Friday, September 23, 2005

"Barefoot in Fire: A World War II Childhood"


ni Barbara-Ann Gamboa Lewis
Pictures by Barbara Pollak
2005 Manila: Tahanan Books for Young Readers
208 pages





Matagal na akong hindi nakakabasa ng panitikang pambata, simula nang dinisiplina ko ang sarili para maghanda sa aking compre. May ginagawa akong papel tungkol sa pagsusulat ng kuwentong pambata, para sa isang pambansang kumperensiya nang mabighani akong basahin ang isang aklat na nabili ko sa Bookfair. Orihinal itong nalathala sa US, pero muling nilathala ng Tahanan. Mabuti na lang at lalong napalapit sa mambabasang Pilipino. Sa mga aklat pambatang tumatalakay sa ikalawang digmaang pandaigdig, ang "The Secret" ni Lin Acacio Flores pa lamang lubos kong hinangaan. Ang iba'y nagkulang sa detalye, sinseridad, at pananaliksik. Nagkataong ang mga akda ni Tita Lin Flores at ni Barbara-Ann Gamboa Lewis ay hinugot sa kanilang karanasan bilang mga batang nakasaksi sa digmaan. Ayaw ko namang sabihing ang mga mahuhusay na akda lamang ukol sa digma ay yaong nakaranas nito. Hindi naman awtentisidad ang habol sa pagbabasa. Pero, may malaking maitutulong sa sariling danas para maging kaiga-igayang basahin ang isang kuwentong historikal.

Hindi "Diary of Anne Frank" ang "Barefoot in Fire." Ibig sabihin, walang gaanong malalagim na pangyayari sa talambuhay ni Lewis; walang panggagahasa, walang grapikong larawan ng pagdurusa, walang masaker. Gayunpaman, ramdam sa kaniyang prosa ang pagkakait sa bata ng kaniyang pagkabata dulot ng digmaan--ang karapatang maglaro, magsaya, mag-aral, magkaroon ng sapat na serbisyo mula sa pamahalaan. Ang pinakamagandang sangkap ng aklat na ito ay ang paraan ng batang si Barbara na lagpasan ang hamon sa kanilang buhay.

Naipahayag niya ang mga mga problema at pagtugon dito sa paraang nakakatuwa. Kung sakaling may kabigatan ang pangyayari, hindi nagiging sentimental ang atake ng may-akda. Magaan ang pagkakasulat ng talambuhay at may pakiwari akong kinukuwentuhan ako ng sarili kong lola. Katangi-tangi rin ang aklat na ito dahil nahuli at nadakma ng manunulat ang mga pangyayari sa punto-de-bista ng isang bata. Kaytalas ng kaniyang gunita at nadetalye pa niya ang maririkit na yugto ng kaniyang kamusmusan. Maihahambing ko ang aklat na ito sa mga libro ng talambuhay ni Tomie dePaola ukol sa kaniyang pagkabata.

Ilan sa mga magagandang eksena, na nagpatingkad sa persona o tagapagsalaysay na bata, ay ang pagpili ng tauhan ng sariling pangalan, pagkakaroon ng alagang manok at pato, ang paglikas sa Maynila at ang pagtataka kung bakit umaangkas ang mga tao sa kanilang auto, ang paggamit niya ng sako bilang bag, pagbabantay ng bata ng sinampay, ang pagharang niya sa magnanakaw, paglalaro ng posporo, pagtugtog ng biyulin sa isang sundalong Hapon, pagtatapon niya ng alak ng ama, ang pagpila sa rasyon ng bigas at sardinas, ang pakikipagkaibigan sa sundalong Amerikano, ang paghingi ng sigarilyo at tsokolate, ang pagkakatakam sa cherry pie, pag-iimbento niya ng eroplano at pagkahumaling dito, ang bayani niyang gerilya, at ang pagbabakasyon matapos alagaan ang maysakit na ina.

Mainam na ipabasa ang ganitong uri ng aklat sa mga estudyante ng kasaysayan sa elementary at maging sa high school. Mas nagiging makatao at tao ang pagbabasa sa kasaysayan. Mas magiging makulay ang paglingon sa nakalipas. Kung lahat ganito ang paraan ng pagkakasulat ng mga textbook, marahil, maraming mag-aaral ang hindi aantukin sa klase. Sana'y magkaroon pa ng maraming aklat na tulad nito.

Huling Napanood:

"March of the Penguins"-Isang dokumentaryo ukol sa mga emperor penguins sa south pole. Sa hitsura, aakalaing isa itong produksiyon ng Discovery o National Geographic. Pero higit pa ito sa pagpapaliwanag sa buhay, reproduksiyon, asal, ata kapaligiran ng mga penguins. Mala-epiko ang kanilang kuwento para mabuhay at magbigay-buhay. Mula sa kanilang mating sa breeding ground, reversal ng sex roles, paghahanap ng pagkain, paglilimlim ng itlog, at ang pagsiyap ng inakay ay mapupulutan ng ideya ukol sa pagpapanatili ng buhay. Tulad ng dokumentaryong "Winged Migration", may mga eksena ditong sumasakal ng puso--ang aksidenteng pagkakahulog ng itlog sa niyebe, ang pagkakamatay ng inakay sa ginaw at gutom, ang mandaragit na seagull, at ang kamatayan ng magulang. Mahusay na testamento ang pelikula ukol sa pagpapatuloy ng buhay, anuman ang sitwasyon at pagkakataon.

"Dark Water"-Sa paglikha ng mood, mas mainam pa rin ang orihinal na bersiyong Hapones. Gayunpaman, mas naging malinaw ang kuwento ng bersiyong Hollywood. Ang kapuri-puri sa pelikulang ito ay ang pagkakanlong ng isang mensahe sa isang genre ng pelikula. Kapuri-puri rin ang pagkukuwento na hindi nambibigla, gumagamit ng labis na tunog, o gumagamit ng mga halimaw at engkanto. Sa halip, masining na ginamit ang katahimikan, ang mga espasyo, ang kalungkutan ng mga tauhan, ang pagkalula, ang mga phobia para likhain ang pelikula. Interesado tuloy akong mabasa kung paano ito isinulat bilang isang nobela.

Thursday, September 22, 2005

"Hinilawod: Adventures of Humadapnon"

Inawit ni Hugan-an
Ni-rekord at isinalin ni F. Landa Jocano
2000 Quezon City: PUNLAD Research House Inc.

Ang Hinilawod ay literal na nangangahulugang “tales from the mouth of the Halawod River” (Jocano 2000: 3) ay nirekord 50 taon na ang nakalipas. Isang bahagi lamang ito sa narekord na epiko na sinasabing isa sa pinakamahabang epiko sa Sulod, “mga grupo ng tao sa kabundukan ng Gitnang Panay” (1). Dagdag pa ni Jocano, hindi lamang ito isang piyesang pampanitikan kundi ibahagi ng ritwal pangrelihiyon ng mga Sulod. Kapansin-pansin sa pagbabasa ng teksto ang mga bahaging nagtataglay ng mga sagrado at bahagi ng kanilang ritwal sa panggagamot.

Binubuo ito ng 8340 na taludtod na may apat na episodyo o sugidanon: (1) pangayaw o paglalakbay, (2) tarangban o yungib, (3) bihag, at (4) pagbawi o muling pagkabuhay.

Nakatutulog si Buyong Humadapnon sa kaniyang duyan nang nagpakita sa kaniyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espirito. Sinabi ng dalawa na marapat nang hanapin ng datu ang kaniyang babaeng mapapangasawa, na kapantay niya ng uri. Ibig sabihin, anak-maharlika rin, may kapangyarihan, bulawan ang buhok, may alam sa panggagamot. Ang babae’y si Nagmalitong Yawa, anak nina Buyong Labaw Donggon at Uwa Matan-ayon.

