Saturday, October 08, 2005

Bagong Libro ni Totoro


totoro's pick
Originally uploaded by Nasa Dulo ng Dila.
May bagong libro si Totoro! Para sa mga mahilig sa magagandang salita, sa magandang kuwento, sa makapigil-hiningang pakikipagsapalaran. Para sa mahilig sa pantasya at sa bisa ng salamangka. Para sa mga nawawala, nagwawala, at winawala ng mahusay na akda. Para sa mga bata at may pusong-bata. Kauna-unahang rekomendasyon ni Totoro ng mainam na panitikang-pambata: "Inkspell" ni Cornelia Funke, autor ng "Inkheart," "Dragon Rider" at "Thief Lord." Mahahanap sa inyong suking bookstore.

Wednesday, October 05, 2005

"Mepiya Bawa at Meraat Bawa" atbpang Kuwentong Manobo

“Good Character and Bad Character:
The Manobo Storytelling Audience as Society’s Jurors”
ni Hazel J. Wrigglesworth
mula sa mga kuwento ni Pengenda Mengsenggilid
Manila: Linguistic Society of the Philippines (1993)
238 pp.

Kapag yumao ang isang walian o tala’ulahingan, para na rin daw nasunog ang isang aklatan. Ito ang dahilan kaya maraming folklorista ang narahuyo sa pagtitipon ng mga kuwentong-bayan, bago pa man bawian ng buhay ang mga raconteuse tulad ni Pengenda Mengsenggilid. Mas ideyal sana, bukod sa pagtitipon, ay maipasa ng makatang-bayan ang kaniyang sining sa susunod na henerasyon ng kanilang lugar. Isang patunay sa aklat na ito na tinipon at isinalin ni Hazel Wrigglesworth. Itinuon ng iskolar ang tagumpay ni Mengsenggilid bilang regenerative force, o ang paglikha at pagpapatibay ng mga elemento ng halagahan para mapanatili ang buhay ng isang lipunan. Kasama na rito ang pagpili niya ng mga salaysay na may mahalagang tugkulin sa pagpapalaganap ng halagahan (values) at layon sa ng mga Manobo. Nasa panimula ng aklat ang mga simula kung bakit naging raconteuse ng informant: mga paglalakbay niya, pagiging kabilang sa mataas na uri sa kanilang lugar, at ang pagtuturo ng kaniyang tiyahin na isa ring tagapagsalaysay. Pangunahing layuning pang-estetika sa pagsasalaysay ang “dalhin ang nakikinig sa pinangyayarihan ng salaysay” (p. 11) na kung naging matagumpay ay makakukuha ng magandang puna mula sa makikinig na “tila bagang nakikita ko itong nangyayari.” Kung gayon, magkaakibat sa salaysayang Manobo ang makuha ang interes at tuon ng tagapakinig batay sa mga elemento ng aliw at ang pagtibayin ang kanilang mga halagahang pangkultura (betasan o kaugalian, adat o paggalang).

Mahalagang ideya ng aklat na ito ang gampanin ng tagapakinig upang ipagpatuloy ng raconteuse ang sining niya (untug te etew) (p.14). Ang audience ang siyang umaantabay kung umuunlad ang banghay, binabantayan ang ugali ng mga tauhan, sinasabi ang nalilimutang detalye ng tagapagsalaysay, kinakausap at naglalarawan sa gagawin ng tauhan at ang ugali nito, nagpapakita ng galak sa mga mahihiwaga at kapana-panabik na eksena, tinutugaygayan ang moral ng salaysay, at sa huli’y nagbibigay ng reaksiyon sa pagitan ng pagkukuwento. Nailarawan ang ganitong tungkulin ng tagapakinig sa unang kuwentong-bayan sa koleksiyon—ang “Mepiya Bawa at Meraat Bawa” (Mepiya bilang mabait o mabuti at Meraat bilang masama); masusumpungan din ang kuwentong ito sa Tresury of Stories nina E. Arsenio Manuel at Gilda Cordero-Fernando na “Sweet and Sour Sisters.” Para sa akin, ito ang kauna-unahang paglalathala ng pagkukuwento na naisama pa ang komentaryo ng mga nakikinig.

