Friday, December 30, 2005

Tatlong Pelikula sa Metro Manila Film Festival

Naging tradisyon na taon-taon na suportahan ko ang MMFF at manood ng mga pelikulang kalahok dito. Pero hindi yata akma ang terminong "suportahan"; mas akma siguro ang "pagtripan" o "pagtiyagaan" ang mga pelikulang ipinapalabas sa mga sinehan sa panahon ng Kapaskuhan. Walang palabas na pelikulang Hollywood at banyaga sa mga sinehan, nakakatuwa rin namang tingnan na ang mga matataas na uri ng sinehan tulad ng Gateway, Podium, at Promenade ay nagpapalabas ng pelikulang Filipino. Sa kabila ng inis dahil hindi pa maipapalabas agad ang mga pelikulang inaantabayanan (The Lion, The Witch...) o naantala ang pagpapalabas (King Kong), napagpasyahan kong manood ng mga pelikulang Filipino sa festival.

"Exodus"--Nagbotohan ang aking pamilya kung ano ang papanoorin at ito ang nanalo. Kapansin-pansing kakaunti ang mga tao sa Robinson's Metro East. Siguro, nagtitipid na ang mga tao. O hihintayin na lang na ipalabas sa telebisyon, o mga bersiyong pinirata. Nadismaya ang aking pamilya pagkatapos manood ng nasabing pelikula. Sabi ng aking nanay, "Ano ba naman si Bong Revilla, senador na senador, ang pangit ng pelikula." Noong una, hindi ko makita ang lohika sa sinabi niyang iyon. Ano ba naman ang aasahan mo sa senador para makagawa ng magandang pelikula? Kailangan bang mahusay ang pelikula kapag senador ang aarte? Sa matagal na pag-iisip, nakitaan ko ng katwiran ang sinabing iyon. May kapasidad si Bong Revilla na makalikha ng maganda dahil may sapat siyang pondo sa produksiyon. Higit pa, dapat niyang paghusayan ang paglikha ng pelikula niya dahil mataas ang potensiyal nitong lumagda sa kamalayan ng manonood. Bakit hindi kinasangkapan ni Sen. Revilla ang panitikang-bayan? Iyan ang sikreto na ginawa ng kaniyang amang naging senador din (mga pelikulang Nardong Putik at Pepeng Agimat) kaya minahal ang aktor ng taumbayan at nailuklok pa sa mataas na posisyon sa pamahalaan. Dahil sa malapit sa kamalayan ng mga Pilipino ang kuwento ukol sa agimat at salamangkang katutubo, nagiging modernong bayani ang aktor. Kulang ang pelikulang "Exodus" sa pagkakaugat sa panitikang-bayan. Una, hindi ako kumportable sa pangalang ng bayani bilang Exodus. Masyadong banyaga sa mga Filipino. Pangalawa, gumamit man ng elemento ng panitikang-bayan ang pelikula (mga tauhang Aswang, Tikbalang, Santelmo, Diwata), hindi pa rin ito lubos na nagamit sa pagkukuwento. Pangatlo, manipis ang kuwento ng pelikula. Kulang sa karakterisasyon ang mga tauhan. Hindi kapani-paniwala ang pagtatagumpay sa mga pakikipagsapalaran. Kulang sa pakikipagsapalaran ang kuwento. Malayo ito sa estetika ng mga epikong-bayan. Naging mahinang uri ng pagkabayani ni Exodus sa pelikula, kahit na nagtagumpay ito sa wakas para iligtas ang lahi ng sangkatauhan sa puwersang itim.

Naisip ko rin, sa pagtatapos ng pelikula, naloko ako sa panonood nito. Ang pelikula ay lantarang pagpapatalastas ng Enchanted Kingdom. Bakit kailangan pa akong magbayad para manood ng patalastas (i.e., ang pelikula)? Ang pelikula ring ito ay pangangampanya kay Bong Revilla bilang bayani-politiko. Bakit kami pa ang kailangang magbayad para sa panonood ng kaniyang kampanya? Mabuti sana kung maganda ang pelikula; baka hindi pa kami nagreklamo. Sinayang ni Bong Revilla ang pagkakataon niya, para maging bayani ng pinilakang-tabing at sa puso ng masa. Hindi na siya natuto sa karanasan ng kaniyang tatay at ni Fernando Poe, Jr. Baka bumawi na lang siya sa mga susunod niyang pelikula. Kung mangyayari iyon, sayang ulit. Hindi na kami manonood. Kahit libre. Tama ang sabi ng aking nanay, "hindi na siya nahiya."