Humiling si Humadapnon ng permiso sa magulang na maglakbay para hanapin ang kaniyang mapapangasawa. Sa tulong ng mag-anak, pinagsama-sama nila ang kanilang mga dugo mula sa daliri at nakalikha sila ng isang datung kapamilya na si Buyong Dumalapdap. Si Dumalapdap ang makakasama ni Humadapnon sa kaniyang adbentura, sakay ng ginintuang biday o barangay na pamana pa ng magulang sa binata.

Bilang preparasyon sa paglalakbay, dumaan muna si Buyong Dumalapdap sa pagsasanay. Anim ulit siyang sinibat ng kapatid at namatay. Muli naman siyang binibuhay hanggang sa sumapit ang ikapitong pagsibat at nakayanan ni Dumalapdap ang iwasan ang rumaragasang patalim na kasimbilis ng kidlat.

Sumulong na ang ginintuang biday ni Humadapnon. May ritwal muna bago ito isulong sa dagat: pinausukan ng kamanyang at dinasalan para sa maayos na paglalakbay. Pinaalalahanan ang binata ng kaniyang magulang na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban. May puwersa itong bumubura sa konsepto ng pinagmulan. Hindi naman natinag si Humadapnon. Hanggang sa narating nila ito at kaniyang narinig ang paanyaya ng yuta-yutang binukot. Napakaganda ng mga tinig. At nahalina ang binata. Pinigil naman siya ni Dumalapdap at laging pinapaalala na marapat nilang puntahan.

Ang Tarangban ay isla ng mga binukot (well-kept maidens). Sa una, ayaw pagbigyan ni Humadapnon ang paanyaya ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit ang binata at umibis ng kaniyang sinasakyan. Tinanggap niya ang inaalok na nganga ng binukot. Doo’y siya’y nakapagtalik sa yuta-yutang mga dalaga. Itinuring ng binata na kalaro at laruan lamang ang mga binukot. Inabot ng pitong taon ang pakikipagtalik niya ang mga binukot sa isla.

Nang natauhan si Humadapnon at nagtangkang umalis, nagsara ang yungib ng Tarangban. Naging bihag ang binata. Nagluksa naman si Dumalapdap sa kapalaran ng nilang magkapatid. Hindi sila nagtagumpay sa paghahanap ng tamang binibini at sa pagpapatnubay sa isa’t isa sa tama.

Bumalik sa kanilang tahanan si Dumalapdap. Ipinaalam niya ito sa kaniyang magulang. Nangako naman ang magulang na gagawin ang makakaya. Hindi nagtagumpay ang mag-anak. Nangako sila ng pabuyang kayamanan (para sa lalaking tagapagligtas) at kasal (para sa babae). Hindi nagtagumpay ang kalalakihan, gayundin ang mga dalagang babaylan. Nanangis sa harap ng Tarangban si Dumalapdap hanggang sa makaisip ang kaniyang mga kaibigang espiritong sina Duwindi, Taghuy, at Hangin na pakiusapan ang binibining talaga naman nilang pakay sa paglalakbay. Mangyari, siya lamang ang maaaring makapagligtas sa nakulong na binata dahil magkasinlakas sila. Sa paanyaya, pang-uudyok, at pananakot ng mga espirito, napapayag na rin si Nagmalitong Yawa. Una, sinabi nilang kapatid ang nakulong. Ngunit ipinagtapat nilang iyon ang binatang ang diwata ang pakay. Nagbalatkayo si Nagmalitong Yawa bilang lalaki (buyong, datu). Ang hindi lamang siya maitago ay ang kaniyang matamis na amoy ng isang binukot. Pagdating nila sa Tarangban, naakit muli ang mga binukot. Binuksan nila ang Tarangban sa galak na makakitang muli ng makisig na binata.

Bilang nagbabalat-kayong lalaki, nagsa-mandirigma si Buyong Sunmasakay. Pinaslang niyang lahat ng mga binukot sa isla, maging ang pinakapinunong si Lubay Hanginon ay kaniyang sinaksak. Tumambad naman si Humadapnon na naengkanto. Wala na ito sa kaniyang sarili. Sa tulong ni Buyong Sunmasakay at ng mga kaibigang espirito, ibinalik nila ang buhay (tubig buhat sa ikapitong antas ng langit) at katinuan ng nabihag na bayani. Hindi naman nagpakilala si Nagmalitong Yawa bilang tagapagligtas ng lalaki.

Sa pagbabasa ng epikong ito, muli kong napatunayan sa sarili na nagsisilbing panlipunang dokumento ito. Nagtataglay ito ng mga proseso sa panggagamot, proteksiyon sa malas, dasal sa mga espirito, at mga kaalamang-bayan tulad ng halamang-gamot at pamahiin ng kanilang pamayanan. Sisidlan din ang epiko ng kanilang mga salita. Nagmimistula itong diksiyonaryo at nagpapakita ng yaman ng kanilang bokabularyo at imahinasyon. Halimbawa, may iba’t ibang termino para sa katulong, datu, kalasag, biday. May enumerasyon din sila ng mga diwata, at ang family tree ng mga pangunahing tauhan sa epiko, na inuulit-ulit. May tiyak na ngalan ang mga kagamitan tulad ng agong, baul, at sibat, at ang kanilang mga dalong-dalong (spirit friends). Katangian din ng epikong ito ang paglalarawan ng kasuotan ng mandirigma, ang pagsasalaysay ng proseso ng ritwal-sayaw, at ang mga paghahanda para sa paglalakbay at pakikidigma.

Tulad ng iba pang panitikang-bayan sa anyong prosa, nasa naratibo ng pagkamalay o coming-of-age ang teksto. Ipinapakita rito ang pagkagulang ng isang bayani (Humadapnon) sa paghahanap ng mapapangasawa at ang adbentura sa bagong yugto ng buhay. Malinaw rin ang moral sa epiko: makinig sa payo ng magulang, huwag lilihis ng landas, at huwag magpapaakit sa tukso dahil ito ang magiging sanhi ng kabiguan.

Sunday, September 18, 2005

Sa Bayan ng mga Boksingero: Si Manny, Si FPJ at ang Cinderella Man

Ilang raw matapos ang pagwawagi ni Manny Pacquiao, pinanood ko ang “Cinderella Man.” Mainam naman ang pagganap ng mga artista at malinis ang pelikula, gayong masasabi kong wala itong hatid na bago. “Mahalaga ba ang maging bago?” itatanong siguro ng ilan. Hahaba ang usapan at malalayo tayo sa kuwento. Sa huli’y masasabi kong old-fashioned ang pelikula at nasa hulma ito ng mga pelikulang “Champ” at “Rocky” (moda ng nanlulupaypay-na-pero-hindi-pa-rin susuko).

Ngunit may hatid na ligaya ang panonood nito, tulad ng pagbabasa ng fairy tale, dahil sa huli’y naparurusahan ang masama at nagagantimpalaan ang mabuti. Nagbibigay ito ng pag-asa dahil nakagaganti ang inaaapi, nagiging bayani ang maliit. Isang spoiler: kuwentong Cinderella ang “Cinderella Man.” Dahil dito, nagkakaroon ng halaga ang mga hulma, ang mga pormula sa kuwento tungo sa pagpapakalma ng ating nababagabag na damdamin. Lalo na sa mga panahon ng ligalig.

