Saturday, January 07, 2006

Itong Tinatawag na Buryong: Pang-uusig sa Sarili

Trabaho ang pakay ng pagkikita namin ni C kahapon. “Tagal na nating di nagkita,” bati niya. Oo nga, sa isip-isip ko’t para kaming nag-abroad ang isa sa amin. Mabuti na rin, maraming mapag-uusapan. Trabaho, idagdag pa ang dinner, saka kuwentuhan sa trabaho, pamilya, pagtuturo, pagsusulat, proyekto. Minsanan lang kaming magkita. Kaya kapag nagkasama, aasahan na namin ang mga pasalubong na kuwento—mga nabasa’t napanuod, mga napuntahan, mga balak, mga gagawin sa susunod na buwan. “Ano ang project mo ngayong taon?” una niyang banat sa akin. Sa totoo lang, iyon din naman ang dapat kong itatanong sa kaniya. Kinatatakutan ko ang tanong na ito. Taon-taon na lang kasi’y iyon ang aming mga sagot. Sulat. Aral. Check ng papel. Gagawa ng lesson plan. Update ng syllabus. Papasok sa trabaho. Turo. Publish. Sulat. Basa. Mabuti nga’t nawala ang mga responsibilidad sa pagtuturo dahil sa study leave. Kaso’y tali ako sa unibersidad nang apat na taon. Nakakasawa na ang paulit-ulit na proyekto sa bawat pagpasok ng taon; hindi naman sana kami pagtampuhan ng mga trabaho namin at iyon ang bumubuhay sa amin. Naikuwento ko ang nangyaring (diumanong) gapangan sa promotion. Napag-usapan namin na kasimbagal ng pagong ang pag-asenso sa pagtuturo. Nakakadismaya na. Kaya nga siya’y nag-aral kung paano magpatugtog ng instrumentong musikal. Samantalang ako, di man lang makalikha ng tunog sa mga kuwerdas ng gitara.

“Tatapusin ko lang pag-aaral ko,” sabi ko sa kaniya, “maghahanap ako ng ibang eskuwelahan.” Ang tinutukoy ko’y ibang mapag-aaralan, ibang guro, ibang sistema sa pagkatuto. Naidagdag kong gusto kong sumubok ng kakaiba—gustong kong mag-aral ng Film, o Anthropology, o History, o Library Science. O kahit vocational course man lang tulad ni S na natutong mag-Microsoft Office at Powerpoint, o gumawa ng leche flan at crema de fruta. Susog ng mga kaibiga’y mag-Anthro. “Para sa bawat field work mo, may maisusulat ka,” dagdag nila. Mukhang interesante at pag-iisipan ko iyon. Mukhang hindi na ako makakatakas sa pagsusulat.

“Tama iyan,” sabi niya sa tonong mapagkandili guidance counselor. At nalahok sa usapin ang kaiklian ng buhay at ang paulit-ulit na proyekto’t ambisyon sa bawat pasok ng mga taon. Ano kaya ang magandang plano? Lagi’y nakasalalay ang ganitong pagpapasiya sa pagtatapos ng mga nasimulan. Hindi naman maaaring pumasok sa ibang larangan at bibitawan ang mga nasa kalagitnaan (o malapit na sa karurukan). Tila nagtapon ka lamang ng inigib ng tubig, matapos maglakbay nang malayo-layo.