Kapalit naman ng aktibong partisipasyon ng tagapakinig ang pagpapahusay ng mang-aawit sa kaniyang sining. Halimbawa, ang paggamit ng rhetorical questions tungo sa climax ng kuwento, ang paraphrasing ng storyteller sa mahahalagang bahagi o pag-uulit ng pangyayari para hindi makaligtaan ng nakikinig ang mahalagang bahagi ng salaysay, ang paglihis ng panauhan mula ikatlo tungo sa ikalawa para mapagningas ang imahinasyon ng nakikinig, ang paglalahok sa audience dahil kinakausap sila bilang kasama at kalahok sa kuwento. Isa pang magandang konseptong inihatid ng pakikipanayam sa makatang-bayan ay ang panlipunang silbi ng paggunita at pagkalimot. Para sa kaniya, tinatandaan lamang niya ang mga kuwentong may panlipunang nilalaman o ang may kabatiran sa kanilang komunidad. At ang walang nilalaman, pasensiya na sa gamit ng gasgas na pananalita, ay ibinabaon sa limot.

Ang mga Kuwento:
“Mepiya Bawa at Meraat Bawa”-kuwentong ng dalawang magkapatid. Laging binibiyayaan ang babaeng mabait at magalang. Samantala, lahat ng malas ay maigagawad sa mainggitin, mapag-isa, masungit, makasarili, at ganid na babae. Lagi siyang nagdadala ng malaking basket pero pag-uwi, iisang isda o isang saging lang ang laman. Isang eksena rito ang nakakatuwa. Nilapitan ng isdang pait si Mepiya Bawa. Sabi ng isda, “puwede bang hilahin ang iyong bulbol?” Dahil nga mabait ang bata, pumayag naman ito. Pero pagsubok lamang pala iyon. Sa halip, ang hinila ng isda ay ang buhok sa ulo ng babae. Humaba ito na tanda ng paggawad ng ganda sa dalaga. Ganito rin nangyari kay Meraat. Dahil likas na masungit, sabi niya, “Bakit mo hihilahin ang aking bulbol?” Hindi siya pumayag. At bilang kabayaran, hinila nga ng isdang pait ang kaniyang bulbol hanggang sa humaba ito.

“Si Meluagpeka” o “Wideback”-Si Meluagpeka ay isang kakaibang nilalang na kuba at may malaking uka (bilang sisidlan ng kaniyang ninanakaw) ang likod. Lagi niyang ninanakawan ng tinapa ang magkasamang sina Berengtinegewtigew at Berengkenitutkitut. Sa galit ng magkasamang sina B1 at B2, dahil tatlong beses silang ninanakawan at tatlong beses pinatay sa kiliti si B2, ininggit nila si Meluagpeka sa bagong gupit ng buhok ni B2. Nais rin ni Meluagpeka ng gayong gupit mula kay B1. Nilagyan ni B1 ng nagbabagang palakol ang likod ni Meluagpeka hanggang sa mamatay ito sa sunog.

“Child of a Hermit”-nasa anyo ng matalinong batang hinahamon ang talino at galing ng isang datu, gamit ang mga absurdong mga hamon at pamimilosopiya, ang kuwentong ito. Sa tulong ng tatlong mahihiwagang kagamitang musikal—kubing, pulendag, at kudyapi—natalo ng bata ang datu sa paligsahang hindi makatulog. Bilang kabayaran, itinanghal na datu ang bata.

“The Monkey and the Terigtig Bird”-dinakma ng unggoy ang ibong terigtig. At nang kakainin na ng una ang huli, humiling ang ibon na magsalita muna at gunitain ang maiiwan niya sa daigdig. Gamit ang talas ng isip, pinatawa niya ang unggoy sa kaniyang kuwento. Dahil malisyoso rin naman ang unggoy sa kuwento ng ibon, humalakhak ito. Nakamit ng ibon ang kaniyang kalayaan.

“Ermitanyo”-Naalala ko ang “Jack and the Beanstalk” sa kuwentong ito. Inampon ng mag-asawang higante ang ermitanyo dahil napagkamalan nila itong bata o sanggol. Dinala ang ermitanyo sa tahanan ng higante. Doon, natuklasan niya na may nakakulong na mga tao sa ilalim ng kusina. Nagpasya siyang sakyan ang hinala ng higante na sanggol siya. Umakto siya bilang bata. Nakita ng ermitanyo ang puyut na lalagyan ng buhay o hininga ng higante. Hiniling niya ito, sa pamamagitan ng pag-iyak. Itinakas niya ito at hinapas sa puno kaya nalagutan ng hininga ang mga higante. Sa wakas, napalaya ng ermitanyo ang mga bihag.

