Thursday, December 15, 2005

Update sa Sarili, O Isang Year-End Report

Lumabas na ang ikatlong resulta ng comprehensive examination para sa aking PhD.

Naka-high pass ako kay Ma’am Chari. (Gusto kong ipakuwadro ito. At isabit sa aking kuwarto.)

Si Ma’am Chari ang isang guro sa departamento na kinakatakutan ko, at iniwasan ko noong undergrad at masters. Pero hindi ko siya naiwasan nang tumuntong ako sa araling doktorado. Hindi naman talaga terror na guro si Ma’am Chari. May reputasyon lamang siya na istrikto. Sabi ng mga kaibigang guro, gayong pabiro, na “talagang gagapang ka sa kanyang klase.” Kaya noong nagpasiya akong kunin siya sa dalawang klase (Historikal na Perspektiba sa Malikhaing Pagsulat at sa Umuusbong na Panitikan), inihanda ko ang sarili sa isang hamon. Dapat magpakitang-gilas sa kaniya. Hindi naman talaga siya terror sa klase. Siguro, hindi lang talaga siya madaling ma-impress. Hindi siya nadadaan sa chika o pagngiti. Limang na bagay ang natutunan ko sa propesor na ito. Paggamit ng panitikang-bayan sa pagsusulat ang pinakauna. Lagi niyang idinidiin ang ugat ng tradisyong naratibo o pagkatha. Lagi niyang buwelta sa mga lecture o pagbabasa ng papel, “Ano ang poetika ng ganito o ganyang tradisyon? Ano ang pinag-ugatan niyan?” Malawak ang kaniyang kaalaman sa panitikang-bayan. Kapag nagkaklase kami, lagi akong tumitingin sa kaniyang koleksiyon ng mga aklat. Kompleto siya ng mga tomo ng Ulahingan at ng Darangen. Alam niya ang mga bagong labas na aklat ng Summer Institute of Linguistics. At hindi siya maramot kung nais mong hiramin ang mga aklat niya (basta’t ibabalik lamang). Kahanga-hanga rin ang sigasig niya sa research. Noong associate dean siya, at nagkataong dumaan ako sa Dean’s Office, ipinakita niya sa akin ang isang kahoy na hugis phallus. Ginagamit daw ito sa ritwal ng Semana Santa kaugnay kay Hudas. Natatawa ang mga empleyada—o naeeskandalo—dahil hugis dildo ang kahoy. Sa isang klase, ipinakita rin niya ang mga picturena nakunan niya nang mag-field work siya sa isang kabundukan sa Mindanao. Hangang-hanga siya sa isang bundok, na nakita niya nang personal, na nabanggit sa epiko. Naalala kong sabi niya, “Iyan naman ang kaligayahan ng isang propesora.” Mababakas din sa kaniyang mukha ang galak noong ipinakita niya ang larawan ng kosmolohiya ng etnolingwistikong grupong Manobo sa anyo ng mga sanga ng kahoy. Sa mga simpleng mag-isip, sasabihing show and tell lamang ito. Pero ang kaniyang ipinapakita ay imbitasyon sa saya ng pananaliksik. Matalas ang kaniyang mata sa mga papel; maging ang paraan ng footnotes at endnotes ay binubusisi niya.

Pangatlong natutunan ko sa kaniya ay ang gamit ng humor sa pagsusulat. Sabi niya minsan sa akin, matapos basahin ang aking akda sa workshop, “Bakit ang lungkot ng sinulat mo? Wala naman iyan sa iyong personalidad. Hindi ka naman ganyan.” Gusto niya ng mga akdang pinapatawa siya. At ang huli, nagpayo siyang “huwag magmadali.” Marahil, sikreto namin ito sa isa’t isa. Kapwa siguro kami namamangha sa mga kapwa-guro sa departamento na kung maglabas ng libro ay 20 bawat taon. Linggo-linggo yata ay may launching. Nabanggit ko sa kaniya, “Ma’am, kailan ang susunod ninyong launching?” Sagot niya, “Hindi naman ako nagmamadali.” Nasundan pa iyan sa isang pag-uusap sa loob ng opisina sa departamento. Sabi niya, “Kapag namatay naman tayo, hindi naman maaalala ang dami ng mga libro.” Naalala ko minsan ang kaniyang kuwento na sampung taon siyang tumigil sa pagsusulat para magbasa at mag-aral. Ilang taon rin kaming naghintay na masundan ang kaniyang kuwentong “Demonyo” at ang aklat na “Herstory.” Para sa ilan siguro na nagmamadali, sobra naman ang sampung taong pagtigil sa pagsusulat. Dito ko natutunan na ang manunulat ay hindi naman talaga tumitigil kapag hindi siya nagsusulat o naglalathala. Bahagi ng pagsusulat ang pagbabasa, ang paglalakbay, ang pagkilala sa paligid, ang pagpapakalalim.