Isang biyaya ang pagwawagi ni Manny sa gitna ng pagbasura sa impeachment, sa tumataas na presyo ng bilihin, sa panlulumo ng mga Pilipino sa kanilang abang kalagayan. Biyaya dahil mula sa kahirapan, sigurado na ang kaniyang maalwang kinabukasan. Nakita ko sa telebisyon, may maayos na silang mga tahanan at may naipundar nang mga sasakyan. Kinatawan ni Manny ang pangarap ng bawat Pilipino. Nakita ng karamihan sa mga Pilipino ang kanilang sarili at ang kanilang lahi sa isang boksingero—maaari kang malupig at matalo, pero sa pagsisikap, lalaban kang muli at babangon. Sa isang banda, ang laban at pagkapanalo ni Manny, ay magsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino. Ang buhay sa boxing ay isang malaking talinghaga ng buhay ng mga Pilipino. Kaya nga ang mga boksingero at boksingero-sa-telon ay nagiging bayani sa aking bansa.

Nagunita ko:

...Ang ingay at ang wala sa sariling paggalaw ng aking ama habang nanunuood siya ng boxing sa telebisyon. Suntok sa hangin, pagtigas ng kamao, at ang pagpapakawala ng hiyaw. Tila siya coach sa labang iyon.

...Ang aking pagkabata, kasama ng aking pinsan, na nagprapraktis sumuntok sa puno ng saging. Ang mga payo na huwag maunang sumuntok. Kapag nasuntok (below the belt), suntukin nang suntukin ang kalaban.

...Ang pelikula ni FPJ. (Tila laro ng kapalaran ang kaniyang programa sa telebisyon noon na FPJ sa GMA.) Nakikisimpatya ako kay Fernando Poe Jr. na hindi sumusuko sa suntukan gayong hinag-hina na siya sa bugbog. Lagi’y hinihintay ko ang mala-Popeye na transpormasyon: magiging malakas muli siya sa gitna ng laban at ipamamalas niya ang sunod-sunod na suntok sa sikmura ng kalaban. Modernong bayani siya ng epiko. At hindi siya mamamatay. Babangon siya at muli haharapin ang hamon.

...Humihinto ang mga sandali ng aking kababayan kapag may tagisan ng suntukan. May laban nga si Pacquiao na nagpaantala sa mga kamay ng kriminal. Nakatutok ang karamihan sa laban ni Onyok sa Atlanta Olympics. Nakatunghay ang aking mga kababayan para bantayan kung ang sariling bayani ay dinaraya. Kaya nga matatandaang noong natalo si Onyok, galit na galit ang mga Pilipino at sinasabing “nadaya tayo” o “ninakawan tayo ng medalya.”

...Hindi ititigil ang laban pabor sa impeachment ng Pangulo. Habang “buhay” ang gunita kay FPJ, tuloy ang pakikibaka.

...Bagong bayani si Manny. Bayani siya ng panahong ito para sa mga Pilipinong nanggigipuspos. “Mga pagsubok lamang iyan/ Huwag mong itigil ang laban,” kanta nga ni Kitchie Nadal, isang revival, bilang pampatibay-loob kay Manny at sa lipunan. Sabi pa sa karatula sa lansangan, “Manny, bayani ka.” At nakabalandra ang watawat ng bansa sa karatula.

...Pinag-aagawan na ang pagkabayani ni Manny. Bayani siya ng masa. Pero bayani rin siya ng administrasyon. Inaagaw ang bisa ng kaniyang tagumpay. Bayani siya para “mapatahimik” ang bansa sa gitna ng sigalot. Dati’y ginamit siyang endorser laban sa droga at krimen. Ngayo’y taga-endorso at tagahatid ng konsolasyon sa mga dinaya at nadaya sa dakilang pagsasaliksik ng katotohanan.

Nabahiran na nga ng hiwaga ang bansa. Nagsasalikop ang fairy tale, kasaysayan, kasalukuyan, at epiko sa iisang pagkakataon. Ang tunggalian ng boksingero ay pakikitunggali ng lipunan sa mga yugto ng kasaysayan. Agimat sa naglulupasay na mithiin ang bawat mistikal na suntok. Ang bansa at ang boksingero ay nagiging isa. Pambansang trahedya ang pagkatalo at pandaraya, ngunit nagiging alamat ang isang pagbangon.

Saturday, September 17, 2005

"America is in the Heart": Talambuhay sa Anyo ng Nobela

Sinabi ko noon, naka-quota na ako sa mga libro at pelikulang pumapaksa sa racism, hate crimes, white supremacy, at discrimination dala ng kulay ng balat. Sa mga aklat pambata, tinalakay na ito ng “Number the Stars,” “Esperanza Rising,” “Monster,” “A Step from Heaven,” “Kira-kira,” “Milkweed,” “Letters from Rifka.” Sa mga pelikulang napanuod ko, tinalakay ang magkakasalikop na paksa ng racism, digma, at karahasan sa “American History X,” “Anne Frank,” “In America,” “Life is Beautiful,” “Angela’s Ashes,” “Schindler’s List,” “Monster’s Ball,” “Far from Heaven,” “The Color Purple,” “Pianist,” “Devil’s Arithmetic,” “Snow Falling on Cedars,” “Lesson Before Dying,” at siyempre, ang “To Kill a Mockingbird.” Gayong unibersal ang himig ng mga aklat at pelikula, naiuugnay ko pa nga sa tradisyong pampanitikan ng Pilipinas ukol sa kolonyalismo at piyudalismo, pumapasok sa aking isipan na napakabanyaga ng punto-de-bista—kailangang itindig ang dignidad ng mga Hudyo, dapat ipagmalaki ang lahing Afrikano, dapat tutulan ang karahasan dala ng relihiyon, may pag-asa pa sa mga Latinong naging magsasaka lamang. Wala namang masama sa ganitong mga naratibo, pero naiisip kong sana’y makatagpo ako ng aklat na tinatalakay ito nang may Pilipinong sensibilidad.

Laking pasasalamat ko nang nabasa ko ang “America is in The Heart” ni Carlos Bulosan. Sa aklat na ito, mas naging realistiko ang mga aklat at pelikulang natunghayan ko. Hindi na hindi ako naapektuhan ng mga nakaraang teksto, ngunit, nagsa-patotoo ang akda ni Bulosan ang mga popular na paksaing may kabuluhan at panlipunang kabatiran sa Estados Unidos. Mas naging totoo ang kasaysayang tiningnan ko dati bilang “banyagang kasaysayan” lamang. Nag-ambag din si Bulosan ng tinig sa ganitong naratibo sa Amerika at sa daigdig; nakapaggiit ng kasaysayang hindi nailalahok sa kinamihasnang aklat ng kasaysayan.

Bunga na ring madalas akong makabasa ng ganitong naratibo, naging madali at mabilis sa akin ang pagbabasa ng teksto. Dagdag pa rito ang magaan na estilo ni Bulosan sa kaniyang paggunita. Kapuri-puri ang talas ng kaniyang gunita at ang pagbabalangkas niya ng mga alaala. Natatandaan pa niya ang mga makabuluhang dialogo sa iba’t iabng personahe at ang maiigting na pangyayari sa kaniyang buhay. Pinagtiyap na talambuhay at nobela ang aklat. Muli, kapuri-puri ito dahil hindi nagpakahon ang manunulat sa kumbensiyon ng alinmang anyo, lalo pa sa kaniyang panahon. Hitik ang kaniyang aklat sa mga aralin ukol sa: karapatan ng mga Pilipino sa pagkamamamayan (citizenship) sa Amerika, proteksiyon sa karahasan ng mga puti, pagkakaisa ng mga manggagawa laban sa pasismo, pagkapantay-pantay ng mga mamamayan anumang lahi at uri nagmula, karapatan sa pagtatayo ng mga manggagawa ng unyon at pagpupulong, karapatang magsama ang puti at iba pang lahi, kalayaan laban sa diskriminasyon. Hindi naman lumalabas na lantarang propaganda ang aklat. Dahil sa masining na pagsasalaysay ni Bulosan sa kaniyang buhay, hindi naging tahasan, gayong batid kong layon rin niya ito, ang magsilbing giya at aral ang aklat sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino sa Estados Unidos.

