Thursday, January 05, 2006

"Blue Moon" at ang "The Lion, The Witch and the Wardrobe"

Mukhang hindi naman yata basura ang mga pelikula sa MMFF. Salamat sa “Blue Moon” at nagkaroon kahit isang matinong pelikula sa nasabing kapistahan. Tulad ng dati, dahil walang magawa, o nasa estado pa rin ng holiday, ”pinagtripan” naming manuod. Text ng isang kaibigan, “nakakaiyak.” Kailan pa ba naging sukatan ng kahusayan ang nakakaiyak? Pero, sige na nga. Mapanuod na, para may magawa lang.

Hindi ko na ibubuod ang pelikula. Basta kuwento ito ng paghahanap at paglalakbay ng pag-ibig; ng mga pagkakataon at ng mga pagkakataon. Hindi baduy ang pelikula, kahit na kuwento ito ng mga relasyon at pag-ibig sa iba’t ibang henerasyon. Gayunpaman, may mga pagkukulang pa rin sa pelikula. Masyadong lantad ang metapora ng pag-ibig sa eksena ng tumutulong tubig-ulan sa loob ng bahay. Kapag masyado kasing lantad, hindi na naging mabisa ang gamit ng metapora. Palagay ko lang naman iyon. Pero baka sa ibang manunuod, mabisa ang gamit ng gayong imahe. Napansin ko ring overkill ang gamit ng kantang “Blue Moon” at ang shot ng buwan. Tama na ang minsan. Kapag gamit na gamit, pinalalabas na hindi agad nakuha ng manunuod. Tila tuloy walang tiwala ang direktor sa talino ng kaniyang audience. Nakakadismaya rin ang gamit ng visual effects ng giyera (partikular na sa mga eroplano ng digmaan); naisip ko tuloy, kung nanunuod ba ako ng programa sa telebisyon. May kapalpakan din ang casting ng batang si Eddie Garcia. Nagsimula kay Mark Herras at naging Allan Paule pagkaraan ng ilang taon. Nasaan ang pagkakahawig ng mga ito? Walang ring kasigla-sigla ang pag-arte ni Paulyn Luna; gusto ko siyang ipagluto ng agahan para naman sumigla siya.

Kapuri-puri naman ang saliksik ng pelikula sa kasuotan at mga kagamitan noong 1940’s. Mainam din ang pagganap ni Jennylyn Mercado (gayong napansin kong napakapayat nilang dalawa ni Mark; gusto ko rin silang ipagluto para magkalaman naman sila). Naka-deliver naman nang maayos sina Eddie Garcia at Christopher de Leon. Pero higit sa lahat, kapuri-puri ang pelikula sa pagkakaroon nito ng mainam na kuwento. Hindi ko na nga ito hinanapan pa ng kamalayang panlipunan—isang bagay na iminarka sa akin ng edukasyon sa kritisismo. (Tanong ng isang kaibigan: Maganda ba dahil puro basura ang kasabayang palabas?) Matalino ang naratibo at naeengganyo akong tapusin ang pelikula. Hindi nasayang ang aking pera.

* * *

“The Lion, The Witch, and The Wardrobe” ang kauna-unahang nabasa kong aklat ngayong 2006. Sinimulan ko ito pagkaraang basahin ang siksik na prosa ni Eco at para maihanda rin ako bago manuod ng berisyong pelikula sa Enero 9. Ganuon pala ang pakiramdam, sabi ko sa kaibigan, kapag nagbasa ka ng nobelang pambata pagkaraang magbasa ng nobelang pangmatanda. Walang bahid ng pang-aalipusta ang nakaraang pahayag. May mga nobelang pambata naman na mas siksik at sopistikado ang pagkakakuwento kaysa nobelang pangmatanda (e.g. mga akda nina Cornelia Funke, JRR Tolkien, at Michael Ende). At may mga nobelang pangmatanda rin naman na matipid at madaling maintindihan tulad ng ibang akdang pambata. Ang ibig ko lang sabihin, kumbaga sa traffic, mas mabilis ang daloy sa pagbabasa ko ng ikalawang aklat ng Narnia ni Lewis kaysa sa nobela ng misteryo ni Eco.