* * *
Matatapos na ang taon, ano ang aking nagawa sa 2005? Para naman akong gumagawa ng year-end report nito. Pero masayang balikan ang mga nagawa nitong taon. Kumbaga, pinapaniwala mo ang sarili mo na hindi ka nagsayang ng panahon. O naging maganda ang nakaraang taon at nawa’y lalo pang gumanda sa susunod pang panahon.

Naging battlecry ko sa 2005 ang paglalathala sa mga akademikong journal. Hindi naman ako nabigo sa misyong ito. Apat na artikulo ko ang nalathala at natanggap para malathala sa Diliman Review, Philippine Humanities Review, at sa bagong journal na Banwa. Humabol pa ang Daluyan, journal ng Sentro ng Wikang Filipino, na humiling sa akin ng artikulo. Hindi naman ako nahuli sa paglalathala nang malikhain. Nakapaglabas ako ng limang aklat pambata. Natapos ko na ang manuskrito ng 15 sanaysay na balak kong ibigay sa UP Press. Pero kailangan ko pa itong sinupin para hindi nakakahiya sa reader.

Natapos ko na ang compre exam at isang hakbang na lang para magkaroon ng diploma. Magiging doktor na ako. Minsan, kumatok sa aming faculty room si Rene Villanueva. Tanong niya sa akin, at kay Luna, “O, may doktor na ba dito?” Sagot ko’y “Malapit na akong magreseta ng paracetamol.” Minsan din naman, nabanggit ni Ma’am Chari, “Huwag na ninyong papagurin si Susan (aming sekretarya), buntis iyon. Baka mag-anak bigla.” Sagot naming pabiro ni Luna, “Ok lang `yun, dalawa naman kaming doktor.” Dapat sana’y isang blog entry ito tungkol sa kung doktor nga ba talaga ang isang may PhD. Lalo na sa lipunang Filipino na ang kinikilalang doktor ay ang mangagamot. Libo-libong biro at tawanan ang naririnig ko kaugnay sa mga taong may PhD sa Pilipinas. Pinakamaganda ay iyong isang PhD graduate na nilapitan ng isang inatake sa puso. Akala yata ay malalapatan siya ng lunas. Pinakahuling engkuwentro ko sa ganitong diskurso ay noong pagkaraan ng aking panayam sa ICW. Nakumbinsi ko si Ma’am LQS na maging adviser ko sa disertasyon, matapos ng mahabang pilitan. Nagkataong kasama sa pagtitipon si Dr. Luis Gatmaitan. Sabi ni Ma’am LQS, “O, siya ang kunin mong panelist.” Sagot naman ni Doc Luis, “Hindi naman ako PhD.” (Narinig kasi niya ang usapan namin ni LQS sa pagpili ng panelist na dapat ay may titulong Dr.). Sagot ni LQS, “Ikaw naman ang tunay na doktor.”

Nakapaglakbay naman ako ngayong taon. Unang beses kong narating ang Palawan. Napuntahan ko ang St. Paul Subterrenean River, na isang World Heritage Site. Pangalawang beses kong makapag-snorkelling (una’y sa Puerto Galera) sa mga isla sa Honda Bay. Unang beses kong nakapagpakain ng mga buhay na isda. Masarap ang pakiramdam na nilalapitan ka ng mga isda dahil sa dala mong pagkain para sa kanila.

Dalawang beses akong bumalik sa San Agustin Church and Museum at nakaakyat muli ng Baguio. Paboritong sinehan ang Eastwood Cinemas; naging masaya ang shopping at pamamasyal sa MetroWalk. Magandang karanasan din ang magpaluto ng ulam sa katabi lugar sa MetroWalk. Bigla tuloy akong naghanap ng sinigang na tanguinge at ginataang hipon.

Unang beses ko ring makaalis ng bansa. Nakapunta ako ng Hong Kong bilang regalo muli sa sarili. Hindi naman bansa, sabi sa akin ng isang kaibigan, ang Hong Kong. “Isa naman iyang shopping mall.” Pero winasak ko ang konseptong iyan. Totoong maraming tindahan sa Hong Kong pero hindi lamang ito shopping paradise. Nag-enjoy ako sa pagsakay sa tram paakyat ng Victoria Peak. O maglakad sa Avenue of Stars at nakita ang mga bakas ng palad nina Maggie Cheung at Jackie Chan. Kahit pa sabihing “cultural Chernobyl”, nag-enjoy ako sa Hong Kong Disneyland. Unang beses akong nakapanuod ng 3D na palabas. Aliw na aliw ako sa segment ng Beauty and the Beast na maaamoy ang champagne at ang pie sa loob ng sinehan. O ang pagkamangha na halos nasa harap ko si Donald Duck, Nemo, at si Aladdin. At ang walang-hanggang paglalakad hanggang sumakit ang paa sa kahabaan ng Nathan Road. At ang pagkagiliw sa pagsakay ng MTR nila at makahalubilo ang mga tao. O ang pamamakyaw ng DVD sa HMV. Pangako ko kasi sa sarili na hindi ako sasakay ng kanilang taxi, pero sa pagmamadaling makabili ng mga pasalubong, hindi ko maiwasan ito. Pero dalawang beses lang: pagpunta sa kanilang Night Market (dahil magsasara na pala) at sa muling hirit ng shopping sa Harbour City.