"Kutob"--Tama naman ang kutob ko, okay lang ang pelikula. Hindi nakakapurol ng utak. At hindi rin naman nakakatalas ng sensibilidad. Labis naman kung sabihing "pangit" ang pelikula. May pagtatangka naman itong ipakita ang sikolohiya ng isang mamamatay-tao. Pero para sa akin, na mahilig manood at magbasa ng kuwentong kauri ng pelikula, kita ko na agad ng teknik sa simula ng pelikula. Nakulangan ako sa sopistikasyon. Mangyari, ang sikolohiya ng isang mamamatay-tao ay sopistikado. Ang sikolohiya din ng isang Filipino, kaugnay sa mga balita at kuwento ukol sa krimen, ay sopistikado rin. Maitatanong tuloy, bakit ang tatanga ng mga tauhan para hindi matakasan ang kriminal? Kinulang kaya sila sa pagsusuri ng kanilang paligid? Bakit ang bilis makapatay ng tauhan? Sapat na ba ang kaniyang kutob na pinagkakaisahan siya ng mga tao sa paligid para siya kumitil ng buhay? Kulang din sa mga pihit at misteryo ang kuwento. Nagkataon kasi, ang pagkakahulma sa mga tauhang tinutugis ng patalim ay kinulang sa talino. Dahil kinulang sa talino, kulang din sa habulan at pagtakas. Ang resulta, sunod-sunod na kamatayan ang naipakita sa pelikula. Kung ikukumpara sa "Exodus", higit na mainam ang pelikulang ito. Mas naaliw ako sa pagkukuwento.

"Mulawin"--Rated A, sabi ng FRB, ang pelikulang ito kaya napagpasiyahan kong panoorin. Baka sakaling may isang pelikula sa kapistahan ang magsasalba ng aking panonood ngayong Kapaskuhan. Mainam naman ang pelikula sa aspekto ng kasuotan, disenyong pamproduksiyon, tunog, at ilan pang mga teknikalidad. May laman ang pelikula. Tinuligsa nito ang paniniwalang hungkag ang pantasya; o walang maihahapag na pagsusuri sa lipunan ang mga kuwentong kababalaghan. Sa panlipunang nilalaman, tinatalakay ng pelikula hindi lamang ang kapayapaan ng isang kaharian kundi ang kaligtasan ng lahi at ng kanilang kapaligiran. Nagsalikop ang usaping ekolohiya, nasyonalismo, pagmamahal sa lahi, at pangangalaga ng kultura sa dulang pampelikula. Kung ang babasa sa pelikula ay naghahanap ng lantarang panlipunang realismo, wala siyang matutukoy. Kailangan ng ibang antas ng pagbabasa para matagpuan ang sinasabi ng pelikula.

Kung sa usapin ng aliw ang pag-uuspan, kapintas-pintas ang gamit ng special effects. May nagsabing ang mahusay na special effects ay iyong hindi mo mahahalata ang effects. Sa "Mulawin", halatang-halata ang pagka-artipisyal ng mga pakpak, ang porma ng mga artista kapag lumilipad, ang kalawakan, ang mga ilaw. Malayong-malayo ito kung ikukumpara sa produksiyon ng LOTR o Harry Potter. Orihinal ding konsepto ang Mulawin bilang serye sa telebisyon. Ang problema sa mga subaybayin sa telebisyon, nababatak ang kuwento. Kabaligtaran sa pelikulang ito, nasisiksik ang kuwento. Malaking problema sa akin ang kakulangan sa pagpapakilala ng mga relasyon ng tauhan, ang kosmolohiya at kasaysayanng hinirayang uniberso, ang "mabibilis" na pakikipagsapalaran at resolusyon. Hindi kapani-paniwala ang pakikipagsapalaran ng mga Mulawin sa pagtatanggol ng kanilang lahi dahil sa bilis ng mga pangyayari. Mangyari nga, nasiksik sa humigit dalawang oras na pelikula ang mahabang kuwentong pantelebisyon. Nagtataka rin ako sa pagpapangalan ng mga tauhan, pagpapangalan sa punong balete bilang Mulawin, at sa nilikhang wika sa pelikula. Kulang sa iskolarship ang pagsusulat kaya napaparatangang nakikisakay lamang ito sa tagumpay ng mga pelikulang pantasya tulad ng Lord of the Rings. Matatandaang sa paglikha ni JRR Tolkien ng kaniyang mga nobela, sampung taon niyang nilikha ang mga mapa, ang wika, ang mga tauhan, at maging ang mga halaman. Inaral din niya ang folklore ng kaniyang lipunan. Iyan ang dahop sa pelikulang Mulawin.

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

pa comments nga poh ako d2, kc kapapanood ko lang ng exodos kagabi and naghahanap ako ng review na pede pagkomplenan dahil sa pelikula na un, ang pangit hehehehe, OA....tsaka ano ba un action o comedi hehe... di naman masasabi na pangit na pangit talaga pero pangit nga...sayang naman, ang custom hindi akma sa pelikula, at tama ka kulang na kulang, mas marami pa daldalan....tsaka bakit lagi naiyak c exodus hehe.... hindi rin maganda dialogue, basta ang pelikula hindi maganda....hahanap pa ako ng review sa ibang site ang makapag complain din hehe...c yah..tnx...

4:28 PM  

Post a Comment

<< Home