Hindi ko hinayaan ang sarili na magtala habang nagbabasa. Wala akong kuwadernong kaharap. Mahirap ibuod ang aklat. Paano mo nga naman maibubuod ang isang buhay na hitik na hitik at makabuluhan? Naisip ko rin, ito kaya ang batayan para maging karapat-dapat ang isang taong magsulat ng sariling tala ng buhay?

Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang ilang mga pangyayaring sa buhay ni Allos: ang matandang mahirap na inilublob ang kaniyang kamay sa banga ng bagoong, ang matapobreng babae na sinipa ang paninda ng kaniyang ina at ang paghingi pa ng tawad ng huli, ang ritwal pagkaraan ng kasal na nararapat magpakita ng senyal kung birhen ang napangasawa, ang tuwa ni Carlos nang malaman niyang nakapagsusulat siya sa Ingles, ang pakikipagkaibigan niya sa isang puti na nagputa para siya mabigyan ng bagong pagkakataon, ang desperasyon ng mga Pilipino at Mehikano sa bulok na siyudad, ang pagbabasa niya habang nakaratay dulot ng tuberkulosis, ang pagkakalathala ng kaniyang unang aklat ng mga tula, at ang pagiging edukador sa kapwa manggagawa at magsasaka.

Karapat-dapat itong basahin. Isang kontribusyon, marahil, ng aklat ay hindi pagkakatapilok nito sa bitag na “paraiso,” “sanktuwaryo” at “lupain ng pangako” ang Estados Unidos. Totoo, tumakas si Carlos sa Pilipinas sa akala niyang may pangako ang Amerika. Kabaligtaran ng karamihan ang naratibo niya: may mga panlipunang kanser din dito na nangangailangan ng kritikal na isipan at radikal na pagkilos. Hindi ako naniniwala sa isang puna na “luma” na ang aklat na ito at hindi na dapat isama sa listahan ng mga importanteng teksto. Dahil kung magkagayon, para na ring isinantabi ang mga tala sa kasaysayan, o para na ring isinawalambahala ang tinig ng isang Pilipinong naglalayong gawing tunay na demokratiko, malaya, masagana, at payapa ang bagong lupain ng pangako.

Tuesday, September 13, 2005

"Silang Nagigising sa Madaling-Araw"

“Silang Nagigising sa Madaling-Araw”
ni Constante C. Casabar
Salin sa Filipino ni Reynaldo Duque
Quezon City: Ateneo de Manila University Press
281 pp. (tekstong Filipino lamang)

Tulad ng tauhang si Victor sa “Tundo Man May Langit Din,” matalino at kritikal na mag-aaral si Salvador sa nobelang Iloko ni Casabar. Napapansin kong paboritong paksain ng mga nobelista ang matalas na kabataang lalaki na nahaharap sa mga panlipunang pagsubok. Itinatayo pa lamang ang planta (pagawaan ng tela), mariin na itong tinututulan ni Salvador. Aniya, matatali lamang ang mga anak-pawis sa plantang ito. Tingin niya’y halimaw ito, sa halip na makatulong sa kanilang bayang Guilang. Nagkataong naaksidente ang kaniyang lolo. Wala silang pambayad sa doktor, kaya napilitang mangutang kay Apo Julian Manoto. Bilang kabayaran, marapat na magtrabaho si Salvador sa planta. Tiim-bagang na tinanggap ng kabataan ang kapalarang ito, gayong batid niya ang pandaraya sa kaniya ng mayamang nagpautang.

Dahil may kritikal na mata ang bida, napapansin niya ang katiwaliang moral at panlipunan sa kaniyang bayan—ang di matapos-tapos na rehabilitasyon ng bayan dulot ng digma, ang karumhan ng paligid dulot ng mga hayop, ang mga pangako ng alkalde na hindi natutupad, ang korupsiyon ng mga alagad ng munisipyo sa mga manininda, ang laganap na kriminalidad, ang mga insidente ng nakawan ng alagang hayop, ang mga pagpatay sa gabi, at ang kabataan ng Sabangan bilang “alipin ng dagat.”

May bagong iniaalay ang nobelang ito sa mga mambabasa, Una, tinalakay nito ang aspeto ng lipunan sa tabing-dagat, na hindi gaanong tinatalakay sa panitikang Filipino. Pangalawa, gayong nasa tradisyon ang nobelang ito ni Casabar sa panlipunang realismo, hindi istiryitipo ang kaniyang mga tauhan. Halimbawa, hindi perpektong bida si Salvador—hindi ito diyos na kayang pigilan ang sarili sa pre-marital sex, naaakit pa rin sa ibang babae (Onong) kahit may kasintahan, at nabubuyo ng kaniyang asawang tumiwalag sa kilusan. Tao at natural siya kung kumilos. Pangatlo, gayong may layon ang nobela na maging kritisismo sa lipunan at kulturang Iloko, hindi ito gumagamit ng mga islogan o ng mga pahayag na lumaganap sa kuwentong Tagalog noong 1960’s at 1970s. Hindi lantaran ang pamomolitika sa akda. Gayundin, hindi lantaran ang pagiging komersiyal ng nobela. Kahit tukuyin pa ang kuwento ng pag-iibigan nina Salvador at Emerita at ang langit at lupang agwat nila. Natukoy ni Noemi U. Rosal, sa kaniyang introduksiyon, ang mga tradisyonal na panlasang pampanitikan ng mga Iloko na matatagpuan sa nobela: “romantikong pag-iibigan, matinding paglalarawan ng kulturang Ilokano, mahiganting katarungan o “poetic justice,” at malinaw na mensahe.” Sa natukoy ni Rosal, kapuna-puna ang paggamit ni Casabar ng mga pamahiin (tunog ng kuwago, ritwal sa pagtukoy ng mapapangasawa), heograpiya, at mga detalye ng hayop, pagkain, halaman na nagpatingkad sa kultura sa akda. Inilarawan din dito ang tunggalian ng taga-nayon/tabing-dagat at ng taga-bayan (halimbawa’y inismiran ng isang binata ang babae at ibinulong na “nakatira lamang sa gilid ng bundok ang dalaga”).

Maraming lebel ang pagkagising sa madaling-araw sa nobela. Maaaring tukuyin dito ang madaling-araw na pamamalakaya para may maibentang isda ang mga taga-Sabangan sa bayan. Maaaring tinutukoy nito ang krimen na nagaganap kapag nakalambong na ang dilim: ang pambubugbog, ang pagnanakaw ng mga baka at kalabaw, ang pagmamanman. Maaaring tukuyin dito ang mga pamamaslang sa mga inosenteng nilalang, Maaaring ring radikal ang simbolo: nagkakabuo ng kilusan ng mga manggagawa sa planta laban sa mga mapang-abusong mayayaman/ usurera tulad ni Apo Julian Manoto.