Sa tingin ko, at alam kong marami ang magagalit sa akin, overrated ang nobelang ito ni Lewis. Kung sa gamit ng salamangka at sa pagsasalansan ng mga pangyayari, higit na mahusay ang kapwa-Briton niyang manunulat-pambata na sina Philip Pullman at JK Rowling. O baka naman produkto ng kaniyang panahon ang akda ni Lewis. Matatandaang 1950 ito naisulat at nailimbag. Maaaring ang panlasa ko sa prosang pambata ay naimpluwensiyahan na ng mga nobelang nakapadron sa pagkukuwento sa pelikula (cinematic writing). Nakadagdag pa sa pagkadismaya ko sa nobelang ito ang lantad at hayagang propaganda ng Katolisismo (Si Aslan, isang leon, bilang imahen ni Hesukristo na isinakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ni Edmund at sa panunumbalik ng tag-araw sa Narnia.) Hindi ko maalis sa isip, habang nagbabasa, na ito ang bersiyon ng sinakulo o pasyon para sa kabataang mambabasa. Suspetsa ko rin na nakatulong ang populasyon ng mga Kristiyano sa popularidad ng nasabing akda.

Nakaisip lang ako ng magandang sitwasyon. Ano kaya ang sasabihin ni C.S. Lewis kapag nagkatagpo niya sina JK Rowling at Ursula Le’Guin? Baka itanong ng una, “Bakit kayo magtatayo ng paaralan para sa mga bruho at bruha?”

Ilan pa sa mga pagkukulang na napansin ko sa akda ni Lewis ay ang (1) kaniyang pagpapalit-palit ng panauhan sa pagkukuwento; sa kabuuan, pangatlong panauhan ang nobela pero natatapilok ang akda sa mga bahagi na kinakausap ng manunulat ang mambabasa. Sangkap ba ito ng metafiction o pagkukulang sa konsistensi ng pagkakasulat? (2) May mga bahagi ring tinatamad sa pagsusulat si Lewis. Lantad ito sa mga bahaging isinasalarawan niya ang isang bagay at sasabihin niyang “Siguro naman ay alam n’yo na.” Isang pagkakamali ito sa pagkukuwento na ipinapaubaya ang mga detalye sa imahinasyon ng mambabasa. Muli, device kaya ito ng manunulat para magkaroon ng partisipasyon ng kaniyang mambabasa? (3) Hindi ako komportable sa kaniyang gamit sa pagkain (Turkish Delight) na iuugnay sa demonyo o sa masama. Sa teorya ni Alison Lurie, ang pagkain ang kapalit ng sex sa panitikang pambata. Pagkain ang nagbibigay ng lugod sa batang mambabasa ng kanilang mga aklat. Bakit ito gagawing masama? Kung papansinin ang mga klasikong aklat pambata, ang paglalarawan sa mga pagkain sa hapagkainan ay maiuugnay sa maalwan at masaganang buhay. Hindi bilang patibong sa anumang kadiliman. (4) Biktima ang nobela ng pag-alipusta sa kababaihan. Bakit babae ang kasarian ng kasamaan? Bakit babae ang bruhang nagbigay ng sumpa ng niyebe sa Narnia? May kinalaman kaya ang kamalayan ni Lewis sa paghahari ng Kristiyanismo sa mga pagano at animist. Kahit tekstong Ingles ang nobela, hindi ko ito naihiwalay sa historikal na konteksto ng mga babaylan laban sa mga prayle noong mga unang yugto ng kolonisasyon ng Espanyol sa Pilipinas. At (5) ang nobela ni Lewis ay isang halimbawa na ang labis na pagpatronize sa bata sa kuwento ay hindi maganda. Marapat lamang na aktibo ang mga tauhan, inilalahok sa laban, tumutuklas ng hiwaga. Pero ibang usapin na kung ang apat na bata ay magiging mga reyna at hari ng isang banyagang lupalop.