Gusto kong matutong magmaneho. Sabi ng ilang kaibigang may kotse, mas maigi namam daw ang mag-commute na lang. Magastos ang pagkakaroon ng auto. At ang lapit-lapit lang daw ng tinitirahan ko sa aking trabaho, bakit pa? Gusto kong mag-aral magluto. Kahit iba’t ibang luto ng mga de-lata para naman magkaroon ng variety ang palagiang microwave ng corned beef o paglalahok ng itlog sa tuna flakes. Humanap kaya ako ng bagong relihiyon, at baka sakaling magkaroon ng dabong direksiyon ang buhay ko? Balikan ko kaya ang mga dating libangang nailibing ng kasalukuyang trabaho? Gusto ko sanang maghardin, pero saan naman ako hahanap ng lupang matatamnan? Gusto kong magpalahi ng iba’t ibang hybrid ng gumamela, at ipangalan ang mga ito sa mga matatalik na kaibigan. Gusto kong matutunang magparami ng mga orchids. Gusto ko ring mag-alaga at magpalahi ng mga kalapati. Isang ambisyon ko itong hindi nagawa noong kabataan ko. Gusto kong pumunta sa Europa, pero matatagalan ang pag-iipon. Asya pa lang ang makakayanan ng aking ipon, at nahalina ako sa tampok ng Living Asia sa Yogyakarta. Gusto ko ring makita at makaakyat sa Borobodur. Kailangang maghanap ng raket. O maghanap ng malaki-laking grant. Pero bababalik na naman ako sa patibong ng pagsusulat at ng akademiya. Nakakasawa na ring mamalimos sa anyo ng research at creative work scholarship. Naalala ko ang nangyayari sa mga ka-batch ko sa high school—imbes na graduate studies ang kinuha, nursing ang pangalawang kurso. Ngayo’y magtatapos na sila. Nagbo-board exam at maninirahan at magpapamilya na sa ibang bansa. Dala ng pagkaburyong sa buhay, sinubukan ko ang online test sa immigration sa Canada at New Zealand. Hindi ako pumasa. Ang pinag-aralan at karanasan ko sa trabaho’y hindi sapat para tanggapin sa kanilang bansa. Sapat na lang sigurong turista ako’t hindi magiging bagong bayaning magdadala ng dolyar sa bansa. Gusto ko ng bagong passion, bagong ambisyon. Ang dati kong kaibigan ay umaakyat na ng mga bundok, nagba-badminton, nagsasagwan sa Manila Bay. Siguro’y mga bundok ang bumura sa aming pagkakaibigan. Nagkaiba na kami ng gusto kaya wala nang kaming rason para magkita pang muli at magkape hanggang madaling-araw. Si HG, nakipagbalikan na sa kaniyang masalimuot na unang pag-ibig. Nasa edad na siya ng pag-aasawa, kaya na-reduce na ang pagkakaibigan namin sa texting. Kahit papaano, masaya ako para sa kaniya. Nakamit niya ang gusto niya. Pag-iisang-dibdib na lang ang kulang.

Binabansot ako ng ginagawa ko.

Mag-aral kaya ako ng bagong wika? Espanyol ang pinupuntirya ko sa Instituto Cervantes. Ayokong mag-aaral ng wikang kakaiba ng alpabeto. Tinatamad ako sa pagmememorya. Si A, nag-aaral ng Pranses at pupunta na ng Georgetown U para sa kaniyang masters. Hanggang paglalagalag na lang ba ako sa internet para mangarap ng ibang unibersidad? Aalamin ko muna kung gusto kong ipagpatuloy ang aking nasimulan hanggang kamatayan. Mahirap ang mangako at mamanata sa sarili nang hanggang kamatayan. Trenta na ako sa darating na Marso. Hindi pa naman huli ang lahat. Sinabi ko noon sa sarili, hindi ako magkakaroon ng complex sa pagtuntong ng edad na ito. Hindi naman ito eded medya ng aking buhay. May panahon pa. Pero hanggang Abril na lang ako magdedesisyon—kung lilihis ba ako, o bibitaw, o magpapatuloy. Wala namang masasayang. Lahat naman ng nagawa ko’y dagdag sa danas. Dadalhin ko iyon hanggang hukay.

Matapos ng mahaba-habang hunatahan, bumalik kami ni C sa aming iskedyul. Pansin ko ang bago niyang planner at journal—may mga talaan, may mga listahan ng meeting, may mga bagay na dapat lagyan ng tsek. Diyos ko, kaya nga ba’t ayoko nang makakita ng mga planner na iyan dahil binibilanggo nito, imbes na planuhin, ang buhay ng may buhay. Mabuti na lang, walang nagregalo sa akin ng planner. Ituturing ko iyong insulto. “Kita kayo next Friday,” sabi niya. “Mabilis na dinner lang, tapos work na tayo. Dapat nabasa na natin ang mga essay at na-workshop para maibigay na sa mga contributors.”

“Sige,” sabi ko, at nahimasmasan sa panahong walang ginagawa. Magtrabaho na, sigaw sa akin ng konsensiya. Kaya namang makahabol sa deadline. Kahit nga nakapikit. Sana lang, maganda ang aking babasahin. Kundi, iitsa ko ang mga papel sa bangin. Pero simula na naman ng siklo sa pagsasakatuparan ng mga proyekto sa sarili.

Tatapusin ko lang ang dapat tapusin. Hindi na ako makapaghintay sa buwan ng Abril.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

sir eugene! matagal-tagal na rin po akong hindi nakapag-internet. marami na akong hindi nabasa sa entries niyo.
marami rin po akong nais subukin at pasukin. yun nga lang, walang pagkakataon at kung may makita man ako, naduduwag naman. natatakot sunggaban dahil hindi tiyak ang kalalabasan. kaya ang resulta, pili lamang ang nagagawa ko. sana, makawala na ako sa pagkakapiit sa kaba at takot. sana, magkaroon na ako ng tama at sapat na lakas ng loob.
nagiging paborito ko na po ang iyong mga personal essay. bukod sa iyong mga kuwentong pambata. idol ko po talaga kayo.

1:13 PM  
Anonymous Anonymous said...

sir eugene? tanong ko lang po:
educ major po kayo?sa college of education, UP D?
-educ student,blogger

9:51 AM  

Post a Comment

<< Home