Dahil sa ito’y nobelang naiserye sa "Bannawag" ("Liwayway" ng mga Iloko), kapuna-puna ang kompromisong pinagdaanan ng akda. Natapos ang nobela na hindi malinaw kung lumaya nga bang tuluyan ang mga manggagawa sa planta. Hindi malinaw kung naipagpatuloy pa ang kilusan ng mga manggagawa. Nalinis na bang tuluyan ang katiwalian sa Guilang, sa pagkamatay ni Apo Julian? Sa halip, nabigay-tuon ang nobelista sa pagsasama ng dalawang pamilya, ang pagpapatawad ng pamilya Buligo kay Salvador, ang pananaig ng pamilya kaysa impluwensiya ng tiwali, ang pagbabalik-loob ni Julian Buligo sa matwid, at ang paghahanap ng dalawang pamilya ng bagong kapalaran sa ibang lupain sa Cagayan.

Saturday, September 10, 2005

Mga Huling Nabasa't Napanood

Mga Nabili sa Manila Bookfair:

1. "Manik Buangsi" ni Virgilio S. Almario-malungkot na kuwento ng pag-iibigan nina Manik Buangsi, prinsipe ng langit, at ni Tuan Putli, bunso sa pitong magkakapatid ng sultan. Mainam ang kuwentong ito para ipakilala sa mga batang mambabasa ang mga elemento ng salamangka buhat sa panitikang-bayan ng mga Samal. Malulugod ang mga bata sa mahika tulad ng pagsasanyong prutas ni Manik Buangsi para makapiling ang prinsesa, ang puting kabayo na magdadala sa mag-asawa sa langit, mga halamang may matatalas na dahon, at ang tulay na bahaghari patungong kalangitan.

2. "The Love of Lam-ang" ni Virgilio S. Almario-retelling ng popular na epikong-bayan ng mga Iloko. Tulad ng Manik Buangsi, kuwento ito ng pag-iibigan. Tama ang sinabi ni Damiana Eugenio na karamihan sa mga epiko sa Pilipinas ay tungkol sa paghahanap ng bayani ng papakasalang asawa. Kompleto ang aklat na ito ng mga anda o narrative functions ng isang epiko (batay sa pag-aaral ni Isagani Cruz: nakalaban ni Lam-ang si Sumarang na may matang kasing laki ng pinggan, lumisan ng kaniyang bayang Nalbuan si Lam-ang para ligawan at pakasalan si Ines Kannoyan, may mahiwagang alagang hayop si Lam-ang tulad ng katyaw at aso na magpamalas ng salamangka sa nililigawan, ikinasal ang bayani at ang pinakamagandang binibini ng Kalanutian.) Kamangha-mangha rin ang ilang eksena tulad ng namatay ang mga lamang-ilog nang maligo sa ilog si Lam-ang, ang pagpaslang ni Lam-ang sabuwaya ng Amburayan, at ang pagtitipon ng mga ngipin nito para ialay sa mga kaibigan na magsisilbing anting-anting. Dahil pambata ang aklat, may mga eksenang mararahas ang di inilahok ng awtor. Nilinis din niya ang mga eksenang pagpaslang ni Lam-ang sa mga mandirigmang Igorot.

3. "The Yellow Paperclip with Bright Purple Spots" ni Nikki Dy-Liacco- Isang marikit na kuwento sa paglalakbay ng tila ordinaryong kagamitan. May munting adbentura sa aklat na ito na tiyak akong magugustuhan ng mga bata. Mainam din ang pagkakagamit ng repetition sa aklat at may potensiyal bilang teksto sa mga storytelling.

4. "The Mythology Class" (Special Collected Edition) ni Arnold Arre-Sa wakas, nagkaroon na rin ako ng kopya nito. Masarap basahin dahil sa paggamit ng mga popular na elemento ng kuwento: mga piling mag-aaral na binigyan ng hamon at misyon para lipunin ang mga engkanto sa ating daigdig. Mainam na dagdag sa Young Adult Literature. Gusto kong tawaging YA ito dahil muli, taglay nito ang mga poetika ng ganuong literatura, kahit pa sabihing nasa kolehiyo na ang mga tauhan. Masayang basahin dahil pamilyar sa akin ang mga lunan sa graphic novel na ito: ang AS, Sunken Garden, Quezon Hall, Krus na Ligas, atbp. Bukod pa sa mga lunan, nakatutuwa rin ang pagkakagamit sa mga tauhang mitolohikal mula sa panitikang-bayan ng bansa: Bantugan, Lam-ang, mga kapre, tikbalang, aswang, tianak, at hahaba pa ang listahan. Kapuri-puri ang pagtatangka sa pagsasakontemporaryo ng tauhang mitolohikal. Hindi naging isyu sa akin kung awtentiko pa o hindi ang pagkakagamit sa mga tauhang ito. Kung magiging istrikto ako, may matutukoy akong mga pagkakamali. Pero palalagpasin ko. Hindi naman nagpapanggap na retelling ang aklat na ito.

Huling Napanood:
1. "Red Eye"-magandang halimbawa ng maganda ang trailer pero pangit na pelikula. Pangit dahil hindi nito tinupad ang ekspektasyon. Sayang ang oras; nanuod na lang sana ako ng CSI.

2. "Brothers Grimm"-Magandang sinematograpiya, nakatutuwang dialogo at mga sitwasyon, suwabeng paglalahok ng mga klasikong fairytales (kahit nakapipikon ang nasa likod kong annotate nang annotate). Magandang ideya sa pelikula ang pagtatampok sa mga storyteller-mangangatha mula tagapaglinlang tungo sa pagiging tagapagligtas sa isang engkantadong bayan.
3. "Sky High"-kung fan ka ng Harry Potter fan, madidismaya ka sa pelikulang ito. Lahat ng elemento ng HP ay kinuha ng pelikulang ito: mahiwagang school bus (Hogwarts Express?), espesyal na paaralan (Hogwarts?), pagpili kung sino ang magiging Hero at Sidekick (Sorting Hat?), tunggalian ang klase ng mga Heroes at Sidekicks (Gryfinddor vs. Slytherin?). Gayunpaman, matatawa ako dahil ang HP ay malapit nang maging archetype sa pandaigdigang literatura kung madaragdagan pa ng mga pelikulang sumusunod sa istruktura nito.

Tuesday, September 06, 2005

Promotion Blues

Ginulantang kaming mga kaguruan sa UP Dept. of Filipino ng isang memo:
1. i-update ang curriculum vitae
2. basahin ng guidelines for merit promotion
3. ayusin bawat taon ang mga publikasyon, awards, lectures
4. bilangin ang mga nagawa, bawat semestre, bawat taon
5. sumahin lahat nang nagawa
6. sa tulong ng calculator, alamin kung karapat-dapat kang i-promote ngayong taon

Tila patak ng ambon ang memo na ito. Himala. May promotion sa UP! Totoo ang himala. May memo.

Hilong talilong kami. Gusto naming ma-promote. Taong 2000 pa yata nang huli kaming maambunan ng grasya ng National Budget. Tumaas ang presyo ng langis at ng mga bilihin. Ang labandera namin, humihingi ng umento. Mabuti pa siya, may karapatang magreklamo. Kesyo, tumaas na ang bayad sa kuryente, tubig, at sabon. Kaming mga kaguruan, nananatiling tahimik, naghihintay ng biyaya mula sa gobyerno.

Linggo pa lamang, nagtext na ako sa kaibigang guro. "Gagawin mo ba?" text ko. "Dapat!" sabi niya. Kaya, sa pagitan ng malalakas na kulog at nakahihindik na kidlat, isinaayos ko ang aking curriculum vitae. Baka may nalimutan akong tula o kuwento na nalathala. Kailan kaya ako nagsalita sa mga eskuwelahan sa Angono? Ano ba ang aking nagawang serbisyo sa unibersidad? May committee work ba ako? Saan ba akong naging delegado sa mga kumperensiya? Sa mga panahong iyon, gusto kong tawagin si Garci para dagdagan niya ng puntos ang aking merit promotion form.