* * *

Sa pahina ng pag-aalay ni C.S. Lewis sa aklat, ganito ang kaniyang isinulat:

“I wrote this story for you, but when I began it I had not realized that girls grow quicker than books. As a result you are already too old for fairy tales, and by the time it is printed and bound you will be older still. But some day you will old enough to start reading fairy tales again...”

May edad bang pinipili sa pagbabasa ng mga aklat pambata at sa mga fairy tales? Madalas ko ring itanong ito sa sarili. May mga matatanda o may edad na mambabasa na ikinahihiya ang pagbabasa ng mga akdang pambata. Kaya nga ang mga British edition ng Harry Potter ay mayroong pabalat na pambata at pangmatanda para hindi tuksuhin ang may-edad sa pagbabasa ng tektsong pambata. Sa karanasan ko sa pagbabasa ng akdang pambata, may naririnig akong pumupuna. “Bakit pang-elementary ang mga librong binabasa mo?” o “Sana, magbasa ka naman ng mga librong angkop sa iyong edad.” Ito marahil ang problema ng pagpapangalan at pagtatakda ng akmang edad ng mambabasa ngs mga aklat. Posible kayang basagin na ang konsepto ng panitikang pambata at panitikang pang-matanda? Masagwang pakinggan na ang aklat na ito ay para sa edad 3-5; para na ring sinabi na ang isang magasin ay angkop lamang sa edad 40-55 na babasa. O ang tulang ito ay para sa mga edad 60-75. Sasabihin, marahil, ng iba na dapat ito para sa regulasyon. Sige, tatanggapin ko. May mga babasahin naman na hindi pa akmang mabasa ng mga bata. Ngunit ang hindi ko matatanggap ay ang mga taong sineseryosong ang panitikang pambata ay para lamang sa mga bata. Kung susuriin naman, produkto ng matatanda ang maraming aklat pambata. Lahat ng tao’y dumaan sa pagkabata. Bakit mababa ang pagtingin sa may edad na tumatangkilik ng pambata? Isang anyo ba ang retardation ang pagbabasa ng matanda sa akdang pambata? Kung gayon ang magiging pananaw, may problema iyon sa pag-iisip.

“Darating ang panahon,” sabi ni Lewis, “magsisimula ka muling magbasa ng fairy tales.” Karamihan sa mga akdang pambata o fairy tales ay ipinagpapasalamat kong nabasa ko noong may edad na ako. Baka noong binasa ko iyon noong bata ako, ibang-iba ang aking kamalayan. Teksto ng mga kubling talinghaga at kahulugang sikolohikal ang mga akdang pambata. Hindi rin ito ligtas sa mga lantarang propaganda o proyektong ideolohikal ng isang kilusan. Halimbawa, ang mga ilustrasyon ng mga bruha sa fairy tales ay nakahulma sa mukha ng mga Hudyong babae, para isumpa ng kabataang Aleman ang mga Hudyo sa panahon ni Hitler. Ang lagi’t laging pananakot sa mga kuwento na iiwan sa gubat ang bata at ipapakain sa mga mababangis na hayop ay sumasalamin sa pangunahing takot at pangamba ng mga bata. Ang paggamit ng salamit sa mga fairy tales ay simbolo ng mortal na kasalanan—ang pagiging banidosa at mapaghangad sa yaman at posisyon sa lipunan. Ang tungkulin ng mga maliliit na tauhan (duwende, insekto, maliit na isda, o maliit na hayop) bilang bayani ay may subersibong layon ng taumbayan laban sa maykapangyarihan. Idagdag pa rito ang mga pribadong simbolo ng isang awtor sa loob ng tekstong pambata. Sa ganitong diskusyon, lumilitaw na may mga bahagi sa akdang pambata na hindi ganap na maiintindihan ng bata. Kaya marahil nagkakaedad (i.e., nagkakaroon ng malawak na karanasan at hinahasa ang aparato sa pagsusuri) ang tao para higit na maintidihan ng mga kubling kahulugan. At kung maisasagawa ito, dumarami ang antas ng kahulugan at dimensiyon ng kuwento ang isang tekstong pambata. May personal akong pamantayan na ang isang akdang pambata ay marapat na magkaroon ng iba’t ibang antas ng kahulugan. Hindi ako sang-ayon sa pananaw na simpleng teksto lamang ang pambata. Kapag nangyari kasi iyon, nagiging simplistiko ang pagtuturing at hinahamak ang anyo. Mataas ang respeto ko sa mga akdang pambata na batid kong pagtanda ng bumabasa ay masusumpungan at madudukalan ng mga bago at nakatagong kahulugan. At dahil dito, mapapasubalian tuloy ang makitid na pananaw na ang kuwentong pambata ay pambata lamang.

