Wednesday, November 16, 2005

Segunda Mano, Primera Mano

Sa mga nakaraang linggo, napansin kong wala na akong mahalukay na libro sa Booksale. Dumadarami na yata ang mga nag-uukay-ukay ng mga segunda manong aklat, at lagi nila akong nauunahan sa mga magagandang aklat. Nakaka-miss na rin ang maghalungkat sa Booksale at makaramdam ng pananabik at tagumpay kapag nakatagpo ng mainam na titulo. May bago na palang segunda manuhan sa may Riverbanks Mall; sayang mabasa ko na ang "Sisterhood of the Traveling Pants" kaya hindi ko na binili ang kopya doon. Naghanap na lang ako ng mga dvd at medyo masuwerte naman: "Four Weddings and a Funeral", "Nanook of the North", at "Moulin Rouge." Napanuod ko na ang unang pamagat: maganda ang istruktura ng kuwento at ang development ng mga tauhan at ng mga ugnayan nito sa daloy ng pelikula.

***
Pinalabas na rin sa wakas ang Miss International sa Pilipinas! Noong linggo, kanselado lahat ng lakad para matunghayan ang tagumpay ni Precious Lara Quigaman, ang ikaapat na Miss International ng bansa. Host si Pia Guanio sa programa. Mabuti na lang, dahil napaka-boring ng produksiyon. Di hamak na mas maganda ang Miss Universe. O baka nasanay lang ako sa mabilis na daloy nito? Mas suspenseful ang Miss U na naging padron ng mga beauy pageant sa Pilipinas. Kung ikukumpara ko sa Miss Earth ang Miss International, lumalabas na mainam ang una.

Walang question and answer ang Miss Int'l. (Baka puwede nang pambato ng Bb. Pilipinas ang mga magagandang kandidata na mahina sa pagsagot.) kaya siguro walang suspense at drama sa programa. Wala ring mga intermisyon na kantahan ng sikat na singer. Wala man lamang kultural na programa o pagtatampok sa naging buhay ng mga kandidata.

Hindi ko rin alam kung bakit puro "sushi" ang paboritong pagkain ng mahigit sampung kandidata. Iyon lang kaya ang ipinakain sa kanila?

***
Nabalita sa akin na may advanced screening ng "Exorcism of Emily Rose" sa SM City. Pagkatapos magbalik ng mga libro sa UP Main Library, dumiretso ako sa SM para panoorin ito. Nagandahan ako sa trailer ng pelikula. At gusto kong takutin ang sarili, kahit matagal nang lipas ang Halloween at wala akong napanuod na katatakutan noong bakasyon. Ang maganda sa panonood sa SM North, may lisensiya akong magulat at sumigaw sa mga nakakatakot na eksena na hindi ako mahihiya. (Sa Eastwood kasi, parang may batas na palooob at pansarili lamang ang sigaw. Ano kaya ang aliw sa pagsigaw na paloob? May di-nakasulat na urbanidad na "walang sigawan".)

Napasigaw naman ako sa pelikula; tila pagsakay sa roller coaster. At ang masaya: marami akong kasabay.

***
Habang naghihintay sa last show full, napagbaka-sakali ako sa Booksale. Hindi naman nasayang ang paghalungkat ko: magandang kopya ng "The Amazing Adventures of Kavalier & Clay" ni Michael Chabon (PhP 75) at "Babar's Anniversary Album", kalipunan ng anim na kuwento ni Jean de Brunhoff at may introduksiyon ni Maurice Sendak (PhP 279). Nakita ko rin ang "Caramelo" ni Sanda Cisneros pero hindi ko muna binili; tatapusin ko muna ang kaniyang "House on Mango St." Saka baka hindi ako maka-relate sa kaniyang nobela tungkol sa mga Mexican-Americans. Wala pa ako sa modang iyon.

Hahaba na naman ang listahan ko ng mga babasahin.