Lunes ng umaga, nagtagpo kami ni Bb. E sa bangko. Sabi ko, "nagbilang ka na?"

Sagot niya, "Kailangan ba?"

Naisip ko, hindi trabaho ng bawat guro ang magbilang ng kanilang ginawa. Trabaho ito ng HRDO. Trabaho ito ng APC (Academic Personnel Committee). "Bakit sa atin ipinapagawa?" bigla kong nasabi. "Para naman tayong humihingi ng limos. Paano kung mandaya tayo? Uso kaya ang dagdag bawas."

Hello, Garci! Saka kami nagtawanan sa aming kalunos-lunos na kalagayan.

Pagdating sa Faculty Center, katawa-tawang nakaharap sa kanilang mga laptop at computer ang mga guro. Sige, revise ng resume. Sige, mag-cut and paste ng mga datos. Sige, magtanong kung saan nalathala ang kanilang tula. Sige, kalkalin ang Faculty Service Record. Holiday sa pagtuturo. Masasaya naman ang estudyante. Wala silang pasok. (Para hindi halata, mas magandang pakinggan na "reading day" o "library work" ngayon.)

Nasaan sina Sir at Ma'am?

Nakakahiya. Paano kung silipin kami ng mga estudyante? Para kaming nagbibilang ng mga boto para sa aming sarili. Kami namang mga guro sa arte at literatura ay mahihina sa numero. Bakit may hawak na calculator si Sir, susukatin kaya niya ang mga pantig sa bawat taludtod ng tula?

Mabuti sana kung may susukatin. Sa mga narinig ko, kulang ang pondo para sa promotion ngayon. Sa isip ko, "bakit may call for promotions?" Nakakapanghina ng loob.

Sabi nila, kaya nga kaunting steps lang ang maibibigay. Maximum na ang three steps. Diyos ko, ilang taon na ba akong Assistant Professor I? Nagpalit na ang mga modelo ng cellphone, iyon pa rin ang aking ranggo. Ni hindi pa ako napro-promote dahil sa aking merit. Hindi naman ako deadwood (driftwood, sabi ng ilan). Sineryoso ko naman ang publish or perish. Magtatapos na ako ng PhD. Naglagalag naman ako para magdeliver ng mga lectures. Nagkakalibro naman ako. Nasasaantolohiya rin naman.

Sa madaling sabi, kaming mga guro sa isang national at state university ay mag-aagawan sa mga mumo at butil. Mag-aaway-away ang mga guro para tumaas kahit isang hakbang sa kanilang kalunos-lunos na ranggo. Nagtanong si Prop. W, "Magkano ba ang itataas ng aking suweldo kapag napromote ako ng isang step?"

"90 pesos!"

Gusto kong magmura.

Naiinggit ako kina Prop. JCR na deadma sa pagbibilang. Gusto ko sanang gawin iyon: "BAKIT BA AKO MAGBIBILANG? KAYO ANG MAGBILANG! KUNG IPROPROMOTE, IPROMOTE. KUNG HINDI, DI HUWAG!"

Pero alam kong hindi ko magagawa iyon. Kasalanan ko sa sarili ang pabayaan ang pagbibilang. Baka ako pa ang kanilang sisihin kapag nagreklamo akong hindi ako umaangat sa posisyon.

Gusto kong gawin ang mga sumusunod:
1. Ma-eenrol na ako ng Nursing o Caregiving
2. Lilipat ako ng unibersidad na may mataas na sahod
3. Magti-TNT na ako
4. Isusuko ko na ang aking citizenship. Hello, New Zealand! Hello, Canada!
5. Magtitinda ako ng cellcard at load sa harap ng FC (dagdag kita)
6. Sasali ako sa Game Ka Na Ba? o sa Laban o Bawi sa Eat Bulaga!
7. Mag-aaply akong factory worker sa Taiwan

Bakit hindi? Magandang materyal sa pagsusulat ang bagong mundo.

Hindi naman sa mukha kaming pera. Noong pumasok ako sa UP, sabi sa akin ng nag-interview, habang nakatingin sa aking resume, "Maliit ang suweldo dito ha!"

Noo'y idealistiko pa ako. Gusto kong magbayad-utang sa Unibersidad. Dito ako nag-aral mula elementarya hanggang PhD. Gusto kong tumulong sa ikauunlad ng iskolar ng bayan.

Pero mahalaga pa rin ang pera. Kahit papaano. Kahit kakaunti. Basta sapat. Basta hindi magiging kaawa-awa ang mga faculty ng UP.

Humihingi ng umento ang aking labandera. Gusto ko muling magmura.

Sana, sa lalong madaling panahon, matutunan kong maglaba ng sariling pantalon at kamiseta.

"Literatura" Online Magazine: Palanca 2005 Issue

Pagkatapos ng isang kalunus-lunos na Lunes, ginulantang ako ng sorpresa. Nalathala online ang dalawang akda ko sa "Literatura" magazine ni Ian Casocot. Salamat, Ian. Maraming maraming salamat. Kahit papaano, guminhawa ang pasok ng bagong linggo sa akin. Ito lang naman ang kaligayahan ang nagdarahop na guro at manunulat--ang malathala, ang mabasa, ang makilala.

Salamat din kay Ana M. sa pagpapadala ng aking mga larawan, para sa "Literatura." Pati kay Zarah sa pagtatanong kung may publisher na ang aking nanalong kuwentong pambata. Babalitaan agad kita kung may decision na ang isang publisher.

Para sa mga interesadong mabasa ang aking mga akdang nanalo sa Palanca 2005, "Segunda Mano" (3rd Prize, Sanaysay sa Filipino) at "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga" (1st Prize, Maikling Kuwentong Pambata), sundan ang link na ito: http://www.geocities.com/phil_literatura/literatura10

Friday, September 02, 2005

Ang Lirikal at Malumanay na Prosa ni Aling Bebang


"Maiikling Katha" ni Genoveva Edroza Matute (1996)
Quezon City: University of the Philippines Press
201 pp.

Ang Mga Kuwento:

”Kuwento ni Mabuti”-tungkol sa tahimik na pagkakaibigan at pagkatuklas ng bata sa kaniyang guro sa panitikan; kapwa nila natuklasan ang silid na kanilang iniiyakan o iiyakan; pagdakila ang kuwento sa kagandahan ng buhay kahit may taglay na kalungkutan at pagkabigo. Isang puna ko sa kuwento’y himig-matanda kung magsalita at magmuni ang batang tauhan sa kuwento.

”Pagbabalik”-Ipinagkanulo ni Roman si Basiliong manliligalig sa militar dahil sa pabuyang 80,000, gayong magkaibigan sila mulang pagkabata. Nagpakamatay si Roman dahil inuusig siya ng gunita at konsensiya; ”ibinalik” niya ang salaping pabuya sa maybahay ni Basilio

”Paglalayag sa Puso ng Isang Bata”-naging “guro” ng guro ang isang batang alila at ulila; nagging masipag at matulungin ang bata sa guro pero napagsabihan ito ng masama ng guro. Tinuruan ng bata ang guro ng pagpapakumbaba, pagpapatawad, at ng kariktan ng kaluluwa.