Taong 2005 ang taon yata ng pinakamarami akong nabasang aklat. Marahil, naka-study leave with pay ako kaya marami akong panahon para makapagbasa ng dapat at di-gaanong dapat basahin.Natapos ko nang basahin ang “aklat-na-babasahin-ko-bago-ako-mamatay”: “Hundred Years of Solitude” ni Gabriel Garcia Marquez. Walang iisang katangian ang mga pinagbabasa ko sa taong ito. Pinaghalo-halong nobelang pambata, nobelang Tagalog, kritisismo, folklore, fairytales, picture books, nobelang banyaga. Iba pang notable na nabasa ko sa taong ito: “Magyk” ni Angie Sage, “Harry Potter and the Order of Phoenix” at “Harry Potter and the Half-Blood Prince”, “The BFG” ni Roald Dahl, “Inkspell” ni Cornelia Funke, “How I Live Now” ni Meg Rosoff, “A Wizard of Earthsea” ni Ursula LeGuin,“Humadapnon” ni F. Landa Jocano, “Mondo Manila” ni Norman Wilwayco, “Kung Wala na ang Tag-araw” ni Rosari de Guzman-Lingat, “Annotated Classic Fairy Tales” ni Maria Tatar, “Einstein’s Dreams” ni Alan Lightman, “Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay” ni Isagani Cruz, “Paghuhunos” ni Ellen Sicat, “Maganda Pa ang Daigdig” ni Lazaro Francisco, “Maikling Kuwentong Tagalog” ni Teodoro Agoncillo, “Si Tatang at ang mga Himala ng Ating Panahon” ni Ricardo Lee, “Don’t Tell the Grown Ups” at “Boys and Girls Forever” ni Alison Lurie.

Hindi ko pa rin matapos-tapos ang "The Name of the Rose" ni Umberto Eco. Pero sana, sana ay matapos ko ito sa pagsasara ng taon.

Ito rin ang taong marami akong napanuod na pelikula, bagamat duda ako kung taon ito na pinakamarami akong napanuod. Mga notable na pelikulang napanuod: “Pagdadalaga ni Maximo Oliveros”, “Shutter”, "Dark Water", "Cinderella Man," “King Kong,” “Speak” “Born into Brothels”, “March of the Penguins”, "Bikini Open," “Harry Potter and the Goblet of Fire”, “The Way Home”, “Crash”, “A Very Long Engagement”, “My Sassy Girl”, “In Her Shoes”, “War of the Worlds”, “Wallace and Gromit”, “Closer”, “Bad Education” “Sea Inside”, “The Devil’s Arithmetic”, “Masahista”, “Fried Green Tomatoes,” “Birth”, “Curse of the Ring”, “The Machinist”, “The Innocents”, “A Series of Unfortunate Events,” “Labyrinth”, “Four Weddings and a Funeral”, “Fever Pitch”, “The Upside of Anger”, “Cain at Abel”, “Relasyon”, “Howl’s Moving Castle”, “Steam Boy”, “Chicken Run”, “Secret of Roan Inish”, “The Constant Gardener”, “The Chorus”, “Downfall,” “Clean”, at “Yentl”. Iyong mga nakalimutan ko, ibig sabihin, ay hindi lumagda sa aking gunita. Nakakahiyang aminin pero napanuod ko ang “Cujo” “Dominion,” “Guess Who’s Coming to Dinner” at “A Lot Like Love” sa DVD.

Dagdag pa sa napanuod ang first season ng "Desperate Housewives" at ang paminsan-minsang pagsilip sa bahay ni Kuya at paghabol sa PBB Uplate.

***
Nagpapasalamat ako sa UP Institute of Creative Writing dahil sa paggawad sa akin ng National Fellow for Fiction (Children's Literature). Ito ang nagpasaya sa akin sa taong 2005.

3 Comments:

Blogger ulanmaya said...

erm... u watched king kong, but not chronicles of narnia?! i'm shocked!

11:22 AM  
Blogger nasadulongdila said...

huwag kang ma-shock, ulanmaya. hindi pa palabas sa pilipinas ang "the lion, the witch, and the wardrobe." sa januray pa ipapalabas, dahil sa "king kong" na iyan na kinuha halos lahat ng sinehan at sa darating na metro manila film festival sa Pasko hanggang Bagong Taon. Nakita ko ang pirated copy ng Narnia; gusto kong bilihin pero pinigilan ko ang sarili ko.

Dagdag sa mga huling napanuod: "The Last Supper"--madaldal na pelikulang black comedy; nag-enjoy ako sa movie na ito pero very 90's ang concern ng mga chraracters.

11:14 PM  
Blogger eruannie said...

hindi mo yata isinama ang palanca prizes mo at ang launching ng iyong mg aklat pambata. anyway, naging masaya naman ta matagumpay ang 2005 mo. goodluck sa 2006!

10:35 PM  

Post a Comment

<< Home