***
Tumataas na ang presyo ng mga bilihin, salamat sa sumpa ng e-vat. At mataas na rin ng turing ng mga libro sa Booksale. Dati, ang mga nobelang paperback, umaabot lang sa PhP 45. May laya kang mamakyaw. Ngayon, nasa halagang PhP 65 pataas na. Hindi na ako makakapag-uwi nang mala-sakong halukay. Malapit nang magpresyong primera mano.

Dati, PhP 25 ang Wendy's Macaroni Salad. Ngayon, gayon pa rin ang presyo. Pero wala na ang kamatis. Pinalitan na ito ng gelatin na kakulay ng kamatis. Isang hiwa na lang ng pipino. Kakaunti na ang keso. Baka sa pagtagal ng panahon, hindi na mukhang salad ang kanilang macaroni salad. (Naisip ko, magandang sukatan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at ang kahirapan ng bansa ang mga sangkap na makikita sa bawat order sa Wendy's).

***
Wala pang resulta ang dalawang compre exam ko. Hindi pa ako makapag-enrol para sa disertasyon. Late na ako kahit sa late registration.

Hindi na bale, may lisensiya pa akong magbulakbol, magbasa ng gusto kong basahin, manood ng nakapilang dvds, antabayanan ang huling pangyayari sa Pinoy Big Brother.

***
Hindi pa rin ako makawala sa mga epiko. Kahapon, bago manood ng "Exorcism", ibinalik ko ang mga librong inaral para examen noong Oktubre. Para akong nabunutan ng tinik. Pero hindi pa rin ako makawala sa Ulahingan. Hiniram ko ang dalawang tomo nito sa pamamatnugot ni Maquiso; at ang pag-aaral naman ni E. Arsenio Manuel. Kinuha ko rin ang aklat na "Pagbabalik sa Pusod ng Bayan" ni Simplicio Bisa. Hahanapin ko pa ang mga librong "Mayong" ni Abdon Balde at "Daragang Magayon" ni Merlinda Bobis. May maitulong ang mga ito sa gagawin kong papel ukol sa retelling ng mga folklore. Nasa personal ko ring reading list ang "Beauty" (retelling ng Beauty and the Beast" ni Robin McKinley, "Ella Enchanted" (retelling ng Cinderella), "East" (retelling ng "East of the Sun, West of the Moon") ni Edith Pattou, at ang serye ni Kevin Crossley-Holland na retelling niya ng mga Arthurian legends.

Panahon lang ang magsasabi kong ang papel na ito ay magiging sariling proyekto, o dili kaya'y papel ko para sa penalty course. Huwag naman sana sa huli.

***
Gusto ko sanang magbalik-pagtuturo. Nakapili na ako ng anim na subject na ituturo; nakapili na ako ng magandang iskedyul. Isang araw, tinawagan akong nabigla sila sa aking pagbabalik. Lumalabas, hindi ako pinayagang magbalik-turo. Hanggang Mayo 2006 pa ang aking bakasyon, o bakasyong di naman bakasyon. Hindi ko talaga maintindihan ang Dept. Nabibigla sila sa mga agarang pag-leave, nabibigla din sa mga pagbabalik. Okay lang naman, sinusuwelduhan ako para magbasa at magsulat. May katwiran din naman, sagabal sa pagsusulat ang pagtuturo. Pero miss ko nang magturo. Miss ko na ang espasyo ng classroom.

Tapusin ko na raw ang dapat tapusin.

Katatanggal lang ng mga tinik, may panibago na naman.

***
Sinusubukan ko muling sumulat. Pero hirap na hirap ako. Masyado ko yatang ibinuhos ang lakas ko sa compre exam. May tendensiya na magpasiklab ka sa pagsusulat para maipasa ka ng mga examiner. Sumobra yata ang pagsusulat ko. Ibinuhos ko ang lahat ng nalalaman. Sabi sa akin ng nag-aasikaso ng aking papeles, "Ang haba mo namang sumagot. Iyong iba nga diyan, 8 pages lang, pumapasa." Nagitla ako sa sinabing iyon, walong pahina para sa walong oras na examen?

