Sunday, December 25, 2005

Natapos ko rin si Eco!


Ang "The Name of the Rose" yata ang pinakamatagal kong nabasang nobela. Hindi naman mahirap intindihan ang nobela, pero talagang hahamunin ang tiyago ko sa prosa ni Umberto Eco. Masyadong malaman, hitik sa detalye, siksik sa mga historikal na pananaliksik, at makikita ang pagiging alagad ng nobelista sa semiotics sa tauhang si William of Baskerville, kaalinsaby ng pagtalunton sa mga misteryo at krimen sa loob ng abbey, sa panahon ng Edad Medya. Dalawang kaibigan ang nagrekomenda sa akin ng aklat. Una si L, na naglatag ng pamagat, habang pinag-uusapan namin kung paano namin mapapakinabangan ang training namin sa akademiya at sa pananaliksik para sa pagsusulat ng kuwento o nobela. Pangalawa si ulanmaya, na nagtaka pa kung bakit hindi ko pa iyon nababasa. Siguro, nakita niya ang hilig ko sa mga sining ng simbahang Katoliko, lalo pa nang kumuha ako ng mga larawan ng San Agustin Church, kaya inakala niyang nabasa ko na ang nasabing nobela. Matalinong nobela ang sinulat ni Eco; malayo sa mga bestseller sa kasalukuyan na pang-aliwan ang gumagabay na estetika. Sa mga nahumaling sa "The Da Vinci Code", maaaring kayamutan ang naturang akda dahil sa mahahabang paglalarawan at pagmumuni ng isang tauhan ukol sa kaniyang obserbasyon, napanaginipan, nasagawa. At sa mga talata ukol sa pagsusuri ng isang dokumento, o paglalatag ng mga pangkasaysayang perspektiba sa isang eksena. Maraming ring mga bahagi sa nobela na nasa wikang Latin--maaring sagwil ito sa pag-intindi sa akda o maaaring makadagdag sa autensidad kahit pa historikal na akda ang binabasa.

Obese ang prosa ni Eco, text ko sa kaibigang nagrekomenda sa akin. Nakakapagod ang dire-diretsong pagbabasa ng aklat na may pitong (7) bahagi na ibinukod batay sa mga araw nina William at Adso sa kanilang imbestigasyon sa mga pamamaslang sa loob ng simbahan. Ayaw ko namang bitawan ang nobela at dumampot ng mas magaan na paksain. Sayang ang bili ko sa aklat kung susuko ako. Kaya, sa pagitan ng mga kabanata, nakasisingit ang mga pelikulang humabol sa listahan ng mga napanuod ko sa taong ito:

"North Country"-ang ganitong pelikula ukol sa pag-igpaw ng babaeng tauhan sa mga limitasyon at hamon ng lipunan ay magbibigay tiyak ng nominasyon sa Oscar's; nasa hulma ito ng mga pelikulang nagpanalo kina Julia Roberts at Hilary Swank.

"Love Actually"-hindi ko inaasahang ang romantic comedy na ito ay aakma sa buwan ng Kapaskuhan; ang galing ni Richard Curtis sa kaniyang screenplay. Na-inlove din ako sa kanta ni Joni Mitchell na ginamit sa pelikula.

"In Her Shoes"-Para sa isang "chic flick", matino ang pelikulang ito. Pumasa sa aking estetikang pang-aliwan na hindi ako nahihiyang makita sa paglabas ng sinehan.

"Three Burials of Melquiades Estrada"- Nanalo ng Best Screenplay ngayong taon sa Cannes kaya binili ko na agad ang kopya. Napakasimple ng istorya na gumaganda at nagiging sopistikado dahil sa paglalaro sa istruktura at pagmamanipula sa panahon.

"Me, You, and Everyone We Know"-Nagustuhan ko sa mga poetikong eksena sa naratibo ng pelikula, kahit sabog at hindi buo ang pagkakakuwento sa mga buhay ng tauhan. Nasa hulma ito ng pelikulang "Happiness" na pagtalakay ng maraming kakaibang mga tauhan.

"King Kong"-Snod-sunod, siksik na mga adbentura hanggang sa ako na ang magsawa at mapagod sa kakapanuod. Mabagal ang simula pero nakakahingal na sa bandang kalahati, tulad ng panunuod ng Jurassic Park.