“Si Tulalang”-Masalamangkang kuwento kung paano napangasawa ni Tulalang ang anak ng araw. Dahil tradisyon sa mga Manobo ang pamamanhikan at paggalang sa magulang ng babae, nagplano ang tatlong pares ng bagong kasal na sadyain ang magulang ang kamag-anak ng babae sa kalangitan para humingi ng basbas at upang ipaalam ang pag-iisandibidb ng tao sa immortal. Ang mahiwaga rito ay ang pagsusuot nila ng akmang damit para harapin ang haring Araw, ang tangis ng amang Araw dahil hindi niya maharap nang husto ang mga anak dahil baka malusaw o masunog ito, ang kaharian o kawayanan sa langit, ang tiyahing Buwan, at ang pagpapahid ng langis sa mga mortal tulad ni Tulalang at ng mga immortal na galing lupa para mawala ang kanilang amoy na mabaho para sa mga diyos sa langit.

Monday, October 03, 2005

Agyu: Isang Ulaging Manobo


“Ulahingan: An Epic of the Southern Philippines” ni Elena G. Maquiso
Dumaguete City: Silliman University Press (1977) pp. 1-143

“Agyu: Isang Ulaging Manobo” salin ni Patricia Melendrez-Cruz
Quezon City: Komite ng Kultura at Kabatiran ng ASEAN (1984) pp. 195-360

[Tala sa larawan: Ang langit na may pitong antas, buhat sa paniniwala ng mga Bukidnon Manobo. Nasa ituktok ang Kerenen, ang pinunong diwata. Likha ni Pennessencio "Nonoy" C. Estarte. Basahin ang artikulong "A Passion for Mindanao's Poetic Myths" ni Christine Godinez-Ortega sa http://www.inq7.net/lif/2004/apr/12/lif_3-1.htm]

Maituturing ko ang Agyu bilang pinakamaringal, masalimuot, at mainam na etnoepiko ng bansa. Binubuo ito ng dalawang bahagi: ang kepu’unpu’un at ang sengedurug. Ang una’y nasa anyong prosa o mantukaw. Pero sa teksto ni Melendrez-Cruz, nasa anyong tula ito. Ito’y ang pinaka-henesis ng mga Manobo; ukol sa paglikha at pagtakas ng kanilang lahi sa kalupitan ng mananakop na Amerikano at ang pagbubuwis ng mga Maguindanao, hanggang sa ang mga piling nilalang ay makasasakay sa sarimbar, magiging imortal, at tutungo sa lupang pangako ng Nalandangan/ Nelandangan. Samantala, ang sengedurug naman ang mga kuwento ukol sa buhay nina Agyu sa Nalandangan, kung ano ang istruktura, ang pagkakagawa, at pagtatanggol ng kuta sa mga lumulusob na mandirigmang may tatu (pintados ng Bisayas?).

Unang Bahagi: Kepu’unpu’un

Limang bersiyon ng kepu’unpu’un ang nabasa ko buhat sa dalawang aklat. Lahat ng mga salaysay ay may sumusunod na motifs: pag-igpaw nina Agyu sa kalupitan ng mananakop at ng mga Muslim na Maguindanao, pagtakas sa kahigpitan sa ipinapataw na buwis, pagtakas nila sa lupain dahil nasaksak ng kababayan nila ang datung Muslim, paglalakbay nila para hanapin ang kapayapaan, ang pagdurusa ni Mungan na nagsabi sa kanilang may biyaya mula sa mga diwata, ang pagharap nila sa mga pagsubok tulad ng higante at dambuhalang baboy, at ang pagsakay ng sarimbar (mahiwagang sasakyan na magdadala sa kanila sa langit para gawing imortal ang kanilang lahi). Sa pag-ulahing ng sengedurug, mahalaga ang bahagi ng andal (layon ng pagtitipon) at ang pamahra (imbokasyon sa mga diwata) kundi ito maisasagawa, magkakasakit ang walian at/o ang talaulahingan. Sinasabi ng mga kritiko at iskolar na kakaiba ang Agyu dahil “hindi babae ang pakay ng bayani kundi ang kapakanan ng kaniyang bayan.” Maaalala na babae ang pakay ng mga bayaning sina Kudaman, Humadapnon, at Lam-ang. Si Agyu, marami ring mga asawa at anak, pero pangunahin sa kanya ang pagtatanggol ng kanilang Nalandangan. Hindi mahalaga sa sengedurug kung paano siya nanligaw ng mga babae at kung paano siya nagkaroon ng mga lihim na anak.