* * *
Nagkita kami kanina ni Dr. Pamela Constantino sa Fully-Booked sa Power Plant. Sabi niya, “Naaalala kita kapag nakikita ko ang mga libro ni Roald Dahl.”

Marahil, naalala niya ang pag-uusap namin ilang taon na ang nakaraan ukol sa mga paborito kong manunulat para sa bata.Gusto ko siyang ayaing magkape o mag-usap, para i-update siya sa mga bagong tuklas na manunulat at mga bagong manunulat na paborito.

Isa pa rin sa mga paborito ko si Roald Dahl.

* * *

Kasalukuyang binabasa: “The Scarecrow and His Servant” ni Philip Pullman.

6 Comments:

Blogger Noel Y. Bava said...

wow salamat sa nakatutuwa mong post sa blog ko. I also notice that you are into lit. I will drop by from time to time.

6:35 AM  
Anonymous Anonymous said...

napanood ko rin ang "blue moon". hindi ko na pinagtangkaang panoorin ang iba pang sine sa MMFF sa mga masasamang review na nabasa ko.

maganda nga ang kwento, at sumasang-ayon ako sa iyong isinulat--maganda siyang period film. ang isa pang problemang idadagdag ko ay ang hindi maayos na paglapat ng musika ng pelikula. para bagang ang bawat pasok ng eksena ay may isinisuksok na kanta na may kasamang gong pa ata. para kang nanood ng mano po ng limampung beses.

salamat sa iyong mga magagandang review!

7:12 AM  
Blogger nam said...

im a regular reader. wala ka po bang review ng terrorist hunter?

11:28 PM  
Blogger nasadulongdila said...

Hindi ko pinanuod ang "Terrorist Hunter" kaya hindi ko mabibigyan ng review. May pakiramdam akong masasayang ang pera at oras ko sa pelikula. Saka di ako komportable sa kanilang pamagat. Pero hindi ko pa rin masasabi hangga't di ko pa napapanuod. Balak mo ba itong panoorin? ;) Salamat, nam, sa pagbisita at pagbabasa.

5:37 AM  
Anonymous Allan and Jane said...

Ay nagbo-blog pala kayo, Mr. Evasco. Isa po kaming tagahanga/non-dangerous stalker at inubos namin ngayon ang lahat ng update ninyo. Congratulations sa iyong compre!

7:40 PM  
Blogger nasadulongdila said...

Masyado naman yatang pormal ang "Mr. Evasco"; tatay ko yata `yun.:) Salamat sa pagbisita at pagbabasa (kahit ng mga update ko na masyadong personal) sa blog na ito.

Salamat din sa entry mo tungkol sa mga Xmas DVDs ko. Marami pa raw lalabas na titles; kaso `yung iba ay pag-aari na ng ABS-CBN.

Siyangapala, kakaiba ang dula mo sa Virgin Labfest. Nakakatakot (akala ko sa akin itatapon ang martilyo ba iyon o lagari) na ginulo't kinulit ang isip ko. Kailangan ang ganyang klaseng mga dula sa ngayon.

8:00 PM  

Post a Comment

<< Home