"Cain at Abel"-modernong retelling ng kuwento sa Bibliya na nasa anyo ng melodrama at binudburan ni Lino Brocka ng panlipunang komentaryo

"Relasyon"-mainam na sana bilang feministang pelikula ukol sa pakikipagsapalaran ng babaeng kabit; nakakaaliw ang dialogo; hindi melodramatiko, hindi gasgas ang pagkakahulma sa "ibang" babae, moderno ang kamalayan ng mga babae sa pelikula pero natapilok ito sa pagkamatay ng lalaking tauhan.

"Born Into Brothels"-Feel-good na dokumentaryo ukol sa bisa ng sining, pag-asa, at pangarap ng mga batang lumaki sa kasa o putahan sa India. Hindi ko lang alam kung nalihis ba ang dokumentaryo sa kaniyang layon--ukol ba ito sa buhay sa putahan o ukol sa sining ng potograpiya sa hanay ng mga maralitang bata? Gayunpaman, nakakamangha ang mga larawang kuha ng mga bata. Nanumbalik ang interes ko sa aking kamera.

3 Comments:

Blogger ulanmaya said...

hi, eugene! well, nagulat akong di mo pa nababasa yung "name of the rose" kasi undergrad ko pa nabasa yan. it was published 1994, i think. we read it as a historical novel.

"obese" yung language just adds to the mystery ng book, don't you think - it's set in the middle ages, supposedly one of the leanest ages in history. habang nagugutom yung countryside, nagiging obese yung church. they had a picking of artists who then produced some of the most highly-regarded pieces in history.

also, it's a straightforward sherlock holmes mystery. i wonder kung tanggalin ni eco yung lists, maps and schedules niya, if the novel would still become a bestseller.

4:29 PM  
Blogger nasadulongdila said...

Hello, ulanmaya! Sa research ko, 1981 published ang book. May nakita rin ako sa amazon.com na edition ng book na may kasamang translation ng mga sentence sa Latin, German, at pidgin language.

Historikal din ang pagbasa ko sa novel; buti na lang, nakinig ako sa lecture ni Mr. Alonzo sa Social Studies tungkol sa world history kaya medyo alam ko ang historical context ng book. Informative ang book; ang daming parts na parang history textbook ang pagkakasulat pero enjoy naman ako.

Kailangan lang talaga ng tiyaga sa pagbabasa. I'm sure, ejoy din naman si Eco sa pagsusulat niya. Kaso, noong binabasa ko ang last part ng novel, iyon pala ang pinakaimportant part ng novel. Sabi ko sa sarili ko, sana ito na lang ang binasa ko. Ang dami pa niyang tinalakay na kung ano-ano. Iyan naman siguro ang chracteristic ng isang novel. Malaya itong talakayin ang kung ano-ano, at kahit anong direksiyon ay puwedeng talakayin. Hindi tulad ng short story.

Gusto ko rin dito ang idea ng poverty at pagtatago ng yaman ng church. Pati na rin sa pagpapayaman ng library, na sa panahon na iyon, karamihan sa mga manuscript ay nakaw at ipinagbabawal ng simbahan. Nalungkot lang ako dahil nasunog sa huli ang library at ang abbey. Mabuti at fiction lang ito. Gusto ko rin iyong idea na mataas na position ang pagiging librarian noong Middle Ages; katumbas ng pagiging scholar at intellectual. Ewan ko lang kung bakit ngayon, mababa ang tingin ng mga librarian. Akala nila, tagakuha lang ng mga books na kailangan mo o taga-catalogue ng books.

Salamat sa pagrecommend ng book na ito. Kahit nakakapagod, nakadagdag naman sa idea ko ng isang novel.

Recommend ka pa, please. ;)

3:08 AM  
Blogger eruannie said...

eugene, bat hindi ka mag-contribute sa Pinoy Book Review : Para sa Pinoy na Ma-Read. isang e-zine ito at monthly kung maglabas ng isyu. may post ako sa library blog ko tungkol sa site nila - http://lovealibrarian.blogspot.com

mapayapang bagong taon sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay! dumami pa sana ang mga aklat na babasahin natin sa taong 2006 :-)

11:02 PM  

Post a Comment

<< Home