Wednesday, January 11, 2006

Mga Selyo at Libro


"I dream that my face appears on a postage stamp." --John Cheever

Taliwas kay Cheever, hindi ako nangangarap na nalagay sa mga selyo. Wala pa yatang Filipinong manunulat--isasasama ba ang mga bayaning-manunulat na sina Rizal, Bonifacio, at Plaridel?--ang natatampok sa mga ito. Isa na ring nanganganib na praktika ang paggamit nito sa panahon ng cellphone, e-mail, at ng instant messaging. Bibihira na rin ang pangongolekta ng mga pirasong ito, na itinuturing kong isang likhang-sining. Inis na inis ako kapag nakatatanggap ng mga sulat na gumagamit ng metered machine. Pakiwari ko'y kinulang sa creativity ang taong iyon, o baka nagmamadali lang talaga sa paghulog ng sulat. Laging payo ko sa mga kaibigang sumusulat nang tradisyonal sa akin: gumamit ng stamp. "Bakit?" Nagtataka nilang tanong. Mas lalong nakakainis kapag nakatatanggap ako ng kahon ng padala, na punumpuno ng selyo, at minamarkahan ng pentel pen at ginuguhitan ng bolpen ng kartero. Pakiwari ko'y vandalism iyon ng mga painting. Marahil, takot sila na gamitin ulit ang mga piraso ng papel sa susunod na sulatan. Sana tinatakan na lang.

Libangan ko noong bata ako ang pangongolekta ng mga ito. Hindi ko nalilimutang isulat sa mga slumbook--Hobby: Philately. "Ano `yun?" Pagtataka lagi ng mga kaklase. Natatawa na lang ako sa sariling pretensiyon dahil ang "philately" ay hindi lang pangangalap ng selyo kundi sistematikong pag-aaral ng mga ito. Ang akin noo'y isang libangang-bata lamang. May mga taong naging uso ito sa aking mga kababata sa aming kalye. Paramihan kami sa koleksiyon at nagyayabangan sa mga naiibang selyo mula sa ibang bansa. Inggit ako sa kababata ko na may mga stamps mula sa Russia. Inggit ako sa kaklase ko na may mga stamps ng mga tauhan ng Disney. Mayroon din naman akong kakaibang selyo mula sa Belgium kaso ninakaw sa akin ng aking pinsan.

Sa una'y hindi pa ako marunong kunin ang nakadikit na selyo sa sobre. Nagtatangka akong pilasin ang pagkakadikit hanggang sa maging kasingnipis ng tissue paper ang selyo. Nanghihinayang ako kapag napupunit ang selyo sa aking mga pagtatangka. Mabuti na lang, natutunan ko ring gumamit ng tubig para mawala sa pagkakadikit ang mga selyo. Para akong naglalaba noon. Puno ang batya namin ng mga piraso ng makukulay na papel. Pagkaraan ng kusang pagkakahiwalay ng selyo sa sobre, patutuyuin ko ito sa latag ng manila paper. Pagkaraan, iiipit ko sa makapal na libro para maging unat na unat ang mga selyo na bumaluktot dahil sa tubig. Ingat na ingat akong hindi mapunit ang mga butil-butil na papel sa gilid. Sa ganitong libangan: bawal ang punit na selyo. Hindi ito karapat-dapat mailagay sa stamp album. nauso rin noon sa amin ang trading ng mga stamps. Nagkataong ang dami kong People Power at Ninoy Aquino stamps, kaso'y ayaw ito ng mga kababata ko dahil mayroon din sila nito. Nagpapahingi rin ako sa aking ina ng mga selyo sa kaniyang kaopisina. Halos linggo-linggo, nagkakaroon ako ng mga 50 bagong selyo mula sa iba't ibang bansa. Kapag dumarating ang mga sulat ng kamag-anak, hindi ako interesado sa nilalaman kundi sa selyo. Noon ko napansin na politikal ang selyo mula sa Libya (doon nagtatrabaho ang pinsan ng aking nanay bilang nars). Itinampok nila ang karahasan ng Estados Unidos sa pagbobomba't pagpapasabog ng kanilang bansa. Ipinakita sa mga selyo ang mga sugatang bata na isang guho. Gustong-gusto ko iyon, kaso'y ayaw ng aking mga kaibigan dahil sa mga larawan ng sugatan at mga patay na Libyan. Napansin ko ring boring ang mga stamps mula sa Saudi at Hong Kong--iisa ang disenyo at nag-iiba lang ng kulay. Pinakagusto ko sa aking koleksiyon ang first day cover ng 1986 Haley's Comet, ang ebolusyon ng bandilang Pilipino, ang mga selyo na trianggulo ang hugis. Naaalala ko rin ang mga selyo ng mga prutas mula sa Malaysia, ang mga sayaw sa Thailand, at ang mga iba't ibang bersiyon ng Olympics sa ibang bansa.

May anim akong stamp album. Pero marami pa akong selyong hindi mailagay sa album, kaya inilagay ko na lang ang mga iyon sa mga sobre. Inayos ko batay sa mga bansang pinagmulan. Mga selyo ang bumuhay sa akin sa mga patay na araw ng bakasyon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit napalapit ang interes ko sa social studies. Nakilala ko ang mga kultura sa daigdig sa pamamagitan ng mga imahen sa piraso ng papel. Kaso'y ipinagbawal sa akin ng aking magulang ang pagkahumaling dito. Sabi ng aking tatay, "papel lang, pinag-aaksayahan mo ng pera." May mga bagay raw na mas kapaki-pakinabang. Hindi na nila ako nabibigyan ng mga pasalubong na selyo mula sa opisina. Binawasan din ang aking baon dahil natuklasan nilang bumibili ako ng mga itinitindang selyo (mga first day covers, mga selyo hindi pa nagagamit, mga nakapaketeng selyo ng ibang bansa). Natigil na rin ang aking pakikipagsulatan sa mga penpal mula sa ibang bansa.