Sa pagbabasa ng kepu’unpu’un, napansin ko ang mga sumusunod na detalye: May pangalan sa daigdig at pangalan sa langit ang tauhan. Marami ring pangalan ang Nalandangan at kadalasa’y mga pangalan ng papuri ito sa nasabing lugar; maging ang paliguan sa Nalandangan ay may pangalan. Lalo pang napagtibay, sa pagbabasa ko ng epikong ito, ang bisa ng nganga o mamaen bilang mahalagang bahagi ng naratibo at sa kultura sa loob ng teksto—nganga ang nagbibigay ng estado ng imortalidad ng mga tauhan. Maraming hiwaga sa kuwento ng kanilang paglikha: ang pinira-pirasong higante ay nagiging linta, may kasaysayan sa mga kakaibang hugis ng anyo ng lupa at laging pinapaalala ang paglikha sa mga ito (halimbawa: pula ang burol dahil ito ang katawan ng babaeng pinaslang ng higante, ang batang higante ay isinabit sa bangin, at ang babaeng buntis na ginawang bato). Mahalagang bahagi sa naratibo sina Bayvayan/Baybayin at si Mungan. Si Bayvayan ay anak ni Agyu na hindi muna sumama sa langit na may anim na antas. Naatasan siyang lumibot sa daigdig para maghanap ng mga sasanib sa kanilang lipi. Si Mungan naman, asawa ni Vanlak/Banlak, ay ketongin. Pinagpala ang babaeng ito dahil sa kaniyang sakit, gutom, at mga pagdurusa nang iwan siya ng asawa. Hindi siya sumama sa langit, nagpaiwan sa mundo para tulungan din ang mga bagong miyembro at aanib kay Agyu. Sinematiko ang paglalarawan sa ibang pangyayari. Naaalala ko ang pelikulang Hollywood sa “magdidilim ang paligid sa pagdating ng mga kaaway.”

Kapuri-puri rin ang paghabi ng imahinasyon sa epikong ito: Para sa mga diwata, mabaho ang mga tao at ang pagtatakip ng ilong at tanda na diwata ang nilalang. Ang pinunong diwata na si Kerenen ay nasa pinakataas na antas ng langit, sa ikapitong suson o antas. Kapag may natitira sa hatian, may kamag-anak na hindi nahahatian o nagtatago lamang sa talahiban. Ginagawang ibon, bato, at anyo ng lupa ang sinumang sumusuway sa kanilang lipi. Nang iniwang mag-isa si Mungan, hinataw niya ang tambol at pinuyat niya ang batang diwata sa langit. Sa awa ng diwata, ginantimpalaan siya ng nganga at naging diwata na rin. Ginintuan ang hitsura ng mga diwata. Nagniningning. Muling pinagtibay ng bahaging ito ang tendensiya sa epiko at panitikang-bayan na “pinagpapala ang mga pulubi.”

Mataas ang tingin ng mga Manobo sa kanilang lahi. Para sa kanila, sila’y pinagpala. Sila ay nasa gabay ng mga diwata. Nabasbasan sila ng kerenen. Sila rin ang lahing nailigtas sa dambuhalang baha. Sumakay sila sa mahiwagang vinta para takasan ang gunaw. May mga pag-aaral na inuuugnay ang epikong Agyu sa Bibliya, lalo na sa magkahawig na kasaysayan ng exodo at ang malaking baha.

Ikalawang Bahagi: Sengedurug

Ayon kay Maquiso, ang Ulahingan ay tulad ng punong kawayan. Ang unang bahagi na inilarawan ko ay itinuturing na ugat. Mahalagang malaman ito dahil sa mala-Bibliya nitong tungkulin ukol sa kasaysayan ng lahing Manobo. Samantala, nagsasanga-sanga naman ang ikalawang bahagi, ang sengedurug. Sa panguna kong basa, ito’y kuwento at kasaysayan nina Agyu matapos silang basbasan ng mga diwata at gawing imortal (at kapaw diwata na rin) at nang matagpuan na nila ang lupang pangako. Pero ang Nalandangan ay hindi paraisong ligtas sa kapahamakan. Walang maligayang wakas pagkatapos ng pag-akyat sa langit. Nariyan ang banta ng mga mandirigmang may tatu at ang mga kalabang sa bandang huli’y malalamang kamag-anak rin pala nila. (Tinalakay ni Isagani Cruz sa isa niyang sanaysay na katangian ng isang epikong Filipino na ang naglalabanang puwersa sa bandang huli, kapag libo-libo at yuta-yuta na ang namatay, ay lilitaw ang diwata para sabihing magkakamag-anak sila. Ganito ang nangyari sa sengedurug.)