”Pagbabago”-Halos sikolohikal na kuwento ng isang matandang dalaga na nagme-menopause, na napalapit ang loob at puso sa pagkaina at sa sanggol ng isang kapitbahay

”Mga Guho”-tungkol sa isang prostituta, na nananahanan sa mga guho ng Intramuros; maraming ibig ipakahulugan ang salitang ”guho” sa kuwento. Ulila sa ama si Ros at laging hinihingian ng entrega ng kaniyang padrasto. Pinigil niya ang maging kabit ni del Prado dahil sa palagiang paggunita sa imahe ng lalaki sa buwan.

”Lola”-ukol sa matandang mayamang nananahanan sa ospital at humiling ng anak na aampunin dahil mag-isa na lamang siya sa buhay

”Parusa”-Nasa hulma ng love triangle: Big Boss (tiwaling pinuno ng unyon at unang asawa ni Neneng), Ventura (manggagawa sa ilalim ni Big Boss at asawa ni Neneng), at Neneng. Tinalakay din sa kuwento ang katiwaliang nagaganap sa pagpapasahod sa mga manggagawa—ang panloloko at pagkakaltas sa kanilang suweldo. Umuutang si Ventura kay Big Boss; hindi siya pinagbigyan. Malubha raw ang sakit ng panganay ni Neneng. Namatay ang bata. Iyon pala, anak ni Big Boss ang yumaong bata.

“Walong Taong Gulang” (wala ito sa antolohiya pero sinikap ko ring basahin)-Halos kahalintulad ng “Paglalayad sa Puso ng Isang Bata” ang tono at paraan ng pagkukuwento. Uko sa isang mapag-isa, mahirap, lampang mag-aaral sa punto-de-bista ng isang guro. Lagi’y napapansin niyang mahinang kumilos ang bata. Sa huli’y matutuklasan ng guro ang dahilan ng kahirapan at malnutrisyon ng bata. Hindi ito tuwirang sinabi ng kuwentista. Itinatago niya ang mga detalye; o putol-putol ang mga impormasyon para mapanatili ang misteryo.

“Marahil sa Ibang Pamumulaklak”-alaalang patuloy na dumadaloy kay Tio Martin dahil sa mga nagsasayaw na dahon. Nagunita niya ang pagkabata nila ng kapatid na si Adela at ang pagkakamatay nito sa aksidente. Napunta kay Tio Martin ang responsibilidad sa pag-aalaga ng tatlong pamangkin. Masakit ang wakas ng kuwento dahil di siya isinama sa plano ng tatlong inalagaan sa kanilang pagkagulang.

“Sa Bawat Sawing Pag-asa”- gumamit ng teknik na tagong identidad; anak pala ni Dr. Manalastas na mayaman ang isang labanderang hindi inasikaso ng mga nars at katuwang sa klinika

“Ate”- sa punto de bista ng nakababatang kapatid, nawasak ang kaniyang ideyal na pagtingin sa ate na nagtungo sa siyudad at naging “kabit” ng kanilang Tata Tonio

“Hakbang sa Kalawakan”-paggunita ng sundalo sa minumutyang bayan ng kaniyang pagkabata na mala-paraiso

“Paalam”-Tungkol sa kamatayan ng kasintahan sa digma

“Maagang Tag-ulan”-pagkakaguho ng pangarap ng isang pamilya na magkaroon ng sariling lupang sinasaka dulot ng militarisasyon

“Babae, Lansangan at Takipsilim”-Pinakamasining sa mga kuwento ni Matute. Habang iniisip ng babae ang pagpapalaglag ng sanggol, lumilitaw sa kuwento ang mga imahe ng kahirapan sa lungsod. Pinakasensitibo at pangahas sa mga kuwento sa koleksiyon. Sa huli, hindi na itinuloy ng babae ang pagpapalaglag batay sa pagtitig niya sa mga mukha ng babe sa loob ng klinika,

“Dalaw”-ukol sa lagim ng digma at ng nasirang pangarap. Dinalaw ng isang ginang ang anak ng kaniyang kaibigan na sundalo at beterano ng digma. Sa dakong wakas, bubulaga sa mambabasa at sa dumalaw na ginang na putol pala ang binte ni Private Mendoza.

“Pagkalimot”- Kabaligtaran ng pamagat, ukol ito sa paggunita at utang na loob. Uminog ang kuwento sa pagdating ni Chayong at ng kaniyang mga anak sa bahay ng kapatid. Doon sila naghapunan. Mamamalas na may gutom na gutom ang kaniyang mga anak. Sa huli, malalaman na pinahihintulutan pala ang pagsalakay na ito ng kapatid bilang pagtanaw ng utang na loob sa ateng nag-alaga sa kaniya.

“Isang Saglit, Munting Ibon”-Nagtaksil ang lalaki sa asawang may sanggol. May malubhang sakit ang bata. Sa huli, kusang pinatay ang bata sa tulong ng siyensiya. Kinukuwentuhan pa sa huli ng ama ang bata.

“Ang Pag-uwi”-Paghahanda sa pagdating ni Aniel na isang kadete ng PMA. Buong kuwento’y ipinakita ang pagiging magiliw nina Endong at ng Tatay sa kadarating na kadeta. Sa dakong huli, mamamalas ang pagkakalayo ni Aniel sa sariling pamilya.

“Entablado”-isang kuwentong maaaring ilahok sa “Agos sa Disyerto” kung pag-uusapan ang nilalaman at pamamaraan. Ukol sa mag-asawang tindera/ bendor na “pinaparinggan” ni Panga dahil sa malakas nilang kita, lalo na sa panahon ng halalan. Nagbibigay sila ng lagay kay Panga na may dalawa pang pamilya. Sa galit, patagong hinambalos ni Mang Sidro si Panga.

“Nagdurusang Pangarap”-ukol sa kahirapan, kawalang-pag-asa, at kalugmukan ng isang umaasam na manunulat na si Roman

“Daungan”-isang kuwentong mailalahok din sa Agos o Sigwa. Sinaksak ni Tonio si Mr. Villang kapatas na nanghihingi ng lagay sa mga kargador sa piyer at nanggigipit at nagkakait ng trabaho sa mga anak-pawis na ayaw magbigay ng lagay.

“Yumayapos na Takipsilim”-ukol sa pagpapasahan ng dalawang magkapatid sa responsibilidad sa kanilang matandang ina

“Mga Nanghahabang Anino”-muling pagtatagpo ng magtiyong Mr. Ricohermoso at ng pamangking sina Fey at Dindo. Iniwan ng magkapatid ang kanilang tiyo, matapos ng dalawang taong pag-aalaga. Bumalik na lamang sila noong mayaman na ang tiyo at nang malamang may kanser ito sa baga. Hindi tinanggap ng tiyo ang dalawang pamangkin dahil nabasa niya ang motibo ng pagbabalik ng dalawa.

Mga Puna:
Magaan, payak at tahimik ang karamihan sa mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute, pero kumikirot sa puso. Kung medyo sensitibo ang paksain ng kaniyang kuwento, nagiging matimpi ang pagkakatalakay. Hindi lahat ay ibinibigay ng kuwentista. Hinayaan niyang ang mga mambabasa ang bumuo ng misteryo at lumutas ng puzzle. Nagbibigay lamang siya ng mga pahiwatig sa nagaganap o sa banghay. May estilo rin siya sa mga pamagat: gumagamit ng iba’t ibang lebel ng kahulugan (literal at kabli). Paboritong teknik ni Matute ang panggulat o sorpresa sa wakas—maaaring nakagigimbal na katotohanan, imahen, rebelasyon.