Sa ngayon, itinatago ko pa rin ang mga selyong karapat-dapat kong kolektahin. Hindi ko lang alam kung kailan manunumbalik ang pinaslang kong libanagn. Minsan, nang magawi sa Central Post Office, sa Lawton, Manila, namakyaw ako ng mga gustong selyo. Natuklasan kong may Philatelic Division pala doon. Hindi na ako mapipigil ng magulang ko sa aking libangan. May trabaho na ako, sariling pera, at hindi na hihingi sa kanila ng baon para lamang sa mga piraso ng papel. Pero pagkaraan ng maraming taong pagkakatigil sa pangongolekta, nakaramdam akong iba na ang sigasig ko sa mga selyo. Hindi na tulad ng dati ang pagkakasabik. Nakalulungkot. Hindi ko alam kung paano ibabalik ang dating pagkarahuyo. Bibihira na rin ang sumusulat sa akin. Di hamak daw na mas mainam ang e-mail. May cellphone naman para bumati sa mga kaarawan. Kawawa rin naman ang mga bata sa panahon ngayon at naipagkait sa kanila ang ganitong libangan. Nakakahanga rin ang ibang bansa na patuloy na ginagandahan ang disenyo ng kanilang mga selyo. Imahe ng kultura ang itinatampok ng mga piraso ng mga papel na ito. Hindi ako sigurado, pero may pakiramdam akong hindi pa umaangat ang kalidad ng mga disenyo nito sa bansa. Kung mayroon mang magaganda, limited edition ito o napakyaw na ng mga collectors. Ang dami-dami namang mahuhusay na artists at illustrator sa bansa. Sana kunin silang bagong taga-disenyo ng mga selyo. Puwede rin namang itampok ang mga tourists spot sa bansa. O ang mga klasikong sining-biswal at mga sining na katutubo.

O puwede rin ang ginawa ng US Postal Service. Nagulat ako nang masaliksik ko ito sa Google. May selyo na mula sa ilan sa mga paborito kong librong pambata--"Charlotte's Web" ni E.B. White, "Where the Wild Things Are" ni Maurice Sendak, at ang "Frederick" ni Lio Lionni. Sana, mangyari din ito balang-araw sa bansa. Pero mukhang matatagalan pa iyon. Kailangan pang mag-ukit ng mga aklat pambata sa kamalayan ng mga batang mambabasa. Kailangan pang gawing kultura sa mga bata ang pagbabasa ng aklat. Kailangan pang makalikha ng iconic na tauhan mula sa literaturang pambata. Kung maisasakatuparan iyon, sana mailahok ang isa sa mga tauhan ng aking aklat pambata.

Sana makarating sa akin kahit alinman sa mga selyo nina Wilbur. Kahit lahat na. Maghahanap muna ako ng mga penpal.

7 Comments:

Blogger ulanmaya said...

nakalimutan kong aakyat pala yung postage rate!

nawala siguro interes mo sa philately kasi tuman... i mean... nakita mo na yung mundo in more ways than just through stamps. hehe. i mean, books bring you the world just the same! :-D ok bye.

12:08 PM  
Anonymous Anonymous said...

you want the whole mint set? give me your address. ;)

12:04 AM  
Anonymous Anonymous said...

katulad mo, nakahiligan din ng aking ina ang pangangalap at pangongolekta ng mga selyo. naaalala ko pa noon, namangha ako ng minsan ay may mabuksan akong isang album na puno ng mga makukulay at iba't-ibang disenyo ng selyo. bata pa ako noon at hindi ko pa alam na philately pala ang tawag sa kinahihiligan ng aking ina. ngunit katulad mo rin, hindi na niya ito naipagpapatuloy. kaunti na nga lang din ang natatanggap na mga sulat ngayon sa bahay. pero, mabuti na lang at nabanggit mo na may philatelic division pala sa post office ng manila. minsan, dadaan ako doon...

12:01 PM  
Blogger ulanmaya said...

you guys, my colleague dropped my cell phone dito sa office, the LCD is out. i can receive calls, but i'm not sure about texts. i won't be able to read them. i'll try to get it replaced as soon as i can, possibly by midday tomorrow (wednesday). please keep me posted - right now it's just email and YM. sorry. ...

6:25 AM  
Anonymous Paul said...

Kasali din ang nakakabulol na si Fox in Socks!

Actually sa mga ibang Philpost central post offices at piling branch post offices, may philatelic division din. May panahon kasi noon na bulto-bulto kaming bumili ng selyo kaya nakapipili ako ng magandang design.

I once collected stamps too.

4:41 PM  
Blogger Rey said...

I guess in some extent it pays to collect stamps especially if they're in a special series in a certain year or period. Here in singapore they have a philatelic museum where many collectible and really expensive (and old) stamps are housed to be viewed. you can even go there and sell your collections or even let it be appraised for value. :)

Nice blog.

4:22 PM  
Blogger Bryan Anthony the First said...

I love Charlotte's Web too.

Stamps...i have a sizeable collection back home...somewhere dusty and dark.

I wont mind giving it away.

7:21 PM  

Post a Comment

<< Home