Malaking bahagi ng sengedurug ay natuon sa detalyadong paglalarawan at pag-iisa-isa ng mga bahagi ng Nalandangan. Walang katarungan itong pagbubuod ko para ipakita ang yaman ng imahinasyon ng mga makatang katutubo. Pero susubukan ko pa ring ipakita sa pamamagitan ng mga halimbawa: humuhuni ang mga puno sa paligid ng Nalandangan, bantay ay mga unggoy at kilyawan, ligid ito ng mga ngipin at bungo ng kaaway, ang paliguan ay may mga plato sa ilalim para kung mahulog ang singsing ay madaling makukuha, yari sa tanso ang hagdanan. Ang mga kawayan ay mga lamang-lupa na isinumpa, sumisipol at humihiyaw at kapag pinansin ay magiging kawayan din ang tao. May kuweba pa ng ahas ; pero kung maganda ang pakay sa pagpunta sa Nalandangan ay hindi mapapahamak ang bisita. Naninindak lamang ang ahas sa mga datung duwag. Ang bakod ay yari sa mga matitigas na punong-kahoy na ibinigkis ng laway ng ulupong o sawa. May lilok na ita o agta na may kampilan. Nagsisilbi itong panakoy sa dadalaw sa bahay-tribo. Matataba ang haligi na hindi mayayakap kahit paligiran pa ng sampung katao. Ang atip at bubong ay yari sa buhok ni Alimugkat (isang sirena), ang palamuti ay buhat sa disenyo ng pakpak ng paru-paro at alibangbang. Matatapang na datu lamang ang maaaring makapasok sa Nalandangan. Marapat na huwag matakot sa mga tanod at dapat malagpasan ang mga pagsubok. Mainam din ang gamit ng eksaherasyon sa epiko. Halimbawa, masusukat ang laki ng bahay-tulugan sa tunog ng agong na hindi aabot sa kabilang panig.

Bahagi rin ng salamangka ng epikong ito ang pagbibigay ng maikling kasaysayan sa sandata at ang pagtukoy sa kapangyarihan ng sibat. Mangyari pa, ang singsing ni Agyu at maaaring utusan. Nagsasalita ito at nagsisilbing mensahero. May mahiwagang epekto muli ang nganga: pinaghihilom nito ang sugat ng mga mandirigma; pinatatanda rin nto ang mga bata para maging ganap na mandirigma at tanod sa Nalandangan. Dagdag pa sa salamangka ay ang pagkakaroon ni Agyu ng anak na may kakambal na kidlat (si Makagwas Dig Dagatun) at ang isang taong pagligid sa Nalandangan para alamin kung patay na ba ang lahat ng kaaway.

Katangi-tanging tauhan sa sengedurug si Matabagka. Kapatid na babae siya ni Agyu na nagbihis ng kasuotang panlalaki (ni Agyu) dahil ayaw lamang niyang tumagis tulad ng mga kasamang babae. Nais niyang maging mandirigmang “rumaragasang parang kidlat/ humahagibis na parang lintik, bituin ang siyang kawangis.” Napapansin ko na katangian yata ng epiko na kapag babae ang magiging mandirigma, nagsusuot at nagsasaanyo ito bilang isang lalaki (tulad na lamang ni Nagmalitong Yawa na nagpanggap na buyong para iligtas ang manliligaw na si Humadapnon). Nagkaroon din ng pangalang pang-mandirigma si Matabagka: Bongkatolan Haglawan, Momosan Laglagingan. Naisagawa ni Matabagka ang pakikidigma pero nakalag ang kaniyang pusod at pinagpahinga siya ni Agyu.