Napakaganda naman ng lumabas na resulta para sa exam ko sa "Mga Malikhaing Akda" (Literary Works): high pass. Balita pa sa akin, may nakasulat pang komentaryo sa papel: outstanding, katangi-tangi. (Gusto kong ipakuwadro ang dokumentong iyon.) Sa tinagal-tagal ng panahon, grade conscious pa pala ako. Matagal ko na kasing pinag-isipan kong seseryosohin ko ba ang examen. Sabi ng isang co-faculty: "Chikahin mo na lang" o "Papasa ka naman." Pero sabi ng isang kaibigan, "Dapat high pass. Co-faculty ka nila." Sa huli, sineryoso ko nga ang pagsusulit.

***
Regalo sa sarili: "Gifts" ni Ursula LeGuin (PhP 359, Fully-Booked).

May mga librong karapat-dapat na maging primera mano.

1 Comments:

Blogger ulanmaya said...

whoa! reading list. ahahaha. may mga books na akong nabasa diyan. hehehe. yay!

si ms. earth commodification nga ng babae kaso may cause naman... papano yan. ahahaha.

sushi kasi kahit ilang kilo pa'ng kainin mo niyan, di nakakataba. masarap pa. marami pang ibang varieties. yum!

just a thought: di lang naman pusa ang kumakain ng isda. i dunno where that thought came from. i didn't make it up.

maganda yung 'moulin rouge.' marunong palang kumanta si obi-wan and yung ghost sa 'the others.' ahahaha.

hindi ako manonood ng 'exorcism of emily rose.' may nagyaya, pero we chickened out. nag-aral na lang sila for midterms and i read borges. ahaha. we're such nerds.

'house on mango street' - ack! bakit di mo pa to nababasa? matagal ko na siyang nabasa. one of my first books na non-white yung author. di ko siya mabitawan. parang i inhaled, and then exhaled, and then tapos na yung novel. not kidding this time. it was supermeaningful kasi sa loyola pala nagcollege si cisneros, at alam ko kung saan yung mango street (it isn't as bad as the novel makes it seem, ahaha, but then again she lived there more than 25 years ago). ito yung book na nagpadecide sa akin na subukang mag-apply for college sa loyola, kasi ang galing-galing niyang sumulat.

e-vat - hehe, yung description mo dito reminds me of a scene in guy de maupassant's 'bel-ami.' kinukuwentro din ng bida yung sweldo niya. it's hilarious, kasi wala na nga siyang pera, he's still thinking of beer. ahahaha. ako, para makatipid, di kakain. may pagkain naman sa bahay. coffee na lang. ahahaha.

matagal na akong di kumakain sa wendy's. out of the way kasi sa bahay, work, grocery, etc.

hay, bakasyon siya hanggang mayo.

wala sa iyong reading list yung epics, 'beauty,' 'elle enchanted,' and 'east.' wala ring pinoy books! bakit? di ba nagtuturo kang... umm. ...

naiinis ako't di ko nga natanong kay rushdie yung context ng G and K!!! boo.

sagabal naman lahat ng trabaho sa pagbabasa o pagsusulat. pero makakasulat ka nga ba kung wala namang kuwento? may kuwento ba kung walang sagabal? teka... mali nanaman yata ulit yung framing ng questions ko.

congrats ulit sa iyong high pass! :-) may mga pumapasang 8 pages lang? galing naman. pero naniniwala ako dun. may mga kuwento at essays din kasing buo na kapag maikli lang. pero kung di mo kaya, wag mong isiksik yung sarili mo sa ganung mode agad, ahahaha - i think mas mahirap sumulat ng maikli. mas precise dapat yung pagpili ng details. pero i think anyone can do it, practice lang.

eeek, malaepiko na itong comment ko. ahahaha. thanks for the update. not sure what you mean by nahihirapan kang sumulat ulit. it sounds to me you need a short break from producing any form of creative whatever. i think you should read "the alchemist" next. :-)

6:29 PM  

Post a Comment

<< Home