Tradisyonal ang mga kuwento ni Aling Bebang. Lagi’y lantad ang simula, gitna, wakas. Kapansin-pansin din kay Matute ang pag-uulit-ulit ng mga parilala o mga pangungusap sa kaniyang kuwento na lumilikha ng rito at nakadadagdag sa musikalidad. Gayundin, nakatulong sa pagiging lirikal ang mga akda ang pagkakamit ni Matute ng mga hulagway para magpahiwatig ng emosyon ng tauhan.

Maingat sumulat si Matute.Tahimik ang mga tunggalian. Walang himig ng protesta o radikalismo ang kaniyang mga akda. Himig ng isang guro at maybahay ang maririnig sa kaniyang teksto. Walang lantarang pamumuna sa tiwaling pag-iral sa lipunan. Walang mga mala-islogan na pahayag sa mga dialogo. Mga kuwentong pampamilya at pang-eskuwelahan ang kaniyang paksain. Walang propaganda sa kaniyang mga kuwento sa kalipunan.

Kung tinatalakay niya ang mga seryosong paksa tulad ng abortion, euthanasia, kamatayan, at pagkabaldado, melodramatiko ang kaniyang pagdulog sa teksto.Lantad ang isinusulong na moralidad ng may-akda: masama ang pagpapalaglag; lumingon sa pinanggalingan; magsisi sa kasalanan; walang maidudulot na masama ang digma; ipagdiwang ang buhay.

Thursday, September 01, 2005

Estante, Simula, at Aling Bebang

Kahit nagbabanta na ang aking exam sa Nobyembre, hindi ko pa rin mapigil ang adiksiyon sa paghahanap ng mga libro. Kabubukas lang kanina ng Manila International Book Fair at balak kong pumunta doon sa weekend. Kailangan ko ng buong maghapon doon dahil malayo sa akin ang lugar at susulitin ko ang oras. Noong Linggo, nakalkal ko sa Booksale, Robinson's Metro East ang matagal ko nang hinahanap na "Staying Fat for Sarah Byrnes" ni Chris Crutcher (PhP 40). Kontrobersiyal na manunulat ng mga YA novels si Crutcher, at isa sa aking hinangaan na manunulat. Sa pagtambay naman sa Full-booked (Rockwell) kagabi, binili ko ang "Journey to the River Sea" (PhP 353) ni Eva Ibotsson, na isa sa pinakamainam na manunuolat pambata sa UK. Kanina, sa pagtambay buong maghapon sa Greenhills, nahalukay ko ang "The Book of Three" (PhP 55) ni Lloyd Alexander (malapit ko nang mabuo ang Prydain Chronicles; lahat second hand). Malaki na ang pinagbago ng Greenhills dahil sa Promenade. May bagong branch ng Fully-booked dito at bumuwena-mano ako ng "The Princess Bride" (PhP 379) ni William Goldman, pagkatapos nang dalawang oras na pagtambay sa loob, pakikibasa ng mga picture book, at pamimili kung bibilhin ko ba ang "The Hours" o ang "Anna Karenina" ni Leo Tolstoy.

Kailangan ko nang bumili ng bagong bookshelf. Pagdating ko ng bahay, napapansin kong malapit nang bumigay ang dalawang estante. Hindi ko naman maipadala sa bahay ng nanay at tatay ko ang mga nabasa kong libro dahil mahal na mahal ko iyon. Gusto ko'y laging nakikita ang mga libro sa tuwing pumapasok ako ng bahay. Hindi ko makapili ng mga itatambak sa bahay ng aking magulang. Natatakot akong baka ipahiram ng mga kapatid ko sa kanilang kaibigan, nang walang paalam at hindi na ibabalik sa akin. Nangyayari itong madalas sa akin noon; ipinahiram ng nila sa kanilang kaklase ang mga libro ko, at hindi na ibinalik. Gusto kong maghuramentado.

Wala na akong espasyo sa bahay. Nahihirapan naman akong ipamigay ang ilan o ipahiram na alam ko namang mahihirapang ibalik sa akin. Hindi ko naman mapipigil ang pagmamahal ko sa mga libro, kahit ang iba'y segunda mano.

***

Bukas na pala ang Gabi ng Palanca. Excited na akong malaman kung sino-sino ang mga dating mukha. Excited na akong makilala kung sino ang mga judge na pumili sa aking dalawang lahok. Excited na akong makita muli ang mga kaguro sa UP. (Sayang, nasa US si Dr. Agca at hindi niya makukuha personally ang kaniyang award para sa Essay in English.)

Hindi ko mapigilan ang sarili na gunitain kung paano ko sinimulang isulat ang mga entry ko sa Palanca. Sa aking sanaysay na "Segunda Mano", nakuha ko ang ideya sa madalas kong pagtambay sa mga second hand bookstores--lalo na sa Booksale at sa Books for Less. Nasa kolehiyo ako nang madiskubre kong Booksale sa Cubao. Mura pa noon ang mga libro (sampung piso para sa mga children's novel, ngayon singkuwenta mahigit na). Naisip ko, sayang naman kung uubusin ko ang oras sa pangangalkal lamang. Kaya sa bawat punta ko sa mga bookstore, sumusulat ako, nagtatala, nagreresearch para sa inihahandang sanaysay.

Para sa aking kuwentong pambatang "Tag-araw ng mga Ibong Hilaga," nagsimula ang ideya noong Pebrero, pababa ako ng Baguio pagkatapos ng isang children's literature conference. Nakuha ko ang imahe sa pagtanaw ko sa bintana ng Victory Liner, noong nasa bandang Pampanga na kami. Totoo ang sabi ni C.S. Lewis na ang kuwento ay nagsisimula sa magandang imahen. At magandang imaheng hindi ko pinakawalan ang mga tagak sa bukid sa Pampanga. Idagdag pa ang mga balita sa diyaryo tungkol sa pagbabalik ng mga migratory birds sa Candaba Swamp. Noong una, ayokong sumulat ng kuwentong environmental. Ayokong maging propaganda ang aking kuwento, hangga't maiiwasan. Kaya sa isang linggong pag-iisip sa trato sa kuwento, napagpasyahan kong gawin itong pinaghalong realistiko, siyentipiko, at historikal.

***
Kung ano pa ang madali, doon pa ako nagtagal. Madaling basahin ang mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Pero halos isang linggo ko na itong binabasa. Patigil-tigil. Anim na kuwento na lang ang natitira at matatapos ko na ang libro. Gusto ko sanang dayain ang sarili na hindi ko basahin ang lahat sa kaniyang koleksiyon. Tutal, sa isip ko, nabasa ko na ang pinakamagaganda niya at premyadong katha tulad ng "Kuwento ni Mabuti," "Paglalayag sa Puso ng Isang Bata," "Parusa," at "Walong Taong Gulang." Kahit papaano, nakalikha na si Matute ng impresyon sa akin. Nakilala ko na ang estilo at paksain niya, maging ang kaniyang kahinaan at kalakasan bilang kuwentista.

Pero tatapusin ko ang buong libro. Kagabi, nabasa ko ang kuwento niyang "Babae, Lansangan at Takipsilim." Para sa akin, heto ang kaniyang pinakamasining at pinakasensitibong kuwento sa aklat. Hindi simple ang kuwento. Mababakas ang maturity ni Matute bilang mangangatha, kumpara sa mga luma niyang kuwento na halos iisa ang disenyong naratibo at teknik.

Kaya ngayong gabi hanggang madaling-araw, tatapusin ko na ang aklat. Para mabuo ko ang aking karanasan kay Aling Bebang, na nagkataon naman kauna-unahang manunulat sa Filipino na nagwagi ng unang gantimpala sa Palanca noong 1951 para sa "Kuwento ni Mabuti."