Dumating ang unang daluyong ng banyaga sa Nalandangan. Pumunta sila sa lupang pangako dahil “hindi masagana, hindi mayaman” ang lupaing kanilang pinanggalingan. Pero pinaslang at tinadtad ni Agyu si Pinagtibolos Lona. Pagkaraan, namatay din si Agyu at umakyat ang katawan sa gilid ng langit. Pero muli siyang binigyan ng hininga at ipinaliwanag na kaya siya namatay ay dahil pinaslang niya ang mga kamag-anak.

Pangalawang pagdating ng kaaway ay ang isang datu na nagkatawang-ahas. Nilamon nito ang mga kababayan ni Agyu at sinira ang Nalandangan. Samantala, nakita ni Agyu si Sawalan, isang maharlikang babae, na nagbigay sa kaniya ng lasong nganga. Namatay si Agyu at pinugot ni Sawalan ang ulo ni Agyu.

Pero hindi pa nawawalan ng pag-asa ang buhay ng bayani. Sa ibang dako, may isang batang may katangian ng araw. Siya’y si Anilaw Mayun Anlaw o Nuti Manlag Diwata, isang di-kilalang anak ni Agyu. Naging palatanong ito sa ina ukol sa mga kagamitang pandigma sa kanilang tahanan. May pangitain ang kaniyang pagtangis: napahamak ang kaniyang amang si Agyu sa kamay ni Sawalan. Aniya, “Ano’ng pangalan niyong/ sa dingding ay nakasandig/ ano’ng tawag sa mga iyon/ sa tabiki’y nakasabit?” (p. 328, taludtod 4486-4489). Pero tumutol ang ina sa pag-uusisa ng anak niya. Aniya, “Huminto ka sa pag-uusisa/ Di kita sasagutin/ pagkat kitang-kita ko/ Manipis pa ang buhok mo/ pagkat kitang-kita ko/ maikli pa’t malambot” (p. 329, taludtod 4494-4490). Ngunit hindi tumigil sa pagtatanong ang bata. Hindi siya pumayag na ituring siyang musmos at mangmang ng ina. Hanggang sa ipakilala ng ina sa anak ang mga sandatang nakabitin sa dingding at ang pangalan ng kaniyang ama. Ipinamana ng ina sa anak ang gamit ng ama. Pinagsuot siya ng akmang damit at binigyan pa ng kalasag na lumilipad para dalhin ito ang bata sa Nalandangan. “Isuot mo ang galang-galangan/ Isaklob mo ang baklaw/ iyan ang iyong tagapagtanggol/ sa pagtalunton sa baybayin/ Iyan ang tagapagsanggalang/ sa pagtunton sa pasigan/ sakaling makatagpo mo/ sakaling makaharap mo/ isang taong malupit/ ang isang mabagsik. Ibihis mo rin ito/ isuot mo rin ito/ ang baro na pasadya/ baro na bagong gawa/ mula sa hinabing buhok/ buhat sa nilalang buhok/ di malalagos ang bangkaw/ di tatagos ang sibat/ gayundin ang punyal/ saka rin ang balaraw./ Kalasag iyong hawakan/ panalag iyong tangnan/ gayundin ang bangkaw/ saka rin ang sibat.” (p. 332, taludtod 4640-4664). Sa huli’y natagpuan ni Minayun (palayaw ng bata) ang isang bangkay na sinagip ng mga buwaya, bago pa man ito lumubog sa pusod ng laot. Inilabas ng bata ang mamaen (nganga) at muling nabuhay ang bangkay. Sinabi niya sa nabuhay ang layon ng paglalakbay at nagpagtanto nilang sila’y mag-ama. Pero hindi pa natapos ang kadakilaan ni Minayun. Nagsaanyong-buwaya siya para kunin sa mga kalaban ang gamit-pandigma ng ama. Hinarap din niyang mag-isa ang mga mandirigma ng kalaban, at dahil suot niya ang mahiwagang damit, hindi siya natalo sa laban. Samantala, nakawala naman ang mga taga-Nalandangan buhat sa pagkakapiit. Muli nilang sinuot ang mga damit pandigma at lumahok sa digmaan, hanggang sa naging ligtas muli ang Nalandangan. Nanumbalik ang kapayapaan. Umakyat sa tuktok ng bundok si Agyu at doon ipinasyang magtayo ng bagong bahay o abat. Samantala, si Minayun naman ay hindi sumama sa kaniyang ama sa Nalandangan. Bumalik siya sa kaniyang ina. At isa na siyang binata.