anyo ng maikling kuwento na modelo sa mga kuwentistang Amerikano. Kilala rin siya sa pagmenos niya sa Tagalog na anyo ng katha tulad ng dagli at pasingaw; pagtakwil sa didaktikong udyok sa pagkatha, sa paggamit ng himig-Ingles na parilala sa katha at sa panggagad sa modelong Amerikano; pagkutya sa mga kuwentista na “alipin ni O. Henry” sa teknik na panggulat; at ang kaniyang pasaring sa komersiyal na panulat bilang “masangsang.” Gayong limitado at lantarang formalista ang giya sa pagtimbang ni Agoncillo sa maikling kuwentong Tagalog mula 1886-1948, mababakas na rito ang sistematiko at siyentipikong pag-aaral ng anyo, tema, at pamamaraan. Ngunit, may makabayang himig si Agoncillo sa pagtakda na ang katha ay hindi dapat maging himig-Amerikano kahit na nakapadron sa modelong Amerikano. Ganito rin halos ang panindigan ni Alejandro Abadilla sa kaniyang paggawad ng asteriko sa maiinam na akda.
Kauna-unahang pingkian (o pagkikiskisan ng bato) na nagresulta ng apoy ay ang tunggalian ng Ilaw at Panitik/ Aklatang Bayan laban sa Panitikan (kabataang manunulat tulad nina Alejandro Abadilla at Teodoro Agoncillo) na humiling na ilathala ang kanilang mga akdang makabago, masining, at di-tradisyonal sa mga matatanda at konserbatibong patnugot ng mga komersiyal na magasin. Hindi sila napagbigyan at sila’y nagsunog ng mga aklat at manuskrito ng mga “matatandang tinale” sa Plaza Moriones noong ika-2 ng Marso, 1940. Dahil dito, sang-ayon kay Agoncillo, “naging apdo sa labi ng matatanda ang [samahang] Panitikan.” Sa palagay ko, bukod sa historikal, tagumpay ang pangyayaring ito ng mga Panitikero. Ipinakila nila ang pagmamatyag sa proseso o sistema ng paglalathala, ang pagtimbang sa nilalaman at teknik ng katha, at ang pagbabantay kung umuunlad ba ang kalidad ng panitikan sa kanilang panahon. Gayong ang pagsusunog ng aklat ay barbariko at kriminal na akto, naipakilala ng mga Panitikero ang kapangyarihan ng kritisismo sa madla.
Kaugnay ng pingkian ng mga organisasyon bilang kinatawan ng magkakatunggaling ideolohiya--ang labanan ng mga Veronicans na itinataguyod ang “art for art’s sake” na itinuring na “kasiningang hungkag” ng Philippine Writer’s Guild sa pamumuno ni Salvador Lopez.
Para kay Jose Garcia Villa, ang akdang masining ay yaong maringal ang paksain at engrande ang arkitektura ng katha. Pinahahalagahan niya ang seryosong paksain at ang katimpian sa pagsulat. Laban siya sa “propaganda” sa panitikan, kaya nasabi na Jonathan Chua sa aklat na The Critical Villa na wala siyang ipinagkaiba sa mga Amerikanong imperialista na tinawag ang mga mandirigmang Filipino na “bandido.” Sinagka ni Lopez ang ganitong paniniwala sa kaniya namang pagtataguyod ng panitikang proletaryo. Paniniwala niya na ang makabuluhang panulat ay sumasayad sa lupa; o ang dapat bumaba ang kritiko sa toreng garing at isatinig ang kubling mithi ng ibang sektor, lalo na ang naisasantabi. Ang nakikita ko lamang na limitasyon, bagamat dinarakila ang sanaysay ni Lopez na Literature and Society, ay ang paghamon lamang niya sa mga panulat na Filipino sa Ingles. Naisantabi ni Lopez ang panitikang nasusulat sa bernakular.
Noong 1960, lumitaw ang papel ng mga kabataang manunulat na kinalaban ang konserbatismo at tradisyon ng panitikang popular. Ang mga kabataang ito ang tinawag na “mga suwail.” Bagamat sila’y mga kuwentista, taglay nila ang diwa at praktika ng kritiko na suriin ang aspekto ng produksiyon sa paglalathala. Ang kanilang mga kuwento ay tumalakay at naglantad sa suliraning panlipunan tulad ng piyudalismo, kahirapan sa pagawaan, kawalang-katarungan sa sektor ng magbubukid, at kahirapan sa lungsod at kanayunan. Nagbunga naman ang kanilang kritika sa pagkakabuo ng mahusay at klasikong antolohiya, gayong hindi nila tuluyang nabago ang sistemang komeryalismo ng magasing Liwayway.
***
Mahalaga ang masubaybayan ang pingkian ng mga paniniwala sa kritisismong Filipino upang makita kung may ibinunga ba ito sa pagdaloy ng kasaysayan sa kamalayan ng mga nakababatang kritiko. At buhat din dito, kagyat na mailalarawan ang katangian ng makabuluhang kritisismo sa bansa. At matutukoy ang pangangailangan ng lipunang Filipino kaugnay sa pagtataya ng mga panitikan nito.

Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng tunggalian. Ganito rin ang kasaysayan ng kritisismo sa bansa. Buhat sa proyektong pagtatampok ng sarili sa praktikang kritikal nina Rizal, delos Reyes, at Paterno. Nais ko ring idagdag ang bisa ng mga anti-form ni Marcelo H. Del Pilar na maituturing kong malikhaing kritisismo sa namamayaning panitikan ng kaniyang panahon: ang mga kuwento ng santo at santa, ang mga aklat ng dasal at nobena, ang mga kautusan ng Diyos, ang labis na didaktisismong panrelihiyon. Ang isinagawa ni del Pilar ang bubuod sa aking sariling posisyon sa diskursong Filipino sa lawas ng kritisismo.

Una, may katangian ang kritisismong Filipino, na sarili ko ring paninindigan, na mapanghamon. Hihamon nito ang patong-patong na gahum. Sinasagka nito ang mga aparato ng kontrol mula sa simbahan, edukasyon, pamahalaang kolonyal. Hihiramin ko ang pangungusap ni Balzac, “ang kritisismo ay ang kasaysayan ng bansa.” Sa korpus ng kritisismo sa bansa, nakikita ko ang iba’t ibang antas ng paghamon: (1) pag-angkin ng Kanluraning dulog at ang pagpapasok ng mga makabayan at makabuluhang dalumat na makatutulong sa bansa at pagbubuo ng pambansa (Tiempo, Agoncillo, Almario), (2) akomodasyon ng Kanluraning dulog; inaangkin nang buo ang konsepto,dumadaan sa pagbabago, at babansagan itong sariling dalumat (ganito ang ginawa nina Rizal, Regalado, at Plaridel), at (3) lantarang pagtuligsa sa Kanluranin at banyagang batis.

Pangalawa, katangian ng kritisismong Filipino ang malaking pagpapahalaga sa kasiningan. Ayaw kong tawaging may bahid ito ng formalismo. Nagkataong sa kasaysayan ng kolonyalismo, nawaglit ang mga manlilikha sa ugat ng katutubong pagsusulat. Dahil dito, hindi nila maipaliwanag sa sistematiko at siyentipikong paraan ang kanilang estetika. Ngunit alam kong nananalaytay ito sa kubling lamukot ng kanilang kamalayan. Magandang proyekto, kung gayon, ang pagsaliksik sa katutubo upang ang pamantayan ng kahusayan ng Kanluran ay naihambing sa ating pamantayan. Baka lumitaw na ang pamatayan pala ay hindi lamang taglay ng Kanluran kundi taglay din ng bansa noong una pa man. Kailangan ng bansa ng isang magsasatinig ng nakaligtaang estetika mula sa ugat ng panitikang-bayan.

Pangatlo, ang kritisismo sa bansa ay lagi’t laging may isinusulong. Di ko ito tatawaging propaganda dahil negatibo ang terminong ito sa kasalukuyan. May angkop ang terminong advocacy—advocacy sa identidad, kapakanan ng mga magsasaka, kapakanan ng mga intelektwal na katutubo, kapakanan ng rebolusyon, kapakanan ng kababaihan.

Panghuli, bukod sa gahum ng mananakop, tinutuligsa ng kritisismong Filipino ang mga sakit ng kanilang panahon, labas man ito sa usapin ng panitikan: ang labis na komersyalismo, ang panggagad o kawalan ng orihinalidad, ang integridad mismo ng kritiko, ang de-kahon na pagsusulat alang-alang sa pagsusulong, at ang namamayaning praktika sa produksiyon ng tekstong pampanitikan. Kung gayon, noon pa man, masaklaw at panlipunan na ang oryentasyon ng mga kritiko. Sinusuri nila, taglay ang angkop na kasangkapan sa panunuri, hindi lamang ang teskto kundi ang konteksto at intertekso.Hindi sila mapararatangang nasa toreng garing.

4 Comments:

Blogger adi said...

o my god, someone who writes in Filipino..!

nahirapan po ako.

pero namangha (galeng ko.. grabe, Tagalog ito) ako.

i-link kita, ha..? tenkyu.

1:00 PM  
Blogger nasadulongdila said...

sige, sige. hahaha. salamat!

link din kita :)

4:04 PM  
Blogger gilliane said...

ang galing mo talaga! congrats!

3:08 PM  
Anonymous Anonymous said...

hi pwde ba mgtanong??
ano po ba ang talagang layunin ng mga nobelang tagalog sa panahon ng mga amerikano?
wait 4 ur rply..

8:25 AM  

Post a Comment

<< Home